Nang pumasok ako sa hayskul, napagpasyahan namin ni Tita Letlet na lumipat at manirahan muna sa isang maliit na paupahang bahay o tinatawag na boarding house sa sentro ng bayan. Malayo ito sa aming dating tahimik na baryo, ngunit ito ang pinakamainam na desisyon para sa aming dalawa. Nasa parehong lugar na rin ang kanyang tindahan ng bigas, kaya hindi na kailangang bumiyahe nang ilang oras araw-araw. Bukod sa magiging mas madali ang aking pagpasok sa paaralan, mas magkakaroon din ako ng pagkakataong makatulong nang maayos sa kanyang kabuhayan tuwing uwian o walang pasok.
Bago kami tuluyang lumipat, kinausap ako ni Tita Letlet nang masinsinan habang nag-iimpake kami ng aming mga gamit.
“Ichen, alam kong nasanay ka sa payapang buhay sa baryo,” panimula niya habang tinatupi nang maayos ang mga damit. “Pero dito sa bayan, mas mabilis ang takbo ng panahon at mas maraming tao ang iyong makikilala. Huwag kang mag-alala, maliit lang ang uupahan natin ngunit malinis at ligtas. Ilang hakbang lang ang layo nito sa tindahan ko, at wala pang dalawampung minuto ang lakad papunta sa paaralan. Sa ganitong paraan, makakatulong ka sa akin at hindi ka na mapapagod sa byahe. Sang-ayon ka ba?”
Tumingin ako sa kanya at tumango nang may kapanatagan. “Sige po, Tita. Kahit saan po kayo dalhin, susunod ako. Mas gugustuhin ko pa ngang may mapagkakaabalahan kaysa manatili lang at mag-isip ng kung ano-ano. Pangako, mag-aaral akong mabuti at tutulong sa inyo.”
Kaya ilang araw bago magbukas ang klase, inilipat namin ang aming mga kaunting gamit. Sa unang araw ng pasukan, pumasok ako sa silid-aralan nang nakayuko, dahan-dahang humakbang papunta sa pinakalikod na bahagi kung saan kakaunti ang tao. Doon ako umupo, ibinaba ang tingin, at handang manatiling tahimik tulad ng nakagawian ko.
Ngunit sa araw ding iyon, may isang mukha na agad na tumatak sa aking isipan—isang mukhang tila pamilyar, tila bahagi ng aking malayong nakaraan, ngunit hindi ko matukoy kung kailan at saan ko ito nakita.
Una ko siyang napansin dahil siya ang pinakamaingay, pinakapasaway, at pinakatuso sa aming klase sa unang araw pa lamang. Madalas siyang makitang nakikipagbiruan sa katabi habang nagtuturo ang guro, nagpapasa ng maliliit na papel, o tumatawa nang mahina sa mga bagay na walang kinalaman sa aralin. Nang utusan kami ng aming guro na si Gng. Santos na magpakilala, saka ko nalaman ang kanyang pangalan.
Tumayo siya nang hindi maayos, nakasandal pa sa likod ng upuan, at may nakakalokong ngiti sa kanyang mga labi.
“Ako po si Waylan,” panimula niya nang may diin, habang ang kanyang mga mata ay gumagala sa buong silid. “Nakatira ako sa kabilang kanto ng bayan, at ang hilig ko ay gawing masaya ang mga nakakabagot na sandali.”
“Waylan, tumayo nang tuwid at magsalita nang maayos,” paalala ng guro. “Huwag mong gawing biro ang pagpapakilala.”
Tinaasan lang siya nito ng balikat at sumunod nang kalahati. “Sige po, Ma’am. Waylan lang po. Wala nang ibang detalye pa.”
Wala sana akong pakialam sa kanya at sa kanyang mga kalokohan. Ang plano ko ay manatili sa aking sariling mundo, huwag makisali sa anumang gulo, at tapusin ang pag-aaral nang payapa. Ngunit tila may ibang plano ang tadhana. Sa kabila ng kanyang pagiging tuso, gumawa ito ng paraan upang magtagpo ang aming mga landas sa isang pinaka-nakakahiya at hindi inaasahang pangyayari.
Mangyayari iyon noong ikatlong linggo ng pasukan. Bigla akong nakaramdam ng matinding sakit sa tiyan habang nasa klase. Parang puputok ang aking sikmura at kailangan kong dumumi agad. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Nang tumunog ang bell para sa oras ng pahinga, mabilis akong tumakbo palabas ng silid, halos hindi na makita ang dinadaanan ko sa tindi ng pangangailangan.
Sa pagmamadali, napasok ko ang pinakamalapit na palikuran. Hindi ko na napansin ang nakasulat sa ibabaw ng pinto, at mas lalong hindi ko naisipang isara nang maayos at ikandado ito. Sa gitna ng aking paggawa, narinig ko ang pagbukas ng pinto. Nang lumingon ako, nanlaki ang aking mga mata at tumigil ang aking paghinga.
Doon sa b****a ng pinto ay nakatayo si Waylan.
Nanlaki rin ang kanyang mga mata sa gulat, ngunit ilang sandali pa ay napahawak siya sa kanyang tiyan at tumawa nang napakalakas, habang mabilis na tinatakpan ang kanyang ilong gamit ang palad.
“Naku! Anong klaseng maling daan ang tinahak mo, teka ikaw yong kaklase kong nakaupo sa likuran ah?I-i-ichen! Oo Ichen nga ang pangalan mo” sigaw niya sa pagitan ng halakhak. “Ito ay palikuran ng mga lalaki! Hindi mo ba nabasa ang nakasulat?”
Dahil sa matinding hiya at galit, nagsalita ako nang nanginginig ang boses. “Lumabas ka! Umalis ka dito! Wala kang modo!”
Ngunit sa halip na sumunod, sumandal pa siya sa pader sa labas ng pinto at patuloy na ngumisi. “Bakit? May itatago ka pa ba? Sa halip na itaboy ako, dapat ay humingi ka ng paumanhin sa akin dahil nakita ko ang ganitong eksena.”
“ Umalis ka o sisigaw ako at ipapahiya rin kita!” banta ko, kahit na ramdam ko ang pag-init ng buong mukha ko sa matinding hiya.
Sa gitna ng pagtatalo, napansin ko ang mas malaking problema: naubos na ang laman ng kahon ng tisyu, at nang tingnan ko ang timba sa gilid, wala itong laman at tuyong-tuyo pa ang loob. Wala akong mapagkukunan ng panlinis.
Nang mapansin din ito ni Waylan, lalong lumakas ang kanyang tawa. “Ay, mukhang may problema pa tayo. Wala kang pampunas at wala ring tubig. Paano ka makakaalis diyan?”
Dahil sa sobrang hiya, takot, at kawalan ng magawa, biglang namuo ang mga luha sa aking mga mata at nagsimulang tumulo sa aking mga pisngi. Nakayuko ako at yumakap sa aking mga tuhod, hindi na makapagsalita.
Nang makita niya ang pagbabago sa akin at ang pagtulo ng aking mga luha, biglang tumigil ang kanyang halakhak. Ang ngisi sa kanyang mga labi ay napalitan ng seryosong tingin.
Mabilis siyang tumakbo palabas. Habang naiwan akong mag-isa, lalo akong nalito at kinabahan. Ano na ang gagawin ko? Paano ako makakauwi nang maayos?
Ilang sandali pa, narinig ko ang mabilis na yabag ng paa. Bumukas ulit ang pinto, at doon ay nakita ko si Waylan na may dalang isang timbang punong-puno ng malinis na tubig at may hawak ding bagong pakete ng tisyu. Inilapag niya ito sa labas ng pinto nang hindi tumitingin nang diretso sa akin.
“Magpasalamat ka may konsensiya pa ako”, nakatawa pa ring sabi niya.
Agad siyang lumabas pagkatapos niyang ilapag ang timba.Kinuha ko agad ito ng mabilis at ginawa ang kailangan ko. Nang mlabas ako nang maayos, nakita ko siyang nakasandal pa rin sa pader, nakatingin sa malayo. Nang marinig niya ang aking mga hakbang, lumingon siya at muli ay may bahid ng ngiti sa kanyang mga labi, na para bang nakakainsulto.
Tumingin ako sa kanya at doon ko napansin ang tila nakatagong kalungkutan sa kabila ng pag-uugali niya.
“Maraming salamat,” mahina kong sabi.
"Oo na ! nilinisan mo ba ng maigi ang c.r? Oh tumagilid ka at ako ang susunod sa c.r na iyan!" sabi niya na may halo pang tawa.
Simula na rin sa araw na iyon ay lagi na siyang nakatawa sa tuwing nakikita ako. Madalas pa niya akong asarin at ibully.
Naiwan akong nakatayo sa pwestong iyon, hindi makapaniwala na sa ganitong nakakahiyang paraan kami tuluyang nakilala.