“Pasensya na po Ma’am, late po ako.” Paghingi ko ng paumanhin sa aming guro. Napatingin sa akin ang lahat ng kaklase ko dahil late na akong nakapasok ng klase.
“Its fine, minsan ka lang naman malate sa klase ko and besides even if you’re late, you always get a perfect score in your quizzes and exams. Hindi katulad ng iba mong kaklase na parati na ngang late ay zero pa sa mga exams. You may go to your seat,” mahabang litanya ni Mrs Cruz na siyang English teacher naming ngayong umaga.
Mabilis naman akong tumalima at agad na naglakad papunta sa may pangatlong row sa pinakagilid kung saan katabi ko ang nag-iisa kong kaibigan na si Crisostomo.
“Hoy Georgia, late ka na naman,” maarteng pagbulong ni Crisostomo sa may taenga ko.
“Alam mo na, ang dami pang pinagawa ni Tiya.” Pagsagot ko naman sa kanya ng pabulong na kinatango ni Crisostomo.
Mamula mula pa ang labi nito na halatang kakalagay lang ng lip gloss at ang mukha niyang maputi ay halatang kakalagay lang din ng baby powder. SI Crisostomo ay ang bakla kong kaibigan mula ng lumipat ako sa public school na ito. No’ng una ay wala talaga akong nagiging kaibigan dahil halos lahat ng babae rito ay masama ang tingin sa akin.
Kahit naman sa una kong mga naging eskwelahan ay ganoon din ang reaksyon sa akin. Halos lahat ng babae na kaklase ko ay ayaw akong maging kaibigan at halos puro lalaki lang ang lumalapit sa akin. No’ng sobrang bata ko pa ay ang buong akala ko pakikipagkaibigan lang ang gustong mangyari ng mga lalaking kamag-aral ko pero kalaunan ay nagsisimula na silang mambatos sa akin kaya naman ng lumipat ako sa paaralan kong ito ay natuto na din akong hindi nakikipag-usap sa kahit kanino.
Halos nagbago lang ang pag-iisip ko ng makilala ko si Crisostomo na may palayaw na Crissa rito sa paaralan, bibong bakla si Crisostomo, simula pa lang ay siya na ang lumapit sa akin at nagsimula kaming maging kaibigan dahil sa nagustuhan ko ang pagiging honest niya sa akin sa lahat ng bagay.
“Tignan mo, nakatingin na naman sa iyo si Fafa Louis,” malanding pagbulong ni Crisostomo sa akin na kinasapok ko lang sa braso niya dahil umagang umaga ay kung sino sinong lalaki na naman ang napapansin niya.
Napalingon naman ako sa aking kanan, agad na nagtagpo ang paningin naming dalawa ni Louis, nakangiti siya sa akin kaya naman kitang kita ang perpekto niyang ngipin na para bang ginamit sa isang toothpaste na commercial.
Imbes na ngumiti ako ay kumunot ang noo ko habang nakatingin rito at muling binalik ang tingin ko kay Crisostomo.
Bakit naman kaya siya nakatingin sa akin? Ayokong mag-isip ng kung ano ano dahil si Louis Geuvarra ay tinuturing na nag iisang heartthrob sa paaralan na ito. Hindi ko nga maintindihan kung bakit nandito siya nag-aaral sa isang public school kung kaya naman niyang mag-aral sa isang pribadong paaralan lalo pa’t sobrang yaman ng pamilya nila base sa haka hakang narinig ko mula sa mga babaneg nagchichismisan.
“Ang arte, alam ko naman crush mo din si Fafa Louis..” Pagbibiro sa akin ni Crisostomo na kinalaki ng mga mata ko dahil baka marinig pa ng mga kaklase namin.
“Crisostomo,” pagsaway ko sa kanya.
“Its Crissa, my friend. Pwede ba?” Maarte niyang baling sa akin na kinailing iling ko na lang.
Inaamin ko namang crush na crush ko talaga si Louis, hindi lang dahil sa angkin niyang kagwapuhan kundi dahil sa angkin din niyang katalinuhan. Kung tutuusin ay kung gusto niya akong lamangan sa ranggo ay kayang kaya niyang maging top one sa buo naming batch pero mula ng maging magkaklase kami ay wala ng palyang siya ang nangiging pangalawa sa ranggo na para bang hinahayaan niyang kunin ko ang rank one spot.
Alam kong malayo ang agwat naming dalawa kaya naman hindi na ako nakisali sa mga babaeng pumipila para lang makita siya at mapansin niya. Mas iniisip ko na maging pursigido na lang sa pag-aaral para maging scholar ako hanggang sa kolehiyo.
Tsaka alam na alam ko naman na kahit kelan ay hindi ako mapapabilang sa mga babaeng nai-date na niya. Paniguradong nagkakamali lang si Crisostomo ng pagkakatingin at isang pagkakataon lang na nagkatinginan kaming dalawa.
“Tignan mo friend, nakatingin nga siya sa iyo. Iba talaga ang kagandahan mo, manang mana ka sa akin. Maputi tayo katulad ni Princess Snow white., papasa na talaga tayong dalawa bilang isang nakakaawang prinsesa.” Pahayag ni Crisostomo na hindi ko ganoon ka maintindihan.
Ano bang pinagsasabi ng baklang ‘to?
“Makinig ka na lang kay Mrs. Cruz at baka mapagalitan pa tayong dalawa.” Pagsaway ko sa kanya bago ako humarap.
Pinilit ko ng ibuhos ang buo kong atensyon sa guro naming nagtuturo ngayon, kahit na nakakaramdam ako ng antok ay pinilit kong makinig at gisingin ang diwa. Mabuti na lang talaga ay kahit papaano nakapag-advance reading ako noong nakaraang araw ng magkaroon ako ng bakanteng oras.
Mabilis na lumipas ang oras sa loob ng classroom naming at hindi ko na napansin na halos patapos na naman ang buong araw ko rito sa klase.
“Georgia, didiretso ka na ba sa trabaho mo para sabay na tayong umuwi,” pag-aaya n ani Crisostomo sa akin na kinailing ko.
“Ay oo nga pala, kailangan mo pang umuwi sa inyo,” pahayag naman ni Crisostomo sabay napabuntong hininga.
“Ano ba naman iyang pamilya ng Tiya mo, wala ba silang sariling kamay para maghanda ng sarili nilang pagkain. Hay naku, kung hindi lang pito ang kapatid ko ay baka pinatira na lang kita sa amin." Naawang turan niya.
Nginitian ko na lang si Crisostomo. Alam ko namang nasa mahirap din siyang posisyon sa buhay kaya naiintindihan ko. Siya kasi ang bread winner ng pamilya nila, maliliit pa ang kanyang kapatid. Ang ina ni Crisostomo ay labandera lang ang hanap buhay. Nalaman ko pa nga ng una siyang nagkwento sa akin na anak daw siya ng isang sundalo na taga Amerika, hindi na daw pinanagutan ang kanyang ina mula ng mabuntis ito sa kanya ganoon din sa mga sumunod niyang kapatid na may iba't ibang ama.
“Ano ka ba, kaya ko naman,” sambit ko kahit na pinipilit ko na lang ngumiti. Pero alam kong alam ni Crisostomo ang pagod ko sa bawat araw, sa kanya ko lang kasi nailalabas ang lahat ng sama ng loob ko sa buhay.