?Chapter 3?
Isa pa uling malalim na pagbuga ng hangin ang pinakawalan ni Dimitri bago tuluyang bumangon sa pagkakahiga.
Naupo na lamang siya sa mahabang upuan na yari sa kawayan.
Sinulyapan niya ang nakapinid na pinto.
Tahimik na sa kanyang silid patunay na maaaring mahimbing nang natutulog ang kanyang hindi inaasahang panauhin.
Naisapo niya ang dalawang palad sa mukha, inihilamos, pagkuway tumayo at nagpabalik-balik ng lakad sa may katamtaman
niyang sala.
Andun iyong pinagkikiskis ang dalawang palad at muling mapapasulyap sa kanyang kuwarto.
Ang kaalamang may ibang tao sa loob ng pamamahay niya ay nagdadala ng labis na alalahanin sa kanyang pandama.
Nadagdag pa tuloy sa kanyang isipin ang estrangherang babae.
Hirap siyang dalawin ng antok dahil sa mga pangyayari.
Maliban sa pinagkasya niya lamang ang sarili sa mahabang upuan na yari sa yantok.
Nakabaluktot na siya at ni hindi magkasya. Kaya't hindi rin sya komportable sa kinahihigaan.
Nang dahil sa kagustuhan niyang mailigtas ang dayo ay Ilan sa kanyang mga kasamahan ang kinitlan
niya ng buhay at maaring kasama na si Baltik.
Ngunit hindi niya pinagsisisihan ang ginawang karahasan sa lalaki.
Nararapat lamang iyon rito.
Sa tuwing pumapasok sa kanyang balintataw ang ginawa nitong kalupitan sa estranghera ay nag-iinit ang dugo niya sa galit.
Para sa kanya hindi makatarungang pagmalupitan ang isang mahinang nilalang, katulad ng babae o ninupaman.
Tinungo ni Dimitri ang kusinang kanugnog ng sala.
Nagtimpla ng kape sa pangalawang pagkakataon at lumabas ng bahay, naupo sa bangkitong naroon.
Tumingala sa langit.
Tuluyan na siyang pinagkaitan ng antok.
Sumisilip na ang munting liwanag, menos kinse para mag ika-apat na ng umaga sa kanyang pambisig na orasan.
Tumitilaok na rin ang tandang ni Ka Ambo na may ilang kilometro rin ang layo mula sa kanyang barung-barong.
Tuluyang inukopa ng luka-lokang babae ang isipan niya.
Para itong mangangaso na naligaw sa pusod ng kagubatan at ni walang kaide-ideya na balwarte ng mga buwitre ang
naghihintay dito roon.
Nang maipag-bigay alam ni Ka Goring ang nangyaring pananambang ng grupo ni Baltik sa bus na nasakyan nito ay naalarma siya.
Madalas na gawain iyon ng grupo nito.
Ginagawang katuwaan ang panghaharang ng mga sasakyan, pribado
man o pampasahero.
Mang-uumit ng mga puwedeng pakinabangan katulad ng pera, alahas at pagkain mula sa mga inosenteng sibilyan.
Mamalas-malasin pag mayroong matipuhan ang mga ito, katulad na nga sa nangyari sa babae.
Sa bayan ng San Fabian ay walang maglakas-loob na magreklamo o kalabanin ang kanilang grupo.
Maging lokal na pamahalaan at kapulisan ay balot ng takot at sunud-sunuran sa kanilang pangkat.
Taong-labas sila kung ituring ng karamihan subalit higit pa sila roon.
Mararahas at mapang-abuso kapara ay mga berdugong walang awa kung pumatay.
Malakas ang kapit nila sa taas, hawak at pinamumunuan sila ng isang mataas na opisyal ng gobyerno at nagsisilbi
silang private army nito.
Noong una ay hindi niya masikmura ang gawain ng pangkat.
Taliwas ito sa prinsipyong pinaniniwalaan, subalit napatunayan niyanng walang silbi ang maging tuwid sa tungkulin
kung ang umiiral na batas ay hindi makatarungan.
Naging piping saksi siya sa mga kalupitan ni Horan.
Tuluyan niyang pinatay ang natitirang dignidad at umanib sa hindi makataong pananaw ng kasapiang ngayo'y kanyang
kinabibilangan.
Nabahala si Ka Goring para sa estrangherang nakasabay nito sa bus.
Mabilis na ipinaalam nito sa kanya ang pangyayari at pinakiusapan siyang tulungan ang naturang dayo.
Natawagan agad siya ng matanda at sakto namang pabalik na siya ng bundok.
Hindi naging mahirap para sa kanya na hulaan na ang babae ang tinutukoy ng matanda, na ayon rito ay mukhang taga
Maynila ang dayo.
Maliban sa ito lang naman ang babaing bitbit nila Baltik.
Noong una ay bantulot siyang pagbigyan si Ka Goring.
Mahirap kalaban ang pangkat at malaking kaabalahan pa ito sa kanya.
Subalit nang makita niya ang kaawa-awang disposisyon ng babae ay nakaramdam siya ng habag na nagpabago ng kanyang isip.
Maliban sa pinahanga siya nito sa taglay nitong katapangan.
Sadyang ito lamang ang kauna-unahang babaing pumalag sa kabila ng takot na nabanaag niya sa mga
mata nito.
Malakas at matibay ang loob, kung hindi ba naman ay nagawa nitong lumaban kay Baltik.
Matalino ang babae, marunong makipaglaro.
Mabilis umandar ang utak.
Nakita niya iyon sa engkuwentro sa pagitan nito at ng dating kasamahan.
Mukhang mayaman ang babae dahil mamahalin ang mga gamit.
Ngunit may konting kayabangan.
Walang ibang bukambibig kundi ang salitang magbabayad daw siya.
Samantalang wala naman ni isang kusing sa bulsa.
Isang daang porsyento kung may hawak man itong pera ay napasa-kamay na iyon nila Baltik.
Wala ring kaawat-awat sa kasasalita ng Ingles, akala mo naman ay amerikano lagi ang kaharap.
Kulang ang salitang maganda kung ilalarawan niya ang estranghera.
Hindi niya masisisi si Baltik kung hindi ito nakapagpigil sa babae.
Tunay na kaakit-akit ang dayo, bagama't may kaliitan at kanipisan ang katawan ay kapansin-pansin ang napakakinis nitong balat.
Maganda ang mahaba at aalun-alon nitong buhok na pansin niya ay natural ang
pagka-brown at hindi pina-dye sa kung saan parlor.
Maganda at maamo ang mukha kabaliktaran sa karakter nitong mala-tigre sa bangis.
Kanina ay pinag-init nito ang kanyang pakiramdam nang mahantad sa kanyang paningin ang katamtaman at bilugan nitong dibdib.
Animo nagmamayabang at pakiwari niya ay kay sarap noon damhin at ikulong sa kanyang mga palad.
Kanina habang suot nito ang kanyang kamiseta ay nasilayan ng kanyang mga mata ang malasutla at makinis nitong mga binti.
Alam niyang sa ilalim noon ay walang anupamang saplot ang babae.
Nakakatuksong i-angat ang suot nito upang mamalas
pa ang kung anong nakatago sa ilalim noon.
Ginitwan siya ng pawis sa noo. Kinailangan niya pang muling magbabad sa malamig na tubig para lamang mahimasmasan
at mapatay ang init na binuhay ng dayo.
Kung parating ganoon ang magiging pagtanggap na reaksiyon ng kanyang katawan ay magkakaroon siya ng malaking problema.
Kung nabababatid lamang ng babae ang mga bagay na naglalaro sa kanyang isipan malamang ay magta-takbo ito sa takot palayo.
Katulad ng nakita niyang sindak sa mga mata nito gawa ng kalapastanganan ni Baltik.
Ngunit payapa nang natutulog sa kanyang silid ang dayo.
Nagawa na rin nitong makipag-usap ng kaswal na para bang matagal na silang magkakilala .
Hindi ba at indikasyon iyon na unti-unti ay napapalagay ang loob ng dalaga?
Dalaga? Dalaga pa nga kaya ito? Isang malalim na paghinga ang ginawa niya.
Hindi siya sanay na nag-uukol ng panahon para lang isipin ang isang tulad nito.
Para sa kanya ang babae ay puwede lang makasama isang gabi sa ibabaw ng kama niya para pumuno sa pangangailangan niyang sekswal.
Kaiba sa dayo ay magda-dalawang araw na silang magkasama sa kakatwang sitwasyon.
Hinayaan niya pa itong manatili sa kanyang tahanan.
Kung tutuusin ay maaaari niya itong ihatid sa terminal sa bayan.
Ngunit alam niyang napaka-delikado ng kanyang gagawin na maaaring ikapahamak nilang pareho.
Ahhh...kailangan niyang makagawa ng paraan sa madaling panahon.
Isang banta ang babae sa kanya bilang lalaki.
Higit sa lahat patuloy na manganganib ang buhay nito kung magtatagal pa sa kanilang bayan.
Hindi titigil si Horan na hindi ito muling matagpuan, maituturing na banta ang babae sa samahan at wala siyang balak na maging tagapagtanggol nito sa mahabang panahon.
Napukaw ang pansin ni Dimitri sa munting kaluskos.
Kinapa niya ang beretta sa tagiliran at nakiramdam sa paligid.
Dama niya ang mga matang nagmamanman sa 'di kalayuan.
Nang masigurong hindi panganib ang dala nito ay muli niyang itinago ang baril.
"Labas na, alam kong ikaw iyan Bugoy. Baka manuno ka pa sa katatago riyan sa halamanan," aniya.
Lumitaw mula sa dilim ang binatilyo at mabilis na lumapit sa binata.
"Kuyang, kumusta po si ateng ma-beauty?" Agarang tanong ni Bugoy at saglit na sumilip sa loob ng bahay.
"Natutulog na siguro.Anong balita sa bundok?" usisa niya.
"Patay na si Baltik napuruhan mo po kuyang. Galit na galit si pinuno at mahigpit na pinag-hahanap si ateng at maging
ikaw. Ah ang ibig kong sabihin ay iyong tumulong kay ateng na makatakas." Sagot ng binatilyo.
"Naghinala ba sila?"
"Hindi pero inutusan niya akong paakyatin ka ng bundok. Inaatasan ka niyang siyang maghanap sa dalawa. Hinigpitan na rin
ang pagbabantay sa San Fabian at maging sa lihim na lagusan. Nagkalat na ang mga buwitre doon, kuyang. Mahihirapan nang
makalabas si ateng sa bayang ito." Mahabang dagdag ni Bugoy, nasa tinig ang pagkabahala.
Saglit siyang nawalan ng kibo.
Inabot ang tasa ng kape sa tabi at nilagok ang noo'y malamig ng laman.
Tumayo na siya at ginulo ang buhok ng binatilyo.
"Salamat sa impormasyon. Sige na umuwi ka na baka nag-aalala na rin ang iyong mga magulang," wika ni Dimitri.
Tumango si Bugoy at mabilis na tumaliwan ngunit hindi pa man nakakalayo ay nilingon siya nitong muli.
"Salamat kuyang sa pag ligtas kay ateng. Mag-iingat po kayo," banggit ng binatilyo habang papalayo.
Isang matipid na tango at pagkaway ang kanyang itinugon. Tinanaw niya ito hanggang sa mawala sa kanyang
paningin.
Kakatwa. Noong una ay si Ka Goring, ngayon ay si Bugoy.
Anong mayroon sa babae at nakukuha nito nang ganun kabilis ang loob ng mga taong malapit sa kanya?
--------------------------?
Mataas na sinag ng araw ang unti-unting nagpadilat sa kanyang mga mata.
Sarado ang bintanang salamin, na yari sa kahoy
ang blades.
Walang nakakabit na kurtina kaya't pilit na sumisiksik sa mga pagitan niyon ang araw na diretso namang tumama sa kanyang mukha.
Una niyang nabungaran ang kulay berdeng yerong bubong na walang kisame.
Saglit na nakiramdam si Rose.
Marahang bumangon at isinandig ang likod sa sementadong dingding.
Iginala niya ang tingin sa palibot ng silid.
Sakto lang ang laki at ang kinahihigaang papag o katre na gawa sa matibay na kahoy ay napapatungan ng katamtamang kapal
ng kutson.
May 'di kalakihang kabinet sa tabi ng bintana na tingin niya ay laging alaga sa barnis dahil sa kintab nito.
Higit na napukaw ang pansin niya ng isang special purpose rifle na nakapatong sa isang maliit na lamesita.
Napasinghap siya.
Kung ganito kalakas na de- kalibreng baril ang pag-aari ng lalaki ay maaaring hindi ito ordinaryong bandido lamang.
Nagpumilit siyang bumangon kahit na namimigat ang katawan at dama ang hapdi ng sugat sa kanang hita.
Wala siyang
ideya kung anong oras na. Lumabas siya ng kuwarto.
Bumungad ang katam-tamang laki ng sala, may simlpeng sala set na yari sa rattan.
Hula niya ay doon natulog si Dimitri dahil inalok nito ang sariling silid sa kanya.
What a gentleman.
Sa kabila ng kapayakan ay napakalinis ng loob ng bahay.
Maging ang mga munting muwebles na naroon ay nasa tamang puwesto.
Hindi na niya iyon nabigyan-pansin kanina dahil sa mga naging outcome ng pangyayari.
She's emotionally affected.
Tinungo niya ang kusina na kanugnog na ng komedor sa lamesa na may nakataob na isang babasaging tasa at sa tabi ay lalagyanan ng kape't asukal.
May nakahanda ring kutsarita at termos.
Napangiti siya, maalalahanin pala ang sangganong taga-pagligtas.
Pumasok siya ng banyo at naghilamos.
Hinanap ng mga mata niya ang bulto ng lalaki subalit kanina pa niya napansin, wala ni anino nito sa loob.
Mabilis na tinungo niya ang pintuan palabas. Binuksan iyon. Malawak na bakuran ang sumalubong sa mata niya.
Wala ang motorsiklo sa lugar kung saan ito nakaparada. Inilibot niya ang tingin sa paligid. Mukhang wala pa atang kapitbahay ang lalaki.
Wala si Dimitri iyon ang sigurado siya. Isinara niya ang pinto at tinungo muli ang kusina, naupo sa naroong silya.
Nasaan ang lalaki?
Kumudlit ang kaba, naging tensiyonado.
Gustuhin man niyang halughugin ang palibot ng bahay ay nag-aalala naman siya sa ayos niya.
Tingin niya ay mas ligtas kung mananatili muna siya sa loob.
Ngunit nasaan na nga si Dimitri?
Iniwan na ba siya nito? Gusto na niyang maiyak at hindi na rin siya mapakali.
Labis niyang pinagsisihan kung bakit sa liblib na lugar na ito ng Cotabato ang napili niya para mag-research at gumawa ng
write-up, sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng kanyang tiya.
Napasubsob siya sa sariling mga palad. Nang...
Tunog ng humintong motorsiklo sa labas ang marahas na nagpalingon sa kanya sa may pinto.
Agad siyang napatayo. kumakabog ang dibdib niya sa nadaramang kaba.
Saglit pa at bumukas ang dahon ng pinto, iniluwa ang lalaki.
Pakiramdam ni Rose ay tumalon ang puso niya nang tuluyan itong masilayan. Nabuhayan siya ng loob. Dagling nawala ang
bumangong takot.
Tinakbo niya si Dimitri at sinalubong ng yakap, ang luhang nagsimulang bumukal ay nauwi sa paghikbi.
"Damn it. Where have you been and what took you so long? Don't ever do that again? You scare me."
Si Dimitri ay hindi agad nakakilos.
Nabigla ito. Hindi nito inaasahan ang ganoong pagsalubong mula sa dalaga.
Maging si Rose ay nagulat rin sa inisyal na naging reaksiyon. Agad siyang bumitaw sa pagkaka-yakap kay Dimitri.
Napayuko at nakaramdam ng hiya.
"I...Im sorry," aniya.
My God. Ano bang pumasok sa isip niya at para siyang batang sumalubong dito.
Saglit na namayani ang katahimikan bago narinig niyang nagsalita ang lalaki.
"Sumaglit lang ako sa bayan. Ang himbing ng tulog mo kaya't hindi na kita inisturbo. Isa pa maliwanag na ng umalis ako
at wala kang dapat na ipag-alala sa baryong ito, ligtas ka dito." Anang Dimitri sa paraang nagpapaliwanag.
Inabot nito ang isang may kalakihang plastic na noon lang din napansin ni Rose.
Tinanggap niya ang plastic ng may pagtatanong sa mata.
"Hindi iyan kasing mahal ng mga ginagamit mo pero wala kang pwedeng pagpilian."
Sinilip ni Rose ang loob ng plastic.
Pinamulahan siya ng pisngi ng tumambad sa mata niya ang mga underwear, bra
at iilang pirasong damit pambabae.
May kasama na ring pam personal na gamit katulad ng sabon, shampoo at sepilyo.
"Ayaw ko namang maging parang Winnie the Pooh ka dito sa loob ng bahay ko. Kaya pwede mo na sigurong pagtiyagaan
ang mga iyan."
Hindi malaman ni Rose kung matatawa sa tinuran ng lalaki.
Nagbibiro ba ito? mukang seryoso naman.
Ngunit hindi niya maita-tanggi na umalon ang puso niya sa taglay nitong sweetness sa katawan.
"Salamat," tanging nasabi niya sa lalaki.
Tipid na tumango si Dimitri.
Tinungo nito ang kusina at inilatag ang iba pang laman ng isang plastic na hawak nito.
Nakita niyang pagkain ang mga iyon.
Naamoy niya ang mabangong aroma ng pansit. Sukat do'n ay nag-ingay ang tiyan niya.
Nakaramdam ng gutom.
Naalala niyang mula pa kagabi ay hindi pa sila kumakain ng tama.
Inayos ni Dimitri ang pagkain sa hapag. Naglagay ng plato at kubyertos.
Pagkatapos ay nilingon siya.
"Mag-ayos ka na para makakain na tayo."
"S..sige."
Mabilis siyang pumasok ng banyo.
Saglit na napasandig sa pinto niyon. Naipikit ang mga mata.
Pansin niya ay nagiging reliant na siya sa lalaki.
Ano bang pumasok sa isip niya at niyakap niya ito kanina?
Wake up, Rose, hindi ito kwentong fairytale.
Hindi mo maipagkakamali si Dimitri sa isang knight in shining armor.
Tandaan mo isa pa rin siyang bandido. Pukaw ng brain cells niya.
Mabilis na pinalis niya ang pangongontra ng isip.
Nang maaalalang naghihintay si Dimitri ay mabilis na siyang
kumilos.
Hindi niya ito dapat na pinag-aantay. Pangitang mainipin pa naman itong tao.
Paglabas niya ay nakaupo na si Dimitri. Minusyonan siya nitong maupo na sa silya.
Ganoon ang lalaki. Pag ayaw mag-salita sesenyas na lang na parang pipi.
Sumunod siya, nilagyan nito ng pagkain ang plato niya. Husmeyo! hindi niya maiwasang kiligin.
Animo siya ay prinsesa na kailangang pagsilbihan.
Napansin iyon ni Dimitri na ikinakunot-noo nito. Naitikom niya ang mga labi sa pagkakahuli nito.
"Kain na," usal ng lalaki.
Muli siyang nagpasalamat at nagsimulang kumain.
Kung mayroon man siyang isa pang maipagkaka-puri kay Dimitri, maliban
sa katapangan nito, ay ang pagiging maasikaso.
Na hindi niya inaakalang tataglayin ng isang bruskong katulad nito.
Sumabay na ring kumain si Dimitri.
May mga pagkakataon na nagkaka-hulihan sila ng mata na tinutugon niya ng isang matamis na ngiti.
Ngunit bato ata ang kaharap niya at nakatitig lang ito with matching pagkunot ng noo.
Para bagang kaabalahan ang pagbigay ng ngiti.
Nagpasya siyang magbukas ng usapin baka sakaling makuha niya ang loob ng lalaki.
"Wala ka bang pamilya? I mean parents, siblings o di kaya'y a...asawa?" Diretsang tanong niya kay Dimitri.
Para sa dalaga ay ang hirap bigkasin ng huling salitang binanggit. Batid niyang hindi siya dapat nagtatanong ng mga personal na bagay sa lalaki.
Ngunit natutukso siyang tuklasin ang pagkatao nito.
Para sa kanya si Dimitri ay isang mahiwagang libro na
masarap buklatin at basahin.
Bahagyang natigilan ang lalaki huminto sa pagsubo at tumingin ng diretso sa kanya.
Mahabaging araw sa kalangitan bakit nakakalunod tumitig ang lalaking ito!
"Maliban sa akin at sayo may nakikita ka pa bang ibang tao dito sa pamamahay ko?"
"W...wala."
"Siguro naman nasagot ko na ang tanong mo?"
Naumid siya. Oo nga naman, ang tanga lang masyado kasi siyang excited.
Hindi tuloy niya napasin na bukod sa kanilang
dalawa ay wala ng ibang tao na nakatira sa bahay nito.
Common sense nga naman Rose.
"Gusto ko lang na..."
"Kung gusto mong magkasundo tayo..."
Nabitin sa hangin ang sana'y sasabihin ni Dimitri nang maalalang ni pangalan ng babae ay hindi pa niya alam.
Nahulaan naman iyon ng dalaga.
"Rose...Rose ang pangalan ko," agad niyang nilapag ang gamit na kutsara at inabot ang palad sa lalaki.
"Ikinagagalak kitang makilala, Dimitri," aniya with mala pang toothpaste commercial na smile.
Bumuntong hininga si Dimitri.
"Rose, ayaw ko sa lahat ang masyadong mausisa. Ayaw ko ng maraming tanong sa loob ng pamamahay ko,
lalo na sa mga bagay na walang kinalaman sayo.
Nagkaka-intindihan ba tayo?" Malamig na turan nito, na ni hindi man lamang binigyan pansin ang pag-abot niya ng kamay.
Kibit-balikat na binawi niya ang kamay, binalikan niya ang pagkain.
Sumenyas siya ng okay at hindi na muling sinulyapan ang kaharap.
Namutawing muli ang katahimikan sa pagitan nila. Muling nagpakiramdaman.
"Anong pakay mo sa San Fabian?"
Maya-maya'y rinig niyang tanong ni Dimitri.
Ngunit, nagpatuloy siya sa pagkain.
Ang sarap kaya ng pansit, na paborito niyang pagkain.
Nagkunwa siyang walang narinig.
"Rose?"
Nahinto siya sa pagsubo, natigilan, tumitig muli sa kaharap.
Rose, bakit ba ang sarap pakinggan ng pangalan niya nang bigkasin iyon ni Dimitri?
Mayroong lambing sa dulo.
May pagsuyo.
"Tinatanong kita. Anong pakay mo sa San Fabian?"
Salubong na ang kilay ng lalaki, naroon na ang pagkainip sa boses. Bigla naman siyang natauhan.
"Teka lang naman, akala ko ba ayaw mo ng maraming tanong dito sa pamamahay mo? You're breaking your own rules, Dimitri."
Aliw na aliw na sagot niya sa lalaki.
Hindi naman nakaimik si Dimitri, natigilan, nang makabawi ay muling bumalik sa pagkain at nagmamadaling tinapos iyon at agad na tumayo.
"Pagkatapos mong kumain ay magligpit ka. Hugasan mo ang mga pinagkainan. Ayaw ko ng makalat sa bahay ko." Ani Dimitri bago tumalikod at iniwan na siya.
Lihim na napangiti si Rose, sinundan ng tingin si Dimitri na pumasok ng silid.
In fairness, ang cute mapikon ng sanggano.
Bagama't malabo para sa kanya ang naging takbo ng tanungan, este usapan nila, ay nagagalak siyang malamang walang asawa
si Dimitri.
Nagagalak? Bakit kailangan niyang magalak?
Nakakaloka!
Given na walang asawa si Dimitri pero imposibleng wala itong pamilya.
Sabagay sa uri ng trabaho mayroon ito mas mabuti
nang walang magulang na matatakot at mag-aalala para rito.
"Ang hirap mong arukin, Dimitri. napakamisteryoso mo."
She smiled. Mukhang magiging interesante ang mga susunod niyang araw.
?---Itutuloy---?