“Hindi pa rin ba magaling 'yang pasyenteng ‘yan? Apat na taon na ‘yan dito, parang wala namang pinagbabago.” Walang lakas akong nag-angat ng tingin sa may pintuan nang marinig ang dalawang nurse na nag-uusap mula roon. Nakasandal ang isa sa pinto habang ang isa naman ay naka-krus ang braso at nakataas ang kilay na nakatingin sa gawi ko. Napalunok naman ako at nahihiyang nagbaba ng t ingin. Paaalisin na ba nila ako rito? Pero wala akong matutuluyan kung sakali mang paalisin nila ako. Hindi ako maaaring bumalik sa hacienda o maging sa bahay kasama nina Nanay at Tatay. Hindi puwede. “Mukha namang ayos na ‘yan. Hintayin na lamang nating i-claim ng pamilya,” sagot ng isa pa sa babaeng nurse na nagtanong kanina. Muli akong napalunok dahil sa kaba. Hindi ako maaaring kunin dito ni Nanay.

