Chapter 2

1466 Words
Inis na inis ako kinabukasan dahil magdamag na dumaldal si Shaina sa tabi ko kaya hindi ako nakatulog ng maayos. Muntikan ko pa siyang masigawan mabuti na lang ay naalala kong nandito nga pala kami sa burol ni Lolo kung hindi ay mapapagalitan ako kay Lola at mapapahiya pa sa ibang tao na nandito. "Ano ba, Shaina? Hindi ka ba napapagod sa pagsasalita?" Hanggang ngayon ay paulit-ulit niyang binabanggit ang kinuwento raw sa kaniya ni Lola patungkol sa mga anghel. Rinding-rindi na ako dahil para siyang sirang plaka. "Bakit kasi ayaw mong maniwala sa kanila, Kuya? Dahil sa nangyari kay Lolo?" Hindi ako sumagot. Bahala siyang maubos ang laway kakadada. Bahagya ko siyang tinalikuran. Nakaupo kami ngayon sa isa sa mga mesa at maya-maya lang ay maghahanda na para sa libing. Hindi ko lubos akalain na lumipas na ang ilang araw mula nang iwan kami ni Lolo. Hindi ko masabi kung mabilis ba ang mga pangyayari o matagal dahil hanggang ngayon, sariwa pa rin sa isipan ko ang itsura ni Lolo nang makita ko siya ilang segundo lang bago at matapos ang aksidente. "Ang babaw mo naman masyado kung iyon ang dahilan. Alam mo, may napanood ako dati na 'yung lalaki ay may kapangyarihan at hindi naniniwala sa kaniya ang mga bata kaya hindi siya nakikita. Pero noong nagawa nang maniwala ng mga bata na totoo siya, unti-unti na siyang nakita ng mga ito hanggang sa nakasama at nakalaro pa nila..." Pumikit ako at huminga ng malalim. "Alam ko ang kwentong iyan, Shaina. Kwento iyan ni Jack Frost at iba siya sa mga anghel kaya huwag mong ipagkumpara." "Paanong naging iba, eh pareho lang sila ng sitwasyon? Hindi ka naniniwala sa mga anghel kaya hindi mo sila magawang makita." Inis ko skyang hinarap. Hindi ko maubos-ubos ang kape ko dahil sa dami ng sinasabi niya at hindi ko maiwasang hindi makinig. "Bakit? Ngayong naniniwala ka sa mga anghel, may nakikita ka ba sa kanila?" "Ha?" Kumurap-kurap siya, tila pinoproseso ang tanong ko. Ang malalaki at bilog na bilog niyang mata ay nilibot ang paligid, marahil ay naghahanap ng sagot sa tanong kong hindi niya inaasahan. Makalipas ang ilang minutong pagmamasid sa paligid ay unti-unting lumiwanag ang mukha niya kasabay ng bahahyang pagtango. "Ayun, oh. Anghel ang isang iyon." Nilingon ko ang itinuro niya. Nakatayo malapit sa puno ng bayabas 'yung babae kagabi. Nakasuot pa rin ito ng kulay puting bistida at maging ang sandals na suot niya ay puti. "Hindi iyan anghel. Tao lang iyan, Shaina." Bulong ko habang hindi inaalis ang tingin sa babae. "Anong tao? Eh, kitang kita ko ang pakpak niya, oh! Nagliliwanag pa nga!" Mabilis kong hinampas ang kamay niya nang ituro niya ang babae. "Hindi ka kasi naniniwala, Kuya. Subukan mong maniwala, baka makita mo ang nakikita ko." Kahit anong titig ko sa babae ay hindi ko talaga makita ang sinasabing pakpak ni Shaina. Pakiramdam ko ay pinagtitripan lang ako ng kapatid ko dahil normal lang naman na tao 'yung babae. May ilong, bibig, mata, dalawa naman ang kamay at paa niya. Ang mga anghel ba ay mukha ring tao? Hindi ko alam. Iyak ng iyak si Lola habang pinapanood namin ang unti-unting pagbaba ng kabaong ni Lolo roon sa hukay. Ang mga tiyahin at pinsan ko ay isa-isang naghahagis ng bulaklak. Mahigpit kong hinawakan ang rosas na nasa kamay ko. Matapos maibaba ang kabaong ay isa-isa nang nag alisan ang mga tao hanggang sa kami na lang ang natira. Si Lola ay nakaupo at pinapanood lang ang mga lalaking nag-aayos ng libingan ni Lolo. "Jerome, sumabay na kayo sa Tiya Let ninyo..." Tinignan ko si Tiyo Reo na nakahawak sa balikat ko at bahagyang nakangiti saka inilingan siya. Mukhang nakuha naman niya ang gusto ko nang tumango siya at iniwan na ako roon. Pinagmasdan ko si Shaina na naglalaro kasama ang iba pa naming pinsan. Hindi ko alam kung alam ba niya o naiintindihan ba niya ang nangyari kay Lolo. Sa malawak na damuhan ng sementeryo ay naghahabulan sila at nagtatawanan na animo'y hindi namatayan. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ulit 'yung babae na nakatayo sa puno hindi kalayuan kina Shaina. Nakangiti siya habang pinapanood ang kapatid at mga pinsan kong naglalaro. Iyon ang huling araw na nakita ko ang babae. Ilang taon na ang nakalipas ay hindi na siya muling nagpakita. Hindi ko alam kung totoo ang sinasabi ni Shaina o talagang hindi ko na siya makikita rito dahil hindi siya taga rito sa amin. Sinipa ko ang batong maliit na nasa daraanan ko. Walang panghapong klase dahil may seminar daw ang mga teacher kaya naman naglalakad ako ngayon sa malawak na field ng school para sunduin si Shaina sa room nila. Bilin ni Lola na kahit anong mangyari, kailangan ay sabay kaming pumasok at uuwi ng kapatid ko upang masiguro ang kaligtasan ng isa't isa. Tinanguan ko ang kaklase ko dati na si Patrick nang nakasalubong ko nang hampasin niya ang braso ko. "Basketball?" "Maya. Hatid ko lang pauwi si Ayna." "Bakit ba kasi Ayna ang tawag mo sa kaniya minsan kahit na Shaina ang totoo niyang pangalan?" Maarteng saad ng babaeng nakakapit sa braso ni Patrick. "Nickname niya. Inalis lang ang letter S at H sa pangalan niya at pinalitan ng Y ang letter I. May problema?" Mabilis siyang umiling at hilaw na ngumiti. Tinanguan kong muli si Patrick at mabilis na iniwan sila roon. Dumiretso ako patungo sa room nina Shaina. Abala na sa paglilinis ang mga kaklase niyang marahil ay na-assign na cleaners para sa araw na ito ngunit wala ang kapatid ko. Hinawakan ko sa braso ang babaeng may hawak ng walis tambo at nakatalikod sa akin. Bahagya pa siyang napatalon dahil sa biglaan ng ginawa ko pero hinayaan ko na lang. "Si Ayna?" "Ha?" Naiinip ko siyang tinitigan habang bakas sa mukha niya ang gulat. Ganoon ba ako ka gwapo para matulala ang isang eleven years old na babae? "Sabi ko nasaan si Ayna? Si Shaina, 'yung kapatid kong may magandang mukha gaya ko." "Ahhh!" Tumawa pa siya at hinampas ako sa braso. Hindi ako makapaniwalang may lakas siya ng loob na hampasin ako! Nanlalaki ang mga mata ko siyang tinignan habang tumatawa. "Bakit kasi Ayna ang tawag mo? Kilala siya ng lahat bilang Shaina. Nandoon siya sa bench, kasama mga kaibigan niya marahil ay nagku-kwentuhan na naman patungkol sa mga anghel." Hindi ko na siya sinagot at mabilis na lang na umalis. Sinabihan ko kanina si Shaina na maaga kaming uuwi ngayon dahil walang kasama sa bahay si Lola tapos tatambay pa siya. Pagliko ko sa daan papuntang garden kung saan makikita ang mga bench ay natanaw ko na agad siya na nakikipagtawanan. Lakad-takbo ang ginawa ko at dahil nakatalikod siya, tinakpan ko ang mata niya nang makalapit na ako. "Ano ba?" Inis niyang sigaw at sinubukang alisin ang kamay ko ngunit hindi siya nagtagumpay. "Malaman ko lang kung sino ang l*cheng ito, humanda ka sa akin!" Bumungisngis ang kaibigan niya habang pinapanood kami. Mas lalo kong diniinan ang pagkakatakip ko sa kamay niya. "Puta-" "Anong sasabihin mo, Shaina Mendoza?" Pagputol ko sa sasabihin niya sana. Bahagya ko siyang sinapito. "Sige, ituloy mo!" "Bwisit ka!" Mabilis siyang tumayo at inambahan ako ng hampas sa braso ngunit agad ko siyang iniwasan. "Ikaw lang palang lintik ka! Ang sakit ng mata ko sa ginawa mo!" "Nagmumura ka na, ha! Isusumbong kita kay Lola! Eleven ka pa lang pero nagmumura ka na!" "Aba! Ikaw rin naman, ha? Akala mo hindi kita naririnig sa tuwing nagmumura ka kasama ang barkada mo? Dalawang taon lang ang tanda mo sa akin kaya bata ka pa rin kagaya ko!" Panay ang iwas ko sa kaniya dahil pursigido siyang mahampas ang braso ko. "Anong ginagawa mo rito?" Pag-iiba ko sa usapan. "Hindi ba't sinabi kong maaga tayong uuwi dahil walang kasama si Lola? Ano, nagkukwentuhan na naman kayo tungkol sa mga anghel na hindi naman totoo?" "Totoo! Hindi mo ba naaalala 'yung babaeng nagpunta noong lamay ni Lolo? May pakpak siya!" Nagsisi ako na binuksan ko ang usapan patungkol sa mga anghel dahil kahit na naglalakad na kami pauwi ay iyon pa rin ang bukambibig ng kapatid ko. Tahimik ko lang na pinagmamasdan ang bawat tindahan na nadadaanan namin habang siya ay nasa unahan ko, patuloy sa pagsasalita kahit na hindi naman ako nakikinig. "At alam mo ba, nakita ko ulit ang babaeng iyon kahapon. Diyan sa coffee shop na iya- oh? Ayun siya!" Napatigil ako nang bigla siyang tumigil sa paglalakad at itinuturo ang coffee shop sa kabilang daan. Kunot noo kong tinignan iyon at pakiramdam ko ay iniwan ako ng kaluluwa nang makita ang babaeng nakaputing bistida, nakaupo at mahinhin na umiinom ng kape. "Siya 'yung babae dati, hindi ba? Apat na taon na ang lumipas pero parang hindi siya tumanda. Sabi sa'yo, anghel 'yan, eh!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD