WALANG magawa si Amore kundi ang isama ang lalaki sa bahay ng kanyang tiyuhin. Habang sumasakay sa bangka ay nakapagplano naman sila ng mga dapat nilang gawin para sa kanilang pagpapanggap.
Sa dinami-dami ng mga pwedeng alibi, ito ang pinakabaliw nilang paraan para hindi sila paghinalaan ng tiyuhin ni Amore. Nakarating na sila sa pampang at agad naman pumara ng isang tricycle para magpahatid sa bahay ng kanyang tiyuhin. Di kaya'y pwede namang lakarin eh, tinatamad siya.
Matapos ng sampung minutong biyahe nakarating na sila roon. Nadatnan nilang nasa labas ng bahay nito ang sinasabing tiyuhin ni Amore.
"Tiyo Gusting, andito na 'ko!" Masayang salubong nito sa matanda. Nagulat pa ito ng makita siya.
"Nganong ni uli man di ay ka dinhi sa atu-a? Amie unsa napod nahitabo sa Maynila? Naa napud kag problema didto?" usisa nito sa kanya. Bisaya term ang pinagsasabi nito.
"Wala po Tiyo. Umuwi po ako dito dahil gusto kung dito na muna habang binubuo ko ang aking pamilya. Siya nga pala Tiyo, si Yam ang asawa ko!" walang prenong wika niya. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Kailangan an maging kapani-paniwala ang lahat.
Gulat na gulat ito. "Unsa? Nag-asawa ka na? Bakit di mo sinabi sana nakadalo ako sa kasal niyo. Sayang naman. Siya-siya pasok na kayo sa bahay. Toto halika sa loob (tukoy nito kay Liam). Aba ang guwapo. Saan mo 'to napulot bakit napakaguwapo nito? Bagay kayo dahil maganda ka rin Amie. Hay naku, ako na lang talaga ang pangit rito. Parang boy niyo lang ako tingnan." Buti na lang hindi ito nagalit sa sinabi niya.
"Tiyo, hindi naman po ako guwapo. Aba, guwapo rin naman kayo ah. Makikita sa mukha ninyo na may alindog kayo lalo na nung kabataan ninyo," sabad ni Liam. Humanga siya sa matanda.
"Mahal, huwag mo nang bulahin si Tiyo Gusting, dahil gustong-gusto niya talaga iyan," singit din ni Amore.
Bigla namang natigilan si Liam ng marinig ang sinabi ni Amore na "Mahal" Nabigla siya dahil wala iyan sa kanilang napag-usapan kanina. Ang alyas lang nila ang napag-usapan na tatawagin siya ni Amore na Yam, at si Amore naman ay Amie dahil iyan ang pangalang dinadala niya rito.
"Ah. Talaga ba mahal?" pilit na sang-ayon ni Liam. Ngumiti siya pagkatapos.
"Pasok na kayo. Ihahanda ko na ang hapunan ninyo. Sana tumawag ka rin naman sakin para nakapaghanda ako sa pagdating ninyong dalawa. Siya nga pala, bakit hindi mo ako Amie pina-alam na nag-asawa ka na sa Maynila? Ha?" may tuno ng pagtatampo ang kanyang tiyuhin.
"Kasi Tiyo, busy ako sa trabaho. Saka hindi na ako nagsabi sayo para masurpresa kita. Di ba mas maganda na wala kang kaalam-alam? Hindi ba thrill at masaya?" Dinaanan niya sa pagbibiro ang sagot niya sa tiyuhin niya.
"Ikaw talagang bata ka. Kahit kailan pilosopo!"
Binalingan niya ng tingin si Liam. "Mahal, siya nga pala. Alam kong hindi ka nakakaintindi ng Bisaya."
"Yeah."
"Hayaan mo ang Tiyo Gusting ang bahala na mag-adjust para sayo. Di ba Tiyo?"
"Aba. Okay nga iyan para may ibang lengguwahe akong matutunan, bukod sa English at Tagalog. Sisikapin kong makaintindi Tiyo." Paninigurado ni Liam. "Huwag kang mag-aalala mahal," sunod niyang wika ng balingan uli niya si Amore.
"Heto na ang hapunan. Ala-sais pa lamang naghahapunan na kami rito dahil maaga pa kaming natutulog at nagsisipagising kinabukasan. Kalahatan kasi ng nakatira rito ay pangingisda ang hanapbuhay. Maaga pa kami nagpapalaot para makahuli ng maraming isda dahil kapag mahuli ka lang wala ka nang mahuhuli dahil ubos na. Paunahan na ang pangingisda rito."
"Talaga? Pwede po ba akong sumama? Gusto kong matutunan ang pangingisda,"excited nitong wika.
"Mahal, baka mapano ka, hayaan mo na ang Tiyo Gusting."
"Aba. Amie, dapat lang na matutunan niya ang pangingisda para makatulong siya rito kahit papaano at nang may makatulong ako. Tumatanda na ako kaya medyo mahina na rin ako," anito ng matanda.
"Oh, sige. Kayo ang bahala. Pero Tiyo dapat na turuan mo muna siya kung paano, huwag atat!"
"Aba, ako pa ba? Magaling akong mangingisda. Tiyak na magaling din akong titser pagdating sa pangingisda. Ako yata ang hari ng mga mangingisda rito. Kaya Toto Yam, magtiwala ka sa kakayahan ko ha. Huwag mong pansinin iyang asawa mo. Over protective lang iyan. Ayaw niya siguro na mainitan at mangitim ang guwapo niyang asawa."
"Tiyo, tama na po. Kain na tayo, baka lumamig na ang pagkain," saway ni Amore.
"Siya nga. Sige. Arat na, pakal!"
"Tiyo naman! Huwag kayong magsalita ng hindi niya naiintindihan," saway ni Amore sa kanyang tiyuhin. Marami itong alam na mga balbal na salita. "Ah. Mahal ang ibig sabihin ng tiyuhin ko. Tara na kain na tayo. Masyado kasi iyang badoy kaya kahit saan niya pinupulot iyong mga terms niya at pananalita," paliwanag niya kay Liam.
"Aba, aba. Huwag mong pansinin ang misis mo. Sadyang ganyan lang iyan. Sige na kain na tayo."
Natawa naman ng bahagya si Liam, hindi niya inaasahan na ganun pala ang turingan ng mag-tiyo. Parang mga bata na nagbabangayan.
Kumain sila at pagkatapos sina Amore na ang naglinis at naghugas ng mga pinagkainanan nila. Si Gusting naman ay nandodoon sa labas at nagpapahangin. Hinihintay na matunawan sa kanyang kinain at saka matutulog na rin kapag nadapuan na ng antok.
Tapos na silang maghugas ng mga pinagkainanan kaya lumabas na rin sila at sinamahan ang matanda na naka-upo doon sa may papag na nakaharap sa dagat. Malapit lang sa bahay nila ang dagat kaya damang-dama nila ang maginaw na ihip ng hangin. Hindi mabaho o malansa ang hangin doon dahil may mga ordinansa na ipinatupad na bawal ang dumi sa paligid. Malinis at maaliwalas ang buong isla. Kapag may lumalabag kasi sa patakaran ay awtomatikong ipinagbabayad ng multa kaya lahat ng nakatira rito ay natatakot na makapagbayad ng napakalaking multa. 10,000 pesos agad bawat isa kaya talagang iniiwasan nila iyon.
"Tiyo. Ang galing ninyong Chairman ng isla na 'to. Talagang napapanatili pa rin ang ganda ng isla. Walang sinuman ang mga lumalabag sa mga ordinansa. Mabuti naman kung ganito no. Walang polusyon na maaaring maka-apekto sa mga yamang dagat. Ligtas pa rin ang tirahan ng isda at corals," puri pa ni Amore.
"Oo, takot ang mga taga-rito pero alam mo may mga illegal fishers na dumadaan sa isla natin at minsan gumagamit pa ng dinamita. Dati sinaway namin pero mga matatapang sila dahil may mga armas silang dala kaya napilitan kaming umatras. Ayaw ko din namang mapahamak ang mga kasamahan ko lalo na't may mga asawa't anak."
"Hmm. Talaga ba Tiyo? Ako na ang bahala sa mga iyon. Magroronda ako araw-araw. Mga hinayupak na iyon ah, ang lakas ng loob na mangisda sa hindi nila teritoryo."
"Hoy. Ano ang binabalak mo? Tumigil ka nga. Dito ka lang sa bahay. Siguro mainam kung magtinda ka na lang ng ulam at pagkain dito. Tiyak na mabenta iyon lalo na at dito karamihan dumadaong ang mga bangkang pangisda. Marami ang mga gutom na mangingisda kaya mainam na magtinda ka. Dagdag sa kita pa iyon. Huwag ka na lang magpakabayani sa mga walang kwentang illegal na mangingisda na mga iyan. Delikado, babae ka pa naman."
"Tiyo naman. Huwag ninyong mamaliitin ang mga kababaihan dahil sa panahon ngayon mas malakas na ang mga babae, matapang at lalo na sa lahat mautak. Dati pa iyon sa panahon ng mga Greek at Roman ang mga babae sa bahay lang at panganganak lang ang purpose pero ngayon iba na ang mundo. Mas magaling pa nga ang mga kababaihan kumpara sa mga lalaking palamya-lamya lang!"
"Aba, tama ang katwiran mo pero ayaw kong may masamang mangyari sayo lalo na at ikaw na lang ang nag-iisa kong kapamilya. Wala na ang ina mo na kakambal ko. Kaya sayo ko nalang naaalala ang presensya niya. Sige na matutulog na ako. Huwag kang pasaway ha. Siya nga pala. Dahil asawa mo naman si Yam, magsama na kayo sa kwarto mo. Wala namang ibang kuwarto rito. Sige, mauna na ako. Pagpasok ninyo mamaya, isara niyo ng mabuti ang pinto ha."
"Opo, Tiyo. Sige good night and sweet dreams."
Pagka-alis ni Tiyo Gusting saka pa lang nakapagsalita si Liam.
"Grabi, speechless ako sa mga pinag-usapan ninyong dalawa. Ni hindi nga ako nakasingit man lang sa usapan ninyong dalawa. Tanong ko lang, hindi ba niya alam ang totoo mong trabaho sa Maynila?"
"Hinaan mo ang boses mo. Wala siyang alam. Ang alam lang niya ay nagtatrabaho ako bilang isang chief. Iyon ang pinaniniwalaan niya dahil magaling akong magluto kaya iyon ang sinabi ko sa kanya na trabaho ko."
"Bakit mo inilihim sa kanya? Alam mo namang walang sekreto ang hindi naihahayag?"
"I Know. Pero kailangan kong magsinungaling para huwag siya mag-aalala. At ang tungkol sa'ting pagpapanggap, ayusin mo ang pag-arte dapat na hindi siya maghinala na pagpapanggap lang ang lahat dahil talagang masasaktan lang siya sa ginawa natin."
"Ayos. Pero paano 'to iisa lang pala ang kwarto natin, paano na to? Matutulog tayo sa iisang kama? Ayoko noon, naiilang ako na may katabi."
"Tse. Edi sa sahig ka. Wala namang problem doon. Meron namang banig kaya hindi ka na niyan giginawin. At speaking of ginaw, mas lalo nang gumiginaw rito sa labas kaya pumasok na tayo at nang makatulog na. Halika na Mahal."
"Ew. Anong alibi pa ang pagtawag ng Mahal? Alam mo kanina muntik na akong maubo nang marinig ko iyan na tinawag mo sakin iyan. Bakit mo pa naisipan iyon. Pwede namang YAM at AM ang tawagan natin, di ba?"
"Wala na eh. Nasabi ko na. Kaya masanay ka na. Pagpapanggap lang naman ito, kaya huwag kang ano. Halika na nga!"
Pumasok na ng bahay ang dalawa. In-i-lock naman ni Amore ng mabuti ang pinto ng bahay. Hindi dapat na iwang nakabukas ang pinto dahil hindi mo alam na may mga gumagalang kawatan.
"Heto ang kwarto ko rito. Isang kama lang ang nandito, malaki ang kama na 'to dahil sadyang pinagawa ko ito. May malambot din na kutson dahil binilhan ko rin. Meron namang sahig na medyo maginaw at siyempre makitid na dahil nga malaki itong kama ko. Dati nang ipinapasok ang kama na 'to, nagawa pa talaga nilang sirain ang pinto makapasok lang 'to. Oh. Pumili ka na! Magsi-share ka sa kama ko o diyan ka sa sahig matulog? Aber?"
"Tse. Diyan na lang sa kama mo. Lagyan na lang natin ng harang na mga unan sa pagitan ng kama. Parang kasya naman diyan ang tatlong tao kaya unan na ang sa gitna. Okay ba?"
"Napaka-okay talaga, sige matulog na tayo may fake husband! Goodnight and sweet dreams!" wika niya saka tumalikod na sa lalaki.
Ito iyong unang pagkakataon na may makakasama si Amore na matulog sa kama niya at lalaki pa. Natulog silang kapwa nakatalikod sa isa't-isa.
Mahimbing na natutulog si Amore pero si Liam ay hindi pa rin nakadama ng antok. Maka-ilang beses na siyang bumangon-higa, saka paulit-ulit lang ang kanyang ginawa. Siguro namamahay lang siya o baka may bumabagabag sa isipan niya.
Mag-a-alas kuwatro na nang umaga ng tingnan niya ang orasan sa may dingding pero hindi pa rin siya nakatulog. Kumatok ng kwarto nila si Gusting, indikasyon na niyayaya siya nitong sumama na pumalaot ngayong umaga.
Mabilis naman siyang lumabas. Parang zombie siya. Malalaki ang eye bags niya ng makita ni Gusting.
"Heto ang kape, uminom ka muna saka sumama ka sa 'kin. Maaga pa tayong aalis para makarami tayo ngayon ng huli."
"Salamat po," tinanggap nito ang tasa ng kape.
"Siguro hindi ka nakatulog ano? Ang laki ng mga eye bags mo. Siguro namamahay ka rito. Hay, masasanay ka rin dito. Siya nga pala saan mo nakilala iyang pamangkin ko?"
"Ah... Sa restaurant po. Kasalukuyan po akong kumakain noon ng mapansin ko siya. Tapos kinausap ko siya saka tuloy-tuloy na po hanggat ligawan ko siya at pakasalan," alibi ni Liam. Saan namang estorya niya ito napulot. Parang mabilaukan siya sa iniinom na kape.
"Talaga ba? Ay napakaswerte naman ninyo pareho, ah sige. Tapusin mong inumin iyang kape. Heto ang jacket at sumbrero panlaban sa init at sikat ng araw. Tanghali na tayo siguro makakauwi mamaya. Nakapagbaon na rin ako ng almusal natin."
"Sige po. Tapos na po. Magpapa-alam po muna ako kay Amie."
"Huwag na. Alam na niya kapag wala nang ibang tao sa bahay, umalis na iyon papuntang dagat. Sige umalis na tayo. Dapat na marami tayong mahuling isda."
"Sige po."
Umalis na ang dalawa at pumalaot na. Madilim pa sa paligid pero marami na ang mga taong gising.
Maganda ang gising ni Amore. Nakatulog siya ng mabuti kaya ganadong-ganado siyang bumangon. Lumabas siya ng kwarto at nagpunta agad sa kusina. May kanin at ulam na. Malamig na iyon kaya ininit niya. Nagtimpla din siya ng kape at umupo sa silya.
Ngumiti siya ng napakaganda. Ito ang buhay na inaasam niya. Ang buhay na simple at malaya.
Malayo pa ang tanghali kaya naisipan niyang pumunta sa bayan at bumili ng mga bagay na kakailanganin niya. Bumili siya ng maraming simcard at bagong cellphone. Nawala niya kasi ang cellphone niya ng tumakas sila. Mabuti lang at wala namang ebidensya na makukuha sina Regor doon. Dumaan na rin siya ng palengke at bumili ng karne ng baboy at manok. Nasawa na kasi siya sa kakakain ng isda. At naisipan niya rin na sundin ang sinabi nang kanyang tiyuhin na magtinda na muna siya ng pagkain.
Maaga pa naman siyang nakauwi kaya pagdating niya ay nagluto na lang siya ng pananghalian. Adobong baboy at tinulang manok ang niluto niya. At ang natitirang mga karne ay inilagay niya sa freezer para ipagluto bukas dahil magsisimula na siya sa kanyang munting karenderya.