9

1740 Words
“SALAMAT, Andre. Hindi ko alam kung paano susuklian ang lahat ng pag-intindi at kabutihan mo.” Dinig na dinig ni Kate ang pagbuntong-hininga ng bayaw sa kabilang linya. “Tell them, Kate. Please.” Naudlot ang sasabihin sana ni Kate nang makarinig siya ng katok sa pintuan. Bumukas iyon at sumilip ang ulo ni Kristine sa siwang. Nakangiti ang nakababatang kapatid. Kaagad niyang ginantihan ang ngiti nito. “Tatawagan kita bukas,” pamamaalam niya sa kausap sa cell phone. Tumuloy sa loob ng silid niya si Kristine at naupo sa gilid ng kanyang kama. “Sino `yong kausap mo?” “Bakit hindi ka pa natutulog?” tanong ni Kate sa halip na sagutin ang tanong nito. “Pinupuyat mo ang pamangkin ko.” Inabot niya ang tiyan ni Kristine at banayad na hinimas ang maliit na umbok. Naitanong niya sa kanyang sarili kung buhay pa siya pagsilang ng kanyang pamangkin. Magkakaroon pa ba siya ng pagkakataon?  “Hindi ka na siguro sanay sa kuwarto n’yo ni Karol. Hindi ka na sanay matulog na walang aircon,” pabiro pang dagdag ni Kate. Pagkatapos nilang kumain ng hapunan sa Jollibee sa loob ng mall ay hiniling ni Kristine na sa bahay na nila matulog. Nami-miss na raw nito ang bahay nila. Kaagad naman itong pinayagan ni Andre. “Ate, hindi pa rin ako sanay na natutulog na may aircon. Palagi akong balot na balot. Saka may mga gabi talaga na nahihirapan akong matulog. Minsan mag-uumaga na ako inaatake ng antok.” “Hindi ba iyon makakasama sa dinadala mo?” Kaagad nakadama ng pag-aalala si Kate. “Hindi naman daw sabi ng OB. Kapag naman kasi inatake ako ng antok, abot hanggang sampung oras ang tulog ko. Basta nakakapagpahinga pa rin ako, okay lang. May mga pagkakataon na tulog lang ako ng tulog. Bihirang-bihira naman ang ganitong pagkakataon na hindi ako makatulog sa gabi.” Nakahinga si Kate nang maluwag. Kailangan niyang ipaalala sa kanyang sarili na doktor ang napangasawa ni Kristine at hindi pababayaan ni Andre ang kanyang kapatid. “Mabuti naman.” “Ikaw, bakit hindi ka pa natutulog?” Nagkibit ng balikat si Kate. “May mga pagkakataon din na hindi ako makatulog.” Lalo na kung marami ang alalahanin. Nagbalik sa isipan niya ang mga gabing pabiling-biling siya sa higaan at hindi makatulog kahit na napagod siya nang husto sa buong araw. Napakarami niya kasing inaalala. Saan siya kukuha ng pang-tuition? Pangbaon? Pangkain? Pakiramdam niya ay hindi pa sapat ang lahat ng ginagawa niya at naiinis siya nang labis sa kanyang sarili dahil sa kawalan niya ng magawa. Pakiramdam niya ay kulang na kulang pa ang sipag niya kaya mas magsusumikap siya. Bago niya ipikit ang mga mata, mangangako siya sa kanyang sarili na mas dodoblehin niya ang sipag at pagpupursige pagsikat ng araw. Naalala niya na may kailangan siyang ibigay kay Kristine kaya bumaba muna siya sa kama at nilapitan ang lumang kabinet na lalagyan niya ng mga damit. Inilabas niya mula roon ang isang paperbag at inabot kay Kristine. Nagtataka na tinanggap iyon ng kapatid. “Ano `to, Ate?” anito habang binubusisi ang laman ng paperbag. Hindi na tumugon si Kate, hinintay na lang niya ang pamimilog at pagkislap ng mga mata ng kapatid. “Ate!” Nakangiting tinabihan niya si Kristine sa pagkakaupo sa gilid ng kama. Natutuwa siyang makita ang ligaya sa mga mata sa kanyang munting regalo. “Nagpunta ako sa Divi noong isang araw,” wika ni Kate habang inilalabas ni Kristine ang mga lampin na binili niya para sa magiging pamangkin. “Hindi ako sigurado kung uso pa ang lampin, lalo na sa mga mayayaman, pero hindi ko napigilan ang sarili kong bumili.” Pinaraan ni Kristine ang mga daliri sa burda na si Kate mismo ang naglagay roon. Noong sampung taong gulang si Kate, tinuruan siya ng nanay niya kung paano magburda. Mahusay ang nanay nila sa pagbuburda. Hindi na niya gaanong maalala ang mga komplikadong designs na natutunan niya noon kaya naman simpleng letrang “A” at “K” lamang ang inilagay niya sa mga lampin. Hindi pa niya alam kung ano ang magiging pamangkin kaya mas safe na letra na lang ng mga pangalan ng mga magulang nito ang naroon kaysa bulaklak o tala. “Hindi siguro magagamit ng magiging anak mo ang mga iyan. Siyempre, marami kayong pambili ng diapers. Hindi siya mauubusan. Gusto ko lang... may maibigay sa magiging pamangkin ko.” Nagulat si Kate nang bigla na lang siyang sugurin ng yakap ni Kristine. Kamuntikan na silang mapahiga sa kama kung hindi niya naitukod ang isang kamay. Natawa si Kate ngunit pinamasaan din ng mga mata. Tinapik-tapik ng isang kamay niya ang likuran ng kapatid nang maramdaman ang pagyugyog ng mga balikat nito. “Maraming maraming salamat, Ate Kate,” ani Kristine sa gumagaralgal na tinig. “Walang anuman. Lampin lang ang mga iyan.” “At sorry talaga. Sorry, Ate.” “Shhh... Huwag kang humingi ng paumanhin. Wala kang ginawang kasalanan. Wala kang ginawang masama. Kailan mo ba titigilan ang pagpapahirap sa sarili mo?” Kumalas sa kanya si Kristine, pinahid ang mga luhang kumawala sa mga mata. Hinaplos ni Kate ang pisngi ng kapatid. “Palaging may mas magandang plano ang Panginoon. Binigyan ka Niya ng higit pa sa inasam mo. Nakatagpo ng isang mabuting lalaki na makapagbibigay ng magandang buhay sa `yo. Magkakaroon ka na ng anak. Anak na aalagaan at mamahalin mo nang husto. Magiging nanay ka na. Dapat ay maging masaya ka na lang.” “N-natatakot ako, Ate.” Malinaw ngang nabasa ni Kate ang takot sa mga mata ng kapatid. “Hindi ako... H-hindi ko s-sigurado kung magiging mabuti akong ina sa magiging anak namin ni Andre. Masaya naman ako. Masaya ako kasi para itong happy ever after sa fairy tale. Kasal na ako sa lalaking mahal na mahal ko at magkakaroon na kami ng anak. Nakatira ako sa palasyo. Mabait ang mga biyenan ko. Wala na akong gaanong mahihiling pa, kung tutuusin. Pero may mga pagkakataon, Ate, na natatakot ako. Paano kung... paano kung hindi ako maging mabuting ina? Paano kung pumapalpak ako? Paano kung hindi ako mahalin ng anak ko? Paano kung may kapalit pala ang lahat ng kaligayahan at magandang buhay na dinaranas ko ngayon? Paano kung bukas hindi na ako nabubuhay sa aking happy ever after?” “Kristine...” “Pero naiisip ko, nariyan ka naman. Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing naaalala ko na nariyan ka palagi para sa akin. Alam kong hindi mo `ko pababayaan. Kahit na na-disappoint ka sa `kin, kahit na hindi ko natupad ang mga ipinangako ko sa `yo. Alam ko na palagi kang nariyan.” Kinabig ni Kate ang kapatid at niyakap nang mahigpit. Nanakit ang lalamunan niya sa pagpipigil ng mga luha.  “Noong mawala sina Nanay at Tatay, hindi namin gaanong ininda ni Karol dahil nariyan ka. Ikaw iyong matatag na pader na sinandalan namin. Tumayo kang magulang. You are so amazing, Ate. Kinaya mo lahat. Kaya kapag natatakot ako, iniisip lang kita. Dahil alam kong palagi kang nariyan at nakaalalay. Hindi mo hahayaan na maging masama akong ina.” Napalunok nang sunod-sunod si Kate. Nais niyang sabihin sa kapatid ang totoo. Nais niyang sabihin na hindi siya palaging naroon. Darating din ang panahon na hindi na siya magiging matatag. Darating ang araw na mawawala na lang siya. Hinagod niya ang likuran ni Kristine. “Magiging mabuti kang ina, Kristine. Narito man o wala. Magiging napakabuti mong ina dahil naging mabuti kang anak, naging mabuti kang kapatid. Magiging maayos ang lahat. M-magiging maayos ang lahat.” Kailangan nitong paniwalaan ang huling sinabi niya. Dalangin niyang sana ay maging maayos ang mga kapatid niya kahit na wala na siya. Mahigpit siyang niyakap ni Kristine.  “I-EMPAKE mo ang mga gamit mo, Karol. Kina Kristine at Andre ka muna,” sabi ni Kate kay Karol pagdating na pagdating ng bunsong kapatid sa bahay nang hapon na iyon. Pagod na pagod siya. Iyon na ang huling araw ng pagbabagsak niya ng puto flan sa mga suki niya. Bahagya siyang naging emosyonal sa pamamaalam sa mga ilan sa naging suki niya. Marami ang nabaghan habang  naluluha siyang nagpasalamat sa tiwalang ibinigay ng mga ito sa kanya. Sinabi niya na kung hindi dahil sa tiwalang iyon, hindi niya mairaraos ang isang dekada. Lahat ay nagtaka kung bakit titigil na siya sa paggawa ng puto flan. Hindi niya masabi sa mga ito ang totoong dahilan.  “Ha? Bakit?” nagtatakang tanong ni Karol. “Aalis ako,” ang matipid na tugon ni Kate. Nagsalubong ang mga kilay ng kapatid. “Papunta saan?” “Beach.” “Beach? Bakit? Ano ang gagawin mo sa beach?” “Basta kailangan kong pumunta roon. Sige na, mag-empake ka na. Kukunin ni Kristine ang mga gamit mo rito bukas ng umaga at sa hapon ay dumeretso ka na ng uwi sa kanila. Nakausap ko na si Andre. Pumayag na siya.” Bumalatay ang kaguluhan sa buong mukha ni Karol. “Bakit bigla-bigla naman yata, Ate? Kailangan ko ba talagang makitira kina Kuya Andre? Magtatagal ka ba sa pupuntahan mo? Kung isa o dalawang gabi lang naman, kaya ko namang mag-isa rito sa bahay. Hindi ko na kailangang makitira kina Kuya Andre. Mas komportable ako rito sa bahay natin.” “Sumunod ka na lang, Karol. I-empake mo na ang mga gamit mo.” “Ate—” “Matatagalan ako. Sige na, mag-empake ka na.” Hindi tuminag sa kinatatayuan si Karol. “Gaano katagal?” tanong nito habang salubong na salubong pa rin ang mga kilay. “Basta matagal. Huwag ka nang maraming tanong, sumunod ka na lang sa mga sinasabi ko.” Hindi pa rin tuminag sa kinatatayuan si Karol. “Hindi ako mag-eempake hanggang sa hindi mo ipinapaliwanag sa akin kung bakit kailangan mong magtungo ng beach at manatili roon ng matagal.” Humugot ng malalim na hininga si Kate bago siya nagsalita. “Bakasyon. Pahinga. Gusto ko ng matagal na bakasyon. May karapatan naman siguro akong magsaya at magpahinga, hindi ba? Sampung taon, Karol. Sampung taon na wala akong tigil sa pagkayod. Pagod na pagod na ako.” Natigilan si Karol. “Ate...” “Sige na, mag-empake ka na.” Hindi na niya hinintay na sundin siya ni Karol, nagtungo na siya sa kusina at sinimulan ang paghahanda ng hapunan. Naninikip ang kanyang dibdib ngunit hindi niya hinayaan na kumawala ang mga luha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD