Your Highness, You're My Slave
Chapter Five
PROBLEMADO ngayon si Alex . Hindi niya alam kung saan niya kukunin ang kulang na pera para sa pambayad ng kapatid niyang si Kia sa school. Kapag nagkataon hindi pa makaka-graduate ang kapatid niya kapag hindi niya nabayaran ng mga utang nito.
Bakit nga ba lumaki ng ganoon ang utang nila sa school nito? 'Yun ay dahil sa pinagsama-samang utang nila sa school mula pa noong first year high school palang si Kia. Kung bakit nga ba naman kasi naisipan na pag-aralin sa isang private school ang kapatid. Nahihirapan tuloy siya ngayon.
Pero syempre kakayanin niya 'to.
Naglalakad-lakad siya ngayon papunta sa Coffee Shop habang iniisip niya kung paano pa magkakaroon ng pera para umabot siya sa deadline.
Habang naglalakad ay napansin niya ang paghinto ng isang mamahaling kotse sa harap ng isang mataas na condominium building. Lumabas doon ang isang gwapong lalaki at sunod nitong nilabas ang isang wheelchair. Matapos noon ay binuksan nito ang kabilang pinto at mula doon ay nakita niyang inalalayan ng lalaki ang isang napakagandang babae.
Takhang-takha siya sa nakikita sa mukha ng lalaki. Dahil ang lalaking tinutukoy niya ay si Zenwel. Sino ang kasama nitong babae?
Bakit bigla nalang kumirot ang kaliwang dibdib niya sa pagkakakita sa mukha ni Zenwel na sobrang nag-aalala sa babaeng kasama? Ito ang unang pagkakataon na nakita niyang ganito ang facial expression nito para sa isang tao.
***
"ANGELICA, humawak ka sa 'kin."
"Hindi na Zen, kaya ko naman."
"Hindi. Ano ba! H'wag matigas ang ulo."
Binuhat ni Zenwel na parang isang prinsesa si Angelica at maingat na ibinaba ito sa wheelchair. Inabot ng driver sa babae ang bag nito. Bumalik ito sa kotse pagkatapos ay pinaandar nito ang sasakyan upang mai-park sa parking lot ng gusali.
Kitang-kita ni Alex kung paano alagaan ni Zenwel ang babaeng tinatawag nitong Angelica. Bagay na bagay sa babae ang pangalan nito dahil sa mala-anghel na itsura nito. Isang hopeless na anghel na naputulan ng pakpak kaya nasa kamay ng isang demonyong si Zenwel.
"Sigurado ka ba? Pwede namang buhatin na lang kita papasok." May tono ng pag-aalala ang pagtatanong na 'yon ni Zenwel kay Angelica pero isang nakakainganyong ngiti ang binigay nito sa kanya kaya napailing-iling nalang siya.
Isinabit ng dalaga ang shoulder bag sa balikat at masuyong inalalayan naman ito ni Zenwel patayo. Hinawakan ito ni Zenwel sa magkabilang kamay bilang pagsuporta sa pagtayo nito.
Nasangkot noon sa isang aksidente sina Angelica at Zenwel noong mga bata pa sila at sa kasamaang palad nawalan ng kakayahan si Angelica na makalakad nang dahil sa aksidenteng iyon at sinisisi ni Zenwel ang sarili niya sa nangyari kaya ginagawa niya ngayon ang lahat para maging paa para sa dalaga.
Pinangako niya sa sarili na aalagaan niya at poprotektahan niya ito sa kahit na ano o sinong magtatangkang saktan ito.
Napapangiwi si Angelica habang dahan-dahang tumatayo sa tulong ni Zenwel. Habang mababasa sa mukha ni Zenwel ang pag-asa na makalakad na ang dalaga. Kapag nangyari 'yun siya ang kauna-unahang tao na magiging masaya kapag nagkataon. Pero nagulat na lamang sila ng may biglang dumating na motor at hinablot nito ang bag ni Angelica na naging dahilan ng pagkatumba nito sa malamig na semento ng kalsada. Humarurot kaagad palayo ang motor na iyon na may sakay na dalawang tao.
"HEY!! f*****g ASSHOLES!!" Galit na galit na sigaw ni Zenwel doon pero hindi niya naman magawang mahabol ito dahil sa inaalala niya si Angelica na ngayon ay dumadaing dahil sa sakit ng mga binti't paa nito.
Halos isumpa niya pa ang mga taong nakasakay sa motorsiklong iyon. Agad nyang kinuha ang kanyang cellphone para tumawag ng tulong para kay Angelica pero saktong nahagip ng paningin niya si Alex sa 'di kalayuan. Nangunot ang noo niya sa pagkakakita rito at mas lalo pa siyang nawirduhan nang tumalikod nalang 'to basta basta at saka naglakad palayo.
Anong ginagawa niya rito?
"Zen, masakit na." Natauhan lang siya ng dumaing ulit sa kanya si Angelica. Binuhat niya 'to na parang prinsesa matapos ibaba ang phone at ipinasok si Angelica sa loob ng gusali.
"Zen 'yung bag ko!" Naluluha na sabi ni Angelica habang nakapulupot ang mga kamay nito sa leeg ni Zenwel at sinisiksik ang mukha sa dibdib niya.
Pagpasok palang ng gusali ay marami ng staffs na nag-alok na ang mga ito na ang magbuhat kay Angelica pero tinatanggihan niya ito. Gusto niya kase na siya lang ang magbubuhat sa dalaga para masigurong ligtas 'to.
Sa ngayon ay kumikilos na ang mga tauhan niya para managot ang nakamotorsiklong 'yun na kumuha ng bag ni Angelica. Bukod pa doon ay galit na galit siya dahil nasaktan nila ito. Sisiguraduhin niyang mabubulok sa kulungnan ang mga gumawa nito.
"Zen, meron akong sugat, oh." Naka-pout pa na pagsusumbong nito kaya mas nainis siya sa mga taong may gawa nito kay Angelica.
***
NANG makarating si Zenwel sa unit ni Angelica ay maingat niya itong ibinaba sa sofa. "H'wag kang aalis diyan, ah." Aniya pa kay Angelica.
"As if naman makakaalis ako." Saad pabalik nito sa kanya at ininguso pa ang mga paa at napailing nalang siya.
Umalis saglit si Zenwel para kunin ang first aid kit at agad ding bumalik. Maingat na ginamot niya ang gasgas sa siko at tuhod ni Angelica.
"Zen," maya-maya ay tawag ni Angelica sa kanya.
"Hmm?" Sagot niya habang patuloy na ginagamot ang sugat nito.
"Aalis ulit kami, Zen." This time, napahinto siya sa ginagawa pero hindi niya tinignan si Angelica, nanatili ang tingin niya sa hawak na bulak.
"Where?"
"Pupunta kaming States, ooperahan ako, Zen. Nakahanap sina mom ng magaling na doktor para makalakad na ako." Masayang pamamalita nito pero may bakas ng lungkot sa boses nito.
"When?" Inangat ni Zen ang mukha niya upang magtagpo ang mga mata nila ni Angelica.
"Bukas na, Zen. I'm sorry kung ngayon ko lang sinabi."
"I'll go with you." Mabilis na bigkas ni Zenwel at agad na tumayo para umuwi na sana at mag-impake pero pinigilan siya ni Angelica.
"Hindi mo kailangang sumama, Zen." Anito saka ngumiti. "Kasama ko naman si mommy. Tsaka pumapasok ka, 'di ba ang sabi mo sa 'kin goal mo ang maka-graduate ngayong semester?"
"But, Ange--"
"Kaya ko, Zen." Putol nito sa sasabihin niya. Naupo si Zenwel sa tabi nito ng hindi binabali ang tingin sa dalaga. "Gusto ko dito ka lang. Hintayin mo akong maglakad palapit sa'yo, ah?" Masuyong hinaplos ni Angelica ang pisngi niya habang hawak naman ng isa nitong kamay ang kamay niya.
"You will come back, right?" Paninigurado ni Zenwel rito at tumango naman ang dalaga habang nakangiti.
***
"Alex , heto oh." Napalingon si Alex kay Joe nang may iabot itong sobre. Nagtataka naman siyang inabot ito. Tapos na ang mga gawain nila sa bar at sa mga sandaling 'to ay naghahanda na sila sa pag-uwi.
"Ano 'to?" Pagtatanong niya habang binubuksan ang sobre. Lobong lobo ang sobre, ano kaya ang laman?
"Tignan mo nalang. Para 'yan sa 'yo." Nakangiting ani pa ng kaibigan.
Nanlaki ang mata ni Alex nang makita ang laman nito. "Ang daming pera nito, ah... H-Hindi ko matatanggap 'to, Joe." Aniya at ibinalik ang pera sa loob at saka inabot pabalik ang sobre sa kaibigan.
"Ano ka ba, Alex . Para 'yan sa inyo ni Kia. Kung tutuusin ay kulang pa nga 'yan 'di ba? Limang libo lang 'yan pero alam kong malaki na ang maitutulong niyan." Pilit na ipinahawak ni Joe kay Alex ang sobre.
"Saan mo nakuha 'to?" Seryosong tanong ni Alex at hindi inalis ang mata sa bag na hawak ni Joe. Naalala niya kagabi. May motorsiklo ang biglang humablot sa bag no'ng babaeng kasama ni Zenwel at tandang-tanda niya pa ang kulay at disenyo ng bag na iyon.
"Ah 'yan ba? H'wag mo ng alalahanin 'yun. Ang mahalaga matatapos na ang problema mo sa pera at makaka-graduate na si Kia." Pahayag ni Joe pero inilipat lang ni Alex ang tingin mula sa bag na hawak nito papunta sa kanya. Wari'y sinusukat nito ang sinabi kung totoo ba o hindi.
"'Yung totoo, saan mo nakuha ang mga 'to?" Siguristang pagtatanong niya ulit. Hindi niya gusto ang naiisip mula sa kaibigan pero hindi niya maiwasang mag-isip ng masama.
"Ah... A-Alex ..." hindi na alam ni Joe ang sasabihin. Nakakalusot ito sa ina sa pagsisinungaling pero kay Alex ? Malabo.
"Ibalik mo na 'yan." Hindi na hinintay pa ni Alex ang pag-amin ni Joe. Ang kawalan lang nito ng masabi ay isa ng patunay na tama ang hinala niya. "Nasaan na ang iba pa?" Aniya rito at kinuha ang bag na hawak ni Joe at sinilid dito ang pera.
"Pasensya na."
"Anong katangahan ang pumasok sa isip mo? Gago ka!" Malutong na mura niya at hinampas ito sa batok.
"Pasensya na. Gustong gusto lang kasi talaga kitang tulungan. Nagkakasakit ka na para lang mahabol 'yung bayarin ni Kia sa school habang 'yung mga mayayaman diyan halos maligo na sa pera nila. Hindi naman nila kailangan 'to, e. Hindi 'to malaking kawalan sa kanila. Barya lang 'to, Ale--Ahh!!" Nakatanggap muli ito ng batok. This time ay mas malutong ang ginawa niyang paghampas kaya napakamot nalang tuloy ito sa ulo.
"Gago ka talaga! Ano pa mang dahilan mo, mali ang ginawa mo! Kailan ka pa natutong magnakaw? Mahirap lang tayo pero hindi tayo gago!" Makahulugang litanya ni Alex na siyang kinatahimik ni Joe. Gusto lang naman siya nitong tulungan pero sa ginawa nito, nagalit tuloy siya.
"Pasensya na talaga." Wala na itong ibang nagawa kundi ang humingi ng tawad.
"Ilabas mo 'yung iba, ibabalik natin 'to ng buo at walang kulang." Inilahad ni Alex ang palad sa kaibigan.
"Pero Alex kasi.. hindi ko na makukuha 'yung iba.. pinaghatian na namin 'to ng kasama ko." Nahihiyang ani Joe. Kung pwede lang na matunaw nalang siya ngayon gaya ng kandila ay ginawa niya na. Sobrang nakakahiya talaga kay Alex 'to. "Pasensya na talaga, mali ako. Maling mali ako." Puno ng pagsisising ani Joe. Napahugot naman ng malalim na hininga si Alexis.
***
DALA ni Alex ang bag sa kanilang bahay. Since natatakot si Joe na makulong ay siya ang magbabalik nito. Napakamot siya sa kanyang ulo nang maalala ang problemang dumagdag sa kanya.
May nagastos na pala 'tong pera bukod pa sa 5 thousand na ibinibigay nito sa kanya. Nasa limang libo na rin ang nagastos nito kaya ngayong isosoli niya ang bag ay gusto niya sanang kumpleto ang pera kahit man lang hindi na mabawi ang iba pang laman ng bag.
Ngayon tuloy ay nabawasan pa ng limang libo ang naipon niyang pera par asana pandagdag sa utang ni Kia sa school. Ang sakit na ng ulo niya kakaproblema sa pera.
Ngayon, problema rin niya kung paano ibabalik kay Zenwel ang bag. Alam naman niyang makitid ang utak nito. Baka mapasama pa siya kapag nagkataon. Pero wala siyang kasalanan at malinis ang konsensya niya kaya wala dapat siyang ipag-alala.
***
"NASAAN si Zenwel?" Pagtatanong ni Alex kina Kyle at Nieder habang nagma-mop siya sa saheg ng hallway at ang dalawa ay nakasandal sa pader habang nakapamulsa. Ayaw silang patulungin ni Alex kaya natambay nalang 'tong dalawa para makipagkwentuhan.
"Nagpapakabaliw," ani Nieder na siyang kinaarko ng kilay niya.
"Nasa condo unit 'yun malamang, nagmumukmok." Sabi naman ni Kyle kaya napahinto si Alex sa pagmamop, napatingin siya sa dalawa habang ginamit ang mop bilang sandalan.
"Anong nangyari?"
"Shempre, umalis na naman iyong anghel ng buhay niya." Sagot ni Nieder at napahulaan naman niya agad ang tinutukoy nito. Si Angelica, malamang. Talaga nga namang mukhang anghel ang babaeng iyon sa sobrang ganda.
"Teka nga! Bakit mo ba hinahanap si dude e' nandito naman ako, Alex?" Kunwari ay nagtatampo pang ani Nieder maya-maya lang. "Nakakaselos na, ah." Dagdag nito at inakbayan siya.
"Sira! May ibabalik lang ako kaya ko hinahanap. Taong 'to." Ani Alex at nagbalik sa pagmamop.
"Anong ibabalik mo?" Napalingon silang tatlo sa nagsalita.
"Zen."
"Dude." Halos sabay na bigkas nina Nieder at Kyle nang may dumating habang nakatingin lang si Alex sa bagong dating na siyang nakatingin din sa kanya.
"Mabuti naman at lumabas ka na sa lungga mo, dude." Masayang pahayag ni Nieder. Lumapit ito at inakbayan si Zenwel. "Akala ko magmumukmok ka pa."
"Fvck off, Nieder." Ani Zenwel at marahas na tinanggal ang pagkakaakbay nito sabay tuon kay Alex .
"Anong isusoli mo, patpatin?"
"Sumunod ka sa 'kin." Simpleng ani Alex at agad na naglakad. Badtrip man si Zenwel dahil ang labas ay inuutusan niya ito ay walang nagawa si Zenwel kundi ang sumunod. Nagpunta sila sa Locker room ng mga janitor. Hindi na pumasok pa sa loob si Zenwel dahil hindi nito maatim na sundan pa siya sa maduming lugar.
"Heto, ibinabalik--" hindi na natapos pa ni Alex ang sasabihin dahil nang makita ni Zenwel ang inaabot niyang bag ay nabuhay ang galit sa puso nito. Agad nitong inipit si Alex sa pader gamit ang braso nito.
"Paano napunta 'to sa 'yo?" Nagtatangis ang mga bagang na tanong ni Zenwel sa kanya. Halos hindi naman makapalag si Alex dahil masyado siyang nabigla. Ngayon niya lang nakitang nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya.
"Hey dude! Anong ginagawa mo?!" Mabuti na lamang at naisipang sumunod nina Kyle at Nieder kaya naman agad nilang nailayo si Zenwel kay Alex na ngayon ay naghahabol ng hininga.
"I can't believe you did this!" Pag-aakusa kaagad sa kanya ni Zenwel. Agad na nabuo ang ganitong isipan sa utak nito nang maalala nakita siya nito nung sandaling nanakawaan sila. Marahil ay ito ang mastermind ng mga ito. Na baka sinabi nito kung sino ang bibiktimahin.
"Zenwel, tama na!" Hinawakang mabuti ni Kyle si Zenwel at pilit inilalayo kay Alex habang dinadaluhan naman ni Nieder si Alex na nakasalampak sa sahig. Muntik na siyang maubusan ng hininga sa ginwa ni Zenwel sa kanya.
"Kaya pala nandoon ka sa lugar na ng mangyari 'yun? And now what?! Nakonsensya ka na kaya ibinabalik mo 'to sa 'kin ngayon?! f**k you Alex ! f**k you!" Hindi alam ni Zenwel kung ano ba talaga ang nararamdaman. Nagagalit ito sa mga gumawa ng gano'n kay Angelica pero mas nagagalit ito sa isiping kasama sa mga 'yun si Alex .
"Huh!" Napasinghal na lamang si Alex habang naiiling-iling. Tumayo siya at inalalayan naman siya ni Nieder pero marahas na tinabig niya 'yun. "Ang kapal." Nasabi niya pa sa sarili.
Tama bang pagbintangan siya? Siya na nga 'tong nagmamagandang loob na ibalik ang bag sa may-ari tapos ganito pa?
"You're fired! Ayokong makita ang kagaya mong magnanakaw rito sa teritoryo ko!! Pagbabayaran mo 'to ng malaki." Pangwakas na ani Zenwel at marahas na hinablot ang bag sa lapag na nahulog kanina at madramang umexit.
"Zen!"
"Dude!" Halos sabay pang tawag nina Kyle at Nieder dito pero hindi man lang 'to lumingon.
"Alex , ano bang nangyare?" Pagbaling ng dalawa sa kanya pero katulad ni Zenwel ay nagwalk-out din 'to nang padabog pa. Mukhang nabadtrip din. Nagkatinginan na lang tuloy ang dalawa at nagkibit ng mga balikat.
***
MAHIGPIT ang pagkakahawak ni Zenwel sa mga papel na naglalaman ng information tungkol kay Alex . Kaya ngayon ay gumagawa na siya ng paraan para magbayad si Alex .
Gaya ng sabi niya. Patay sa kanya ang mga gumawa noon kay Angelica at hindi exempted doon si Alex .
"So, may kapatid pala siyang babae na pinapa-aral niya?" May namuong mala-demonyong ngiti sa mga labi ni Zenwel sa naisip na gagawin tungkol dito.
"Young master? May ipapagawa pa po ba kayo?" Tanong ni Levy nang dumating. Pinatawag niya kase ito kanina. Nakahawak padin siya sa mga papel na pinaglagyan ng mga impormasyon tungkol kay Alex .
Hinanap niya lang sa loob nito kung sino ang pinakamalapit na tao kay Alex upang makapaghiganti. Gusto niyang iparamdam kay Alex kung anong pakiramdam ng masaktan ang taong importante sa iyo.
"Pumunta ka sa Dream High Academy, kausapin mo ang Principal doon na i-expel ang nagngangalang Kia Nathalia Gonzales."
"Masusunod, Young master." Anito at yumuko bilang paggalang bago umalis upang sundni ang pinagagawa ng amo.
***
"BAHAY na ako." Pagod na pagod na sabi ni Alex pagka-uwi ng bahay mula sa Bar bilang bouncer. Pagod na pagod siya dahil nagkaroon ng away kaya marami na naman siyang inawat at pinatalsik sa loob ng bar. Sa ngayon ay gustong gusto niya nang matulog. Mahigit dalawang oras lang ang meron siya. Matapos kasi nun ay maghahatid pa siya ng dyaryo at gatas. Papasok na sana siya sa cr para maglinis ng katawan nang mapansin niya sa isang madilim na sulok ang kapatid habang yakap nito ang mga tuhod at umiiyak.
"K-kia? Anong nangyari sa iyo?"
"A-Ateee~" bigla siyang niyakap nang mahigpit ni Kia. Humahagulgol na ito sa kaiiyak. Nag-alala tuloy siya lalo.
"Ano bang nangyari?" kinakabahang tanong niya rito.
"Ateee!!!" Humahagulgol padin ito sa pag-iyak kaya nahihirapan itong magsalita. Hinimas-himas niya ang likod nito para kumalma.
"Oh? Andito lang ako. Bakit? Anong nangyari at nagkakaganyan ka?"
"Na-na-na-expelled ako sa eskwelahan ate! H-hindi na raw ako pwedeng mag-aral doon!" Paliwanag nito at mas lalo pang napaiyak. Nanlaki ang mga mata ni Alex na hinarap si Kia.
"Ano?! Tangina magbabayad naman tayo, ah! May kulang-kulang isang Linggo pa ako!"
"H-Hindi ko alam, ate. Basta na lang ako pinatawag sa Principal's Office at pinatanggal ako. A-Ang sabi sa'kin napilitan lang daw sila kasi... magagalit daw ang Ashfortz." Umiiyak na kwento ng kapatid niya.
Ilang araw na rin nang pagbintangan siya ni Zenwel. Pumapasok pa rin siya ng Willford kahit na sinabi nitong tanggal na siya at kahit naman nagkakasalubong sila ni Zenwel ay wala itong sinasabi at madalas na para siyang hangin na hindi nakikita. Akala tuloy niya ay ayos na 'yun at wala ng gulo pero ano 'tong naririnig niya sa kapatid?
Napakuyum siya ng kamao. Hinarap niyang muli ang hysterical na si Kia. Pinangakuan niya ito na gagawin niya ang lahat para lang makabalik ito sa pag-aaral.