Bumalik sa nakaraan
Casey's POV
"Miss Madrigal. Gusto mo bang mapalabas sa klase ko? Mukhang bagot na bagot ka na kaya ka nagbabasa ng ibang libro." Naibaba ko agad ang hawak kong libro. Saka nagpalinga-linga sa buong paligid.
Nasaan ba ako? Hindi ako namatay?
Kumunot ang aking noo at nagtatakang napatingin sa hawak kong libro.
Teka lang. Nananaginip ba ako? Bakit bumalik ako sa nakaraan kung saan nagbasa nalang ako ng nobelang The lost heiress was pampered by the bosses?
Ito yung panahong ikalawang beses akong napagalitan sa klase dahil sa pagbabasa ng nobela. Noong una ay noong nahuli ako ng English teacher namin na nagbabasa ng pocketbook tapos ngayon ay nahuli ako ng Computer instructor namin na nagbabasa ng nobela.
Gaya ng dati, lahat ng mga mata nakatuon sa akin. Hiyang-hiya ako dati dahil nasermunan ako. Pero sa lahat ba naman ng mapapanaginipan ko, ito pang nakakahiyang eksenang ito?
Ako nga pala si Cassandra Mandrigal. Casey for short. I'm already old enough to be called a grandma este auntie pala, pero bakit ako nandito at muling bumalik sa nakakahiyang alaalang meron ako?
Ang eksenang ito ay isa sa mga alaalang hindi ko makakalimutan at napapanaginipan ko pa dati.
Yung mga nakakahiyang karanasan ko, palagi ko iyong naaalala at napapanaginipan kahit na sa pagtanda ko. At paulit-ulit na tinatanong sa sa sarili na kung sakali mang makakabalik ako sa nakaraan, makakaya ko kayang baguhin ang aking sarili? Mababago ko kaya ang mga desisyong pinagsisisihan ko o mauulit lang ang lahat? O ba kaya mas lalong lalala ang aking sitwasyon?
And here I am. Parang bumalik nga sa nakaraan? O sadyang hindi ako namatay at nasa loob lang ng panaginip?
"Hindi mo ba talaga itatago iyang libro mo o ako ang magtatago niyan para sa 'yo?" Rinig ko ulit na sabi ni Sir Flores. Siya ang guro namin na siyang magtuturo sa pagamit ng computer.
Tawag namin sa kanya computer teacher. At computer class ang tawag namin sa klase niya. Siya ang IT teacher ng mga college students at computer teacher ng high school.
Sa pagkakatanda ko, nakita ko lang ang librong ito sa arm chair ng kaklase ko. Ako ang pumalit sa inuupuan niya dahil siya ang gumagamit sa computer.
50 students kaming lahat sa klase ngayon, pero katorse lang ang computer na meron ang school namin. Share kami sa computer pero madalas hindi ako nakakagamit.
At sa ilang taon ko ng pumapasok sa klase ni Sir Flores, isang beses lang akong nakahawak ng computer at iyon lamang ay yung tinuruan kami kung paano i-on, i-off at i-shut-down.
Mula first year high school to fourth year, si Sir Flores na talaga ang nagtuturo basta tungkol na sa information technology ang subject. Sa Monday, mga first year students ang pumapasok sa klase niya. Sa tuesday naman, mga second year high school.
Sa Wednesday mga third year students at sa thursday and Friday mga fourth year or graduating students ang tinuturuan niya. One hour per day lang ang klase niya sa mga first year to third year high school students at 2 hours per class naman ang klase niya sa fourth year students.
At sa lahat ng subjects, sa kanyang klase talaga ako nahihirapan. Wala kasi akong maiintindihan. Naisasaulo ko man ang mga lectures niya, ngunit hindi ko maiintindihan.
Gustong-gusto ko ang klase niya dahil gustong-gusto kong makahawak ng computer. Pero ang hirap pa rin dahil kaunti lang ang computer na meron ang school namin.
Sa lahat din ng subjects namin sa kanya ang may pinakamababa akong grades.
As a top students, na may naghihingalong grades sa subject niya, syempre pagtutuonan niya ako ng pansin. Na isa sa mga bagay na ikinaka-pressure ng duwag na katulad ko.
Umayos ako ng upo at kunwari hindi napansin ang tingin ng mga kaklase ko sa akin. Inilagay ang libro sa ilalim ng mesa. Hinihintay na sana magigising na ngunit hindi pa rin.
Tiningnan ko ang kalendaryo na nakasabit sa pader.
January 2011.
Kung saan magsisimula na ang pirmahan ng mga clearance slip para sa third grading at ang panahong hindi pa naipapatupad ang K-12.
Kinurot ko ang aking braso at napapikit sa sakit.
Masakit.
"Ibig sabihin hindi talaga ito panaginip?" Sambit ko.
Rinig kong nagtawanan ang mga kaklase ko. Hindi ko tiningnan kung sino ang pinagtatawanan nila pero sa hinala ko ay ako.
"Ano'ng nangyari sa'yo?" Pabulong na tanong sa akin ni Girlie. May bahid na tawa ang boses niya.
Transfer student siya at dahil pareho kaming mahilig magbasa, nagiging close kami. Madalas kaming nagkakasama sa pagpunta sa library para magbasa. Pareho rin kaming mahiyain at tahimik. At tila dalawa lang kami ang nagkakaintindihan minsan.
Kita ko ang mga mata niya na tila natatawa dahil sa pagkurot ko sa aking sarili.
"This is just a dream right?" Tanong kong muli.
"Huwaw, nag-english si Madrigal. Wag kanang mag-english uy, busy naman yung tagalista kaka-computer." Pabulong niyang sabi sa akin sabay sulyap sa kaklase naming abala sa computer.
Bawal kasi kaming magsalita ng ibang dialect maliban sa tagalog at English. Kung English ang lenggwaheng gamit sa subject namin dapat mag-i-english rin kami. Kaya kapag nagsasalita kami ng ibang dialect, ililista ang pangalan namin. Lalagyan kung ilang beses kaming hindi nagtatagalog or nag-i-english tapos may penalty na piso kada maling lengwahe ang ginamit.
Apat na lengwahe ang gamit namin, own dialect, bisaya, tagalog at english.
Pinipili kong manahimik noon dahil ayaw kong magka-penalty. Wala kasi akong pambayad kapag maling lengwahe ang nagamit ko.
English ang dapat naming gamitin kapag English, Science, Math at IT class ang subject namin. Pero kapag Mapeh, History or Filipino at iba pa, pwedeng taglish or tagalog lang. Pwede ring own dialect basta hindi mahuli ng tagalista at ng tagasumbong.
Napatingin ako sa tagalista na siyang gumagamit sa computer na dapat ay salitan kaming pito sa pagamit pero sinolo niya. Hinayaan nalang din namin dahil sa aming pito, siya lang ang may alam sa computer dahil may computer shop naman sila.
Saka mabilis din siyang magtipa kaya sa kanya na namin ipinaubaya ang pag-i-encode sa task na ipinagawa sa amin ng guro.
Yung iba ko pang mga kaklase ang tagabigay ng ideya, ako naman ang nagta-translate sa english at yung magaling sa computer ang taga-edit at encode. Dahil tapos na ang task ko at nabo-bored na kakaupo kaya ako nagbasa ng nobela. At iyon naman ang oras na napuna ako ng guro namin. At siyang eksena na kinamulatan ko pagbalik ko sa nakaraan.
Pagkatapos ng klase, lutang na lutang pa rin ang utak ko habang naglalakad palabas ng school building.
Iniisip kung bakit ako nakabalik sa fourth year high school ko? Bakit pa ako bumalik sa nakaraan? Sa nakaraan kung saan ang pinaka-turning point ng buhay ko?
I just wanted to die okay? Bakit pa ako binalik para danasin ulit ang mga paghihirap at kahihiyan na dinanas ko dati?
Ayaw ko ng mabuhay okay? Ang saya ko na nga nang mapansin kong malalagutan na ako ng hininga.
Pero Lord, bakit nang imulat ko ulit ang aking mga mata, bumalik ako sa nakaraan?
Kung pinabalik niyo ako, bakit sa past pa?
Kung binuhay niyo muli ako, bakit sa dating ako pa?
Di ba pwedeng sa ibang katawan nalang?
Yung mayaman, may pera, hindi namomroblema kung ano ang kakainin at kung saan makakahanap ng pagkain.
Yung katulad kay Sandara kayaman.
Ayaw ko ng harapin muli ang mga kamag-anak naming kinamumuhian ko.
Ayaw ko ng makipagtalo muli sa mga magulang ko dahil sa kagustuhang baguhin ang prinsipyo at paniniwala nila.
Ayaw ko ng maranasan muli ang panghahamak ng mga tao sa akin at sa aming pamilya. Pagod na po ako. Gusto ko na pong magpahinga. Ayaw ko na po maulit ang nakaraan kung saan wala akong pahinga, makakain lang.
At dahil nga lutang ako habang naglalakad, hindi ko napansin na nasa gitna na pala ako ng daan.
Narinig ko na lamang na may sumigaw at kasunod nito ay ang pagtama ng kung anong mabigat na bagay sa aking katawan. At muling dumilim ang aking paningin.
Sa halip na mag-alala, sigla ang aking nadarama.
Siguro naman, sa pagkakataong ito, hindi na ako magigising pa.
To be continued...