Chapter 1
***Irene POV***
"BILISAN mo, Irene! Bilisan mong tumakbo at huwag ka nang lilingon!"
Tinulinan ko pa ang takbo habang mahigpit ang hawak ko sa bag. Sinuong ko ang masukal na kagubatan at hindi ko ininda ang matutulis na mga sanga at dahon na gumuguhit sa aking balat. Mabilis ang t***k ng puso ko sa kaba at takot na maabutan kami ng tatay ko ng mga humahabol sa amin. Hindi nila kami maaaring abutan dahil siguradong papatayin nila kami.
"Ay!" tili ko nang makarinig nang sunod-sunod na putok ng baril. Napatigil ako sa pagtakbo at napatakip ng tenga.
"Irene! Huwag kang tumigil sa pagtakbo!" sigaw ni tatay.
Doon ako tila nagising at nagpatuloy sa pagtakbo. Mangiyak-ngiyak na rin ako at nanginginig sa takot.
Kasalanan ko kung bakit napunta kami ngayon ni tatay sa ganitong sitwasyon. Kung hindi lang sana ako naging pakialamera, kung hindi ko sana pinangibabaw ang awa ay hindi sana kami hahabulin ngayon para patahimikin.
Huminto ako sa pagtakbo at sumandal sa malaking puno habang habol ang hininga. Hindi ko alam kung gaano na kami katagal tumatakbo ni tatay. Pagod na pagod na ako at nanghihina na ang mga tuhod ko.
"Irene, bakit ka tumigil?"
Habol ang hiningang nilingon ko si tatay. Habol rin nya ang kanyang hininga habang bakas sa kanyang mukha ang takot at pag aalala.
"P-Pagod na pagod na po ako, tay.. H-Hindi ko na po kayang tumakbo.."
Mariin nya akong hinawakan sa braso at pinandilatan ng mata. "Hindi tayo pwedeng tumigil sa pagtakbo, anak. Mahuhuli nila tayo. At kapag nahuli nila tayo, papatayin nila tayo! Gusto mo ba 'yon?"
Umiling iling ako.
"Kung hindi ka sana nangialam ay hindi natin sasapitin ito. Kung nakinig ka lang sana sa akin. Pero huli na, nagawa mo na. Nasa bingit na tayo ngayon ng kamatayan. Oras na mahuli nila tayo pupugutan nila ako ng ulo. At ikaw.. hindi ko alam kung ano ang gagawin nila sayo, anak. H-Hindi ko kayang isipin.." wika ni tatay sa basag na boses at napaluha na.
Napaiyak na rin ako sa takot at panlulumo. "S-Sorry po, tay.. K-Kasalanan ko ang lahat ng ito.."
Bumuntong hininga si tatay at lumambot ang bukas ng mukha. "Ang tanging magagawa na lang natin ngayon ay ang tumakas, anak. Kaya—"
Natigilan kami ni tatay nang marinig ang mga boses ng mga humahabol sa amin.
"Maghiwa-hiwalay kayo! Hindi pa sila nakakalayo!"
Napasinghap ako at tumingin kay tatay. "T-Tay.."
Hinila ako ni tatay at sumuot kami sa masukal na bahagi. Sumiksik kami sa maliit na yungib na natatabingan ng mga gumagapang na damo at baging.
"Huwag kang maingay," bulong ni tatay.
Tinakpan ko naman ng kamay ang bibig habang malakas ang kabog ng aking dibdib. Naririnig ko ang mga yabag ng mga humahabol sa amin. Tahimik akong nagdasal na sana ay hindi kami mahuli ni tatay at makaligtas kami.
"Irene, anak.." anas ni tatay sa mahinang boses.
Lumingon ako sa kanya.
"Walang pag asang makakatakas tayong dalawa sa mga humahabol sa atin.. Pero may pag asang makaligtas ang isa sa atin."
"T-Tay.. ano pong ibig nyong sabihin?"
"Anak, yang perang nasa bag.. gamitin mo yan sa paglayo mo. Pumunta ka ng Maynila. Magbagong buhay ka roon.."
"T-Tay, a-ano po bang sinasabi nyo?"
Hinawakan ni tatay ang dalawang braso ko at matiim akong tiningnan. "Makinig ka sa akin, Irene. Hindi ka dapat nila mahuli kaya dapat makatakas ka."
"Tay, tayong dalawa po ang tatakas."
"Hindi ka nakikinig. Ang sabi ko walang pag asa na makatakas tayong dalawa. Pero ikaw ay may pag asang makatakas."
Tumulo ang luha ko nang maintindihan ang ibig sabibin ng aking ama.
"T-Tay.. a-ano po bang pinaplano nyo?"
"Haharangan ko sila at tatakas ka."
Umiling-iling ako. "H-Hindi, tay.. hindi ako papayag. Papatayin po nila kayo."
Pinandilatan nya ako ng mata. "Mas gugustuhin ko pang patayin nila ako kesa mahuli ka. Hindi ko kayang isipin ang posibleng gawin nila sayo, anak. Demonyo si Serbio. Halang ang kaluluwa nya. Kaya makinig ka sa akin ng mabuti. Kailangan makatakas ka. Lumayo ka rito. Pumunta ka ng Maynila."
"H-Hindi ko po kayo kayang iwan, tay.." umiiyak na turan ko.
"Kayanin mo at huwag matigas ang ulo mo."
"P-Pero, tay.. ayoko po kayong mamatay."
"Wala na tayong pagpipiliang iba, anak. Kaya tama na ang iyak at makinig ka na lang sa akin," mariing turan nya.
Hindi ako tumigil sa tahimik na pag iyak. Hindi ko kaya ang gustong mangyari ng aking ama. Sya na lang ang natitira kong pamilya.
"Irene! Sinabi nang tumigil ka na sa pag iyak," galit nang anas nya.
Napalunok ako at tumigil sa pag iyak.
"Huwag mong sasayangin ang pagkakataon na makatakas. Haharangan ko sila para makatakas ka. Tumakbo ka sa direksyon ng balete. Sa ibaba niyon ay may ilog. Tawirin mo iyon hanggang sa makarating ka sa kabilang gubat. Dumiretso ka lang ng takbo hanggang sa makalabas ka ng kalsada. May terminal ng mga bus doon. Sumakay ka sa bus na malapit nang umalis."
"T-Tay.." Muling tumulo ang luha ko.
"Naiintindihan mo ba ako, Irene? Tumigil ka na sa pag iyak. Walang magagawa yan."
Niyakap ko si tatay ng mahigpit habang umiiyak. Parang dinudurog ang puso ko sa mga sinasabi nya.
"T-Tay.. mahal na mahal ko po kayo.."
Niyakap din nya ako at hinalikan sa buhok.
"M-Mahal na mahal din kita, anak. Kaya ginagawa ko ito para makaligtas ka. Patawarin mo rin kami ng nanay mo kung ganitong buhay ang binigay namin sayo."
Kumalas sya sa yakap at hinawakan ako sa dalawang braso. "Pilitin mong mabagong buhay sa Maynila. Mas ligtas ka doon. Mangako ka rin sa akin na hindi ka na babalik sa lugar na ito."
"T-Tay.."
"Mangako ka. Huwag kang babalik dito."
Umiiyak na tumango na lang ako. Hinalikan naman nya ako sa noo.
"Akin na ang cellphone mo para hindi ka nila masundan sa Maynila."
Nanginginig ang kamay na kinuha ko ang cellphone sa bag at binigay sa kanya.
"Mag iingat ka sa Maynila, anak. Ito na ang huli nating pagsasama."
Muli akong niyakap ni tatay ng mahigpit. Tahimik naman akong umiyak habang dinadama ang init ng kanyang yakap sa huling sandali.
Natigilan kami ni tatay nang makarinig ng yabag malapit sa kinaroroonan namin. Naririnig ko ang paghawi ng mayayabong na damo at putol na tuyong sanga na tinapakan.
"Gaston! Alam kong nandito lang kayo ng anak mo at nagtatago. Akala nyo ba ay matatakasan nyo si Ka Serbio? Nagkakamali ka!"
Nahigit ko ang hininga kasabay nang pagkabog ng dibdib ko nang makita mula sa siwang ng mga gumagapang na damo ang isa sa pinagkakatiwalaang tauhan ni Ka Serbio. Nakatalikod ito sa gawi namin habang nagpapalinga-linga. Ilang metro ang layo nito sa amin at may hawak pang mahabang baril.
"T-Tay.. s-si Mang Rupeng," kinakabahan na bulong ko kay tatay habang hindi inaalis ang tingin sa tauhan.
"Dito ka lang. Hintayin mo ang hudyat ko bago ka lumabas."
"Tay—" Hindi ko na naituloy ang sasabihin nang biglang lumabas si tatay sa lunggang pinagtataguan namin. Wala na akong nagawa kundi sundan na lang sya nang tingin.
Tahimik at mabilis ang kilos ni tatay na lumapit sa nakatalikod na si Mang Rupeng. Dumampot pa sya ng malaking tipak na bato at paglapit nya rito ay agad nya itong pinukpok sa batok na ikinahiyaw nito. Agad nyang inagaw ang mahabang baril at tinutok kay Mang Rupeng. Napamura naman ito habang hinihimas ang batok.
"Irene, lumabas ka na!" tawag sa akin ni tatay.
Agad naman akong lumabas sa pinagtataguang lungga. Napalingon sa akin si Mang Rupeng at ngumisi.
"Hindi kayo makakatakas mag ama—"
"Tumahimik ka!" asik ni tatay at kinasa ang mahabang baril.
Natigilan naman si Mang Rupeng at tinaas ang kamay.
"Sige na, anak! Tumakbo ka na sa may balete!" utos sa akin ni tatay.
Pero hindi ako kumilos at nakatingin lang sa kanya dahil hindi ko sya kayang iwan.
"Mga kasama! Nandito ang mag ama!" sigaw ni Mang Rupeng.
"Irene! Ano pa ang tinatanga mo riyan? Tumakbo ka na!" pagalit nang sigaw sa akin ni tatay na ikinapitlag ko.
Umiiyak na tumakbo na ako sa direksyon ng malaking balete. Ngunit napatigil ako nang makarinig nang putok ng baril. Lumingon ako at namilog ang mata nang makita ang mga tauhan ni Ka Serbio na papalapit kanila tatay at Mang Rupeng.
"Sige, lumapit pa kayo! Pasasabugin ko ang ulo ni Rupeng!" banta ni tatay at tinutok na sa ulo ni Mang Rupeng ang mahabang baril.
Natigilan naman ang mga tauhan na higit sa sampu ang bilang. Nagtinginan pa sila.
"Huh! Hindi mo kayang iputok yan, Gaston," nakangising turan ni Mang Rupeng.
Pero ipinutok ni tatay ang mahabang baril sa paa nya na kanyang ikinahiyaw. Naging alerto naman ang mga tauhan at tinutok kay tatay ang mga hawak na baril. Pero muling tinutok ni tatay sa ulo ni Mang Rupeng ang baril.
"Sige! Iputok nyo! Sabog ang ulo nitong si Rupeng!" banta pa ni tatay at lumingon sa akin. "Letse, Irene! Ano pa ang tinatanga mo riyan? Bumaba ka na!" sigaw nya
Napabaling sa akin ang tingin ng mga tauhan.
"Tatay.." huling sambit ko at tinitigan ng ilang sandali ang mukha ng ama bago tumalikod at tumakbo pababa ng ilog. Hindi na ako lumingon sa takot na baka may sumusunod sa akin.
Sargo ang luha sa aking mukha habang tinatawid ko ang ilog na hanggang tuhod lang ang tubig. Nang makarating na ako sa pampang ay patakbo kong sinuong ang kagubatan.
Natigilan ako sa pagtakbo nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril. Lumingon ako at narinig ko ang sigaw ni tatay.
"Tay!"
.
.
.
"Tay!" sigaw ko sabay dilat ng mata. Sumalubong sa akin ang bubong na yero.
Bumalikwas ako ng bangon at sinapo ang dibdib na malakas ang pintig.
Panaginip lang pala. Pero ang panaginip na iyon ay totoong nangyari limang taon na ang nakakalipas. Sariwang-sariwa pa iyon sa aking isipan na tila kahapon lang nangyari.
"Tay.." mahinang sambit ko kasabay nang pagtulo ng aking luha.
Parang pinipiga ang puso ko nang maalala ang ama. Wala na akong balita sa kanya simula nang magkahiwalay kami. Hindi na rin ako bumalik sa lugar na iyon gaya ng pangako ko sa kanya. Kaya hindi ko alam kung buhay pa ba sya o patay na. Gusto ko mang isipin na buhay pa sya pero alam ko sa sarili ko na imposibleng buhayin sya ng mga tauhan ni Ka Serbio.
*****