ELYSIA'S POV
Natataranta kong tiningnan ang aking sarili, kinapa ang bawat bahagi ng aking katawan Lalo na ang aking gitnang bahagi sa ilalim ng kumot. Napahinga ako ng maluwag nang makitang wala ni isang damit ang kulang, ang aking suot na pantalon ay ganoon pa rin maging aking mga karsonsilyo. Sunod kong hinanap kung sino ang nagdala sa akin sa lugar na ito. Bumaba ako sa kama at bahagyang ibinukas ang pinto. Nakita ko ang isang gwapong lalaki na may napakatangos na ilong na natutulog sa sofa.
Marahan ang aking bawat kilos upang hindi makalikha ng kahit anong ingay saka ko kinuha ang aking bag. Maingat ang bawat hakbang pati na rin ang pagbukas ng pinto para lang hindi ko ito magising.
Hindi ko siya kilala at mukha namang wala akong ginawang milagro kasama ito, bagay na ipinagpapasalamat ko dahil hindi siya nag-take advantage sa kabila ng labis na kalasingan ko. Gustong magpasalamat sa estranghero subalit nahihiya naman ako sa kung anong pwede kong sabihin sa kanya, isa pa ay nakakahiya ang bagay na ito.
Pagkalabas ng hotel ay agad akong nagpara ng taxi patungo sa aking bahay. Pagkarating ay sandali lang akong naligo saka muling bumalik sa pagtulog. Pinatay ko rin ang alarm ko na pang-alas sais ng umaga dahil hindi ko na kailangan pang pumasok sa trabaho, alas kwatro y media pa lang ng madaling araw nang mga oras na iyon.
Nagising ako bandang alas-onse ng umaga dahil sa alinsangan. Hindi kasi katulad sa probinsya na kahit na maaraw ay may hangin pa rin, samantalang dito sa siyudad ay puro na mainit ang singaw dahil sa nakapaligid na naglalakihang gusali, isabay mo pa ang ingay ng mga kapitbahay na walang pakialam kung may natutulog ba o wala.
Sariwa pa ang lahat ng nangyari, ramdam ko pa rin ang sakit na ginawang panloloko ni Xavier. Wala akong mapagsabihan ng nararamdaman ko, mabigat sa dibdib. Kahit na nagpakalasing ako sa alak ang sakit ay nandoon pa rin.
Napabuntong hininga ako nang maalala ko ang bilin ni Gaway. Siguro, ganito rin ang nararamdaman noon ni Miriam dati kaya nagawa nitong maglihim.
Tumayo ako mula sa pagkakahiga upang i-charge ang aking cellphone, naglinis ng buong kabahayan at pagkatapos ay lumabas ako ng aking inuupahang bahay upang bumili ng lutong ulam sa baba. Pagkatapos makakain ng pananghalian ay nagdesisyon akong tawagan si Gaway.
"Oh, Ely. Napatawag ka? Wala ka bang pasok?" tanong nito.
Pagkarinig ko pa lang ng kanyang boses ay parang muli na namang bumigat ang aking dibdib. Ang sakit at lungkot na itinatago ko sa pamamagitan ng paggawa ng kung anu-ano ay tuluyan kong nailabas.
"Sorry, 'Way. Naging marupok na naman ang pinsan mo." Mapakla akong napangiti rito ngunit bakas ang pait at sakit sa aking mga mata.
Hindi ito nagsalita mula sa kabilang linya at sa halip ay hinintay niya akong muling makapagsalita. Tuluyan ko na ngang ibinahagi sa kanya ang mga nangyari sa maikling panahon na pananatili ko rito. Bakas sa kanyang mukha ang inis at galit na para bang gusto niya akong sermunan sa naging kat@ngahan ko pero kahit ganoon ay hindi niya ginawa.
"Hayaan mo na, ang importante ay nagising ka na," tangi nitong nasabi na sa nakikisimpatyang Boses. Mas lalo akong napaiyak dahil sa sinabi nito. Mas bata siya sa akin ng dalawang taon pero parang mas mature pa ito sa akin, marahil sa mga napagdaanan nito sa buhay kung kaya mas lalo itong tumibay.
"Kung hindi mo na kaya riyan, umuwi ka na rito. Lumalago na rin naman ang negosyo at isa pa, may naipon naman ako sa mga pinadala mo sa akin. Pasensya na dahil sa inako mo ang responsibilidad para kina Mira at Marco," ang himig nito ay parang humihingi ng dispensa.
"Kasalanan talaga namin ito ni Miriam, kung hindi ka namin pinilit na sumama sa pagse-serve noon sana hindi mo nakilala ang doble karang lalaking iyon. Sana ay hindi ka naloko at Sana wala sa posisyon mo ngayon," anito.
Hindi ko sila sinisisi.
Sa katunayan ay kasalanan ko ang lahat kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa akin ngayon ay iyon ay dahil sa labis na pagkauto-uto ko at katangahan.
"Huwag kang mag-alala, babalik na ako riyan," sabi ko rito. Tapos na ang pagiging t@nga ko, umalis na ako sa kompanyang iyon at malaya na akong makakapagsimulang ulit na wala si Xavier sa buhay ko at sa pagkakataong iyon ay hindi na ako magpapaloko.
Kinabukasan ay maaga akong gumayak patungong Montealba upang bayaran mula sa pagkakasangla ang lupa ni Lola. Gusto kong isorpresa si Gaway upang sa ganoon ay huwag na nitong isipin ang pagbabayad doon. Halos 1/4 lang naman ang nabawas sa perang naibigay sa akin noon ni Xavier at malaki pa ang natitirang laman ng aking mga bank accounts. Wala akong balak na ipakita kay Gaway ang perang ito dahil paniguradong masesermunan niya ako, baka rin isipin nito na sa bawat pagkikita namin ni Xavier ay nagpapabayad ako.
Nanatili lamang ako ng isang gabi rito dahil napakalayo ng Sta. Clarita kung saan naninirahan sina Gaway.
Habang nagpapahinga sa aming lumang buhay ay hindi ko mapigilang makaramdam ng lungkot. Tatlong bahay na magkakatabi ang naging mga abandonado dahil sa mga nangyari sa amin. Sa ilang buwan na hindi kami nakadalaw dito ay kita mo na ang pagbabago ng bahay, may mga anay na at puno ng sapot ang bawat sulok.
I just made a decision.
Ngayong may hawak na akong pera ay gusto ko muling mag-aral, mag-abroad upang makalayo kay Xavier. Tinitigan ko ang mga papel ng titulo ng mga lupang hawak ko. Hindi ko na kailangang isipin pa ang pagbabayad dito.
Pangit man na nanggaling ito kay Xavier pero malaking tulong pa rin iyon para makapagsimula. Ibinalik ko na sa lalagyan ang mga papel at saka nag-sscroll sa aking cellphone at doon ko nakita ang isang school kung saan nag-aalok ng kurso para sa mga gustong mag-care giving. Patuloy akong nagbabasa nang makatanggap ako ng tawag mula sa hindi kilalang numero.
"Hello, sino ito?"
"Is this, Ms. Elysia Nyavara?"
"Ako nga po. Sino po sila?"
"This is Ms. Glenda Remegio. Ms. Nyavara, maaari ka bang bumalik dito sa opisina bukas?"
"Ma'am, baka pwedeng after lunch na lang. Wala po kasi ako sa city," sagot ko rito.
"It's fine. May error kasi akong nakita regarding sa resignation letter mo kaya gusto kitang makausap. I'll wait for you on my office, tomorrow," sabi nito saka pinatay ang tawag.
Napakunot ang aking noo dahil sa sinabi ni Ms. Glenda. Wala naman akong trabahong iniwan nang mag-resign ako, saktong tapos na rin ang six months probation ko kasi ang pagkakaalam ko ay contractual employee lamang ako dahil sa educational background ko.
Puno ng pagtataka at pag-aalala ang aking isip kung kaya hindi ko na nagawang makatulog.
Madaling araw pa lang ay bumiyahe na ako pabalik ng Manila. Bago pa man magtanghalian ay nakarating na ako sa RusTech Solutions, ang kompanyang pagmamay-ari ni Xavier at kung saan ako nagtrabaho. Agad akong umakyat patungong opisina ni Ms. Glenda, sandali akong naghintay dahil may kausap ito sa telepono.
"Ms. Nyavara. Si Sir Xavier na raw ang kakausap sa iyo. Umakyat ka na sa opisina niya," sabi ni Ms. Glenda sa akin.
"Po? H-Hindi po ba kayo ang may hawak sa akin dito sa Finance? Pwede rin pong HR Department na lang ang kumausap sa akin dahil sila ang may hawak ng recruitment," hirit ko dahil hangga't maaari ay ayaw kong makita ang taksil na si Xavier.
"I'm sorry, Ms. Nyavara. Si Sir Xavier kasi ang nakakita ng error regarding sa resignation mo, including your contract. Umakyat ka na sa itaas dahil naghihintay na siya roon, " sabi lang nito. Tumayo pa ito sa kanyang lamesa at sinamahan ako paakyat.
Wala akong nagawa kung hindi sundin ang protocol ng kompanya. Malakas ang dagundong ng aking puso habang paakyat ng opisina ni Xavier. Hindi na ako kumatok dahil si Ms. Glenda na ang pagbukas ng pinto. Bumungad sa akin ang madilim na ekspresyon ng kanyang mukha habang matalim ang tingin sa akin. Pagkasarado ng pinto ay marahan itong naglakad papalapit sa akin.
"Ano pa ang kailangan mo sa akin? Nag-resign na ako. Ayaw ko na kaya hayaan mo na ako, " pilit na nilalakasan ko ang aking loob at pinapatapang ang aking boses.
"You can't stay away from me, Sia. You're mine," anito saka mariin na hinawakan ang aking baba.
Puno ng takot at pagtataka ang aking puso dahil sa nakakatakot nitong ekspresyon. Ibinigay nito sa akin ang papel na hawak nito saka lumayo sa akin at isinandal ang sarili sa lamesa.
Anong pinagsasasabi nito?
Puno ng pagtatakang binasa ko ang mga papel.
Ito ay ang aking kontratang pinirmahan. Binuklat ko ang lahat ng nilalaman niyon at nagimbal ako sa aking nabasa.
Two years contract?
Ha? Kailangan ko pang manatili sa lugar na iyon ng isa't kalahating taon pa?!