10

2380 Words
“HINDI AKO nanunumbat,” sabi ni Kate kay Eric kinabukasan. Nasa parke silang muli. Nagtungo siya sa ospital hindi upang magbigay ng puto flan kundi upang kunin ang reseta niya. Hinayaan niyang bilhin ni Andre ang mga nakasulat doon. Ayaw na sana niyang uminom ng kahit na anong gamot maliban sa painkiller sa tuwing sumasakit ang kanyang ulo, ngunit iginiit ni Andre ang kagustuhan nito. “May mga bagay akong ginagawa para sa `yo, Kate. Nagsisinungaling ako sa asawa ko para sa `yo. Pinagbibigyan kita sa mga gusto mo kahit na labag sa kalooban at mga paniniwala ko. Sana naman ay pagbigyan mo rin ang mga maliliit na bagay na gusto ko.” Naapektuhan naman si Kate sa mga sinabi nito kaya pinagbigyan na nga niya ang kagustuhan ni Andre uminom siya ng gamot. Mga gamot na walang kasiguruhan kung may maitutulong sa kanyang kalagayan. Iyon lang ang tanging magagawa niya upang masuklian kahit na paano ang mga ginawa at patuloy na ginagawa para ni Andre para sa kanya. Malayo pa lang siya ay tanaw na niya ang pamilyar na bulto ni Eric na nakaupo sa wooden bench sa may parke. Dahil wala na rin naman siyang gagawin, napagpasyahan niyang makipagkuwentuhan na muna sa doktor. Kaagad niyang naikuwento ang tungkol sa kanyang mga kapatid. Hindi siya kinibo ni Karol kaninang umaga. Mas nauna pang umalis ng bahay si Kate kaysa sa bunsong kapatid. Mabigat ang kanyang kalooban ngunit naisip niyang mas makabubuti na ang ganoon. Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga bago nagpatuloy sa sinasabi kay Eric. “Hindi ko pinagsisihan ang lahat ng nagawa ko, ang lahat ng isinakripisyo ko.” Pakiramdam ni Kate ay nasabi na niya iyon, ngunit tila hindi naman alintana ni Eric kahit na paulit-ulit na siya. Mataman siya nitong pinakikinggan, tila wala nadaramang anumang kabagutan. Ramdam ni Kate na nasa kanya ang buong atensiyon nito, wala siyang kahati. Tila pinahahalagahan ni Eric ang kanyang mga iniisip, ang kanyang mga nadarama. Labis niyang ikinatutuwa ang bagay na iyon. “Kung maaari akong bumalik sa nakaraan, gagawin ko pa rin ang lahat ng ginawa ko para sa kanila. Iindahin ko pa rin ang lahat ng hirap. Pamilya ko sila, mahal ko sila. Noong sabihin ni Kristine sa akin na ako ang matibay na pader na sinasandalan nila, na napapayapa siya sa pag-iisip na magiging maayos ang lahat dahil nasa tabi lang nila ako ay hindi ko alam ang mararamdaman ko. Parang may mariing pumisil sa puso ko. May parte sa akin ang nagtatanong, tama ba ang pagpapalaking ginawa ko sa kanila? Kung alam kong mangyayari sa akin ang bagay na ito, sana ay sinanay ko na lang silang wala ako. Paano na sila kapag wala na ako?” “You know what I think? You worry too much. Masyado mong inaalala ang mga kapatid mo. Have faith in them. They’ll be fine. Hindi sila pababayaan ni Andre. Hindi nila pababayaan ang mga sarili nila.” Marahas siyang napabuga ng hangin sa bibig. “Madalas ko rin `yang sabihin sa sarili ko. Patuloy na iinog ang mundo kahit na wala na ako. Magpapatuloy ang buhay ng mga taong maiiwanan ko. Walang gaanong magbabago kahit na mawala ako.” Inabot ni Eric ang kanyang kamay at banayad na pinisil. “They’ll miss you. They’ll miss you so bad. Lahat sila. Ang mga kapatid mo. Si Andre. Ang mga magulang ni Andre. Ang mga suki mo. Lahat ng nakatikim ng puto flan mo. Lahat. The world may be the same for other people but it won’t be the same for the people who loved you. They’ll always remember how good you were.” Napangiti si Kate. Nabatid niya na kailangan niyang marinig ang mga katagang iyon. “Salamat, Eric.” Palagi nitong napapagaan ang pakiramdam niya at labis siyang nagpapasalamat dahil dumating ang isang katulad nito kahit na parang huli na. “Bakit sa beach?” kaswal na tanong ni Eric mayamaya. “Noong bata pa ako, madalas akong dalhin nina Nanay at Tatay sa dagat. Tuwing birthday ko, minsan ay tuwing Pasko. Minsan ay basta maisipan ni Tatay at may ekstra siyang pera. Masaya ako sa tuwing nasa beach kami. Si Tatay ang nagturo sa aking lumangoy. Hinahayaan niyang ibaon ko siya sa buhangin. Hihiga ako sa kandungan ni Nanay at pinapanood ang paglubog ng araw. Kinukuwentuhan niya ako ng masasayang bagay. Ang mga alaala na iyon ang nagpatatag sa akin, Eric. Sa gabi bago matulog, hinahayaan ko ang sarili kong alalahanin ang masasayang sandali na magkakasama kaming pamilya. Bukod sa napapawi ang pagod ko, sinisiguro ko rin na hindi ko makakalimutan ang mga iyon.” “You go to your happy place.” Nakangiting tumango si Kate. “Ang beach ang happy place ko.” Kapagkuwan ay nabura ang magandang ngiti sa kanyang mga labi. “Sampung taon.” Bahagyang nangunot ang noo ni Eric. “Sampung taon?” “Sampung taon na akong hindi nakakapunta sa beach. Nami-miss ko ang pakiramdam ng buhangin sa mga paa ko. Nami-miss ko ang pakiramdam ng tubig sa balat ko.” Nagpakawala siya ng banayad na tawa. “Nami-miss ko ang pakiramdam na ma-sunburn. Noong bata ako, madalas akong magbabad sa arawan, lagi akong may sunburn pag-uwi. Hindi ako masaway. Ayokong kumain. Gusto ko, nasa tubig lang ako palagi. Ewan ko ba. Iba ang pakiramdam. Siguro kasi sa siyudad ako namulat at lumaki. Masikip at maingay. Maraming tao. Sa beach, parang ang laki-laki ng mundo. Parang ang taas-taas ng langit. Basta, hindi ko gaanong maipaliwanag. Basta masaya. Sa mga nakalipas na birthday ko, naiisip kong magpunta sa beach. Pero bukod sa alam kong may mas mahalagang bagay akong paglalaan ng perang gagastusin sa outing, natatakot ako. Sampung taon na ang nakakaraan, kinuha ng dagat ang mga magulang ko.” Naramdaman ni Kate ang banayad na pagpisil ni Eric ng kanyang kamay.  “Hindi na ako sigurado kung mapapasaya pa ako ng dagat. Hindi ko alam. Paanong ang bagay na nakakapagsaya sa akin, ang lugar na nagpaligaya sa akin nang mahabang panahon ay kukunin ang dalawang taong pinakaimportante sa akin?” “Bakit mo gustong magbakasyon sa beach kung gayon?” Nagkibit si Kate ng balikat. “Dahil gusto kong malaman kung makakaya ko pa ring maging masaya? Siguro sa palagay ko ay mapapalapit ako sa mga magulang ko kung nasa beach ako? Siguro ay gusto kong mapag-isa, magkaroon ng panahon para sa sarili ko? Hindi ako gaanong sigurado.” “Mag-isa ka lang?” Tumango si Kate. “Kailangan kong mag-isip.” “At magagawa mo lang iyon kapag mag-isa ka? Malayo sa mga kapatid mo?” Muli siyang nagkibit ng mga balikat. Ang totoo ay hindi siya sigurado sa napakaraming bagay. Hindi niya sigurado kung tama ang kanyang mga naging desisyon, ang kanyang ginagawa sa kasalukuyan. “Ang sabi ni Andre ay mali ako. Mali ang kagustuhan kong mapag-isa at ilayo ang aking sarili sa mga taong nagmamahal sa akin. Mali nga ba, Eric? Mali bang gustuhin na huwag na silang gaanong pahirapan? Mali ba talagang sarili ko muna ang isipin ko? Mali bang dumistansiya muna kasi nakakasakal na minsan?” “You don’t tell them what you really feel?” “At mali rin iyon?” “I... don’t honestly know. I can only imagine what you’re going through, Kate. Hindi ko rin alam kung ano ang magiging reaksiyon ko kapag nangyari sa akin ang nangyayari sa `yo.” Tumango si Kate. “Hindi ko rin alam kung paano dapat pakikitunguhan ang sitwasyon ko ngayon. Sa tuwing may problema ang palagi kong dialogue ay, ‘Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan bukas’. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanila na bilang na ang mga bukas na mayroon ako. Hindi ko alam kung paano sasabihin na sa palagay ko ay wala na akong mahahanap na paraan. Hindi ko alam kung paano sila kakausapin. Hindi ko alam kung paano sila iwan.” “Kaya parang practice rin ang beach. Parang sinasanay mo na silang wala ka?” Dahan-dahang tumango si Kate. “Sa dagat nawala ang mga magulang ko.” Namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. “Okay,” kapagkuwan ay tugon ni Eric. May ideyang sumibol sa isipan ni Kate. Ang totoo ay sumasagi na iyon sa isipan niya paminsan-minsan nitong mga nakaraang araw ngunit kaagad niyang pinapalis. Mapapangiti at mapapailing na lang siya. Minsan ay matatawa ng malakas. Pagkatapos ay sasabihan niya ang sarili na nababaliw na. Ngunit tila hindi kabaliwan para sa kanya ang ideya sa kasalukuyan. Nasisiguro ni Kate na baliw na marahil siya ngayon kung walang Eric na dumating sa buhay niya. Ang lalaki ang tanging nagpapalakas sa kanyang loob. Si Eric ang nagbibigay sa kanya ng mumunting kaligayahan. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa pa rin niyang ngumiti. Pakiramdam niya ay binuhay nito ang kanyang puso, pinatibok nito nang eratiko. Nang malaman niyang mamamatay na siya, binuhay siya ni Eric. Inilabas ni Kate ang munting papel na pinagsulatan ni Andre kanina ng kompletong address ng beach house ng pamilya nito sa Bataan. Nag-aatubili na iniabot niya iyon kay Eric na kaagad naman nitong tinanggap, nakatingin sa kanya ang mga nagtatanong nitong mga mata. Humugot muna ng malalim na hininga si Kate bago nasabi ang nais mangyari. “Samahan mo `ko sa beach house?” Napatanga sa kanya si Eric. Natawa naman si Kate. “Alam ko. Alam ko. Nababaliw na ako. Gusto ko lang... Gusto ko...” Napahagikgik siya, nababaliw na siya marahil talaga. “Hindi ko alam kung ano talaga ang gusto—actually nagsisinungaling ako. Alam ko kung ano ang gusto ko. Gusto kita. Gusto kitang makasama. Napapasaya mo `ko at gusto kong maging masaya sa mga natitirang araw ng buhay ko. Ang sabi mo, I can do something stupid and crazy. `Eto na `yon siguro. Stupid at crazy.” Muli siyang humugot ng malalim na hininga. “Alam ko na may sarili kang buhay. Alam ko na hindi mo iyon basta maiiwan. Hindi mo basta maiiwanan ang trabaho mo bilang doktor. May mga taong umaasa sa `yo, sino ba naman ako para pagkaabalahan mo ng panahon, `di ba?” “Kate—” “Alam ko. Alam ko.” Nagyuko siya ng ulo, biglang nahiya ngunit napagpasyahan niyang sabihin na ang totoong nadarama tutal ay naroon na siya. “Mamamatay na ako. Hindi pa ngayon pero darating ang araw na iyon. Isipin mo na lang, pinagbibigyan mo ang dying wish ng isang lokang babae na hindi naranasan kahit na kailan ang magkaroon ng boyfriend. Hindi naman sa sinasabi kong kailangan mong maging boyfriend ko. Hindi pa naman abot hanggang doon ang kabaliwan ko. Medyo lang. Malapit na?” Ipinilig ni Kate ang ulo, nawawala na siya sa ipinupunto niya. “Ang gusto ko lang sabihin, gusto kitang makasama. Maaari ka sigurong tumanggi pero sana ay pag-isipan mo pa rin nang husto. Magtutungo na ako roon bukas. Kung gusto mo, kung payag kang pagbigyan ang kabaliwan ko, sundan mo na lang ako roon. Kung hindi naman talaga kaya, kung ayaw mong mapalapit sa akin nang husto sa ganoong paraan, okay lang.” Napangiti siya nang mapait. “Hindi. Nagsisinungaling uli ako. Hindi magiging okay. Malulungkot ako at maiinis nang bahagya. Magagalit ako sa `yo kasi mamamatay na nga ako, hindi mo pa ako mapagbigyan sa simpleng hiling ko. At pagkatapos, magagalit naman ako sa sarili ko kasi ang tanga ko. Pagsisisihan ko ang kasalukuyan kong ginagawa. Sasabihan ko ang sarili kong ‘gaga’ at ‘tanga.’ Siguro ay iniisip mo ngayon, ‘Bakit hindi na lang siya mamamatay? Bakit ang dami-dami pa niyang arteng nalalaman?’ Tama ka siguro—” “Kate, you’re not making any sense.” Hindi tumingin si Kate kay Eric ngunit base sa tinig nito, nahuhulaan niyang tila hindi nito malaman kung matatawa o patuloy na mababaghan sa kanya. “Alam ko. Hindi lang madali sa akin ang bagay na ito. Ngayon ko lang ito ginawa, maniwala ka. So ano na?” Narinig niya ang pagpapakawala nito ng buntong-hininga. “I... don’t know. I’m not sure.” Nilabanan ni Kate ang pagdagsa ng lungkot at dismaya. “Naiintin—Pipilitin kong intindihin.” Pinilit niya ang sarili na tumingin kay Eric. Pinagsumikapan niya ang pagbuo ng isang ngiti kahit na pilit na pilit. “Huwag mo nang abalahin pa ang sarili mo. Kalimutan mo na lang ang mga sinabi ko kanina. Wala kang obligasyon na pagbigyan ako, pasayahin ako.” “Gusto kitang pasayahin.” Tila may mainit na kamay na humaplos sa kanyang puso. “Sapat na iyon. Masaya na akong malaman na gusto mo `kong pasayahin.” Totoo ang tinuran niyang iyon. Sapat na sa kanya ang pagnanais nitong mapagbigyan at mapasaya siya. Nais niya ng higit pa ngunit matagal na niyang nabatid na hindi niya makukuha ang lahat ng kanyang gusto. Minsan ay kailangan niya na lamang pagkasyahin ang sarili sa sapat. Minsan ay kailangan na niyang maging masaya sa kung ano ang mayroon. Isa pa, alam niya na hindi iyon magandang ideya. Alam niya na hindi siya maaaring mapalapit nang husto sa lalaki, sa kahit na sinong lalaki. Gustong-gusto niya si Eric. Iba ang nagagawa nito sa kanyang sistema, sa kanyang puso. Ngunit hindi magbabago ang kapalaran niya. Hindi niya maaaring hayaan ang kanyang sarili na lumago o lumalim pa ang anumang espesyal na nadarama. “I’m sorry, Kate.” “Okay lang. Magiging okay lang.” Muli niyang binigyan ng magandang ngiti si Eric. Tumayo na siya. Kailangan na niyang umuwi. “Ito na siguro ang huling beses na magkikita at magkakausap tayo.” Mas maigi na sigurong idistansiya na niya ang sarili habang maaga pa. “Please don’t say that.” “Masaya akong nakilala kita.” Nahiling niya na sana ay napaaga ang pagtatagpo ng kanilang mga landas. Sana ay hindi niya nakita si Eric sa panahong bilang na bilang na ang mga araw niya. Sana ay nabigyan sila ng mahabang panahon para makasama at mas makilala ang isa’t isa. Bago pa man kung ano pa ang mahiling ni Kate ay tinalikuran na niya si Eric at nagsimulang maglakad palayo. Panay ang hugot niya ng malalim na buntong-hininga, pilit na pinapagaan ang bigat na nadarama ngunit siya’y bigo. Kung lumingon sana si Kate, nakita sana niya ang paglipad palayo ng kapirasong papel na ibinigay niya kay Eric.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD