Gaya ng sinabi ni Jordan, dumating nga ito kinabukasan sa kanila at nagpakilala sa kaniyang mga magulang. Subalit sa tingin niya ay mahihirapan si Jordan na paamuhin ang kaniyang ama’t ina, dahil hindi rin naman nga biro ang pinagdaanan niya noon— ng pamilya nila, lalong higit si CJ. Naiintindihan niya iyon dahil isa na rin siyang magulang. Ayaw niya sa lahat ay naaagrabyado ang anak niya. At sigurado siya, ganoon din naman si Jordan. Nauunawaan rin nito ang kaniyang mga magulang.
“Wow! Ang laki naman nito, Daddy!” namimilog ang mga matang wika ni CJ habang iginagala ang mga mata sa harap ng isang moderno at malaking bahay. Isinama sila roon ng lalaki dahil gusto nitong lumipat na sila— kahit hindi pa naman siya kumbinsido, pati na ang kaniyang mga magulang.
“This is huge, Jordan. Kami-kami lang naman ang titira sa bahay na gusto mong bilhin,” wika niya sa lalaki.
Kunot-noong nilingon siya nito. “Ano’ng ibig mong sabihin na kayo lang? Mula ngayon, ito na ang magiging bahay natin, Cee. Kasama niyo akong titira dito,” sabi ni Jordan.
Natigilan siya. “K-kasama ka?”
“Oo. Ayaw mo ba?”
“No— I mean . . . Hindi pa naman kita sinasagot, hindi ba?”
Lumapit sa kaniya ang lalaki na may pilyong ngiti sa mga labi. “Hindi pa nga ba?”
Nag-iwas siya ng mga mata at lumayo dito. “Hindi pa.” At pagkasabi niyon ay mabilis niyang sinundan si CJ. Naabutan niya itong nakatayo lang sa loob ng malaking bahay na iyon, appreciating the beauty in front of him.
“CJ, anak . . .”
Tumingin ito sa kaniya na nangingislap ang mga mata. “Dito na ba talaga tayo titira, Mommy?” tanong nito.
Lumapit siya rito. “Gusto mo ba?”
“Uhm! Para makasama na rin natin si Daddy,” sagot nito.
“Gusto mo bang laging nakakasama ang daddy mo?”
“Opo! Kasi gusto ko rin na palagi kaming maglalaro. Tapos, tuturuan niya akong mag-drive, mag-fishing at kung ano-ano pa, Mommy.”
Huminga nang malalim si Caitlyn. “Natutuwa ka bang naririto na siya?”
“Yes po. Masayang-masaya po ako dahil buo na tayo. Dahil may mommy at daddy na ako kagaya ng ibang bata. Kagaya ng mga kaklase ko.”
Nangilid ang mga luha ni Caitlyn sa narinig kaya mabilis siyang lumunok. Hindi niya alam na ganoon ang nararamdaman ng kaniyang anak. CJ never mentioned that thing until at that very moment. At isa lang naman siyang magulang na ang tanging hiling ay ang maging maligaya ang kaniyang anak.
“Alright . . . Pero kailangan muna nating kumbinsihin sina lolo at lola na sumama sa atin.”
“Iyon lang ba, Mommy? Kami na ni Daddy ang bahala roon. Right, Dad?” Nilingon nito ang lalaking hindi niya namalayang naroon na pala sa kanilang likuran.
“Of course, son! Tayo na ang bahala sa kanila.” At nag-appear pa ang mag-ama.
Napailing na lang si Caitlyn. Kung anuman ang plano ng mga ito, sana nga ay magtagumpay, dahil para din iyon kay CJ.
*****
KABADONG bumaba ng sasakyan niya si Jordan. Nang tawagan niya kanina si CJ sinigurado niya ritong wala si Caitlyn sa mga ito. Napag-usapan nila ng kaniyang anak na sa araw na iyon kakausapin ang mga magulang ni Caitlyn.
“Magandang umaga po, inang,” bati niya nang lumabas ang may edad na babae sa bahay ng mga ito.
“Ano’ng ginagawa mo rito nang ganito kaaga?” kunot-noot tanong ni Mrs. Cristina Sanchez—ang ina ni Caitlyn.
“Gusto ko ho kasi kayong makausap pareho ni Itang, Inang.” Hindi niya alam kung bakit kinakabahan siya. Ganoon nga yata siguro kapag nanunuyo sa magulang ng babaeng minamahal niya.
“Bakit? Tungkol saan ang ipakikipag-usap mo?”
“Tungkol ko sa mga plano ko sa mag-ina ko,” sagot niya.
Huminga nang malalim ang may edad na babae. “Ang mabuti pa ay pumasok na muna tayo sa loob,” yaya nito na bahagyang nawala ang kapormalan ng tinig. Bahagya ring lumambot ang ekspresyon ng mukha nito.
“Salamat ho.” Sumunod siya.
“Tamang-tama at nakaluto na ako. Sa hapag na natin pag-usapan ang sinasabi mo,” wika pa ni Cristina at tuloy-tuloy sa kusina. Nang makita nitong nakatayo siya sa gitna ng sala ay nangunot ang noo nito. “Ano pang itinatayo-tayo mo riyan? Maghain ka na at aasikasuhin ko pa ang asawa ko para makasabay na sa atin.”
“O-oho!” Mabilis na kumilos ang mga paa ni Jordan. Madali siyang naghain at hinintay na makadulog ang lahat.
“Daddy, I want hotdog . . .” sabi ni CJ sa kaniyang tabi.
“Ganoon ba? Sandali lang.” Akmang kukuha na siya ng hotdog nang magsalita si Inang Crisitna.
“You’re a big boy now, CJ. Hindi ka na dapat nagpapa-baby.”
Napatigil siya at tiningnan ang anak. Napakamot naman ito sa ulo at ito na ang kumuha ng hotdog.
“Now . . . Ano ba itong ipakikipag-usap mo sa amin?” seryosong tanong sa kaniya ng Itang Roming.
Tiningnan niya ang mag-asawa bago lumunok. “I want to marry your daughter, Itang . . . Inang,” seryosong wika niya na ikinatigil pareho ng dalawa.
Nagkatinginan ang mga ito at si Mrs. Sanchez ang unang nagsalita. “Ang alam ko hindi ka pa sinasagot ni Caitlyn.”
“Kaya nga po kayo muna ang gusto kong pasagutin. Kung hindi niyo po naitatanong ay mahal na mahal ko ang anak ninyo, pati na si CJ. And all I wanted right now is to give CJ a complete and happy family he dreamed off. At nangangako po ako sa inyo na hinding-hindi ko na iiwanan si Caitlyn, sila ni CJ. Hinding-hindi ko na sila sasaktan. And I am sincerely apologizing for what I did in the past. Alam ko pong mahirap akong pagkatiwalaan, pero sana man lang ay subukan din ninyo dahil wala akong ibang hangad kung hindi ang mahalin ang mag-ina ko at ipakita sa kanila kung gaano sila kahalaga sa akin,” mahabang wika ni Jordan.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Si Itang Roming ang nagsalita sa dalawa. “Kung para sa ikaliligaya ng anak at apo ko, walang problema. Pero oras na masaktan sila, wala ng ganitong usapan na magaganap. Mabubura ka sa buhay naming lahat at ituturing na patay.” Hindi ito ngumingiting nakatitig sa kaniya.
Mabilis na tumango si Jordan. “Oho! Asahan ninyong hinding-hindi ko na sasaktan pa ang mag-ina ko.” Nilinga niya si CJ. “You heard that, son? Payag na sina lolo at lola mo. Ngayon naman, ang mommy mo na lang.”
“I have an idea, Dad.” At nginitian siya ni CJ.