Kabanata 8
ELISANDRO
Wala akong kaide-ideya tungkol sa babaeng ito na mahigpit na nakayakap sa katawan ko ngayon. Hindi ko alam ang kanyang pangalan at kung may isang bagay man akong alam tungkol sa kanya, iyon ay kung gaano siya kahibang kagabing kaulayaw ko s’ya.
Hindi ko ugali na manamantala ng babae. ‘Yong one-night-stand na sinasabi nila, ni minsan ay hindi ko iyon naranasan o nasubukan ngunit nabunsod ang sarili ko para gawin ang bagay na iyon kagabing nakatagpo ko ang babaeng ito. She is too gorgeous and hot to resist.
Hindi ako gago para ibaling sa babaeng ito ang sisi. Kung may dapat mang managot sa nangyari sa aming dalawa, ako iyon.
Ako iyong malinaw ang isip kagabi. Ako iyong nasa katinuan at siya naman ay lasing at hindi na alam ang pinaggagawa’t pinagsasabi. She kept calling me a different name. Napagkamalan niya ako.
And she was broken, iyon ang isa sa natitiyak ko sa kanya base sa mga pagsusumamo niyang narinig ko. ‘Yong binabanggit niyang pangalan, alam kong iyon ang taong nagbibigay ng lungkot at sakit sa babaeng ito.
Hindi ako nakapagpigil sa aking sarili kagabi and I took this woman for granted ngunit hindi ko maaaring itanggi sa aking sarili kung gaano ko nagustuhan ang mainit na namagitan sa amin ng babaeng ito. At kung mangyayaring ito ang una’t huling beses na makikita ko siya, alam ko sa aking sarili na habang-buhay na siyang tatatak sa isip ko.
Batid kong umaga na at humihingi na ng sapat na tulog at pahinga ang katawan ko ngunit hindi ko makuhang ipikit ang aking mga mata nang matagal. Ayaw kong gupuin ako ng antok. Hindi ko na malaman ang nangyayari sa aking sarili subalit ayaw kong matuldukan itong saya sa dibdib ko dahil sa pakiramdam na kayakap ko ang estrangherang ito.
I have never had any woman in bed for almost a year. Imposible iyon dahil sa halos isang taong iyon ay nakapiit ako sa kulungan sa salang ibinibintang sa akin ni Hepe.
Ang Hepe ng pulisya sa bayang ito, s’ya ang ama-amahan ni Meera. Si Meera ang kaisa-isang naging kasintahan ko na kalauna’y naging ina ng aking anak. She was the only woman I vowed to love for the rest of my life.
Sinuong ko ang matinding hamon ng buhay, pilit kong nilampasan ang kahirapan at kumayod sa abot ng aking makakaya para lamang mabigyan ko ng magandang buhay si Meera at ang aming anak ngunit dahil sa isang insidente ay napinsala ang lahat. Nawala sa akin ang ina ng aking anak at ang kanyang pagkamatay ay isinisi sa akin.
Hindi ko nakuhang ipaglaban ang hustisya sa pagkamatay ni Meera dahil kahit ang ipagluksa ang kanyang kamatayan ay ipinagkait sa akin ni Hepe. Nakontrol ni Hepe ang batas at halos bawiin niya sa akin ang lahat dahil lang sa atrasong sinisingil niya sa akin na maging ako’y hindi ko malaman kung saan nag-ugat.
Akala ko ay mabubulok na ako sa piitan ngunit no’ng nakaraang linggo lang ay mayroong sumulpot sa buhay ko na naging susi para mabigyan ako ng kalayaan. Nakalabas ako ng bilangguan ngunit hindi ako nabigyan ng pagkakataon na makilala ang taong dahilan ng aking kalayaan.
Hindi ko pa sana gustong kalasin ang kamay ng babae mula sa katawan ko ngunit kinailangan kong bumangon para harapin ang taong kumatok mula sa labas. Maingat akong bumangon para hindi madistrubo ang payapang tulog ng babaeng nasa higaan ko.
“Dong, bakit? Ang aga mong mambulabog.”
Si Badong ay katulad ko ring ampon ni Mamang Amalia. Siya at si Vic ang naiwang namahala rito sa taberna na itinayo namin ni Meera gamit ang perang naipon ko mula sa pagtatrabaho sa isang international cruise ship bilang Designated Duty Engineer. Ang yumaong asawa ni Manang Amalia ay dati ring seaman. Itinaguyod nila akong makapagtapos sa kolehiyo.
“May mga taong naghahanap saiyo, Sandro,” sabi ni Badong na halata ang pag-aalala sa mukha. Bagong gising si Badong at tila nangangalumata pa.
“Si Hepe?” Ito lang ang unang pumasok sa isip ko. Inaasahan ko na ang matinding galit ni Hepe kung malalaman nitong nakalabas na ako sa kulungan.
“Duda akong si Hepe, Sandro. Parang bodyguard iyong nakausap ko at pormal ang dating. Hindi ko nasilip sa loob ng sasakyan iyong kasama niyang siyang may pakay saiyo. Pero, Sandro, mukhang mayaman iyong naghahanap saiyo. Magarang Land Rover iyong sasakyan e.”
Kumunot ang aking noo. “Nasaan?”
“Naroon lang sa labas, nakaparada. Inimbatahan kong dito na lang sa loob sila maghintay saiyo ngunit tumanggi. Pero hindi naman mukhang delikado pero mag-iingat ka pa rin, Sandro.”
“Mauna ka na. Magbibihis lang ako.”
Imbes na umalis ay tumingkayad si Badong at sumisilip sa loob ng kuwarto ko rito sa taberna. Sinamaan ko siya ng tingin.
“Ano’ng sinisilip-silip mo d’yan?” sita ko kay Badong. Lumarawan sa kanyang mukha ang panunudyo.
“Wala ka ba talagang balak na pakawalan si Ma’am Triana?”
“Triana? ‘Yon ang pangalan n’ya?”
Ngumisi si Badong. “‘Yon ang pakilala n’ya. Kinulong mo na siya rito sa lungga mo pero hindi mo pa pala tinatanong ang pangalan n’ya? Tindi mo, ‘tol.”
“Paano ko siya matatanong ng maayos, lasing na lasing ‘yan kagabi? Hindi mo man lang nagawang suwayin gayong alam mong wala siyang kasama at babae pa. Paano kung umuwi iyan kagabi at napagdiskitahan ng masasamang-loob sa kalsada?” Sermon ko kay Badong.
“Oo na, pasensiya na, Sandro pero tapatin mo ako. Ano’ng ginawa mo kay Ma’am Triana?”
“Kung ano man iyon, hindi mo na dapat na alamin pa!” Istriktong wika ko sabay sarado ng pinto.
Muli kong nilapitan ang babaeng mahimbing pa rin na natutulog. Inayos ko ang kumot sa katawan n’ya. Mataman ko siyang pinakatitigan.
Tunay na parang anghel ang kanyang angking ganda. Makinis at mala-mamahaling porselana ang kutis niya, palatandaan lamang na marangya ang buhay na kinabibilangan n’ya. Her hair is so gentle na bagaman at magulo iyon ay maganda pa ring tignan. Natural na lamang ang pamumula ng kanyang mga labi. Imposibleng lipstick pa iyon dahil batid kong mabubura ng husto ang lipstick niya habang mapusok na inaangkin namin ang isa’t isa sa nagdaang gabi.
I just wonder kung taga-rito ba sa Santa Clarita ang babaeng ito. Natitiyak kong kagabi ko lang nakita ang mukha niya. O marahil ay tagaroon siya sa San Elizario. Ang dinig ko’y pugad ang bayan na iyon ng maririlag na kababaihan. Malaking porsiyento ng mga lokal sa bayan ng San Elizario ay mga buena familia. Pugad ng mga elite ang nasabing bayan.
Hindi ako local dito sa probinsya ng Don Aragon. Napunta lamang ako rito dahil kay Meera. Tubong Santa Clarita si Meera at sumunod lamang ako rito sa kanya noong nalaman kong dinadala na niya ang aming anak. Mabigat ang loob ko sa lugar na ito at ayaw ko lamang na sumama ang loob ni Meera sa akin kung kaya’t pumayag akong dito kami tumira.
Hindi ko napansin na tumagal na pala ang titig ko sa mukha ng babae, partikular sa labi niyang tila nangingimbitang tikman.
Ano’ng ginawa mo kay Ma’am Triana?
Naalala ko bigla ang tanong na iyon sa akin ni Badong. Marahan akong natawa sa mga kasagutan sa tanong na iyon. Hindi ko mapigilang mapangisi habang inaalala ang pagniniig namin ng babaeng ito.
Yumuko ako at dahan-dahan na hinalikan ang labi ng babae.
“Ikinagagalak ko ang makilala ka, Binibining Triana.”
Hindi siya nagising sa aking halik kaya minabuti kong lumabas na muna para harapin ang taong naghahanap sa akin. At tunay nga sa sinabi ni Badong, isang Land Rover nga ang nakahimpil sa tapat ng taberna.
Sa labas niyon ay may nakatayong lalaki at pormal ang pananamit. Nakasuot ito ng tuxedo. Hindi karaniwan sa akin na makakita ng taong naka-tuxedo rito sa Santa Clarita.
Tipid lang na tumango sa akin ang lalaki at binuksan nito ang pinto sa backseat ng Land Rover na nakaharap sa aking gawi. Tahimik akong pumasok bagaman at nasa isip ko ang alinlangan.
Pagkaupo ko sa backseat ay tumambad sa akin ang isa pang lalaki na nakasuot din ng tuxedo. Mas matanda ito kaysa sa nagbukas ng pinto.
“Elisandro Alicante.” He recognizes me in an instant. Tipid na tumango sa akin ang kasama kong nakaupo rito sa backseat. “Ako si Attorney Luis Benjia. Ako ang nautusan para mailabas ka sa kulungan.”
“Nautusan? Nino, Attorney?”
“Kailangan mong sumama sa amin nang sa gano’n ay pormal na makilala mo ang taong tumulong saiyo para makalaya ka. Hinihintay ka n’ya, Mr. Alicante.”
Sandali akong nag-isip at matamang tinignan ang abogado. “Alam kong malaki ang utang-na-loob ko sa inyo ngunit paano ako makakasiguro na hindi kapahamakan ang naghihintay sa akin oras na sumama ako sa inyo?”
Kung trust issue ang pag-uusapan, ako na marahil ang numerong unong may pinakamalaking problema sa bagay na iyon. Minsan ko nang naipahamak ang sarili ko dahil madali akong magtiwala sa mga tao. Ngayon ay gusto kong unahin ang pag-iingat nang sa ganoon ay hindi ko na muling maipahamak ang aking sarili. Hindi ko ito gagawin para lamang sa sarili kong kapakanan, kung hindi para sa anak ko. Mahirap ang malayo sa anak. Mahirap ang nasa piitan at hindi maalagaan ang sariling anak. Kung mararapatin ay ayaw ko nang malayo ako sa anak ko dahil bukod kay Mamang Amalia ay ako lamang ang may obligasyon na arugain ang anak namin ni Meera.
“Ipagpalagay na lamang natin na isa sa mga dying wish ng aking kliyente ang makilala ka't makausap, Mr. Alicante, kaya ako'y nakikiusap saiyo na huwag mo sanang isipin na tanggihan ang imbitasyon ng aking kliyente upang makilala ka.”