“Ganun ba ako naging kalupit kay Avah noon?” Piniga ni Andrea ang bahagi ng damit malaapit sa dibdib. Hindi niya sigurado kung tuwa o inis ang mararamdaman sa narinig niya mula sa kapatid.
Sa paglalakad ay muli niyang nakita si Tandang Gresa. Nangingilag ang mga tao na malapit rito. Marahan ito kung humakbang at mukhang pabalik na sa bahay nito. Napansin din siya ng matanda kaya agad siyang umiwas ng tingin. Malapit na silang magkasalubong kaya siya na ang tumabi ngunit laking gulat niya nang huminto ang matanda at nag-angat ng paningin sa direksyon niya. Nais niyang magtuloy tuloy sa paglalakad at huwag itong pansinin nang… “Ikaw ba ang kapatid nung bata kanina?”
Halos matigil ang mundo ni Andrea sa pagkarinig ng garalgal na boses na iyon. Hindi niya sigurado kung naintindihan niya ang tanong sapagkat mas pumailanlang sa kaniya ang takot. Baka kung ano ang gawin nito sa kaniya. Pinaikot niya ang kaniyang mga mata upang siguraduhin may mga tao pa rin sa paligid na pwede niyang mahingan ng tulong pag nagkataon.
“Ang kapatid mo…”
Nabalik sa wisyo si Andrea nang maintindihan na ang binibigkas ng matanda. “Kapatid ko? Si Avah? Anong kailangan mo sa kaniya?
“Avah? Pamilyar na pangalan.”
Humarap nang matapang ang dalaga. Palubog na ang sikat ng araw.
“Ano ang kailangan mo sa kapatid ko?”
Ilang segundong nanatili ang katahimikan, “Ang kapatid mo, may nangyayari bang kakaiba sa kaniya?”
Nanlaki ang mga mata ni Andrea. Hindi niya alam ang isasagot. Totoong may napapansin siya sa kinikilos ng kapatid. Ngunit nagtataka ito kung paanong nalaman ng matanda, kung ano ang kinalaman nito at kung may nangyari ba sa pagitan nina Avah at Tandang Gresa.
“Tapatin mo nga ko Tandang Gresa. Anong ginawa mo sa kapatid ko?” Puno ng diin na tanong ni Andrea.
“Kung ganun tama nga ako. May kakaibang nangyayari magmula nung…”
Naghihintay si Andrea ng huling salita. Nagulantang na lamang siya nung kumaripas ng takbo ang matanda. Ang lahat ng nakakita ay napanganga rin sapagkat hindi nila akalain na sa uugod ugod nitong katawan ay nagawa nitong tumakbo.
"Hindi ko siya gusto." Halos mapapitlag sa kinauupuan si Avah nang biglang may magsalita. Nilingon niya ito at bumungad sa kanya si Rosa na seryoso ang mukha at tila may iniisip. “Si Andrea. Yung babaeng yun. Hindi ko siya gusto. Dati ay sinasaktan ka niya. Mali ang ginagawa niyang yun sa iyo. Dapat lumalaban ka noon! Tapos ngayon naman ay magkasundo kayo! Hindi ko kayo maintindihan." Dagdag pa niya at tinabihan siya.
Umiling si Avah sa kanya at nagwika. "Hindi Rosa. Mabait talaga ang kapatid ko. Huwag ka nang mainis sa kaniya, Sana nga ay matuwa ka sa nangyayaring pagkakasundo namin.”
Nawalan ng emosyon ang mukha ni Rosa. “Matutuwa? Hindi.” Tumayo siya. “Hindi ba’t sabi mo, iyon na ang pinakamagandang regalong natanggap mo ngayong darating na kapaskuhan?” Mabagal ang pagkakasambit niya ng mga salita. Nananatili siyang nakatayo’s nakatalikod sa kaibigan.
“Ou. May masama ba roon?” Tumayo na rin si Avah.
Pumihit patalikod si Rosa. Napapitlag si Avah nang makitang lumuluha si Rosa, ngunit ang luhang iyon ay kulay pula, dugo, dugo ang niluluha nito.
“R-rosa..” Nanlalaki ang mga mata ni Avah. Kaparehong kapareho nito ang imahe na nasa papel na kinatakutan nilang magkakaibigan.
“Mali ang ginagawa mong pagpapaiyak sa akin Avah. Sisiguraduhin kong ang regalo ko na ibibigay sa iyo ang pinakamagandang mangyayari sa buhay mo.
Hindi nagpatinag si Avah sa kaibigan. “Ikaw ang may maling ginawa. Sabihin mo, ikaw ang may gawa nun kanina noh? Ikaw yung nanggulo sa aming magkakaibigan sa bahay nina Miguel!"
Sumilay ang ngiti sa labi ni Rosa. Mapaglaro gaya ng dati, tuso at mapanlinlang. "Bakit mo naman ako pinagbibintangan? Masama ang magbintang. At tsaka paano ko naman yun magagawa Avah? Eh diba nga, hindi mo ko sinama? Iniwan mo lang ako. Kagaya ka ng lahay." Hindi pa rin nawawala ang kanyang mga ngiti.
"Hindi ko alam kung paano pero alam kong ikaw yun, ang nanakot sa mga kaibigan ko, ang nanggulo sa amin. Pati rin ang nangyaring bugso ng hangin sa amin ni lola. Ikaw din yun." Matigas na saad ni Avah.
"Ang galing mo naman magsalita Avah. Eh paano kung sabihin ko sayo na ako nga iyon?" Mapaglarong wika niya. lumakad-lakad na para bang nasisiyahan pa sa kanyang ginawa.
"Masama yun Rosa. Paano kung may nangyaring masama kanila Miguel, Ryza, Lorraine at lola? Paano kung masaktan sila? Hindi mo ba iyon naisip?" Sa sinabing iyon ni Avah ay nanumbalik ang seryoso nitong mukha. Kumupas din ang dugo sa mukha nito.
"Hindi ko na problema iyon Avah. Kasalanan na nila iyon kung magkataon.
“Rosa!” Pagsigaw niya rito. Hindi ito makapaniwala sa mga narinig.
Sinamaan ng tingin ni Rosa si Avah. Nagkaroon muli ng ihip ng hangin. Palakas nang palakas sa pagkakataong ito. “Mas masama ang mga taong nakapaligid sa iyo. Ayoko sa kanila. Masama sila. Sabi ko naman kasi sa iyo ay tayo na lang ang maglaro pero hindi ka nakikinig sa akin."
Sa gitna ng pag-uusap nila ay biglaang bumukas ang pintuan. Nawala rin bigla ang ihip ng hangin.
“Bakit parang ang lamig dito? Wala naman tayong aircon.” Puna ni Andrea. Nakasarado naman ang dungawan ng kanilang bintana. Nadako ang tingin niya sa kapatid. Kaniya itong nilapitan. “Sabihin mo…” Nakita niya ang matingkad na kulay pula ng laso na nakatali pa rin sa kaniyang kapatid. “Kung may nangyari man. Nandito ako hah. Hindi kita pipilitin sa ngayon Avah. Pero andito ako bilang ate mo.”
Ang mabilis na pagtakbo ng dibdib ni Avah dahil kay Rosa ay unti-unting kumalma dahil naman sa sinabi ng kaniyang ate. Hindi na rin hinintay ni Andrea ang kapatid para tumugon. Nagtungo na lamang siya ng banyo ng kanilang silid.
"Ayoko talaga sa kanya." Mailing-iling na turan ni Rosa habang masama ang titig sa pintuan ng banyo.
“Rosa. Magugustuhan mo rin siya. Sana ay maging masaya ka na lang para sa akin---"
Biglang sumingit si Rosa sa kanya para maudlot ang pagtatanggol sa kapatid. "Pwes! Hindi ako ganyan sa kapatid ko. Hindi pabago-bago ang nararamdaman ko." Madiing saad niya.
"May kapatid ka rin?" Pagtatanong ni Avah.
Tumango si Rosa at tumugon. "Oo. Pero kabaligtaran natin siya dahil siya ang masama. Dati naman palagi kaming magkakalaro. Pero ngayon tuwing niyayaya ko siya maglaro, ayaw niya! Ayaw niya akong maging masaya! Ayaw niya akong maglaro! Ayaw niyang makipaglaro! Pati yung mga laruan namin! Ayaw niyang ipalaro! Pati yun paborito kong manika, ayaw man lang niya ipahawak! Madamot siya!” Lumalalim ang mata ni Rosa. Nagkakaroon ng ugat ang palibot na bahagi ng kaniyang mga mata, nagiging itim, hanggang sa lumuha na uli ito ng dugo.
Napaatras si Avah, nakakadama siya ng takot. Parang hindi na si Rosa ang kausap niya. Napansin iyon ni Rosa, pinakalma niya ang sarili at pinahid ang mga luhang kulay dugo, “Sa kabila ng lahat ng yun, mahal ko ang kapatid ko. Pero kailangan ko talaga ng kalaro kaya naghanap ako ng ibang kalaro. Hanggang sa mahanap kita Avah."
"Ako?" Si Avah naman ay hindi alam ang dapat maramdaman para kay Rosa.
Samantala, bubuksan na sana ni Andrea ang pintuan ay natigilan siya dahil sa pagsasalita mag-isa ng kapatid na para bang may kausap ito. Rinig na rinig niya sapagkat manipis lang naman ang pintuan. Gumawa siya ng kaunting awang sa pintuan para masilip si Avah pero tanging ang kapatid lang naman ang nakikita at wala nang iba.
Nananatiling tahimik si Avah at nakikinig lamang sa mga pinagsasasabi ng kaibigan na tanging siya lang ang nakakaalam ng presensya nito.
"Kaya Avah. Simula ngayon, ituturing na rin kitang kapatid. Kaya sana huwag mo na ako iiwan. Huwag mo na ako huhusgahan. Ayoko ring nag-aaway tayo. Puro kasiyahan, puro laro at tayo lang..."
"Pero sila lola..."
"Makinig ka Avah. Balang araw, balang araw ay iiwan ka rin nila isa-isa Avah. Wag kang mag-aalala dahil ako hindi. Hinding hindi kita pababayaan, hindi rin kita iiwan. At hindi kita mamadaliin sa ngayon. Pero sisiguraduhin ko na sasama ka sa akin." Mahinahong saad ni Rosa at hinimas-himas ang mga laruan ni Avah.
"Hindi kita maintindihan." Pagkalito ng kausap. Muling isinara ni Andrea ang pintuan ng banyo. Napahawak siya sa kanyang bibig sa sobrang pagkakagulat sa nasaksihan. Alam niya ang imahinasyon ng pagiging bata ngunit base sa sinasabi at kinikilos ng kapatid ay may kakaiba talaga rito.
Rumehistro sa utak niya ang sinabi ng kaniyang lola.
“Ou. Pinamana sa akin ng lola ko rin iyon sapagkat sakitin ako. Sa sitwasyon naman ni Avah, sa ispiritwal nang ipanganak siya, ang kumadrona ay nagbabala na magiging lapitin daw si Avah ng mga elemento at nang kung anong mga supernatural na bagay. Kaya naman sa kaniya ko ipinamana iyon. At bilang tradisyon, ang pagpapamana nun ay magkaroon ng munting pagbubunyi. Ngunit walang halong mahika o kung ano man ang pulang lasong iyon. Dinala ko lamang sa pamilya natin ang tradisyon na iyon.”
Pati ang sinabi ni Tandang Gresa sa kaniya ay hindi rin nawaglit sa kaniyang isipan.
“Ang kapatid mo, may nangyayari bang kakaiba sa kaniya?”
“Kung ganun tama nga ako. May kakaibang nangyayari magmula nung…”
Napasandal si Andrea. Hindi alam kung ano ang dapat at tamang hakbang sa mga nakikita’t naririnig. Tama ba ang mga hinala niya. Pilit niyang iniisip kung ano ang nangyayari sa kaniyang kapatid ngunit sa palalim nang palalim ang iniisip niya ay mas kinakabahan siya. Parang ayaw niyang maniwala.
"Maiintindihan mo rin pagsapit ng pasko kapag natanggap mo na ang pinakamahalagang regalo sa buhay mo at masisiyahan ka rito nang husto.”
“Kung ano man yan Rosa nagpapasalamat ako. Pero patawad kasi wala pa talaga akong maibibigay na regalo pabalik sa iyo.”
Hinawakan ni Rosa sa magkabilang balikat ang kaibigan. Nanlamig si Avah sa malayelong mga kamay nito. “Hindi ba sabi ko naman sa iyo nung una nating pagkikita na tanggapin mo lamang nang buo sa puso mo ang ibibigay ko sa iyo ay iyon na ang magiging regalo mo para sa akin. Masaya ang maglaro Avah. At magagawa natin yun nang walang limitasyon.” Nakatitig lamang si Avah sa kaniya. “May alam akong laro Avah! At sa pagkakataong ito siya ang laruan natin." Saad ni Rosa bago idako ang paningin sa banyo.
"Ano? Sino? Parang ayoko ng larong nasa isip mo."
"Huwag kang mag-alala. Wala akong sasaktan na kahit sino... sa ngayon." Ang huling sinabi ni Rosa ang nagpaalerto kay Avah. Bahagya siyang nakadama ng kaba para kay Andrea. Akmang pipigilan niya ang kaibigan ay naglaho ito nang parang bula.
"Rosa? Huwag! Sandali!" Paghahabol niya pero wala na talaga ito.
"Avah! Anak! Bumaba ka muna dito saglit!" Pagtatawag ng kanyang tatay na rinig na rinig niya mula sa baba. Ayaw niya sanang iwanan ang kapatid lalo na't nasa banyo lamang ito ngunit ayaw niya rin namang biguin ang tatay kaya alanganin siyang lumabas.
Samantala sa lugar ni Tandang Gresa, hingalong nakarating siya sa kaniyang bahay. Kinandado niya nang mahigpit ang gate. Pinukulan niya muna ng masidhing tingin ang bahay nina Avah. May mga nagdaang tao sa tapat nila kaya’t agad niya itong inasikan. Nang matapos sa pagpapalayas sa mga tao’t bata ay agad siyang pumasok sa kaniyang bahay.
Tuloy tuloy lang siya sa paglalakad patungo sa hagdan, paakyat at papasok sa nag-iisang silid sa ikalawang palagpag. Kinandado niya rin ang pintuan nang makapasok. Inikot niya ang paningin sa buong silid. Walang kahit anong ibang presensya. Hindi pa rin nagpaparamdam ang kaniyang kapatid. Kumuha siya ng posporo na nakalakip sa isa sa mga aparador at sinindihan ang mga kandila.
“Rosa?” Pagtatawag niya sa bata. Sa mga ganitong araw na mas malapit na ang kapaskuhan ay dapat mas aktibo si Rosa sa pagpapakita sa kaniya at pangungulit tungkol sa paglalaro.
“Rosa?” Muli nitong pagtawag. Ngunit wala pa rin, pati na rin ang malamig na ihip ng hangin na kaniyang hinihintay ay hindi pa rin dumarating. Napabuntong hininga siya at lumapit sa kahon ng mga lumang laruan. Binuksan niya iyon at nakitang kumpleto pa rin naman ang mga laman nun. Kinuha niya ang manika na nasa ibabaw ng tumpok ng mga laruan na iyon. Tumungo rin siya sa pulang laso na nakakabit pa rin sa tumba tumba niya. Tinanggal niya iyon sa pagkakabuhol dun at itinali naman sa manika. Binalik niya ang manika sa kahon at kumuha ng tape upang isarado ang kahon. Pinalibutan niya ng tape ang kahon, siniguradong walang makakabukas. Ngunit alam naman niyang walang magtatangkang pumasok ng bahay niya para lamang sa kakarampot na kahon na iyon. Nang maalala niya ang batang si Avah.