Electra POV
Pagod na napabuntong hininga ako. Katatapos ko lang linisin ang mga gamit dito sa kwarto namin. Pagod at hindi ko alam kung paano aayusin ang mga natatanggap kong regalo mula sa mga costumer ko.
Tumingin ako sa estante ng mga gamit ni Marga. Pinagawan niya ito ng mga lalagyan. Mga sapatos sa ibaba, mga bag naman sa susunod na hilera bago ang mga kung ano-anong gamit. May ilan din sa akin dito, nakikilagay lang sa kanya.
Sa isang storage box ko nilagay ang mga naka-paper bag na gamit. Apat na nga ito at sakop na ang ilalim ng higaan ko. Sa isang shoe rack naman, nakahilera ang mga ginagamit kong sapatos. Ang iba dito, bago pa at may tagged.
Mas lalo ako napapagod sa nakikitang kasikipan ng kwarto namin. Dalawang double deck na may mga gamit na sa itaas. Karamihan doon mga damit rin at ilang personalized props. Sa gilid ang banyo na sapat lang sa isang tao. Sa paanan ng kama ko nakalagay ang shoes rack katabi ng double sitter na upuan. Sa paanan naman ni Marga ang malaking cabinet na share kami at sa tabi nito ang estante ng mga bags and shoes na collection niya.
“Tara na! Gutom na gutom na ako. Mamaya ko na pick-up-in mga pina-laundry na ‘tin sa labas.”
Inilapag niya ang box ng pizza at dalawang large milktea. Agad ko kinuha ang order kong cream cheese oreo. Hindi ko alam ang sa kanya, kulay green ito. Ibinaba ko ang basahang hawak sa ilalim ng lamesa’t nagpagpag ng kamay.
“Para kang gusgusin d’yan. Hindi halatang kumikita ka ng 4 digit a night.” Binuksan niya ang box. Napuno ng amoy na ‘yon ang maliit naming kwarto.
“O.A ka.” Anas ko. Tinignan ang suot kong maluwag na t-shirt. Hindi ko alam kung kanino ito. Nakita ko na lang sa mga gamit namin at sinuot ko. May marka itong niyog sa gitna. Kupas na ang kulay puting tela at mukha nang gamit na gamit.
Baka— isa sa mga pinahiram sa ‘min noong bago pa lang kami dito at wala pa ni-isang gamit.
“Uy, anong gagawin na ‘tin sa mga gamit?” inginuso ko ang mga ito. Meron pang mga nakalagay sa kama namin na hindi ko na alam kung saan isisiksik.
“Gamit?” Kumagat siya sa pepperoni niya. Dalawang klase ang order niya, pepperoni na gustong-gusto niya, ako naman overload. Kumuha ako ng sa akin. Natakam sa ayaw maghiwalay na cheese.
“Sa dami, wala na tayo space dito. Pamigay na lang kaya na ‘tin?”
“Duh? Mga branded ‘yan, girl! Ano ka meyamen? Papamigay mo si Coco Chanel at si mareng Hermes— girl, baka kahit isang taon tayo magpaka ano sa mga lalaking iyon hindi na ‘tin mabibili ‘yan!”
“Eh, ano? Matatabunan na tayo dito?”
Ngayon ako nakaramdam ng gutom. Ang bilis kong kainin ang isang slice. Ito na ang umagahan at tanghalian namin. Pagganitong day-off, lagi lang kami naglalagi sa kwarto at pinipili na lang matulog maghapon at sa gabi naman, nagpupunta kami sa isang night market, kumakain doon, naglilibot, namamasyal hanggang sa mag-umaga.
“Gusto mo lumipat ng bahay? Sa mas malaki? Kaya naman na na ’tin umupa na. May ipon na tayo.”
“Bigay ko na lang kaya kay Cindy at Nat ‘tong black. Ito kay Polaris. Ito! Bagay na bagay kay Natasya, nag-aaral siya, maganda pang-porma.” Itinaas ko ito at inikot-ikot.
“Hoy!”
Kinuha niya sa akin ang Chanel Coco Cocoon Quilted bagpack. Napataas ang tingin ko sa kanya sa gulat. Kagat niyang nakabitin ang pizza sa bibig. Nahulog pa sa akin ang pabilog na pepperoni.
“Nagbigay ka na nga sa kanila noong nakaraan. Sayang, ses! Hindi mo ba alam mga presyo nito?” nanghihinayang niyang niyakap ang bag. Kinuha niya sa kandungan ko ang paperbag na pinaglagyan nito.
“Akin na lang kung ayaw mo. Kainis ka nga! Binigay mo perfume kay Cindy noong nakaraan, mamahalin ‘yon! Alam mo ba class A pa lang nasa apat na libo na. Imitation pa iyon, ah. Ano pa kaya original price.”
“Marga, hindi na ‘tin ‘to madadala kung aalis na tayo dito. Ni hindi na ‘tin sila pwede bitbitin lahat. Mahahalata lang tayo.”
Napahinto siya sa pagnguya. Napagtanto ang sinabi ko. Hindi ko man alam ang mga ganitong klaseng bagay o kahit ang pangalan nila hindi ko alam. Lalo na sa mga presyo pa kaya.
Umupo siyang muli, ibinalik sa box ang kinakain. Nawalan ng ganang tinitigan ang mga gamit sa kabuuang kwarto.
“What if, maglipat bahay na lang tayo. . . then, pagtakas na ‘tin hindi na nila malalaman. Sayang din kasi. You know . . . lahat ng babae, mapapasana all dito. Nakuha na ‘tin ng walang kahirap-hirap. Hindi sa mga bulsa na ‘tin nanggaling kung hindi niregalo. ”
Huminga ako ng malalim. Tama naman siya sa parteng ‘yon. Kinaiinggitan kami sa mga natatanggap namin kaya sinusubukan nilang agawin ang mga nagiging costumer namin. Pero— hindi naman kasi ‘to permanente.
“Marga, alam nila ‘yon. At isa pa, ni wala pa sa kalahati ang nababayad na ‘tin sa kanila. Kahit ibayad na ‘tin mga ipon na ‘tin sa kanila, kulang pa rin. Sa interest pa lang, ang laki na. Ewan ko ba bakit ganoon kalaki ang halaga ko.”
Naiinis na saad ko. Sumandal. Sumipsip sa kaninang masarap na inumin na ngayon ay parang ang pakla na nito sa akin.
Sandaling katahimikan ang namayani sa amin. Tahimik akong kumain. Ganoon din siya. Nakatingin sa estante niya. Hindi na kami nagpalipat pa ng kwarto kahit na gusto kaming bigyan ni Boss Z ng tag-isang kwarto. Dapat daw sa mga gaya namin malalaki ang kita, may sariling kwarto sa taas. A very special treatment ganoon.
“Ibenta kaya na ‘tin?” suhesyon ko.
“Tama! Kahit half price lang ng mga original price nila. Pwede na ‘tin ipang bayad iyon, or— magagamit na ‘tin sa pagtakas na ‘tin.”
“May alam ka?”
“Try na ‘tin sa mall. Sa mga bumibili ng mga ganitong klase. Pwede sana doon sa pinagbibilhan ng bruhang Tricia sa online kaso, alam mo na.”
Wala kaming cellphone ni Marga. Ginusto namin iyon. Walang sakit ng ulo. Walang dagdag alalahanin. Isa pa, sabi niya gusto niya maging low-key. Alam niyang hinahanap s’ya ng ibang mga kamaganak niya. Na ayaw niya nang bumalik para hindi sagabal sa pina-plano naming pagtakas. Alam namin na madadamay sila. Idadamay nila sila.
Nang hapon na iyon. Nagtugo kami sa mall. Naghanap ng pwedeng pagbentahan at nagtanong-tanong na rin ng mga presyo ng mga ito sa market.
Ilang store ang nadaanan namin bago nagpasyang kumain sa isang fast food sa loob ng mall. Um-order si Marga ng isang Korean rice mix na ang cute ng tawag, Bibimbap.
Bumili ako sa lutong kusina, dalawang ulam para sa isang kanin. Combo ang nakalagay sa menu nila. Isang breaded pork chop, kare-kare at nagdagdag pa ako ng Calamares na masarap daw sabi ni Marga.
“Dapat talaga namamasyal din tayo sa ganitong klaseng lugar para hindi lang puro kanto.” Sinawsaw niya sa suka ang Calamares.
“Ang sarap nga nito. Mas fresh nga lang luto sa probinsya namin ng ganito. Sa hasyenda kasi, mga fresh ang mga ingredients. Hindi like dito.”
“Sana makapunta ako sa province niyo. Never pa ko lumabas ng Manila mula bata ako. Wala naman ako pupuntahan kasi.”
“Masaya din kahit papaano naging buhay ko sa hasyenda. Kahit na mahirap at nakakapagod. Mas pipiliin ko pa rin magtrabaho as katulong kay sa— pagiging Magda.” Pinahina ko ang huling salita at pa-simpleng nilingon ang mga kabataan na masayang kumakain sa kabilang table.
“Pero, may babalikan ka pa ba doon?” Hinalo niya ang pagkain sa pabilog na hotpot. Piniga ang kulay pulang nakalagay sa isang maliit na tube. “You know, doon ka kinuha. Hindi ka pwede magtago doon kung tatakas ka. Mahuhuli ka doon, unless, fully-paid ka sa utang mo.”
“W-wala na siguro. Wala naman akong pamilyang naiwan d’on. Baka—magtago na lang ako sa malayo, magsama na lang tayo.”
“Tsk! Hindi pwede. Kahit gusto kita makasama, we can’t. Malalagay tayo pareho sa tahimik na lugar. Sa totoong tahimik na lugar sa ilalim ng lupa. Mas okay na may isa man sa atin makalaya.”
“Marga. . .”
“Let’s face the it, D. . . pwede tayo mamatay— pwede tayo makatakas, but how long?”
Pinagmasdan ko siya. Suminghot siya ng hangin gamit ang ilong.
“Itutuloy pa rin ba na ‘tin? Kahit na delikado at wala naman kasiguraduhan,” napatitig ako sa kinakain. May parte sa akin na— gusto ko na umalis pero ano ako pagkatapos n’on?
Tulisan, nagtatago kahit wala naman kasalanan. Magiging masaya ba ako? Hindi naman kalayaan matatawag ko d’on.
“W-wala na ako babalikan. . .” bulong ko sa pagkain.
“Hmm. . . ayaw ko man sabihin ‘to pero. . . wala din naman tayo kinabukasan sa ganitong klaseng trabaho. Hindi ito libro, hindi tayo writer para isulat kung ano ang kakahinatnatan na ‘tin para bukas at mas lalong, hindi totoong makakahanap tayo ng magmamahal sa ‘tin na handang kalimutan ang maduming tinahak na ‘tin. Mas lalo na kung madami nang lalaki ang dumaan sa atin para ikama tayo. Hindi pa kasama d’yan ang pangra-rape sa atin, D.” Napatitig ako sa kamao niyang nasa ibabaw ng lamesa. Nakakuyom iyon. Umiwas ako ng tingin.
Tumikhim ako para mawala ang sakit na bumara sa lalamunan ko. “Gu-gusto kong umalis dito pa-para mapanagot silang lahat. Pagbabayarin ko sila. Hindi ito ang pinangarap kong buhay. Pilit kong tinataguyod ang buhay ko para makaalis sa lugar na meron ako pero— ito, mas dumidiin pa sa hirap. At ayaw ko nang balikan pa ‘yon, D.”
“T-takas tayo.” Pinatatag ko ang boses ko kahit ang loob ko labis na natatakot. Ang Marga-ng kakilala ko, matapang, walang uurungan. Kitang-kita ko sa mga mata niyang gustong-gustong gawin iyon.
At alam kong, sa amin dalawa— mas may malinaw siyang plano.
Tumango ako, hinawakan ang kamao niyang unti-unting lumalambot gaya ng pagsilaw ng ngiti niya.
Gabi na nang magpasya kaming bumalik na. May mga dala kaming bag ng grocery. Kaunti lang ito at karamihan mga gamit sa katawan. Naglalakad kami sa gilid ng mall papunta sa sakayan ng jeep nang may humintong magarang sasakyan sa harap namin. Bumusina ito ng isang beses.
“s**t!” napalingon ako kay Marga nang mahina itong magmura. Umarte siya na parang hindi nakita ang sasakyan. Naramdaman ko ang kamay niya sa siko ko, pinagmamadali ako ng lakad.
Nagtataka akong lumingon sa sasakyan, bumukas ang pinto nito sa passenger seat at lumabas ang isang lalaking naka-suot ng formal attire.
“Ohh. . .” tumaas ang mga kilay ko.
“Lyrae,” tawag sa kanya ng isang baritonong boses. Tumayo siya doon at naghihintay na pansinin ni Marga. Siniko ko siyang bumubulong-bulong bago napapikit at inihanda ang ngiti. Humarap siya sa lalaking nakatitig sa kanya, lalo na sa legs niya.
“Mr. Ramirez. . .”
Lumapit ang lalaki sa amin. Pinaglipat ang tingin sa amin bago sa mga dala naming blue eco bag. Ang sunod na nangyari, nakasakay na kami sa loob ng kanyang sasakyan at bumibiyahe patungo sa bahay niya. Nasa harap ako katabi ng driver, nakikinig sa mga bulungan nilang usapin sa backseat.