Superman (Pangalawang Bahagi) Sumpa ng isang Superman. Ito ang paulit-ulit na pumapasok sa kukute ni Diego habang pasan niya na parang baboyramo na kakatayin si Mam Precious. Kinailangan niya kasing talian ang mga paa't kamay nito, at busalan ang bibig nito, dahil napansin niyang bagaman isa o dalawang oras pa bago magbukangliwayway, marami nang nagbukas na ilaw mula sa loob ng ilang kabahayan sa "bitukang manok" na malapit sa pinangyarihan ng sakuna. At, dahil si Diego'y hindi pa rin nagpapalit ng kaniyang anyo, bilang osong gubat ay tumungo siya sa liblib na bahagi ng kakahuyan na malapit sa daan; sa kaniyang anyo bilang isang oso at sa kaniyang tunay na katauhan bilang isang aswang, napilitan si Diego na maghanap muna ng isang lungga na malayo sa ibang tao at malayo sa ibang panganib

