Ang tunay na anyo ni Razen

2011 Words
Walang nagawa si Malia kundi ang manahimik na lamang. Alam din naman niya na sa kalagayan ng Avalonia, kailangan nilang palawakin ang kanilang lupang nasasakupan. At mangyayari lamang iyon kapag sa bawat pakikipaglaban ni Razen sa labanan ay mananalo siya. Malaking tulong na iyon para sa buong Avalonia. “Huwag kang mag-alala, tutuparin ko ang lahat ng mga sinabi ko sa iyo, kapatid ko.” Bumitiw na si Malia sa pagkakayakap kay Razen. Tinanguan na lamang niya ang kapatid bilang pagsang-ayon sa mga iniwika nito sa kaniya. Magtitiwala na lamang sa mga sinasabi ng kapatid. “Levi, kailan ba gaganapin ang laban?” baling ni Razen kay Levi. “Sa susunod na linggo.” “Mabuti. May ilang araw pa tayo para makapaghanda sa laban.” “May isa pa akong sasabihin, Razen.” “Ano iyon?” “Dumaan ako sa taniman ng mga mansanas at iilang puno na lang ang namumunga. Kailangan nating kumuha ng gamot para maagapan ang mga pangyayaring ito,” malungkot niyang hayag. Maging siya man ay nababahala sapagkat kung darating ang tagtuyot, baka hindi sasapat ang kanilang pagkain. “Kaya nga kailangan na nating kumilos. At ang tanging paraan lang ay ang pagsali natin sa labanan kahit na buhay pa ang nakataya. Kapag nakuha natin ang kalahating lupain na gantimpala, tiyak na marami tayong matatanim na mga puno ng mansanas. At sapat na iyon para sa buong Avalonia.” “Tama ka. Sige, aalis na ako Razen. Dadaanan ko pa ang iba nating kasamahan. Babalitaan ko na rin sila tungkol sa pag-uusap natin ngayon.” “Sasama na ako sa iyo, Levi. Para naman makapagpulong tayo agad tungkol sa kung ano ang dapat nating paghandaan sa gaganaping labanan.” “Sandali lang kuya. Si Soeji, isasama mo ba sa pakikipaglaban?” tanong ni Malia kay Razen. “Hindi pa ngayon ang tamang panahon, Malia. Kaya huwag kang mag-aalala, hindi ko siya hahayaang sumama kung sakaling nais niya. Sige na. Hintayin mo na lang ang iyong anak dito. Uuwi rin iyon.” “Sige, kuya. Mag-iingat kayo,” sabi na lamang niya saka tumingin kay Levi. “Salamat, Malia. Mauna na kami,” tugon ni Levi sa kaniya saka umalis na kasama si Razen. Si Razen ang itinuturing na pinuno ng kanilang nasasakupan. Ang kanilang ama ang dating namamahala sa buong Avalonia ngunit pumanaw ito dahil namatay sa labanan. Gayundin ang kanilang aya, na ang ibig sabihin ay ina. Kaya naman tanging sila na lang magkapatid ang magkasamang namumuhay sa Avalonia. At kasama na ngayon pati ang anak ni Malia na si Soeji. Ilang oras din ang nakalipas bago narating nina Razen at Levi ang lugar kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng kanilang mga kasamahan. Dito rin nila pinagpupulungan ang bawat suliranin na hinaharap ng mga taga-Avalonia. Ang mga naninirahan sa Avalonia ay kagaya rin ng karaniwang tao ang panlabas na kaanyuan. Nagiging halimaw lamang sila kapag kinakailangan. “Magandang araw, Razen,” bati ng isa niyang kasamahan. “Magandang araw rin sa iyo at sa inyong mga naririto ngayon,” ganting bati naman ni Razen sa kanilang lahat. Sa pagsisimula ng kanilang pulong, ibinalita ni Levi ang gaganaping labanan sa Ballia. Gaya ng dati, iba’t ibang lahi ang mga lumalahok. “Alam namin na kaya ni Razen ang makipagsabayan sa kanila. Subalit karagdagang pag-iingat pa rin ang kailangan,” paalala ng isang kalahi nila. Hindi lingid sa kanilang lahat ang panganib na haharapin ni Razen. Malalakas ang mga Duguen. May malaking mukha at mahahaba ang mga sungay. Isang sunggab lang sa kalaban ay tiyak na ang kamatayan. Ganiyan katindi ang mga halimaw sa Ballia. “Razen, alam natin na malalakas na halimaw ang mga taga-Ballia kaya mag-iingat ka sa kanila,” wika naman ng isa pa nilang kasama. Halata ang takot sa mukha nito. “Oo nga naman. Huwag ka ring papatalo dahil kakainin ka nila. Pagpipiyestahan nila ang katawan mo,” saad din ng isa pa. “Ano ba naman kayo? Sa halip na palalakasin ninyo ang loob namin ni Razen, tinatakot ninyo pa kami!” bulalas ni Levi sa kanilang kasamahan na siya namang totoo ang sinasabi. “Sinasabi lang naman namin ang posibleng mangyayari sa laban,” sagot sa kaniya ng isang kasama nila. “Oo! Alam namin iyan. Pero sa abot ng aming makakaya, gagawin namin ang lahat para sa kararamihan,” sabat ni Razen saka binalingan ang kaibigan. “Tama sila, Levi. Hindi malayong mangyari sa ating dalawa ang iniisip nila. Kaya dapat maging handa tayo at tanggapin nang bukal sa loob ang kung ano man ang posibleng mangyayari.” Ipinatong ni Razen ang kaniyang kamay sa isang balikat ni Levi bilang pagsang-ayon sa mga sinasabi ng kaniyang mga kasama. “Sasali rin ba si Levi?” “Oo. Sasali ako,” hayag nito sa lahat. “Kung ganoon, mag-iingat ka rin.” “Ibayong pag-iingat ang gagawin namin ni Razen sa araw ng laban.” SAMANTALA, nakadungaw sa bintana ng kanilang bahay si Malia. Nag-aabang at naghihintay sa anak niyang si Soeji. Lubha na siyang nag-aalala dahil sa ngayon lamang ito nawala nang matagal. Dati kasi ay agad itong bumabalik sa tuwing aalis. Hindi na malaman ni Malia kung ano ang kaniyang gagawin. Halo-halong pangyayari na ang pumapasok sa kaniyang isipan. Pabalik-balik na rin siya sa paglalakad sa loob ng bahay kanina. Naghintay pa siya nang ilang oras. Baka maya-maya ay darating na si Soeji. Ngunit wala pa rin ito at gumagabi na. Kaya hindi na nakatiis at nagpasya na siyang lumabas ng bahay. Hindi na niya kaya pang maghintay at magsawalang bahala. Aalis siya at hahanapin niya si Soeji sa kagubatan. Bahala na kung aabutan man siya ng dilim sa gubat, basta’t para sa anak. Dahan-dahan nang binabalot ng dilim ang buong paligid, bagay na ikinatakot ni Malia. Kinakabahan siya sa ano mang masamang mangyayari sa anak dahil maraming kababalaghan ang nangyayari sa pagsapit ng gabi. Nasaksihan niya ito noon pa nang wala pa si Soeji sa buhay niya. Ngunit wala pa ring tatalo sa pagmamahal ng isang ina kaya umalis pa rin siya upang hanapin ang kaniyang anak. Hindi pa man nakakalayo sa bahay si Malia, dumating ang kapatid niyang si Razen. Galing siya sa pulong ng kaniyang mga kasamahan. “Saan ka pupunta?” tanong ni Razen kay Malia nang makita ito na papalabas ng bakuran ng kanilang bahay. Natahimik saglit si Malia. Alam niyang hindi sasang-ayon ang kaniyang kapatid sa kaniyang binabalak. “Tinatanong kita, Malia!” Nagalit na nga si Razen kay Malia dahil sa hindi nito pagsagot agad sa kaniya. “Tama ba ang hinala ko, na hahanapin mo si Soeji?” “Kuya,” tanging sambit ni Malia. Nag-aalangan siyang sagutin ang tanong ni Razen. “Alam mong mapanganib kapag sumapit ang gabi!” Napataas na ng boses si Razen dahil sa katigasan ng ulo ni Malia. “Hahanapin ko ang anak ko!” Hindi rin napigilan ni Malia ang kaniyang sarili. Sinagot niya ang kapatid na may halong inis. Nabigla si Razen sa tinuran ni Malia. Galit ito sa kaniya dahil pinipigilan niyang umalis at hanapin ang anak nito. Subalit sa galit din ni Razen ay bigla rin itong nag-iba ng anyo. Namula ang kaniyang mukha, kumapal ang kilay at humaba ang buhok. Lumaki rin ang kaniyang katawan kaya napunit ang suot niyang damit. Napalitan ng takot at pagkabigla ang kanina'y galit ni Malia kay Razen. Sa tinagal-tagal nilang magkasama sa iisang bubong, ngayon lamang niya nakita ang kapatid nang ganito. Ngayon lamang niya nasaksihan ang totoo nitong kaanyuan. Anyo ng isang halimaw na kung tawagin ay Edrozo. Isa sa mga lahi ng halimaw na naninirahan dito sa kakaibang mundo. “Ku-Kuya . . .” nauutal niyang sambit habang nanlalaki ang mga mata dahil sa kaniyang nakikitang pag-iiba ng anyo ni Razen. Takot na takot si Malia sa kakaibang anyo ng halimaw na nasa kaniyang harapan ngayon. Nanghina ang tuhod niya saka tuluyang napaupo sa lupa. Nagbago ang anyo ni Razen at ngayon lang niya ito nasaksihan. Kaya pala sa bawat laban ng kinikilalang kapatid ay nananalo dahil sa may lahi pala itong halimaw. Kakaiba ang anyo at ang taglay na lakas. Humahangos si Razen pagkatapos mag-iba ng anyo. Hindi na niya namalayan na nag-iiba na pala ang anyo niya sa harapan mismo ni Malia. Labag man sa kalooban na makita siya ni Malia sa ganitong anyo ngunit hindi niya mapigilan dahil sa kusa na lang ito nagbago. Dala marahil sa galit na kaniyang naramdaman dahil sa katigasan ng ulo ng kapatid. Ang anyo ngayon ni Razen ay ang tunay na anyo ng mga taga-Avalonia. Itinago lamang nila ito dahil na rin sa ibig nilang mamuhay nang normal at tahimik. Ilang taon na rin silang namumuhay ng ganito, simula nang mamatay ang mga magulang ni Razen. Nasaksihan ni Razen kung papaano namumuhay ang kanilang mga magulang noong siya'y bata pa lamang at wala pa si Malia. Nakikipaglaban sa ibang halimaw at kapag ito'y kanilang natalo, kinakain nila pagkatapos. Ang pamumuhay na iyon ay labis na hindi sinasang-ayunan ng huli. Bumabalik na sa normal na anyo si Razen nang siya ay dahan-dahang kumakalma. Muli niyang tiningnan si Malia na kasalukuyang nakaupo at nakatingala pa rin kaniya. “Ma-Malia,” saad niya kahit na nag-aalangan. “Hindi ikaw ang kapatid ko! Halimaw ka!” sigaw ni Malia nang makabawi sa gulat at takot na naramdaman kanina. “Malia,” mahinahong wika ni Razen. “Malia, makinig ka. Ako ito. At ito ang tunay kong anyo.” Yumuko si Razen habang sinasabi iyon. Nakaramdam siya ng hiya sa harapan ng babae. “Hindi! Hindi totoo iyan.” Umiiling-iling naman si Malia. Tila hindi makapaniwala sa ipinagtapat ni Razen. “Patawarin mo ako kung hindi ko sinabi sa iyo agad. Ayaw kong matakot ka sa akin gaya nang tinuran mo ngayon.” “Ang mga magulang natin, ganiyan din ba sila?” “Oo, Malia,” pag-amin ni Razen sa kapatid na hanggang ngayon ay nababakas pa rin ang takot sa mukha. “Kung ganoon, bakit hindi ko man lang alam na ganito pala ang lahi natin?” nanginginig na saad ni Malia. Wala nang ibang magagawa si Razen kundi ang sabihin na ang lahat kay Malia. Wala talaga sigurong lihim na hindi nabubunyag. Lalabas at lalabas din ang totoo sa huli. “Simula nang dumating ka sa buhay namin, at noong namayapa na ang mga magulang natin, hindi ko na ninais na ipaalam sa iyo ang tunay kong anyo. Pagod na pagod na ako kaya nais ko na mamuhay nang normal at tahimik na lang. Kasama ka at ang iba pang taga-Avalonia,” paliwanag ni Razen sa kaniya. “Pero may mga pagkakataong, kinakailangan kong magbago para makatulong sa lahat.” “Ako? Ako rin ba ay kagaya mo na kakaiba ang anyo?” biglang natanong ni Malia na siyang ikinatahimik naman ni Razen. Nagpakawala nang malalim na hininga si Razen bago sumagot kay Malia. “Balang araw ay malalaman mo rin ang tunay mong anyo at katauhan, Malia. At sana sa pagdating ng araw na iyon ay mapatawad mo ako.” Titig na titig si Razen sa kaniya. “Tumayo ka at pumasok ka na sa bahay. Ako na ang maghahanap sa anak mong si Soeji.” Tumayo lamang si Malia nang magsimulang mag-lakad si Razen palayo sa kaniya. Pumasok na rin siya sa loob ng bahay. Kampante siyang si Razen na ang maghahanap kay Soeji. Subalit gulat na gulat pa rin siya sa nasaksihan tungkol sa kaniyang kapatid. Ngunit wala na siyang magagawa kundi ang tanggapin nang maluwag sa puso ang tunay na anyo ng kapatid dahil sa pagdating ng panahon, maaaring siya man ay magbabago rin ng anyo. Mabilis na nakarating sa kagubatan si Razen. Hinanap niya si Soeji sa bawat sulok ng gubat. Kahit nasa normal na kaanyuan na siya, makakaya pa rin niyang makipagsabayan ng laban sa mga halimaw na kaniyang makakasalubong. Saglit siyang natigilan at tumingala sa langit. Maliwanag ang kulay asul na buwan, subalit napapalibutan ng maitim at may halong kulay pula na mga ulap. Lubhang nakakamangha ang gabi dahil sa kadiliman at punong-puno ng kababalaghan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD