Hindi maintindihan ni Marcus kung bakit ambilis ng t***k ng dibdib niya. Pilit niyang ituon sa daan ang konsentrasyon para hindi maagaw ng presensya ni Stacey ang diwa niya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakasama niya ang dalagita nang silang dalawa lang. Pero imbes na matuwa siya ay kinakain siya ng pangamba. Ipinagkatiwala sa kanya ni Zane Albano na maiuuwi niya ang anak nito nang maayos at ligtas.
"Can you speed up a little?" wika ni Stacey na ikinagulat niya. Sandali siyang tumingin sa salamin at sinalubong ito ng tingin. Kung bakit naman sa simpleng pagtatama ng kanilang mata ay kinilig na siya.
"O-okay," sagot niya na muntik pang bumara sa lalamunan. Sinadya niyang huwag itong tawaging ma'am dahil hindi niya gustong manliit sa sarili. Halos dise nueve pa lang siya at si Stacey ay trese anyos. Gusto niyang kahit paano'y maging magkaibigan man lang sila.
"Kumain ka na ba?" lakas loob niyang tanong. Kahit siya'y kumakalam na ang sikmura dahil ang sabi ni Zane ay alas dose ang labas nito sa school. Ala una na ito dumating sa parking lot kanina na may kasama pang lalaking nakasuot ng jersey. Nanibugho ang puso niya sa lalaking iyon na halata namang may gusto kay Stacey.
"Hindi pa," tipid nitong sagot habang nakasandal ang likod nito sa upuan at nakatanaw sa dinaraanan nila. Nang may madaanang fastfood chain ay iniliko niya ang sasakyan at tumuloy sa drive-tru.
"Anong gusto mo?" lakas loob niya muli itong tinanong. Sandaling natigilan si Stacey saka bahagyang ngumiti.
"Burger and fries," tila nahihiya nitong tugon. Hinarap niya ang naghihintay na crew sa window counter saka um-order. Wala pang limang minuto at inabot na ng crew ang order nila. Iniabot niya ang order ni Stacey pero hindi ito kinuha ng dalagita.
"Lilipat ako sa harap," wika nito kaya't nabitin sa ere ang dapat ay iaabot niya. Nang kuhanin ni Stacey ang order sa kanya'y sandali ring lumapat ang kamay niya sa kamay nito. Hindi niya gustong magkaroon ng kakaibang damdamin kay Stacey, pero nang mapalapit ito'y lalong nagulo ang isip niya. Sumisiksik pa sa ilong niya ang mamahaling pabango nito na lalong nagpapabilis sa t***k ng puso niya.
Pero nawala ang sandaling kilig na iyon nang mag-abot si Stacey nang isang daang piso.
"Hindi mo kailangang bayaran. Libre ko 'yan." Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya saka itinuon ang mata sa daan.
"Thank you," nakangiti naman nitong sagot saka sinimulan ang pagkain. Siya'y sumipsip lang ng softdrinks dahil kinakain pa rin ng kaba ang dibdib.
"I'm sorry kung nagutom ka sa kakahintay sa 'kin," paghingi nito ng paumanhin.
"Okay lang," sagot niya. "Ang sabi ng Daddy mo'y dumaan ka pa sa library."
Hindi ito sumagot. Sa tingin niya'y hindi naman talaga ito sa library nagpunta kaya inabot ito ng isang oras.
"Boyfriend mo ba ang lalaking kasama mo kanina?"
"Hindi ah," mabilis nitong pagtanggi. Tila naman siya nabunutan ng tinik sa isinagot nito.
"Masyado ka pang bata para makipag-boyfriend."
"Hindi ko nga boyfriend," ulit nito.
"Pero sa library ka galing?" tanong niya. Tumingin lang ito sa kanya imbes na sumagot. "Saan ka nagpunta at inabot ka ng isang oras?" muli niyang tanong. Gusto niyang malaman kung sino ang lalaking iyon sa buhay nito sa kung anumang kadahilanan.
"I watched Leandro's game with my friends," napilitan nitong sagot na iniwas ang tingin sa kanya.
"Kailangan mo pang magsinungaling sa Daddy mo para lang sa lalaking iyon?" mangha niyang tanong. Muli siyang nakadama ng panibugho.
"Nayaya lang ako nila Viena," pagdadahilan nito.
"Bakit hindi mo na lang sinabi sa Daddy mo ang totoo?"
"Hindi ako papayagan ni Dad," sagot nito. Gusto niyang magmura sa inis pero napatitig na lang siya sa maganda nitong mukha. "Hindi lang ako makatanggi kila Viena kanina."
"Nanliligaw ba sa 'yo yung lalaking 'yun?"
"Hindi ah!"
"Pero crush mo?"
"Gwapo siya," sagot naman nito na ikinasimangot niya. Hindi man nito lantarang sinagot ang tanong niya'y alam niyang may gusto si Stacey sa lalaking kasama kanina.
Hindi na siya umimik pagkatapos. Si Stacey naman ay inuubos na lang ang french fries na hawak. Ilang sandali lang ay tumunog ang telepono nito na sa sapantaha niya ay ang ama nito.
"We're ten minutes away from home," wika nito sa kausap saka nito ibinaba ang telepono.
"How old are you?" kaswal nitong tanong sa kanya.
"Nineteen by next month," sagot niya.
"Oh... Malapit na pala ang birthday mo!"
Natuwa siya sa ngiting nakikita sa dalagita. Kung dati ay nahihiya siyang lapitan ito, ngayon ay napapanatag na ang kalooban niyang nakakausap ito ng malapitan. Hindi naman ito masungit sa mga katulong dahil mababait din ang mga magulang nito sa kanila. Pero malaking bagay na nakasama niya ito ngayon at nakakausap nang sila lang dalawa.
"Bakit nga pala hindi ka na nag-aral?"
Isa iyong tanong na nahihirapan siyang sagutin. Kahit ang ibang katulong sa mansion ay nanghihinayang na hindi pa rin siya nakakabalik sa pag-aaral. Sinasabi lang niyang nag-eenjoy na siya sa trabaho dahil kumikita naman na siya. Hindi niya maaaring idahilan ang Tatay niya dahil ito ang masisisi dahil sa kawalan ng suporta sa pag-aaral niya.
"Nag-iipon pa ako," pagdadahilan niya.
"May mga scholars sila Dad sa company, pwede ka dun." suhestyon nito. "Sayang kung hindi ka makapag-aral, bata ka pa naman."
"Pag-iisipan ko," sagot niya bago iniliko ang sasakyan papasok sa isang exclusive subdivision sa Greenhills.
"I will talk to Dad," wika nito bago bumaba sa sasakyan. Napangiti siya sa ipinakita nitong concern sa kanya. Ipinangako niya sa sarili na kakausapin niyang muli ang Tatay niya para makapag-aral siyang muli.
"Thank you," wika niya kay Stacey bago ito tuluyang bumaba ng sasakyan. Hinatid niya nang tingin ang dalagita hanggang makapasok ito sa loob ng mansion at salubungin ng katulong. Tumawag naman siya kay Zane Albano na nakauwi na sila. Hanggang sa mai-park niya sa garahe ang sasakyan ay hindi pa rin mapalis ang mga ngiti niya sa labi.
"Mabuti at nasundo mo rin pala si Stacey," wika ng Tiyang Mely niya nang pumasok siya sa kabahayan.
"Oho, wala daw kasing klase sa hapon. Nasaan ho si Tatay?"
"Katatapos lang magtabas ng mga halaman sa may swimming pool. Inaatake ng rayuma kanina kaya nagpahinga muna."
"Pupuntahan ko muna, Tiyang."
"Kumain ka muna, may itinira akong tanghalian para sa 'yo."
"Sige ho, magpapalit lang muna ako ng damit. May hamburger akong dala, gusto mo ba Tiyang?" tanong niya nang maisip ang hawak na hindi naman kinain.
"Ay sige, gusto ko 'yan para sa meryenda mamaya." Inabot niya sa tiyahin ang supot na may lamang hamburger at french fries.
"Bakit ka bumili nito tapos hindi mo rin naman kinain?"
"Naisip ko ho kasing nagugutom na si Stacey dahil ala una na."
"Bumili ka na rin lang hindi mo pa kinain nang hindi ka na sana nalipasan ng gutom. O siya, magbihis ka na at nang makakain ka na."
Lumabas siya ng komedor at tinungo ang silid nila ng ama. Naabutan niyang nagpapahid si Antonio nang langis sa paa, marahil ay para maibsan ang pananakit ng rayuma nito.
"Mukhang lumalala ho ang rayuma niyo, 'Tay ah."
"Ganito talaga ito kapag malamig ang panahon. Kasama mo ba si Stacey pauwi?"
"Oho, nandiyan na rin ho siya."
"Kumusta naman daw ho sa San Fabian, 'Tay?" panimula niya sa gustong sabihin sa ama.
"Maayos naman daw ang ani nung nakaraan. Pero ang balita ay may ibang kasintahan ang bagong asawa ng Lolo mo. Kapag napatunayan ko lamang iyon ay agad tayong uuwi roon."
"Mabuti naman ho kung gayun. Gusto ko sanang bumalik na ng San Fabian."
"Maayos naman ang kalagayan natin dito," depensa ng Tatay niya.
Hindi siya sumagot. Pero kung kalagayan lang ang pag-uusapan ay mas gusto niya ang kalagayan nila sa probinsya. Malaki ang lupang sinasaka nila na pag-aari ng kanilang pamilya. Mayaman na sila doon kung ituturing. Kapag dito sila sa mansyon ay nakakaramdam siya ng panliliit.
"Gusto ko hong ipagpatuloy ang pag-aaral ko, 'Tay."
Hindi nakasagot ang ama bagama't mariin siya nitong tinitigan. Nagyuko naman siya ng paningin para itago ang maliit na hinanakit sa ama dahil sa paninikis nito sa Lolo niya, dahilan para maisakripisyo nito ang kinabukasan niya.
"Pasensiya ka na, anak," tila mabigat ang dibdib na wika nito. "Sana'y nasa ikalawang taon mo na sa kolehiyo ngayon. Hamo at hinihintay ko lang na mapalayas ni Amang ang babaeng 'yun at babalik tayong muli sa San Fabian."
"Nami-miss ko na rin ang Lolo, 'Tay."
Hindi sumagot si Antonio sa huli niyang sinabi. Alam niyang mas higit nitong nami-miss ang ama pero natatabunan ang pangungulilang iyon ng pride at galit. Kung sana'y hindi dumating sa buhay ng Lolo niya ang babaeng iyon ay maayos pa sana ang buhay nila.
Ang tanging konswelo lang niya sa pag-alis sa San Fabian ay ang nakilala niya si Stacey.