Your Highness, You're My Slave
Chapter Seven
"ANO BA!! Naiinis na ako, ah! Hindi niyo ba talaga ako papapasukin?!" Sigaw ni Zenwel sa dalawang guards sa condo building na kinabibilangan niya. Nanggaling siya sa isang bar at uminom ng uminom. Nag-taxi siya papunta at pauwi.
"Pasensya na po, Your Highness, pero hindi na po kayo maaaring pumasok sa loob ng building na 'to kaya umalis na po kayo bago pa po namin kayo ipadampot sa mga pulis."
"H'wag mo nga akong tawaging Your Highness! Naiirita ako!" Asar na asar na bulyaw niya dahil sa tuwing tintawag siyang ganun ay naaalala niya ang sinabi ni Alexis sa kaniya.
"Your highness, you're my slave!"
Wala na nga siyang nagawa kundi ang umalis na roon. Pero hindi pa man siya nakakalayo ay narinig niya pa ang usapan ng dalawang guards.
"Ang yabang kasi, eh. Mabuti nga sa kanya."
"Tinanggalan ata ng mana. Tama lang 'yun sa kanya."
Lalong nabadtrip si Zenwel sa narinig pero wala siyang nagawa kundi ang magpabingi-bingihan. Ito na nga siguro ang singil ng langit dahil sa mga kasamaang pinaggagagawa niya. Pero hindi! Hindi siya papayag na magkaganito ang lahat. Siya si Zenwel Ashfortz. Pinanganak siya para tumayo sa tuktok ng mundo at pamunuan ang lahat.
Pumara siya ng taxi at nagpunta sa kanilang mansyon. Siguro naman tatanggapin siya sa sarili nilang bahay 'di ba? Hindi naman siguro maaatim ng ate niya na matulog siya sa daan.
Habang nasa byahe siya ay pilit tinignan niya kung sino sa mga contacts niya ang pwede niyang mahingian ng tulong. Nanlumo siya nang makitang lilimang tao lang ang nasa contact niya. Si Angelica, Nieder, Kyle, Butler Levy at ang ate Crystal niya. Tinawagan niya na kanina sina Kyle at Nieder at gaya ni Levy ay ayaw makialam ng mga 'to dahil takot na madamay.
Ayaw niya namang tawagan si Angelica dahil nasa ibang bansa ito ngayon upang magpagaling. Dahil sa isang aksidente noong mga bata pa sila ay hindi na ito nakalakad pa. Baka mapano pa 'yun dahil sa pag-aalala sa kanya. Kaya sa huli ay hinarap niyang mag-isa ang problema niya. Naalala niya tuloy ang kasabihan. Na malalaman mo kung isa kang mabait na tao kung sa oras na kailangan mo ng tulong ay may mga kaibigan kang malalapitan pero sa lagay niya.. ni isa wala. Walang gustong tumulong sa kaniya.
SUNOD-sunod niyang pinindot ang doorbell ng malaking gate ng mansyon nila. Isang himala na wala man lang sumalubong sa kanyang pag-uwi. Dati hindi niya kailangang mag-doorbell dahil pagtapat niya pa lamang ng gate ay kusa na 'tong bumubukas para sa kanya.
"Fvck! Open this damn gate!!" Asar na sigaw niya at sinipa ang bakal na gate pero mali ang pagkakasipa niya kaya siya pa 'tong nasaktan. Nagtatatalon siya sa sakit habang hawak ang paa nang lumabas ang isang guard.
"Your highness."
"Isa ka pa! f**k! You useless old fart! Open this damn gate before I fire you!" Singhal niya bigla rito.
"Pasensya na po, Your highness pero hindi po pupwede. Pinagbabawal na po kayo rito sa mansyon."
"WHAT?! Ridiculous! Absurd! This is f*****g crazy! Don't you know me?! Anak ako ng may-ari ng mansyon na 'yan! Malilintikan ka talaga sa 'kin sinasabi ko sa 'yo!"
"Pasensya na po talaga." Anito at saka siya tinalikuran.
"H-Hoy! S-Saan ka pupunta?! Bumalik ka rito!!" Nagsisisigaw siya pero hindi na siya nito nilingon kaya mas lalo siyang nabadtrip.
Nabuhayan siya ng bumalik ang kaninang kausap; pinagbuksan siya nito ng gate pero hindi para papasukin. Kundi para ibigay ang maleta nito na naglalaman ng mga karampot na damit. Kaya sobrang napasigaw siya sa inis.
Nagsisisigaw pa rin siya sa harap ng mansyon nila pero wala talagang lumabas para pagbuksan siya. Uhaw at nagugutom na siya, tanging limang libo nalang ang cash niya sa wallet at para sa kanya barya na lang 'yun at hindi siya kayang buhayin para sa isang araw. Wala na siyang nagawa at sa huli ay umalis na lamang siya roon. Hindi na siya aasang papapasukin pa siya ulit ng mga guards.
***
NAGLALAKAD ng walang patutunguhan ngayon si Zenwel. Kahit magdidilim na ay para siyang nagpa-fashion show sa daan hila ang maleta at nakapamulsa naman ang isang kamay. Hindi tuloy maiwasang pagtinginan siya ng mga tao dahil sa angkin niyang kagwapuhan. Totoo na luma na ang suot niyang damit pero kapag isang Zenwel Ashfortz ang nagsusuot ay nagmumukhang bago iyon.
"Saan nga ba ang punta ko? Tangina wala na akong pera. Nagugutom na ako." Inis na aniya sa sarili. Nagpalingon-lingon siya at nakita niya ang nakahilerang mga restaurants kaya mas lalo siyang nagutom. Ilang araw na kase ang lumipas at halos maubos na ang dala niyang cash na limang libo.
"s**t! Saan na ako pupulutin nito?" Pagpoproblema niya na. Wala na siyang pang-rent ng hotel para matulugan mamayang gabi, ni pangkain nga wala na rin.
Napatingin siya sa kabilang kalsada kung saan may mga pulubing naglalatag ng karton para mahigaan. Agad na nanuyo ang lalamunan niya at pinagpawisan siya ng malamig. Sa kabilang dako naman ng kalsada ay nakakita siya ng mga batang kinakatok ang mga nakahintong kotse upang humingi ng limos para sa kanilang pangkain. Mas lalong pinagpawisan si Zenwel at agad na naglakad nang mabilis.
"No way! Hinding hindi ako magiging katulad nila! Ako si Zenwel Ashfortz!" Pangungumbinsi niya pa sa sarili.
Dali-dali siyang nag-dial muli sa kanyang telepono. This time, si Kyle ang tinawagan niya. Masayang-masaya naman siya ng sinagot nito iyon kaagad.
"s**t Kyle! Thank God!" biglang bungad niya ditto na para bang isang hulog ng langit ang kaibigan, pero narinig niya ang masayang tawa ni Kyle sa kabilang linya kaya napakunot noo siya. "Kyle?" tawag niya rito ngunit mukha itong may kausap sa kabila.
"Really,Alex? Nakakatuwa ka naman!" Narinig niyang anito at marinig pa lang ang pangalang Alex ay kumukulo na ang dugo niya. Naghihirap siya sa mga sandaling ito habang ang mayabang na patpating iyon ay nakikipagtawanan lang kay Kyle? Grabe!
"Wait lang, Alex ah, tumatawag si Zen," rinig niyang paalam nito. "Yo, Zen? Wazup!?" Maligalig na bati pa nito sa kanya.
"Fvck you!" Malutong na mura niya rito at agad na binaba ang cellphone. Hindi niya alam kung bakit ganoon nalang ang pagkainis niya ngayon. Siguro dahil narinig niya ang pangalan ni Alex.
Itatago niya na sana ang kanyang cell phone sa bulsa nang bigla nalang ay may humablot dito mula sa kamay niya. Napakabilis ng pangyayari. Nagawa nitong tangayin ang mamahalin niyang cell phone at hindi pa man siya nakakapagreak ay may isa pang humablot ng hawak niyang maleta na siyang nagpatumba sa kanya.
"HEY!!" Sigaw niya sa mga ito pero mabilis na tinangay ng mga 'to ang mga gamit niya. Agad siyang tumayo para habulin ang dalawang binatilyo na kumuha ng maleta't cell phone niya. 'Yun nalang ang meron siya, hindi iyon pwedeng mawala pa.
"That's mine! Come back!!" Sigaw niya habang hinahabol ang mga ito. Pagdating sa isang kanto ay may dalawang lilikuan at doon naghiwalay ang dalawang binatilyo kaya hindi alam ni Zenwel kung sino ang susundan. Sa huli ay sinundan niya ang binatilyong tumangay ng cellphone niya.
Kailangan niyang mabawi 'yun. Paano niya nalang tatawagan si Angelica kung mawawala 'yun?
Sa kakahabol niya rito ay sa wakas ay nakorner niya na rin ito sa dulong eskenita kung saan wala ng lalabasan dahil nasa pagitan ito ng isang malalaking gusali.
"Give me back my phone!" Utos niya rito at inilahad ang kamay. Pero nakangiting humarap sa kanya ang binatilyong kumuha ng phone niya. "What?! Hindi mo ba talaga ibabalik 'yan?!" sigaw niya rito.
"Ang yabang mo, ah," anito at pumito ng may tono na para bang may tinatawag ito. Mula sa dilim ay sumulpot nalang bigla ang dalawa pang lalaki.
"Hawakan niyo," utos nung binatilyo. Agad ay hinawakan siya ng dalawa pang lalaking kararating lang.
"What are you guys doing?! Get off me you assholess! You are all piece of s**t! Baka kung anong sakit ang makuha ko sa inyo!" Pilit na pumipiglas na sigaw ni Zenwel.
"Ang arte mo, ah!" Asar na ani nung isa at agad siyang sinikmurahan. Napamura si Zenwel at naubo sa sakit.
"Kapaan niyo 'yan! Marami pa tayong makukuha diyan." Ani nung binatilyo kaya agad siyang pinatid nung isa at idinapa sa marumi at putikang lapag.
"s**t! Stop it! I'll sue you guys to my lawyer!! You'll see when I get off!" Sigaw niya sa mga ito at pilit pa ring pumipiglas.
"'Wag ka ngang malikot!" Saway sa kanya nung isa pa at isinubsob ang mukha niya sa lapag. Diring-diri naman si Zenwel.
"You'll be all dead meats if you don't follow my orders! Assholes!!" Aniya pa sa mga ito.
"Mukhang mayaman ang isang ito, ah. Inglisero, eh ba't hindi tayo manghingi ng ransom sa pamilya nito?"
Ibinuhos ni Zenwel ang lahat ng lakas niya at nagawa niyang makawala sa pagkakahawak ng mga ito sa kanya. Tinulak niya pa ang isa at binigyan ng tig-isang suntok ang dalawa pa pero hindi pa siya nakakalayo ay nahawakan na siya ng isang lalaki at agad siyang binigyan ng suntok sa sikmura na syang nagpatumba ulit sa kanya.
"Ang tigas mo, ah!"
"'Yan ang nararapat sa 'yo!"
Sunod-sunod ang pagsipa sa kanya ng tatlo habang siya ay napapasigaw na lang sa sakit.
"Itigil niyo 'yan!!" Natigilan ang tatlo sa panggugulpi kay Zenwel.
"Isa pang marinig ko ang pagdaing niyan kayo naman ang hihiyaw sa sakit!" May pagbabantang saad ng taong biglang dumating. Parang tagpo sa isang pelikula ang nangyari. Napaatras ang mga ito at nakita niya ang takot sa mukha ng bawat isa kaya pilit niyang tinignan kung kanino nanggaling ang boses. Ngunit hindi niya ito makita dahil nasa anino ito ng malaking building.
"Hindi niyo ba kilala kung sino 'yang ginugulpi niyo?" May angas na bigkas pa nito. Ngayon ay kilalang kilala niya na ang boses na 'yun. Pero imposible. Paano naman makakarating dito ang taong iniisip niya kung kanina lang ay kausap ito ni Kyle?
"A-Alex..." may takot sa mga boses na bigkas ng mga lalakeng gumulpi sa kanya. Napamaang na lamang ang bibig niya nang lumapit si Alexis. Seryoso ang mukha nito at magkasalubong ang mga kilay. Halata ang galit sa mukha nito. Bakit? Bakit mukhang galit na galit ito na nakatingin sa tatlong lalaki?
"H-Hindi namin alam na kilala mo pala ang isang 'yan. Kaano-ano mo ba 'yan?"
"AKIN SIYA!" Sa isang iglap, biglang nag-slow motion sa paningin ni Zenwel ang pangyayari at umalingawngaw sa pandinig niya ang dalawang salitang iyon. Bumilis ang t***k ng puso ni Zenwel sa pagkakarinig ng sinabi ni Alex. Kailan pa siya natuwa na merong nagmamay-ari sa kanya? "Alipin ko ang isang 'yan!" Dugtong ni Alex na syang nagpabalik sa kanya sa realidad.
"P-Pasensya na, Alex. Hindi namin alam." Natatarantang paumanhin nung isa. Pilit na tumayo si Zenwel. Iika-ikang naglakad siya papunta sa gilid at sumandal sa pader.
"Ibalik niyo ang mga kinuha niyo sa kanya at magsorry kayo!" Nagsitinginan sa isa't-isa ang mga lalake. "Gagawin niyo ang sinabi ko o matutulog kayo sa loob ng malamig na rehas?"
"Oo na, oo na! Ibabalik na." Ani ng mga ito at inilapag sa harap ni Zenwel ang mga nakuhang gamit sa kanya; cellphone niya, wallet, relo, singsing at maleta.
"P-Pasensya na, alipin ni Alex." Halos sabay-sabay na ani ng mga ito na syang kinainis niya lalo. Pinapamukha pa talaga ng mga ito na alipin siya ni Alexis.
Akmang aalis na ang tatlo pero hinarang sila ni Alexis.
Tinignan ni Alexis ang mga lalaki na mukhang mga maliliit na aso dahil sa takot sa kanya. "Magsorry kayo ulit!" Utos nito. Nagkatinginan na naman iyong mga lalake. Nagsisikuhan pa ang mga ito at sa huli ay humingi ang mga ito ng sorry sa kanya.
"Pasensya na talaga, Alipin ni Alex," ani pa nung tatlo kaya naasar na naman si Zenwel.
"Anong sorry? Lumuhod kayo sa harap ko habang sinasabi niyo 'yan kung ayaw niyong iharap ko kayo sa lawyer ko!" Akmang magsisiluhod na sana ang mga lalake pero natigilan sila nang magsalita si Alexis.
"Sige na, makakaalis na kayo."
"S-Salamat." Natatarantang nagsitakbohan agad ang mga lalake at agad na naglaho sa dilim.
"Bakit pinatakas mo?! Kita mo ba kung anong ginawa nila sa mukha ko? Kagagaling ko pa nga lang sa pasa na binigay mo heto na naman at--"
"Tumahimik ka nga! Para kang babaeng putak ng putak, eh!" Saway sa kanya ni Alex.
"Aba't--! Sinong tinatawag mong babae?! Eh, kung halikan kaya kita dyan?"
"Eh, kung sapakin kaya kita ulit?" Natahimik si Zenwel sa banta nito. Bakit nga ba ganoon ang ibinanta niya? Bakit ba halikan ang nasabi niya? Baka isipin pa lalo nito na bakla siya.
"Ano ba't napadpad ka rito?" Pagtatanong sa kanya ni Alex habang ito na mismo ang pumulot ng mga gamit niya.
"Hindi ko alam. Naglalakad lang ako kanina sa kalsada nang may humablot ng mga gamit ko kaya hinabol ko at nakarating ako rito." Hindi alam ni Zenwel kung bakit ba niya sinagot ang tanong nito.
"Ahh..." parang walang pakialam na reaksyon ni Alexis na syang kinainis niya.
Nainis siya sa naging sagot lang nito. Bubulyawan niya na sana ito ng bigla ay mag-alay ito ng balikat sa kanya.
Nagulat siya at tinignan ito. "Bilis na, pilay." Mapang-asar na tugon nito.
"Pilay your face! I can walk!" Akmang hahakbang siya pero bigla ay bumigay ang isang tuhod niya na syang ikakabagsak niya sana pero naging maagap si Alexis at agad siya nitong sinalo.
Ang tagpong 'yun. Parang huminto ang pag-ikot ng mundo. Sobrang dikit ang mga katawan nila at ang lapit lapit ng kanilang mga mukha.
Bakit ganito? Posible ba na makaramdam ka ng ganito sa kapwa mo lalaki?! Agad na bulalas niya sa isip. Magsasalita pa sana siya ulit pero bigla na lang nanghina ang buo niyang katawan at nagdilim ang kanyang paligid.
***
"KIA, h'wag na h'wag mo akong tatawaging ate sa harap ng kumag na 'to kahit anong mangyare ah? Ang alam sa trabaho ko lalaki ako. Natanggap ako doon dahil alam nila lalaki ako kaya kung gusto mong may kainin pa tayo at makabayad tayo sa utang mo sa iskul ay 'wag na 'wag kang magkakamaling tawagin akong ate. Maliwanag?" 'Yan kaagad ang bilin ni Alexis sa kapatid pagdating na pagdating sa bahay buhat ang isang walang malay na si Zenwel.
Hindi ito ang unang beses na nagpanggap na lalaki si Alexis para matanggap sa trabaho, madalas niya 'yung ginagawa dahil madalas ay lalaki ang kinukuha sa mga trabaho. Wala namang kahirap-hirap 'yun sa kaniya dahil maangas siya magsalita at kumilos. Bukod pa doon ay natutuwa siya sa pangalan niya na hindi sinasadyang mapangalanan siya ng panlalaki ng mga magulang niya. Isa pa madali lang namang ipitin ang dibdib niya dahil hindi naman kalakihan, konting benda lang ayos na. Maikli rin ang buhok niya at madalas na nagsusuot ng mga paluluwag at panlalaking mga damit. Pero kahit ganun ang itsura ni Alexis ay hindi maitatanggi babae pa rin siya. Ginagawa niya lang 'to para makapagtrabaho at matustusan ang pangangailangan nilang magkapatid.
MALAPAD ang ngiti ni Kia habang pinupunasan ang mukha ng lalaking dinala ng ate niya sa kanilang bahay. Ang gwapo-gwapo kase ng lalake. Para siyang nakaharap sa Prinsipe ng mga anghel. Ang kinis ng balat. Ang puti at lalaking-lalaki ang tindig ng katawan nito. Pakiramdam niya ay inaakit siya ng natutulog nitong mukha.
Habang nakatitig nang matagal si Kia sa binata ay doon niya lamang napagtanto kung sino talaga ang lalake! Nanlaki ang kanyang mga mata at buong lakas na napasigaw.
"WHAAA!!" Sigaw niya na siyang bumulabog sa buong bahay. Nagising si Zenwel bigla at agad na napatalon mula sa pagkakahiga at napalabas naman sa cr si Alexis na mabuti nalang ay nakapagbihis na.
"Anong nangyari?!" Pagtatanong ni Alexis. Napatingin kaagad ito kay Zenwel at agad itong kinuwelyuhan. "Anong ginawa mo sa kapatid ko?!" Bintang kaagad nito kay Zenwel. Hindi naman nakasagot si Zenwel dahil lutang pa ang isip nito. Bigla kase itong nagising at walang ka-ide-ideya kung nasaan ito.
Akmang sasapakin ni Alexis ang binata nang pigilan ito ni Kia. "H'wag!! Wala siyang ginawang masama sa 'kin." Madramang pagpigil niya.
"Eh, bakit ka ba kasi sumisigaw?" Tanong nito sa kanya.
"Get your dirty hands off me!" Marahas na tinabig naman ni Zenwel ang pagkakahawak ni Alexis.
"Eh, kasi, itong lalaking ito," tinuro niya agad si Zenwel na inarkuhan siya ng kilay in a manly way, "..ay walang iba kundi si Zenwel Ashfortz! Isa siyang Ashfortz!"
"Oo, alam ko, hindi mo kailangan sumigaw."
"W-where am I?! What I am doing here?!" Pasigaw na turan ni Zenwel na mukhang nagising na ng tuluyan. Tinignan pa nito ang buong paligid ng bahay at mababakas sa mukha nito ang pandidiri.
"H'wag mo ngang itaas ang boses mo, nasa pamamahay kita." Ani Alex dito.
"You both lived here?" Inilibot nito ang mata sa loob ng maliit na bahay nila Alexis. Gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy ang buong bahay, yero ang bubong na may maliliit na butas. May maliit na lamesa sa gilid na nakadikit sa pader at may dalawang upuan. Malapit dito ang lababo.
Sa 'di kalayuan ay may pinto na sa tingin ni Zenwel ay cr. May malaki ngunit luma ng kahoy na kabinet sa gilid. "This place is so disgusting! Smells like s**t! Wala ba kayong aircon dito?" Reklamo nito at iwinasiwas pa sa hangin ang kanang kamay na animo nagtataboy ng masamang hangin.
Inis na napasinghal si Alexis at nameywang habang iiling-iling, "Ang kapal." Bulong nito.
"WHERE are my things? I'm leaving! I can't take this kind of place! Lugar ito ng mga gross creatures na katulad ninyo! Hindi na ako magtataka na dito ka nakatira!" Saad ni Zenwel at nang makita ang maleta ay lumapit doon sabay kuha nito. Aalis na siya at hinihintay na pigilan siya ni Alexis pero hindi man lang siya nito pinansin. Hindi ba nito alam na magpapagigil naman siya if pigilan siya nito? Wala kaya siyang ibang mapupuntahan!
"Tara na Kia, maghain ka na." Walang paki kay Zenwel na sabi nito. Naupo na ito sa harap ng lamesa at naghain naman si Kia.
"Oh? Akala ko ay aalis ka na? Nasa harapan mo na ang pinto, Your Highness! Baka gusto mong pagbuksan pa kita?" Ani Alexis kay Zenwel na huminto sa tapat ng pinto.
"Hindi pa pala ako aalis." Matigas ang mukhang humarap ulit si Zenwel. "Since dinala mo ako rito pakainin mo muna ako." Ani pa nito na syang nagpailing muli kay Alex. Ibang klase.
"Kung ganoon ay maupo ka na, Kuya." Nakangiting sabi sa kanya ng batang babae na sa tingin niya ay ang kapatid nga ni Alexis. "Dito ka na maupo, maghahain lang ako." Inuurong pa nito ang upuan para sa kanya.
Wala siyang ibang nasabi. Ang babaeng ito ang pina-expell niya sa iskul nito at alam niyang hindi lingid sa kaalaman nito na siya ang nagpa-expell dito. Pero bakit ang bait nito sa kanya?
Naupo na nga si Zenwel pero kamuntikan pang masubsob ang pwetan niya sa lapag ng sipain ni Alexis ng upuan. Mabuti nalang at nahawakan niya ito. Sinamaan niya agad ito ng tingin at nginisian lang siya ng pang-asar ni Alexis.
"Heto na, kain na tayo." Inilapag ni Kia ang bandihado ng kanin at ang plato na naglalaman ng tatlong piraso ng isda. Naglagay rin ito ng platito na merong timpladong sawsawan na may hiniwang kamatis, sibuyas at siling labuyo.
Napangiwi si Zenwel nang makita 'to.
"Salamat sa pagkain," narinig niyang ani Alexis matapos mag-sign of the cross at nagsimula nang magsandok ng kanin at kunin ang isang isda at inilagay 'yun sa plato. Kinuha rin nito ang platitong may toyo at isinabaw 'yun sa kanin nito.
"Yo-you call that, a food?" nandidiring turan niya na nagpatigil kay Alexis sa pagkain. Nakita niya ang pagkuyum ng kamay nito sa lamesa.
"Kain ka na, Kuya. Masarap 'yan! Mamaya nalang ako," ani Kia sa kanya at naglagay ng plato sa harap niya.
"No! Kia! You eat first." Maotoridad na pagsalungat ni Alex sa kapatid. "Dalawa lang ang plato namin dahil kami lang namang dalawa sa bahay kaya ikaw.." itinuro siya nito habang hawak ang kapiraso ng kamatis. "Mamaya ka pa kakain pagtapos namin, Alipin." Ani Alexis sa kanya na blanko ang mukha.
Padabog na tumayo si Zenwel. "Fine! I will not eat! I don't even know what kind of food is that at hindi ko rin maatim na kainin yan! Aalis nalang ako!"
"Okay! Goodbye, Your Highness!" Pang-aasar ni Alexis sa kanya. Asar na tumalikod si Zenwel at muling binitbit ang kanyang maleta.
"Ang mean mo naman kay kuya." Nakapout na ani Kia kay Alexis pero hindi ito pinansin ni Alexis, sa halip ay pinagpatuloy nito ang pagkain.
"Kuya, h'wag ka munang umalis. Kumain ka muna." Pigil ni Kia sa kanya.
"Hindi na. Hindi pa naman ako gut--" napahinto si Zenwel sa sinasabi niya dahil kinontra na siya ng kanyang tiyan.
"Hayaan mo siya, Kia. Hayaan mong mamatay sa gutom ang maarteng gaya niya." Malakontrabidang ani Alexis.
"Alex naman," nakapout na nilingon siya ni Kia. "Kuya, halika na kasi. Kain ka na." Hinawakan ni Kia ang kamay niya at hinila syang muli sa hapag. Muli siyang naupo sa kanina niyang inuupuan at pinagsandok pa siya ni Kia. Nilagyan nito ng kanin ang plato niya at binigyan siya ng isang piraso ng isda.
"How about you? You don't have a plate," pagpoproblema ni Zenwel dito.
"Okay lang po ako kuya." Ani Kia nang nakangiti kaya natahimik na lang siya.
"Dito ka na magplato, Kia." Napalingon sila kay Alex na kanina lang ay tahimik. Kaya pala tahimik ito ay dahil minadali nito ang pagkain para may mapagplatuhan ang kapatid nito.
"Salamat," Ani Kia. Tumayo si Alex at pumuntang lababo para uminom ng tubig. Habang nakasunod lang ang mga mata ni Zenwel dito. Hindi niya alam pero hindi niya na naman mapigilang mamangha sa taong ito. Ang swabe ng mga galawan nito na para bang nagsasabing.. lumayo ka kung ayaw mong masaktan.
"Kain ka na kuya." Napabalik siya nang magsalita ulit si Kia.
"Are you sure this is edible? I mean... what kind of food is this?"
"Kung lalasunin kita hindi ako magsasayang ng pagkain para sa 'yo. Nakakapanghinayang kasi," biglang singit ni Alexis kaya binalingan niya ito ng matalim na tingin.
"And what are you trying to say? Na mas nakakapanghinayang ang pagkain kaysa sa buhay ko?" Pagpatol ni Zenwel sa sinabi nito.
"Tama na nga, nasa harap tayo ng kainan, eh!" Singit na ni Kia.
"Tsk! Lalabas lang ako para magpahangin." Paalam ni Alexis at agad na lumabas.
"Ang yabang talaga," asar na nasabi niya ng makalabas na ito.
"Pasensya ka na sa kapatid ko, ah. Gano'n lang talaga 'yun pero promise, mabait 'yun."
"Mabait? He's terrible!"
Hindi man pamilyar sa pagkain si Zenwel ay nagustuhan niya naman ang lasa nito. Tinuruan siya ni Kia na mas sasarap iyon kapag sinawsaw sa tinimplang sawsawan nila.
***