PAWISAN at hinihingal si Amber kakapanlaban kanina. Ginawa na niya lahat pero hindi pa rin umobra ang pagpupumiglas niya sa lakas ni Felix. Nagawa pa rin nitong kalbuhin siya... Sa baba.
Itinali siya nito sa silya. Sa tapat naman niya ay nakasalampak ito ng upo sa isang couch at seryosong pinag-aaralan ang hawak na phone na natangay ni Latos mula sa mga armadong lalaki. Naningkit na ang malalalim na mga mata nito habang ang mahaba nitong daliri ay pinaglalaruan ang sariling mga labi. Pinisil-pisil nito iyon hanggang sa mamula lalo.
Nasa isang bakanteng silid sila na walang ibang makikita maliban sa mahabang mesa, mga silya at isang ilaw. Parang interrogation room. No windows. At sobrang tahimik pa.
"Sinasabi ko na nga ba! Hah!" sambitla ni Felix na ikinaigtad niya. Napailing pa ito. "Wala na talagang sekretong hindi nabubunyag! Huli ka ngayon baby boy! Haha!"
Bumaluktot ang mga kilay niya na napatitig dito. 'Sayang ang kaguwapuhan nito kung may isang ugat sa utak ang barado. Para kasing timang. Seryoso tapos bigla na lang tumatawa. Mayamaya'y nakasimangot na ulit.'
Pumihit ang mga mata ni Amber at tumuon sa pintong biglang bumukas. Napakapit siya sa upuan nang bumungad sa paningin niya si Hunter.
Hindi na ito ang first sight niya sa lalaki pero para pa rin siyang nai-star struck. Nag-uumapaw naman kasi ang kaguwapuhan nito sa suot na simpleng puting t-shirts, itim na sweaters at slippers. Simple lang siya ngayon pero parang modelo pa rin ang dating. Preskong-presko, halatang bagong paligo at ang bango nito ay mabilis na lumukob sa buong silid, ginagayuma siya. Bigla siyang napalunok.
"May nahanap ka ba?" biglang tanong nito kay Felix. Boses palang makapangyarihan na talaga.
"Um," tango ng isa na hindi inalis ang tingin sa phone.
"Diba, sabi ko kalbuhin 'yan," salubong ang kilay na sabi nito at ininguso siya.
"I did. Kinalbo ko nga."
"Eh, bakit makapal pa rin ang buhok niyan?"
"Sa baba," seryoso namang sagot ni Felix.
"What?"
Ngumisi si Felix. "Check mo sa may baba, kalbong-kalbo na."
Biglang namula ang mukha ni Hunter. Hindi nito malaman ang gagawin sa kaibigan kaya napahilamos na lamang ito sa sariling mukha.
Lumapit ito sa kaniya. Hinila nito ang bakanteng silya at umupo sa tapat niya, katabi ni Felix.
"So, Miss snatcher..."
Wow, nagpalit na pala siya ng pangalan.
Taas-noo niyang sinalubong ang tingin nito pero isang segundo pa nga lang ay para na siyang malalaglag sa kinauupuan niya.
Ang presensya nito ay hindi kayang balewalain ng sinumang babae kahit pa ng isang katulad niyang natatakpan ng dolyar ang paningin. Talagang malakas ang dating nito. Mas malakas pa kaysa sa dating ng pera! Ito na lang kaya ang nakawin niya?
Walang kakurap-kurap ang binata na nakikipagtitigan sa kaniya. Mukhang matatalo siya kung sa patagisan ng tingin. Naasar na siya. Gusto niya itong tusukin.
"Ano'ng kailangan mo sa akin?" tanong niya nang magkaroon ng lakas ng loob. "Ba't hindi mo pa ako pakawalan? Wala naman kayong mapapala sa akin. Oo, dinamay ko kayo pero natakasan naman na natin sila kaya hayaan niyo na akong umalis."
Gumalaw ang mga mata nito. Mula sa mukha ay bumaba ang tingin nito sa kaniyang katawan. Nanghahagod. Parang laser na tumutunaw sa kaniyang damit. Pakiramdam niya pagnagtagal pa ito ay baka mapigtas na ang kaniyang lumang bra.
"Do you always wear something like that? Sa galing mong magnakaw, hindi ka man lang nakabili ng matinong damit?"
Nagsalubong ang mga kilay niya.
"Bakit? May problima ba sa suot ko?" Sinipat pa niya ang kaniyang sarili. "Wala naman, ah?"
Nakasuot lang naman siya ng malaking puting T-shirt na naging kulay kayumanggi, pantalon na kupas, maluwang at may tagpi. Ang sapin naman niya sa paa ay lumang sapatos na nabili pa niya noon sa ukay-ukay.
Nang mag-angat siya ulit ng tingin ay nakasalubong na naman niya ang mga mata nito. Ngunit sa pagkakataong iyon ay bahagyang nawala ang talim sa titig nito. Parang lumambot. O baka guni-guni niya lang.
"Your name."
"Huh?"
"Tsk! Bingi."
Ibinaba ni Felix ang hawak na phone at hindi napigilan na sumabat sa kanila.
"Miss cute, pangalan mo raw!"
"Am—" Wait! Sasabihin ba niya ang totoo niyang pangalan? Hindi na. Hindi naman niya kaanu-ano ang mga ito. Isa pa, ayaw niyang may makaalam ng kaniyang totoong pagkatao. "Ahm, Em."
"Am-em?" tanong ni Felix. He's confused. "That's your name? Am-em?"
"Hindi. Em!"
"Ahh, Em! Ano'ng apilyedo?"
"Pakta."
Nagkatinginan ang dalawang herodes.
"Em... Pakta..." Pinroseso pa ng utak ni Felix ang binigay niyang pangalan. At nang ma-gets ay muntik pa itong humagalpak ng tawa.
"Pinagloloko mo ba kami? Tingin mo nakikipagbiruan ako sa 'yo?" seryosong tanong ni Hunter, gigil na talaga.
"Tingin mo rin nagbibiro ako? 'Yon lang ang pangalan na naalala ko."
"Hayaan mo na, boss. Bagay naman sa kaniya! Haha!"
Bumuga ng hangin si Hunter at kalmadong tumayo. "Ayos lang kung ayaw mong sabihin ang tunay mong pangalan. Total, hindi ka na rin naman magtatagal."
"Sandali!" Tatayo rin sana siya kaso nakatali pala siya sa silya. Tiningala nalang niya ang mistulang higanteng nilalang sa harap niya. "A-ano 'yong sinabi mo? Ano'ng hindi magtatagal? Papatayin niyo ba ako?"
"Hindi kami. 'Yong tinangayan niyo ng phone." Yumuko ito at ipinantay ang mukha sa kaniya. "You messed with the wrong guy, Miss... Em Pakta. Ikaw at ang matabang bata na kasama mo kanina, are now on that syndicate's death list."
"P-paano mo nasabi iyan? Kilala mo ba sila?"
"Matagal na naming minamanmanan ang grupong iyon. And thanks to you because we now have enough evidence."
Nalito siya lalo. Mga pulis ba ang mga ito?
"A-ano ba ang trabaho ninyo? Imbestigador ba kayo? At ikaw? Sino ka ba?"
Seryoso itong tumitig sa kaniya. "You don't have to know."
"Eh, ga go ka pala! Kayo ang mas nakinabang sa phone na tinangay namin! Dapat magpasa—"
Napasinghap siya nang bigla siyang hatakin ni Hunter sa kwelyo. Matalim ang mga mata nito at nagtatagis ang mga bagang. "Watch your mouth, Empakta."
"Tinatakot mo 'ko niyan? For your information, sanay na ako sa ganito—"
Muli siyang suminghap nang hilahin nito nang marahas ang kwelyo niya at inilapit ang mukha sa kaniya. Halos magtama na ang dulo ng mga ilong nila at ang mainit at mabango nitong hininga ay nalalanghap na niya.
"Bitiwan mo 'ko!" mahina at mariin niyang utos na pilit nilalabanan ang kabang bumubundol sa dibdib. Ngunit lalo lamang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kaniya dahilan para masakal siya. "Ayaw mo 'kong bitawan, ha?!" Sa inis ay binugahan niya ito ng hangin.
Kandaduwal si Hunter nang malanghap ang amoy bagoong niyang hininga.
"Felix! Busalan mo 'yan!" gigil na sigaw ni Hunter at muling naduwal. "Damn this b***h! Bakit sa atin pa 'to napunta?!"
"Baka may mabigat na dahilan, boss," natatawang tugon ni Felix habang tinatakpan ng panyo ang bibig ni Amber. "BAKA DESTINY."