CHAPTER 2

1184 Words
Ang araw na iyon ay tila ang katapusan ng aking mundo. Ang bigat ng pangyayari ay labis na masakit, halos hindi ko kayang tanggapin. Napag-alaman namin na noong mga araw na iyon, nalulong si Ama sa paggamit ng droga—at ito ang naging dahilan kung bakit niya nagawang gumawa ng kahindik-hindik na bagay: ang paslangin ang kawawang bata. Ayon sa ina ng bata, pauwi sana sila sa aming probinsya upang dumalaw sa kanilang mga kamag-anak. Ngunit sa kalagitnaan ng gabi at biyahe, bigla siyang nakaramdam ng matinding pangangailangang umihi. Ipinahinto niya ang sasakyan at iniwan sandali ang kanyang natutulog na anak sa loob, upang pumunta sa masukal na talahibang malapit sa kalsada. Ngunit nang bumalik siya, wala na ang bata. Sa mga oras ding iyon, pauwi si Ama mula sa matagal na pag-inom. Nakita niya ang nakaparadang sasakyan at ang batang mag-isa sa loob. Kinuha niya ito, dinala sa aming bakuran, at doon niya ginawa ang karumal-dumal na krimen. Para sa isang batang tulad ko, ang araw na iyon ay puno ng takot at pangamba. Ang masaksihan ang lahat ng pangyayaring iyon ay nag-iwan ng malalim na sugat sa aking isipan at puso. Nakulong si Ama habambuhay, at nang ilibing si Ina, hindi na siya pinayagang dumalo pa. Ang pagkawala ni Ina ay sadyang mabigat. Pakiramdam ko ay nawala rin ang aking sarili. Parang naubos na ang lahat ng luha sa aking mga mata—ni isang patak ay ayaw nang tumulo. Nanatili akong tahimik, nakatulala sa kawalan. Umiiyak ang puso ko, ngunit walang luhang pumatak. Isang pangungusap lang ang paulit-ulit na umuugong sa aking isipan: ang mga salitang isinigaw ng ina ng batang pinaslang ni Ama. “Magiging halimaw ka! Magiging halimaw ka! Magiging halimaw ka!” Hanggang sa hindi ko namalayang tumakbo na lang ako palayo sa aming bahay, kung saan nakahimlay pa ang labi ni Ina. Tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa makita ko ang isang trak ng basurang nakahinto sa tabi ng kalsada. Nakita kong umiihi ang drayber nito, kaya palihim akong umakyat sa likod at doon sumiksik sa gitna ng mga basura. Nang umandar ang trak, hinayaan ko lang itong dalhin ako palayo sa lugar na puno ng sakit at alaala. Nakarating ako sa isang lugar na halos isang oras ang layo mula sa amin. Dahil sa matinding trapik, huminto ang trak, kaya agad akong bumaba at napadpad sa isang malawak na parke. Umupo ako sa isang sulok, at doon ko namasdan ang isang masayang pamilya na nakaupo sa lilim ng isang malinis na puno at sabay-sabay na kumakain. Pinapakain ng ina ang kanyang anak na lalaki—mga sampung taong gulang din, katulad ko—habang ang ama ay maayos na nakayakap sa kanila. Habang pinapanood ko ang kanilang masayang samahan, kusang tumulo ang mga luha ko. Sa sampung taong kasama ko sina Ama at Ina, hindi ko kailanman naranasan ang ganoong klaseng pagmamahal. Tanging si Ina lang ang nag-aruga sa akin; si Ama ay wala kundi pighati at pananakit. Lagi siyang lasing, laging galit, at madalas pa kaming saktan ni Ina. Nakakalungkot isipin na pumanaw si Ina na puno ng pagdurusa. Ako naman—may pag-asa pa kayang makaranas ng tunay na ligaya? 😨 Habang nalulunod ako sa aking isipan, narinig ko ang isang malambing na tinig. “Iha, gusto mo bang samahan mo kaming kumain?” Tumingala ako. Ang nagsalita ay ang ina ng batang kanina ko pa pinapanood. Sa kanilang pwesto, nakangiting nakatingin din sa akin ang ama at ang bata. Nang hindi ako agad sumagot, marahan niya akong hinila papalapit at pinaupo sa tabi nila. “Iha, tawagin mo na lang akong Tita Celia. Siya naman si Tito Fred, at ito ang aming anak—si Vlad. Halos magkasing-edad kayo, sa tingin ko. Ikaw, ano ang iyong pangalan?” nakangiting panimula niya. Hindi ako umimik, ngunit may kakaibang init na dahan-dahang gumapang sa aking dibdib. Tinitigan ko silang mabuti, parang sinusuri kung totoo ba ang lahat ng ito. Nang makita nilang ayaw ko pang magsalita, hindi na nila ako pinilit. Inalok na lang nila ako ng pagkain—at hindi ko na tinanggihan, dahil sa oras ding iyon ay bigla kong naramdaman ang matinding gutom. Nang matapos kaming kumain, tinanong pa nila ako kung gusto ko bang sumama sa kanila o kung may maitutulong sila. Umiling lang ako bilang sagot. “Sige, kung ayaw mo pa. Heto,” sabi ni Tita Celia habang iniaabot ang isang pirasong papel. “Isinulat ko rito ang aking numero. Kung kailangan mo ng tulong anumang oras, tumawag ka lang.” Kinuha ko ito, at bago pa sila tuluyang makaalis, napatingin ako kay Vlad. Nakangiti siya sa akin—isang ngiting tapat at payapa, na parang walang mabigat na pasanin sa mundo. Hindi ko siya sinuklian ng ngiti, nanatili pa rin akong tahimik. Akala ko ay tuluyan na silang aalis, ngunit may biglang kumalabit sa aking likuran. Lumingon ako, at doon ko muling nakita ang matamis na ngiti ni Vlad. Tumingin siya sa aking mga paa—at doon ko lang napansin na nawala pala ang aking tsinelas habang tumatakbo kanina. Dahan-dahan niyang hinubad ang kanyang sariling sapatos at inilagay ito sa aking mga paa. “Sana, gamit ang mga sapatos na ito, makauwi ka nang ligtas. Ipagdarasal ko ang iyong kaligtasan, at sana malagpasan mo ang anumang pagsubok na iyong dinadala,” malumanay niyang wika. Pagkatapos nito, tumalikod na siya at umalis nang walang suot na anumang sapin sa kanyang mga paa. Sa mga sandaling iyon, tila tumigil ang ikot ng aking mundo. Ang kanyang mga salita, ang kanyang ngiti, ang kanyang mga mata—lahat ay nanatiling nakaukit nang malalim sa aking isipan at puso. Nanatili akong nakaupo sa tabi ng puno, ang aking mga mata ay nakapako sa pares ng puting sapatos na hawak ko. Kaylinis tingnan, makintab at tila hindi pa nadudumihan ng kahit anong alikabok—kabaligtaran ng aking maruruming damit at sugatang mga paa. Sa pagtingin ko rito, biglang bumalik sa aking alaala ang mukha ni Ina. Kahit kailan, hindi kami nakaranas magsuot ng bago o magandang sapatos. Ang tanging tsinelas na mayroon kami ay laging puno ng tagpi, pinagtagpi-tagping materyales na inayos pa ni Ina nang paulit-ulit hanggang sa hindi na ito magamit. Madalas kaming naglalakad nang nakayapak sa matutulis na bato at mainit na lupa, habang ang iba ay naglalakad nang maayos at komportable. Sa isip ko, tila umusbong ang matinding hinanakit. Gusto ko siyang sisihin—ang Diyos. Gusto kong sumigaw at magtanong: Mahal pa ba niya ako? O tuluyan na niya akong tinalikuran at iniwan sa gitna ng kapahamakan? Sa lahat ng sakripisyo at panalangin ni Ina, bakit ganito pa rin ang naging wakas? Bakit sa kasalanang hindi ko naman ginawa, ako pa ang binibigatan ng kapalaran? Wala akong maramdamang kalinga o gabay; tila nasa madilim na sulok lamang ako, walang nakakakita at walang nakikinig. Muli, kusang bumuhos ang mga luha sa aking mga mata. Tumulo ang mga ito sa makinis na balat ng sapatos, na parang sinusubukang dumihan ang isang bagay na sadyang malinis at walang bahid ng kasalanan—kabaligtaran ng buhay na ipinapasan ko ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD