“Tara na!” Dali-daling kinuha ng lalaki ang braso ni Red at isinampay sa kaniyang balikat. Inalalayan niya ito at saka nagmamadaling maglakad. Sumunod na rin ang dalaga sa kaniya.
Napadaan sila sa gitna ng malawak na gubat. Akay-akay pa rin ng kasama nilang lalaki si Red. Nasa likod naman si Shyve na palingon-lingon sa paligid. Matatayog at malalaki ang mga punong nakikita nila.
Natigilan at napalingon na naman sila nang muling marinig ang ungol mula sa kanilang likuran. Pakiramdam nila ay parang malapit lang ito.
“Takbo lang nang takbo at huwag lilingon!” sigaw ng lalaki at saka nagsimulang tumakbo habang hawak si Red sa tagiliran.
Walang tigil silang tumatakbo upang mapalayo sa ungol na kanilang naririnig. Kahit habol ang hininga ay hindi pa rin sila humihinto.
“Pagod na ako,” wika ni Shyve sabay lunok ng kaniyang laway. “Puwede ba na magpahinga na muna tayo?” pakiusap niya.
“Sige, pero saglit lang. Hindi natin alam kung ano na naman ang nilalang na susugod sa atin,” sagot ng lalaki na hinihingal din na kagaya niya.
“Red, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ng dalaga sa pinsan niyang si Red na hinang-hina pa rin. “Red, sumagot ka naman. Kaya mo pa ba?” muli niyang tanong nang matagal bago siya sinagot nito.
“Oo, kaya ko pa naman,” nakangiting sagot nito sa kaniya habang nakasandal sa malaking puno. Habol din nito ang kaniyang hininga.
Ang totoo, parang hindi na kakayanin pa ni Red ang tumakbo ulit. Pagod na pagod na siya. Dumagdag pa ang kanina pa niyang nararamdaman na kakaiba. Masakit at mahapdi sa balat ang natamo niyang sugat. At nang tiningnan ito ni Shyve, ganoon na lamang ang gulat ng dalaga.
“Red, ang sugat mo!” bulalas niya.
Yumuko naman ang binata at nakita niyang namamaga ang mga kalmot at may mga bula pa ito sa gilid.
“Ah . . . ” tanging sambit niya. Natakot siyang hawakan ang kaniyang mga sugat.
“Masama ito,” saad ng kasama nilang lalaki habang nakatitig rin sa mga sugat ni Red.
Nagulat na lamang sila nang may gumalaw mula sa likuran ng mga matataas na d**o na hindi kalayuan sa kanilang kinatatayuan. Tinitigang mabuti at tila hinihintay nilang lumabas kung ano man ang nagkukubli sa likod ng iyon.
Nanlaki ang kanilang mga mata nang lumabas ang isang lobo. Kulay itim at may pitong buntot na nakawagayway sa ere. Asul ang mga mata at malalaki ang mga pangil. Naglalaway pa ito na para bang gutom na gutom.
Nang makita nila na tila papalapit ito patungo sa kanila, dahan-dahang hinawakan ng kasama nilang lalaki ang braso ni Red at inilagay sa kaniyang balikat. Naghahanda na siya bago pa man makalapit ang lobo.
“Kapag sinabi kong takbo, takbo agad,” pabulong na sabi ng lalaki kina Red at Shyve habang ang mga mata ay nakatuon sa papasugod na lobo. Alerto siya sa ano man ang susunod na mangyayari.
Ganoon na lang ang sigaw ng lalaking kasama nila nang makitang papunta na ang lobo sa kinaroroonan nila. Mabilis niyang hinawakan nang mahigpit si Red.
“Takbo!” malakas na sigaw ng lalaki sa mag-pinsan.
Tumakbo nang matulin si Shyve pagkakita sa papalapit na lobo. Subalit hindi sapat iyon dahil sa naabutan pa rin sila nito. Mabuti na lang at nakaiwas sila, habang ang lobo naman ay tuloy-tuloy lang sa pagtakbo dahilan para sila ay malampasan nito.
Ang buong akala nila ay lalayo na ang lobo kaya saglit silang nakampante. Ngunit bigla itong tumigil at humarap sa kanila. Sumisipa-sipa pa ito sa likod habang ang mga mata ay nanlilisik. Tila bumubuwelo.
Heto na naman ang lobo, tumatakbo na naman at palapit sa kanilang tatlo. Wala silang ibang magagawa kundi ang tumakbo at magtago na lamang kahit saan. Sa lugar na puwede nilang mataguan at maiwasan ang mabangis na hayop. Pero sadyang malakas ang pang-amoy ng isang ito kaya madali rin silang nakita.
Sa kabilang dako . . .
“Soeji! Soeji!” malakas na sigaw ni Malia. Hinahanap nito ang kaniyang binatilyong anak. “Nasaan na naman kaya ang batang iyon?”
Bumaba siya ng bahay at saka hinanap sa paligid ang anak. Nakita niyang nagbibiyak ng kahoy ang kapatid niyang si Razen. Nilapitan niya at tinanong ito.
“Kuya, nakita mo ba si Soeji?”
“Hindi, bakit? Nawawala na naman ba ang anak mo?” Tumigil ito sa kaniyang ginagawa at hinarap si Malia.
“Pagkagising ko kasi, wala na siya sa kaniyang silid. Naku! Ang batang iyon talaga. Palagi na lang akong pinakakaba sa tuwing nawawala siya sa paningin ko,” nag-aalalang saad ni Malia. Napahawak tuloy siya sa kaniyang noo.
“Malia, binatilyo na ang anak mo. At sa tingin ko naman ay kaya na niyang protektahan ang sarili niya laban sa ano mang panganib. At isa pa, may sapat ring kaalaman si Soeji pagdating sa pakikipaglaban,” paliwanag ni Razen sa kaniya.
“Alam ko naman iyon, Kuya. At salamat sa iyo dahil sa walang tigil mong pagsasanay sa kaniya upang malinang ang kakayahan ni Soeji sa pakikipaglaban. Pero Kuya Razen, bilang isang ina ay hindi ko maiiwasang mag-alala para sa anak ko. Alam nating pareho na ibat-ibang panganib mayroon ang mundong kinalalagyan natin.”
“Batid ko rin naman iyan. Huwag ka na mag-alala at magtiwala ka lang sa anak mo. Hindi lang ordinaryong Avalonian ang anak mo. Anak siya ng-” Hindi na naituloy ni Razen ang sasabihin niya dahil sa pinutol ito ni Malia.
“Tama na kuya,” sabi niya kay Razen. “Ayaw ko na banggitin mo pa ang kaniyang ama.”
“Patawad, Malia.”
Bumuntonghininga si Malia bago nagsalita. “Pilit kong iwinawaksi sa aking isipan ang nangyari sa aking nakaraan. Nais ko na lang na mamuhay nang normal kasama si Soeji.”
“Pero hindi mo rin mababago ang kapalaran na naghihintay sa anak mo, Malia. Isa siyang tagapagmana ng kalupaan na sakop ng kaniyang amang si-”
“Tumigil ka na, kuya!” napasigaw na rin si Malia. “Wala akong balak na ipakilala si Soeji sa kaniyang ama. Akin lang ang anak ko!”
“Puwede ba, Malia! Huwag kang maging makasarili! Kapalaran ni Soeji ang maging tagapagmana ng ama niya at hinding-hindi mo mababago iyon!” Hinawakan ni Razen si Malia sa magkabilang balikat. “Makinig ka kapatid ko. Si Soeji ay anak ng isang nilalang na may kakaibang anyo. Isang masamang Ainu ang ama niya. Kaya kahit ano pang gawin mo na pagtatago, hahanap-hanapin pa rin siya ni Soeji. Malalaman din ng anak mo ang buo niyang pagkatao.”
Natahimik na lamang si Malia sa sinabi ng kapatid niya. Sa kabilang banda, tama rin naman si Razen sa mga sinabi nito. Darating ang panahon na uungkatin ni Soeji ang tungkol sa kaniyang ama. At wala siyang magagawa kundi ang mapilitan na sabihin ang mapait niyang karanasan sa kamay ng ama nito.
Biglang nagbalik tanaw si Malia sa kaniyang nakaraan. Ang mga pangyayaring, ayaw na niyang balikan.
Naligaw si Malia sa kagubatan noong dalagita pa lamang siya. Hindi niya alam ang daan para makabalik sa kanilang tahanan. Umabot siya ng gabi sa gubat at parang paulit-ulit lang ang daan na kaniyang nadaraanan. Hindi siya makaalis-alis sa lugar na kaniyang kinaroroonan.
Madilim na ang paligid. Nahihirapan si Malia na makita and daan dahil sa may kadiliman ito. Natakot siya nang may narinig siyang ungol na umalingawngaw sa buong kagubatan. Sa takot niya rito, nagkubli siya sa nakapa niyang malaki at malapad na puno.
Takot na takot at humihingal si Malia habang nakaupo at nagtatago. Tumingala siya sa langit. Napakalaking kulay asul na buwan ang kaniyang nakikita at ang paligid nito'y nababalutan ng kadiliman na may halong kulay dugo na mga ulap. Tila nagpapahiwatig na may dadanak na dugo sa mga oras na iyon.
Maya-maya ay nakarinig siya ng nakakatakot na ungol mula sa isang nilalang. Napapikit na lamang siya habang tinatakpan ang kaniyang magkabilang teynga. Tahimik na naupo.
Marahang iminulat ni Malia ang kaniyang mga mata nang makaramdam ng presensya sa kaniyang harapan. Parang tao ang tindig nito, kulay asul ang mga mata at may pitong buntot na lumulutang sa ere. Kasunod noo’y nanlaki ang kaniyang mga mata.
Sumigaw nang malakas ang halimaw na nasa kaniyang harapan. Dahil sa sigaw, natakot si Malia at napasigaw na rin.
Nawalan ng malay si Malia matapos niyang sumigaw. Tumigil naman ang halimaw na Ainu at saka tinitigan siya nang mabuti. At doon na nangyari ang masamang nakaraan ni Malia sa kamay ng ama ni Soeji.
“Razen!” sigaw ng isang lalaki na kaibigan ng huli.
Ang tawag na iyon ang naging dahilan nang pagbabalik diwa ni Malia mula sa kaniyang mapait na nakaraan. Matapos matauhan, nagpasya siyang pumasok muli ng bahay. Hinayaan niya na makapag-usap sina Razen at ang kaibigan nitong si Levi.
“Oh, naparito ka?” tanong ni Razen sa kaniya. Si Levi rin ang kanang kamay nito.
“Magandang umaga sa iyo, Malia.” Baling ni Levi kay Malia nang masilip niya sa loob ng bahay at tango lang ang naging tugon nito sa kaniya.
“Ano ba ang sadya mo, Levi?”
“Razen, may gaganaping paglalaban sa lugar ng Ballia. At malaki ang magiging gantimpala.”
Noon pa man ay may nagaganap na paligsahan na sa Ballia. Isang paligsahan na kung saan maglalaban-laban ang iba’t ibang lahi. Halos kapaki-pakinabang ang iginagawad na gantimpala sa sino man ang nananalo sa paligsahan. Subalit, kamatayan naman ang kahihinatnan sa kung sino man ang matatalo sa labanan.
“Ano ang magiging gantimpala?”
“Isang kalahating lupain na katabi ng Avalonia! Mainam sa atin iyon bilang nagbabalak tayo na magtanim ng karagdagang puno ng mansanas para sa ating pamilya,” paliwanag ni Levi habang bakas sa mukha ang kagalakan dahil sasali rin siya sa labanan.
“Maganda nga iyan. Subalit, sino ang makakalaban?”
“Iyan ang hindi ko pa alam. Ayon kasi sa nalaman ko, sa mismong labanan malalaman kung sino ang iyong makakalaban.”
“Kuya,” sabat ni Malia sa kanilang usapan. “Lubhang mapanganib ang mga taga-Ballia. Matatapang sila at higit sa lahat, wala silang awa. Kinakain nila ang bawat kalabang napapatay,” paalala niya. Lumabas siya ng bahay dahil natukso siyang pakinggan ang pag-uusap ng magkaibigan.
“Tama ka nga, Malia. Pero kailangan rin natin ng lupa para taniman ng mga puno ng mansanas. Maliit na bahagi lang ang lupang namana natin mula sa ating mga ninuno kaya dapat lang na sumali ako para mapanalunan ang kalahating lupa na katabi lang ng Avalonia.”
“Papaano kung . . . Kung matalo ka? Papaano na kami ni Soeji?” Hinawakan niya ang braso ng kapatid. Nakaramdam siya ng kaba tungkol sa maaaring mangyari kay Razen sa laban.
“Kailangan kong sumali. Hindi na masagana sa mansanas ang lupain natin. Dumarami na rin ang mga naninirahan dito sa Avalonia. At hindi na kakasya ang ani natin para pangkain ng mga taga rito. Hanggang maaari ay ayaw kong magutom ang mga kapuwa ko Avalonia.”
“Kuya . . .” mahinang sambit niya.
Nahalata ni Razen ang pangamba ng kinikilalang kapatid. Subalit ganito na ang nakasanayan nila. Kailangang makipaglaban upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang sinasasakupan.
“Alam kong nag-aalala ka sa tuwing lumalahok ako sa labanan. Pero maiiintindihan mo sana na bilang pinuno, obligasyon kong pangangalagaan ang mga kalahi ko. Ginagawa ko ito para sa lahat.”
“Niiintindihan ko naman, Kuya. Pero hindi ko maiiwasang mag-alala kahit na alam kong bihasa ka na sa pakikipaglaban. Kung matatalo ka at mamatay sa laban, inaalala ko ang aming kaligtasan ni Soeji. Sino na ang magtatanggol sa amin?”
“Malia, sa lahat ng laban ko, sinisikap kong manalo dahil alam kong may naghihintay sa aking pagbabalik. Masasaktan lang ako pero hindi ako mamamatay. Magtiwala ka sa akin, hindi ko kaya iiwan. Ilang beses na akong sumabak pero narito pa rin ako. Bumabalik nang buhay at humihinga pa rin para sa inyo ni Soeji. Simula nang dumating ka, ipinangako ko na aalagaan kita. Sasamahan sa mga panahong malungkot o masaya ka. Kaya, magtiwaka ka sa akin. Babalik ako para sa iyo at kay Soeji.”
“Kuya.”
Niyakap ni Malia nang buong higpit si Razen. Ayaw niyang mawala sa kanila ang kapatid na siyang kasama niya noon at hanggang ngayon. Batid niya ang naging paghihirap nito sa mga labanan pero hindi pa rin niya maiiwasan na mag-alala.