Nasa loob ng isang maliit na kuweba sina Shyve at ang kasa-kasama niyang lalaki. Ang liwanag ng kulay asul na buwan ang nagsilbi nilang ilaw upang makaaninag sa loob ng kuweba kahit na kaunti. Mabuti na lang at tinulungan sila ng isang binatilyo kanina at siya rin ang nagdala sa kanila sa kuwebang ito.
Tinititigang mabuti ni Shyve ang binatilyo. Mukhang normal naman ang kaanyuan nito. Kanina pa niya itinatanong sa sarili kung ano ang dahilan ng pagtulong ng binatilyo sa kanila. Lumitaw na lang bigla sa kanilang harapan at sinabi nitong sumunod sa kaniya para maiwasan ang mabangis na lobong sumusugod.
Nagbalik tanaw si Shyve sa mga nangyari kanina. Kung papaano sila tinulungan ng binatilyong kasama. Naalala niya ang katapangang ipinamalas nito para lang mailigtas sila mula sa kapahamakan.
Susugurin na sana sila ng nakakatakot na lobo, ngunit bigla itong huminto nang makarinig ng isang umuungol na kagaya niya ring lobo. Nakuha saglit ang atensyon nito bago binalingan muli ang grupo ni Shyve. Matatalim ang mga titig na ipinukol ng nilalang sa kanila. Handang-handa nang manakmal ng pagkaing nakahain sa harapan nito, habang nababakas naman sa mga mukha ng tatlo ang takot na nararamdaman.
Nagulat ang tatlo nang makarinig ng isa pang ungol ng lobo, bukod pa sa kaharap nila ngayon. Ang kanina’y takot na nararamdaman, dumoble dahil sa isa pang lobo na paparating. Nakikita nila ang marahan nitong paglapit sa isa. Nagkaharap ang dalawang itim na mga lobo. Nagkatinginan sa isat-isa at ang mga ngipin nila ay kapuwa nakalabas pa.
Matama namang tinitigan ng dalaga ang bagong dating. Gaya ng isa, itim din ang kulay nito. May pitong buntot na lumulutang sa ere ngunit ang mga mata nito ay hindi katulad ng sa isa pa na kulay asul. Kulay pula kasi ang mga mata ng bagong dating.
Kapuwa nanlilisik ang mga mata ng dalawang lobo. Galit na galit at handang sugurin ang isat-isa. Nawala ang atensyon ng naunang dumating na lobo at hindi na ito nakatingin kina Shyve. Sa halip, nakatuon ito sa kalaban.
Sina Shyve naman ay napako na lamang sa kanilang kinatatayuan. Inaantabayanan kung ano man ang susunod na mangyayari sa pagitan ng dalawang lobo.
Nabaling ang tingin ng tatlo nang bigla na lang sumulpot ang binatilyo sa tabi nila. Sinabihan sila na sumunod rito. Nagtataka man pero sumunod na lang sa binatilyo. Agad na kumilos ang lalaking kasama ni Shyve. Muli niyang inalalayan ang nanghihina pa rin na si Red at saka kumilos din ang dalaga.
Nagkubli sila sa isang malaking puno. Pansamantalang nagtatago habang pinapanood nila ang dalawang itim na lobo na ngayon ay nagsisimula na maglaban.
Naunang sumugod ang lobong kulay asul ang mga mata at tinamaan nito ang kalaban saka biglang tumilapon sa hindi kalayuan. Agad bumangon ang natumbang lobo at ito naman ang sumugod. Tumakbo ito at tumalon sa kalaban. Kinagat pa nito gamit ang matutulis na mga ngipin.
Sa kakaibang mundong kinaroroonan ng dalaga at ng mga kasama niya, masasama ang mga halimaw na may kulay asul ang mga mata kaysa sa pula.
Nakakuha ng pagkakataon ang mabuting lobo nang mapabagsak niya ang masamang kalaban. Sunod-sunod niyang inatake ito nang walang tigil. At sa wakas, nagawa nitong talunin ang lobong asul ang mga mata.
Matapos matalo ang kalaban, lumapit ang nanalong lobo sa pinagtataguan nina Shyve at ng kasama nilang binatilyo. Lumabas naman ang huli upang salubungin ang kaibigang nilalang.
Inalam ni Shyve ang pangalan ng binatilyo na tumulong sa kanila mula sa kapahamakan. Tinanong niya rin kung ano ng binatilyo ang nilalang na nasa tabi nito. Napag-alaman nila na isang Avalonia ang tumulong sa kanila at alaga nito ang lobo. Sinabi rin ng binatilyo na Soeji ang pangalan niya.
Nag-alok ng tulong si Soeji nang makita niya si Red na nanghihina. Sinabi niya sa kasama ng dalaga na isakay ang binata sa likod ng kaniyang alaga. Noong una ay ayaw sumang-ayon ni Shyve dahil baka kung mapaano si Red habang nasa likuran ng alaga ni Soeji. At baka may makasalubong na naman silang ibang panganib. Ngunit pumayag din siya sa huli at nagtiwala kay Soeji.
Isinakay agad ng kasama nilang lalaki si Red sa likod ng alaga ni Soeji at saka inutusan itong iuwi sa bahay ng huli para magamot ng kaniyang ina na si Malia. Inihatid na lamang ng tingin nina Shyve ang papalayong lobo, sakay ang pinsan niyang si Red.
Inanyayahan sila ni Soeji na magpalipas ng gabi sa loob ng kuweba kung saan siya namamahinga minsan. Pinaalalahanan din sila ni Soeji na huwag gagawa ng ingay sa gabi upang hindi marinig ng isa pang halimaw na gumagala tuwing kadiliman.
Sumunod si Shyve at kasama nitong lalaki na hindi man lang alam kung ano ang pangalan. Hindi niya ito tinanong simula nang mapadpad sila sa kakaibang mundo na ito. Nawala rin kasi sa kaniyang isipan na tanungin ang lalaki dahil sa marami na rin ang nangyari sa kanila ngayong araw.
Nakarating sila ng kuweba nang maayos at ligtas dahil kay Soeji. Kabisado ng huli ang lugar sapagkat matagal na siyang pumupunta rito at pabalik-balik pa. Dito rin kasi sila nagsasanay ng Tiyo Razen niya na kapatid ng kaniyang ina
Bumalik ang diwa ni Shyve nang alukin siya ni Soeji ng pagkain. Inihaw na manok na kaniyang dala-dala buhat pa noong umalis siya sa kanilang bahay. Mabuti pala at nakapagbaon siya ng pagkain. May panghapunan tuloy sila.
“Kumain ka na,” saad ni Soeji sabay abot ng pagkain sa dalaga. “Pasensya na at malamig na iyan.”
“A-Ayos lang, Soeji,” sagot niya matapos maalala ang nangyari kahapon.
“Kumain ka na rin, Kuya,” baling nito sa kasamang lalaki ni Shyve.
“Salamat,” sagot ni Azriel at saka kinuha ang pagkain mula sa kamay ni Soeji.
“Bakit mo nga pala kami tinulungan kanina?” tanong ng dalaga kay Soeji.
“Pauwi na ako kanina nang makita ko kayo. Nahalata ko na hindi kayo taga rito dahil sa kakaiba ninyong mga suot. Kaya naisipan kong tumulong.”
“Kahit hindi mo kami kilala?” kunot-noong tanong ni Shyve.
“Nakahanda akong tumulong sa mga nangangailangan lalo na’t nakikita ko na nanganganib.” Nginitian niya ang dalaga.
“Salamat sa kabutihang ipinakita mo sa amin, Soeji. Balang araw ay makagaganti rin kami sa iyo,” saad ni Shyve sa binatilyo. Malaki ang pasasalamat niya dahil sa pagligtas nito sa kanila.
“Wala iyon!”
Maya-maya ay namayani ang katahimikan sa loob ng kuweba. Hindi ito ang kuwebang narating nila nang mapadpad sa kakaibang mundo na ito. Alam din ni Razen ang kuwebang ito dahil sa ito rin ang lugar kung saan sila nagsasanay palagi.
SAMANTALA, nasa gitna pa rin ng kagubatan si Razen at hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakikita ang binatilyong pamangkin.
“Nasaan na ba ang batang iyon?” bulong nito sa kaniyang sarili habang nakatingin sa paligid.
Saglit na natigilan si Razen nang makarinig ng humahangos. Alerto siyang nagkubli sa malaking puno at agad na nagmasid sa paligid. Hinugot ang dalang sandatang pana na kanina pa nakasabit sa kaniyang likuran. Marahang inilagay sa kaliwang kamay habang sa kanan naman ay ang kaniyang palaso.
Dumaan ang isang higante sa harapan ng malaking puno na pinagkukublihan ni Razen. Marami itong mata. Isa sa mga kakaiba at nakakatakot na nilalang na lumalabas tuwing gabi-ang Higahos. May berdeng mga mata ito at matalas ang paningin. Madali nitong nakikita ang kalaban.
Bumalik ang higahos sa malaking puno at saka huminto. Mas lalong naging alerto si Razen. Ano mang oras ay maaari siya nitong sugurin. Subalit nakiramdam lang saglit ang higahos at nagpatuloy muli sa paglalakad. Masuwerteng hindi nito nakita si Razen.
Ibinaba ni Razen ang malapad at berdeng dahon na itinakip niya sa kaniyang katawan na siyang naging panangga niya sa halimaw na higahos. Sa pamamagitan ng berdeng dahon, hindi makikita ng halimaw ang kaniyang magiging biktima. Nang masigurong nakalayo na ang higahos, iniligpit ni Razen ang kaniyang sandata at nagpatuloy na sa paghahanap kay Soeji.
Habang sa kuweba, hindi makatulog si Shyve nang gabing iyon. Nag-aalala siya kay Red dahil sa kalagayan ng huli. Iniisip niya kung nakarating na ba si Red sa bahay nina Soeji, kasama ang alagang lobo ng binatilyo. Kung ligtas ba na naihatid ni Cereberus sa ina ng binatilyo sa kabila ng mga kababalaghang nangyayari.
Dahil sa hindi makatulog ang dalaga, panay ang galaw niya sa kaniyang higaan. Kahit ilang beses niyang tangkaing matulog ay ayaw pa rin siya dalawin ng antok. Hindi mapakali sa kaniyang higaan.
“Hindi ka ba makatulog?” biglang tanong ng kasama nilang lalaki nang mapuna niyang hindi mapakali si Shyve. Gising pa pala ito habang nakahiga.
Bumangon ang dalaga at hinarap ang lalaki. Kinausap niya ito kahit hindi pa masiyadong kilala at kamakailan lang ay naging kaaway niya.
“Hindi, eh! Ikaw ba, hindi ka rin ba makatulog?” balik tanong ni Shyve sa kaniya.
“Hindi rin,” mahinahon namang sagot ng lalaki. Ni hindi man lang niya tinapunan ng tingin ang dalaga. Nakatitig lang ito sa itaas.
Kapuwa natahimik saglit ang dalawa. Ngunit maya-maya’y nagsalita na naman si Shyve.
“Salamat nga pala sa pagligtas mo sa akin sa ilog at sa pag-alalay mo kanina sa pinsan ko na si Red.” Taos pusong pasasalamat ng dalaga sa lalaki. Kahit may kaunting galit pa siya rito, marunong pa rin siyang magpasalamat. “Alam ko na hindi biro ang pinagdaanan natin mula kaninang umaga hanggang ngayon. Kaya naman, maraming salamat sa iyo.”
Hindi sumagot ang lalaki sa kaniya. Tahimik lang itong nakahiga habang kinakausap ng dalaga. At hindi pa rin inaalis ang mga matang nakatingin sa itaas.
Bagamat mabigat pa rin ang loob ng dalaga, matapat pa rin siyang nagpasalamat sa lalaki.
“Sabi ko salamat. Naririnig mo ba ako?” Nagsisimula na naman siyang maiinis. Mabuti na lang at sumagot din sa wakas ang lalaki sa kaniya kaya napigilan niya ang sarili.
Bumuntonghininga ang lalaki. “Wala iyon. Sama-sama nating harapin ang ano mang panganib na naghihintay sa atin sa mundong ito. At alam ko na hindi naging maayos ang unang pagkikita natin kaya, pasensya na sa inasal ko,” bukal sa loob nitong sagot sa kaniya.
“Kalimutan na natin iyon. Ang isipin na lang natin kung papaano tayo makalalabas sa kakaibang mundo na ito. Ang totoo, gusto ko na bumalik sa atin. Inaalala ko si Mama. Tiyak na nag-aalala na sa akin iyon dahil hindi ko siya tinatawagan.”
“Hindi mo rin naman magagawa iyon dahil wala tayong telepono.”
“Oo nga, eh,” sang-ayon niya sa lalaki.
Nababakas ang kalungkutan sa mukha ni Shyve subalit kailangan niyang magiging matatag. Malakas ang loob niya subalit hindi niya maiiwasang mangamba lalo na’t wala sila sa mundo ng mga tao.
Ilang minuto ang nakalipas, nakaramdam na ng antok ang dalaga.
“Ah, inaantok na yata ako. Siyanga pala, ano ba ang pangalan mo?” naisipan niyang itanong sa lalaki.
“Azriel,” tipid nitong sagot sa kaniya. Seryoso niyang tiningnan ang dalaga.
“Ahm . . . Sige Azriel, matutulog na ako. Magandang gabi sa iyo.”
“Magandang gabi rin, Shyve,” ganti niyang sagot sa huli at saka nagpasyang matulog na rin. Ang totoo niyan, hinintay niya munang makatulog ang dalaga.
Tahimik na ang paligid ng kuweba. Ang tanging higaan nila ay ang nakuha nilang mga malalapad na dahon mula sa malaking puno na nadaanan nila kanina. Mabuti na lang at makapal ang suot nilang damit kaya kahit papaano ay naging panlaban nila ito sa lamig.
Sa kalagitnaan ng mahimbing na tulog ni Shyve at ni Azriel, marahang bumangon si Soeji. Nilapitan ang natutulog na dalaga at minamasdan ang maamo nitong mukha. Unti-unting umukit ang kahina-hinalang ngiti ng binatilyo habang titig na titig pa rin sa dalaga. Bigla ring nag-iba ang kulay ng mga mata ni Soeji at kasunod noon ay ang paglabas ng pitong buntot nito sa likuran.
Nanlilisik ang mga mata at naglalaway ang binatilyo habang panay pa rin ang titig sa natutulog pa rin na si Shyve. Ngunit nagising bigla ang dalaga nang maramdamang may tumulo sa kaniyang pisngi. Nagulat siya agad nang makitang nasa harapan niya ang binatilyo at kitang-kita ang mala-demonyo nitong ngiti. Naitulak ng dalaga si Soeji dahil sa gulat at binalingan agad si Azriel. Nilapitan niya ang lalaki at ginising.
Subalit mas lalo siyang natakot nang mapaharap si Azriel sa kaniya dahil sa walang tigil niyang pagyugyog. Wala na ang mga mata ng huli, may mahabang sugat sa leeg at duguan ang tiyan. Patay na si Azriel.