1
Naririnig ko ang kalampag ng mga upuan at mga kaldero sa labas. Pinilit kong isara ang mga mata ko dahil kahit papaano ay gusto ko pang matulog kahit ilang minuto lang. Kagabi kasi ay anong oras na ako nakauwi galling sa side line ko sa karenderya sa kabilang kanto.
“Hoy Georgia, gumising ka na!” Pagtawag sa akin ni Tonio na pinsan ko, isang dakilang tambay at manginginom. Sa klase ng pagsasalita niya ay halatang kakauwi niya lang galing sa inuman.
“Gumising ka na bago pa magsisigaw si Inay,” sambit niya habang saktong sinisipa sipa ang paa ko para magising.
Nakahiga kasi ako ngayon sa papag na malapit sa kusina dahil wala na akong mapwestuhan sa kuwarto. Dating imbakan ng kung ano anong kagamitan itong maliit na kuwartong tinutulugan ko ngayon. Dahil sa wala akong choice ay nilinisan ko na lang at kahit papaano nagkaroon ako ng espasyo para tulugan at lagayan ng mga gamit ko. Halos wala din naman akong gamit, kakaonting damit lang at gamit sa paaralan ang meron ako. Mabibilang lang ang mga damit na meron ako, iyong iba nga ay halos mapunit na dahil sa paulit ulit na pagsuot ko.
Wala akong nagawa kundi ang tumayo, kahit na inaatake ako ng hilo dahil sa bigla kong pagkagising.
“Ito na, tatayo na.” Pahayag ko at pinilit ng minulat ang aking mga mata. Gustong gusto kong matulog at humilata pa para bumawi ng enerhiya pero alam kong hindi pwede dahil kailangan ko na muling simulan ang araw ko ngayon.
Bukod sa pagpasok sa paaralan mamayang mga alas nuebe ay kailangan ko pang maglinis ng buong bahay pagkatapos ay mamayang gabi uuwi akong muli para magluto ng kakainin nila Tiyo at Tiya bago pumunta sa part time job ko sa isang bar na taga ayos sa kusina.
Normal na sa akin ang makaramdam ng ganitong sakit ng katawan dahil halos araw araw ko naman na itong ginagawa. Pero ngayong araw ay mas triple ang sakit ng katawan ko dahil sa buwanang dalaw.
Hindi pa lang ako nagkakaroon ay nagsisimula na itong kumirot. Halos hindi ko maigalaw ang aking ibabang katawan at parang mahuhulog ang matres sa sobrang sakit at kirot.
“Gumalaw galaw ka na! Nagugutom na din ako,” turan ni Tonio na nagmumura pa dahil daw ang bagal ko kumilos.
Halos tatlong taon na din ang lumipas ng tumira ako rito sa puder ng tiyo at tiya ko na malayong kamag-anak ng yumao kong ina. Sa bata kong edad ay ilang beses na akong palipat lipat ng tirahan mula ng mamatay ang aking ina, lumaki din akong walang ama kaya halos walang gustong tumanggap sa akin. Pinagpasa-pasahan ako ng mga kamag-anak ko at hindi na ako nabigla kung bakit nila iyon ginagawa. Lahat kasi ng mga kamag-anak namin ay hindi naman maalwan ang buhay.
Kaya sa murang edad ay naiintindihan ko kaagad kung bakit maraming may ayaw sa akin na halos itapon na lang ako sa daan dahil hindi naman ako napapakinabangan. Unti-unti akong lumaki habang bitbit sa utak ko na hindi ganoon kadaling mabuhay sa ganitong klase ng estado.
Kaya kahit halos wala na akong makain at kahit wala akong gamit ay pinilit ko pa ring makapag-aral kahit pa tigil-tigil ako. No’ng una ay hindi ako pinapayagan ni Tiya lalo na’t sinabi niyang hindi niya kayang sustentuhan ang pag-aaral ko.
Pero wala silang nagawa ng pinilit ko sila at sinabi kong magtratrabaho ako at gagawa ako ng paraan para may panggastos ako sa paaralan. Noon mula hanggang ngayona ng pinakamabilis kong mapasukan na trabaho ay tagalinis at taga ayos ng kusina lalo na sa mga maliliit na bar na bukas sa gabi.
Mabuti na lang at kakilala ko si Ate Cheska na nagtratrabaho sa iba’t ibang bar, pinakilala niya ako sa may ari sa isang sikat na bar na malapit lang rito. Hinire nila ako bilang tagalinis at taga ayos ng kusina kada gabi, Dala lingo ang pasahuran kaya naman at kahit papaano ay nabibigyan ako ng tip ng may-ari lalo na kung nakikita niyang sobrang linis at Pulido ko sa kusina.
“Tiya, nakapagluto na po ako ng kanin at ulam hanggang tanghalian niyo. Painit na lang po ako ng isda na ulam niyo mamaya.” Nahihikab ko pang sambit kay Tiya na masamang nakatingin sa akin habang bitbit ang pamaypay niya.
Kung noong una ay natatakot pa ako sa klaseng tingin ni Tiya na nangmamaliit, ngayon ay halos hindi na ako natatablan lalo pa’t wala naman siyang mairereklamo sa akin. Dahil halos lahat ng trabaho rito sa bahay ay ako ang gumagawa. Mabuti na lang kamo ay nag-iisang anak nilang batugan itong si Tonio kaya silang tatlo ang pinagsisilbihan ko kapalit sa pagtulog ko sa papag kong higaan.
“Mabuti naman at nakapagluto ka na, akala ko ay kailangang ako pa ang kumilos para kumilos ka.” Maarte niyang sambit sa akin. Gusto ko sanang sumagot kay Tiya na kahit minsan naman ay hindi siya kumilos para magluto o maglinis rito.
Kung magkakaroon lang talaga ako ng pagkakataon ay umalis na ako sa lugar na ito ngunit hanggang ngayon ay nagkakasya lang ang pera ko para sa panggastos ko sa araw araw na kulang pa nga dahil sa pagraduate na ako ng high school.
“Sinabi ko naman sa iyo na tigilan mo na iyang pag-aasam mong makapagtapos ka ng pag-aaral. Alam mong mahihirapan ka lang, kung nagbanat ka lang ng buto….” Pahayag ni Tiya na hindi na natapos. Halos araw araw ko na din itong naririnig sa bunganga niya na kinasanayan ko na.
Halos pumapasok sa kanan at labas sa kaliwa kong tenga ang lahat ng mga sinasabi nila sa akin mula sa pang iinsulto sa akin at sa pamimilit na wag ng mag-aral. Sa tuwing sinasabihan nila akong tumigil dahil hindi naman ako makakapagtapos ay pinilit kong isipin na makakayanan ko ang lahat ng suliranin sa buhay ko hangga’t hindi ako tumitigil sa pagkayod.
“Ngayon matigas na matigas na ang bungo mo at hindi ka nakikinig..” Narinig ko pang sambit niya na kinatango ko at magalang pa din akong nagpaalam sa kanya.
“Sige po Tiya, maliligo na ako dahil may papasukan pa akong klase.” Pagpapaalam ko sa kanya habang naririnig ko pa din ang boses niya na para bang nakasunod sa akin.