Kabanata 9
ELISANDRO
Gamit ang motorsiklo ko ay sumunod lamang ako sa Land Rover nina Attorney Benjia. Tumanggi ako sa unang alok ng abogado na sa sasakyan nila ako sumakay. Minabuti kong gamitin ang motorsiklo ko dahil kung sakali mang may mapansin akong hindi maganda sa lakad na ito ay madali lamang akong makakasibat.
Wala pang kinse minutos ang ibiniyahe namin mula sa taberna ay tumuloy ang Land Rover na binubuntutan ko sa isang pribadong propyedad. Isang farm. Hindi purong kapatagan ang lupaing sakop nitong farm. Magkabilaan ang burol sa daanan na hindi pa sementado ngunit maayos naman nang madaraanan. Iba’t ibang uri ng puno ang nakatirik sa paligid. Mayroon itong malalaking sanga halos magtawiran na ang mga ito sa kabilang side ng daan, dahilan para maliliman ang daanan.
Pinausad ko pa ang motorsiklo ko nang ilan pang metro hanggang sa natanaw ko ang isang may kalakihang farmstay vacation house. Sa unang sulyap ko sa bahay na iyon ay naipagpalagay ko kaagad na bagong yari lamang iyon. Bagung-bago pa ang hitsura’t mga kahoy niyon mula sa labas.
Mayroong dalawang palapag ang bahay. Konkreto ang ibaba at yari naman sa kahoy ang itaas. Ang ikalawang palapag ay mayroong wrap around balcony. Maganda ang kombinasiyon ng kulay puti at umber sa kabuuan ng exterior ng bahay, palatandaan na pinag-isipang maigi ng eksperto ang pagkakagawa niyon.
Pumarada ang Land Rover sa malawak na bakuran sa harapan ng bahay. Sa hindi niyon kalayuan ay inihimpil ko rin ang aking motorsiklo. Hinubad ko ang helmet ko at ipinatong sa upuan ng motor ko. Ipinalit kong isuot ang rancher hat na bagaman at may kalumaan na’y ginagamit ko pa rin at talagang iniingatan. This is Meera’s last gift to me.
“Sumunod ka sa akin sa loob, Mr. Alicante,” anyaya sa akin ni Attorney Benjia gamit pa rin ang kanyang pormal na tinig.
Tumango ako sa kanya at sumunod din sa kanya patungo sa loob ng farm house. Ang kasamang bodyguard o driver ni Attorney Benjia ay maiiwan sa labas.
Unang apak ko sa loob ng bahay ay mayroong boses ang kaagad na sumalubong sa amin.
“Uncle.”
Nagtagpo ang aming tingin ng lalaking tumawag na Uncle kay Attorney Benjia. I am too quick to assume that he is the person who wished to talk to me. Siya ang dahilan kung bakit ako nakalaya sa bilangguan. Ngunit alam ko sa aking sarili na hindi ko kilala ang taong ito.
“Kasama ko na siya, Ford. Si Elisandro Alicante.”
Humakbang palapit ang lalaki. Iyong tingin niya ay hindi inaalis sa aking mukha. Tila siya namamangha. “Damn! Kung hindi ko lang alam na nasa itaas si Elijah ay mapagkakamalan talaga kitang siya. I am very amazed with how identically you two look. Maging ang height. It’s insane. Ciento por ciento.”
Naglahad ng palad ang lalaking tinawag na Ford ni Attorney. Nakangisi ito but it’s not offending at all.
At doon ako mas napapaisip sa katagang binitawan n’ya. With how identically you two look. Sa narinig kong iyon ay naalala ko si Binibining Triana at ang inasal niya kagabi. Na napagkamalan niya ako. Mayroon akong kamukha?
“Ford, pare.”
“Elisandro.” Tinanggap ko ang pakikipagkamay n’ya. “Ikaw ang may pakay sa akin? Hindi ko intensiyon na maging bastos ngunit nakatitiyak akong ngayon pa lamang kita nakikilala. Kaya’t sa anong dahilan at naisipan mo akong palabasin sa kulungan? Bakit n’yo ako tinutulungan?”
“Pasensiya ka na, pare pero hindi ako ang makakapagpaliwanag ukol sa bagay na iyan kung hindi ang kaibigan kong si Elijah.”
“Elijah?” May umahong kuryusidad at kalituhan sa utak ko nang banggitin ni Ford ang pangalan na iyon. Pangalan na kapareho sa binabanggit ng babaeng nakaulayaw ko nang nagdaang gabi.
“Elijah’s my best friend. Kanina ka pa n’ya hinihintay sa itaas, Elisandro.”
Hindi na ako nagtangkang magtanong pa para hindi na rin humaba pa ang usapan. Wala rin akong balak na magtagal dito at kailangan kong bumalik kaagad sa taberna dahil bukod sa inaasahan ko ang pagdating doon ng anak ko at ni Mamang Amalia ay gusto ko ring makausap ang babaeng nakasama ko sa buong magdamag. Nais ko itong makaharap at makausap na matino ang isipan nito. Ibig koi tong makakuwentuhan. Ibig ko itong kilalanin.
Tahimik akong sumunod kay Ford at Attorney Benjia patungo sa ikalawang palapag. Nagpatung-patong na ang mga katanungan sa isip ko sa mga sandaling ito. Nasa ikalawang palapag na kami at awtomatikong tumuon ang aking paningin sa lalaking nakatayo sa nakasaradong sliding door patungo sa balkonahe na yari sa salamin. Pumihit ito upang humarap at hindi sapat ang salitang gulat kung ilalarawan ang reaksiyon ko nang tuluyan kong makita ang hitsura nito.
Tunay nga sa katagang sinabi ni Ford kanina. It’s insane! Dahil ang katitigang tao ko ngayon ay mayroong kaparehong mukha ng sa akin. Kung hindi sa suot niyang pormal na baro’t pantalon, malinis na buhok at gupit ay masasabi kong nakaharap ako sa sarili kong repleksiyon sa salamin. At kung tutukuyin ko iyong sinasabi ng karamihan na lukso ng dugo, bading mang pakinggan ngunit naramdaman ko sa dibdib ko ang pamilyaridad para sa taong ito bagaman at ito ang unang beses na nakaharap ko s’ya.
“Will you please leave us both for a moment?” anang nito na nakatitiyak akong para iyon kay Attorney Benjia at Ford.
“Sige, pare. Babalik muna kami sa ibaba ni Uncle,” wika ni Ford at ngumisi sa lalaking kamukha ko. “I hope you won’t feel any insecurity, dude. Kasi naman tignan mo, mas magandang lalaki pala saiyo itong long lost twin brother mo. Pang-action star ang dating. Mukhang lamang talaga siya sa’yo, dude.” Nakuha pang buskahin ni Ford ang sariling kaibigan ngunit nananatiling walang reaksiyon ang mukha nito.
Naiwan kaming dalawa rito sa itaas. Maigi lamang akong nakatitig sa kaharap ko.
“Kumusta ka, Elisandro?”
Natagalan ako bago nakasagot. Hindi pa rin ako makapaniwala na makalipas ang tatlumpu’t tatlong taon ay mayroon akong makakaharap na isang tao na hindi ko lang kadugo, kung hindi ay kapatid ko pang talaga. Ang aking kakambal.
“Call me Elijah. We’re brothers, Elisandro. Twins to be exact.”
“Walang kaduda-duda,” anang ko. Humakbang ako para lapitan siya. We offered each other a handshake until we did a one-armed hug habang tapik ang balikat ng isa’t isa.
“Pasensiya ka na at umabot ng ganito katagal bago kita nahanap.”
“Wala akong ideya na may kapatid ako.”
“Gano’n din ako, Elisandro until few days ago.” Bumuntong-hininga si Elijah. Inimbitahan niya ako patungo sa balkonahe at sabay kaming tumanaw sa payapang tanawin na nasasaklaw ng aming paningin.
“I already hired a person to find out anything para malaman natin kung paano tayo nailayo sa isa’t isa.”
“Hindi mo rin kilala ang mga magulang natin?”
Isa ito sa bumabagabag na tanong tungkol sa pagkatao ko noong lumalaki ako. Maaga pa lamang ay naipaunawa na sa akin nina Mamang Amalia at ‘Tay Ustin na hindi nila ako tunay na anak. Inampon ako ng mag-asawa mula sa isang orphanage kung saan ay dating volunteer worker si Mamang Amalia. No’ng nagbabalak akong hanapin ang tunay na mga magulang ko ay para lamang akong sumusuntok sa buwan. Iyong babaeng nagdala sa akin sa bahay-ampunan ay napag-alaman kong palsipikadong impormasiyon pala ang ibinigay sa mga madre tungkol sa sarili nito kaya hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa para alamin ang tunay kong pagkatao. Hanggang sa hinayaan ko na lang iyon at mas pinili kong ituon ang buong atensiyon, oras at pagmamahal ko sa mga taong naroroon sa tabi ko.
Sinikil ko ang aking sarili na magtanim ng sama ng loob sa mga magulang kong ipinamigay ako subalit nang magkaisip ako ay napagtanto kong makakahalina lamang ako ng negatibo kung sama ng loo bang paiiralin ko. Mas minabuti kong tumanaw ng utang-na-loob sa mga taong nandiyan para sa akin at inaruga ako kahit hindi nila ako tunay na anak.
“I was with our mother until I turned eight years old.”
“Mapalad ka kung gano’n,” komento ko na may mapait na ngiti.
Nakita ko sa gilid ng aking mga mata ang marahang pag-iling ni Elijah hanggang sa narinig ko siyang nagpakawala ng pagak na tawa. “You can’t say that, bro, once you’ll know the life I’ve had together with our mother.”
“Ano ang ibig mong sabihin?” Nilingon ko ito.
Huminga ito ng malalim at waring nakatanaw sa kawalan na parang may binabalikan sa kanyang alaala. “Adaluna Villacorta ang pangalan n’ya.”
Adaluna… Sa wakas ay nalaman ko na ang pangalan ng tunay kong ina.
“Her mother was a local here in Don Aragon. Taga San Elizario.”
“Hindi ako magugulat kong sasabihin mong kabilang ang ating ina sa mga ilustreng angkan.”
“Hindi ka nga nagkakamali. Ang kanyang ama’y nagmamay-ari ng malawak na plantasyon sa San Elizario mula pa noong dekada ochenta.”
Mapait akong natawa sa likuran ng isip ko. Mayamang tao pala ang tunay kong ina. May kapasidad siyang arugain ako at hindi ipamigay. Ngunit ano ang dahilan niya’t pinili niyang ipaampon ako?
“Kahit papaano’y masaya akong malaman iyan. Masaya pa rin ako na kahit ay ikaw lang ay nakasama ang ating ina at lumaki sa maalwang pamumuhay.”
“Elisandro, my life—it wasn’t the privileged and luxurious life like what you’re thinking right now. Iyong negosyo ng pamilya ng ating ina’y nalugi sa kalagitnaan ng dekada nobenta. Masasagip sana iyon kung natuloy na maikasal si Mama kay Alvaro Trigueros.”
Pamilyar sa akin ang apelido na iyon. Ang angkan na iyon na nakabase sa San Elizario.
“But Alvaro Trigueros refused to marry our mother. She married Alondra de Dios. Dahil sa desisyong iyon ni Alvaro Trigueros kung kaya’t tuluyan na bumagsak ang negosyo ng mga Villacorta. Isinisi ng ama ni Mama sa kanya ang kamalasan. Sinisi si Mama ng kanyang ama kung bakit hindi siya ang piniling pakasalan ni Alvaro Trigueros. Our grandfather’s rage went too far and he disowned our mother. Buntis na si Mama sa ating dalawa nang mga panahong iyon. Sinubukan pa niyang pakiusapan si Alvaro Trigueros na panagutan siya subalit hindi naniwala si Alvaro na siya ang ama ng dinadala ni Mama.”
Mabilis na napatuwid ang aking gulugod at mataman kong tinitigan si Elijah nang mayroong labis na pagkagitla. “Sandali. Ang ibig mong sabihin ay ang Alvaro Trigueors na ito ang ating ama? I—isang Trigueros ang ating ama?”
“Yes, Elisandro. Our biological father is none other than Alvaro Trigueros—ang nag-iisang anak ni Donya Allegra at ng yumaong si Don Aragon Trigueros.
“Tsk.” Ang pag-ismid ng mapait na lamang ang tanging nagawa ko sa rebelasiyon ito tungkol sa tunay kong pagkatao. Akala ko’y malaking bunyag na ang malamang mayroon akong kakambal subalit mayroon pa palang mas nakakayanig na lihim na aking malalaman. At lahat ng iyon ay sabay-sabay kong nalaman ngayon.
“But if you wished to meet our biological parents, I am afraid to say that they’re already both gone, Elisandro.”
Napahigit na lamang ako ng malalim na hininga. Sa totoo lang ay hindi ko malaman ang tunay kong nararamdaman sa mga oras na ito. Samu’t saring emosyon ang lumalaganap ngayon sa dibdib ko.
“Listen, Elisandro. Hindi lang ito ang totoong pakay ko saiyo kaya pinahanap kita at inilabas sa kulungan. I have a huge favor to ask from you, brother.”
“Sabihin mo at makikinig ako.” Seryosong saad ko.
“Mayroong ipinamana sa aking malaking kompanya si Lola Allegra—the Don Aragon Distillery. Nakabase ang kompanya at manufacturing nito sa gitnang Luzon. Elisandro, nais kong ikaw na ang humalili sa posisyon ko sa kompanyang iyon.”
“Humalili? Elijah, ang gamay kong trabaho ay maintenance at operasyon ng mechanical system sa barko. Wala akong malawak na kaalaman sa negosyo. Lalo na riyan sa pagpapatakbo ng kompanya!” Naging eksaherado ang pagtaas ng boses ko.
“Mapag-aaralan mo iyon, Elisandro. And I’ve got your background checked already bago ka pa man nailabas sa kulungan. Magagandang mga bagay ang nalaman ko tungkol saiyo. Your persistence and being resilient, iyon ang barahang mayroon ka na magagamit mo sa pagpapatakbo ng distillery. Tiwala ako sa utak mo lalo na sa kakayahan mo.”
I smirk. “Mali mo na ialok sa akin ito, Elijah. Kung ipinamana saiyo ang kompanyang ito mula sa mga Trigueros, natitiyak kong napakaprominente nito. At saiyo na rin nanggaling na ipina-background check mo na ako, siguro naman ay alam mong may itinuro sa aking kasong murder, rason kung bakit ako nakulong ng isang taon. Sa palagay mo ba’y hindi ko madudumihan ang kompanyang ipapasa mo sa akin kung malalaman ng mga tao na ex-convict ang papalit saiyo sa posisyong iiwan mo?”
“That’s why I am going to suggest that it’s much better if you’ll just pretend as me, Elisandro. I'll let you use my identity.”
"At ikaw?"
He gives me a fragile smile. “Aalis ako ng bansa, Elisandro. I... I have cancer and I'll be seeking medication abroad. I don't tell anyone from my family about it. I don't tell my wife about it. I chose not to tell her and hurt her.”
“W—wife?”
At noon ko naalala ang babaeng nakaulayaw ko kagabi. Sa hindi ko sinasadya ay napamura ako ng malutong.
“Oo, Elisandro. I am a married man. I have a wife.”
May kinuha siya mula sa kanyang bulsa sa likod ng kanyang pantalon. Isang pitaka. Binuklat niya iyon at ipinakita niya sa akin ang maliit na larawan na naroon.
It's a wedding picture! Ang kapatid ko ang groom habang ang bride...
Ang bride ay walang iba kung hindi ang babaeng kasiping ko kagabi.
Pútangina! I had a one-night-stand with my twin brother's wife!