Nagulat man ang lahat sa biglaang pag-uwi ni Maezy kasama ang asawa nito ay kinuhang dahilan naman iyon ng mga Ramirez upang magplano na naman ng panibagong party. Iyon ang pinag-usapan nila at napagkasunduan habang sabay-sabay na naghahapunan. Ayaw ko nga sanang sumabay sa kanila pero ayaw pumayag ni Maezy kaya wala akong nagawa kundi ay sundin ang kagustuhan nito. Iyong mga bisitang pinsan ni Tyron ay tuluyan nang hindi nagsipag-uwian dahil nga dumating si Maezy. Buong durasyon ng hapunan ay tahimik lang ako habang sobrang ingay mag-usap ng mga nasa paligid. Pasulyap-sulyap lang kami ni Tyron sa bawat isa. Kahit sa panakaw na tinginan ay ramdam ko pa rin iyong kilig lalo na tuwing nahuhuli ko ang pagkurba ng mga labi niya para sa isang ngiti tuwing nagkasalubong ang mga mata namin.

