ELYSIA’S POV
Naduwag ako, at sa halip na sumugal sa isang pagmamahal ay mas pinili kong iwasan ito. Ang mga ipinapadala nitong mga gamit, alahas at bulaklak ay hindi ko na tinatanggap kahit pa araw- araw itong nagpapadala.
Tama si Miriam. Hindi kami bagay,hindi ko rin naman masyadong kilala ang lalaking iyon maliban na lang sa sinabi nina Miriam na isa itong napakayaman na tao na lumagpas pa sa pagiging bilyonaryo. Hindi pa naman ako ganoon kahibang. Ang nangyari sa amin ay aksidente lamang, dala ng alak at init ng katawan at napakalabong magkagusto talaga ito sa akin.
Upang mas maiwasan ito dahil alam na nito ang aking bahay sa Montealba ay mas ninais ko na lang bumalik sa Lungsod ng Maynila sa pag-asang hindi niya ako mahahanap doon. Kahit sabihin na mayaman ito, siguro naman ay hindi nito iisipin na nasa lungsod na ako at isa pa’y napakaraming tao sa siyudad kung kaya napakaimpossibleng makita niya ako. Baka rin nakalimutan niya na ang aking mukha dahil sa ilang linggo na buhat ng magkita kami at iyon ay sa kasalan na ginanap sa bayan ng Sta. Clara.
Bumalik ako sa maliit na apartment na aking inuupahan sa Hermosa at saka nagbuklat ng laptop upang maghanap muli ng trabaho sa mga online job sites. Sa kabutihang palad ay may mga sumagot sa aking mga pinagpadalhan ng resume at kaagad akong pinapunta sa kanilang opisina para sa initial interview.
Suot ang aking formal attire na nabili sa isang online shop ay nagtungo ako sa unang kompanya kinabukasan. Pasado alas-nuwebe ay nakarating na ako sa kompanya at matiyagang naghintay para tawagin ako at umaasang matatanggap ako ngunit sa kasamaang palad ay hindi ako natanggap. Kahit masakit sa puso ang rejection ay hindi ako pinanghinaan ng loob at sa halip ay nagtungo naman sa ikalawang kompanya na aking in-applyan bandang ala-una ng hapon. Kagaya ng nauna ay muli akong bumagsak sa initial interview, ang dahilan nila ay nahuli raw ako ng dating at nakakuha na sila.
Tila kakabit ng aking pagbalik sa Maynila ay ang malas dahil sa bawat interview na aking pinupuntahan ay hindi ako natatanggap kung kaya para na akong nawawalan ng pag-asa. Dalawang linggo na ako naghahanap ng trabaho at sa bawat apply ko ay kung hindi nila sabihin na hindi ako qualified ay over qualified naman. Minsan pa ay sinasabing nakakuha na raw sila ng taong kailangan nila para sa hiring na posisyon.
“Kapag hindi pa ako nakapasok dito, mukhang balik call center na naman tayo nito,” bulong ko sa aking sarili habang nakatingin sa pintuan ng kompanyang aking papasukan. Kakaba-kabang pumasok ako sa loob at hinintay na tawagin ang aking pangalan. Ilang minuto lang ay tinawag na rin ako at mukhang naawa sa akin ang langit dahil sa natanggap ako sa posisyon bilang receptionist ng isang hotel.
“You can start tomorrow, Ms. Nyvara. Congratulations,” bati sa akin ng manager na kumausap sa akin.
“Thank you po, Ma’am,” tuwang-tuwa kong sagot dahil sa wakas ay mukhang matatakasan ko na ang pag-cacall center at hindi ko na kinakailangan magpuyat lagi.
Hindi pa naman ako namumulubi dahil may ipon naman ako pero kailangan ko na rin magtrabaho para may pandagdag ako sa pambayad sa lupang naisangla noong namatay si Papa. Isang taon na lang ay matatapos ko na rin iyon kaya kaunting tiyaga at sipag na lang ang kailangan.
Masaya akong pumasok kinabukasan, kaiba sa aking nakasanayang pampasok sa call center ay nagsuot ako ng pencil cut skirt na kulay itim at isang itim na blusa na may tatak ng pangalan ng hotel, tinernuhan naman iyon ng scarf na kulay dilaw at sa aking kaliwang dibdib ay may nameplate pin ang nakadikit at nakasulat ang aking nickname na ‘Ely’.
Magiliw kong binati ang bawat guest na pumapasok sa hotel. Hindi katulad sa call center ay kaunti lamang ang kailangan kong gawin. Sa loob ng ilang araw ay naging maayos ang aking trabaho at natutuwa ako sa aking bagong trabaho kaya pinagbubutihan ko hanggang sa ilipat nila ako sa gabi. Wala na akong nagawa dahil nakapirma na ako ng kontrata at ayaw ko naman masira ang aking record kung kaya sumunod na lang ako kahit na labag sa aking loob dahil nga ang pagpupuyat ang aking iniiwasan.
“Good evening, welcome to Gran Cielo Hotel, how can I help you today?” bati ko sa aming bagong guest na may ngiti sa labi ngunit agad na nawala iyon nang mapagsino ang nasa aking harapan. Parang mas malakas sa tambol ang pagtibok ng aking puso at para akong kakapusin ng hininga nang makita ito.
Isang pagkakamali,
Isang maling desisyon na aking nagawa sa isang beses kong pagsama sa kanila Miriam upang mag-catering at naisuko ko ang aking sarili sa isang lalaking literal na estranghero sa akin.
“Elysia,” hindi makapaniwalang tawag nito sa aking pangalan at titig na titig ito sa akin. Napalunok ako at kaagad na nag-iwas ng tingin. Matagal na, subalit parang memoryado pa rin ng aking isip at diwa ang kanyang napakagwapong mukha na dahilan upang muntik na akong mawalang muli sa aking sarili.
“Ano pong kailangan nila, Sir? Do you have a reservation with us?” pormal na tanong ko na pilit pinapatatag ang aking boses kahit na sobrang kinakabahan na ako at pakiramdam ko ay magpipilipit ang dila ko. Kunwari ay itinuon ko ang aking mata sa computer ngunit ang aking diwa at atensyon ay nasa lalaking nasa harapan ko na nagtataglay ng napakalakas na presensya. Pabango pa lang nito ay nahahalina na ako at nakakapanghina na ng tuhod, mabuti na lamang ay nakaupo ako.
“Elysia, I'm glad I found you. Why don't you accept my gifts? Don't you like it? I went to your house last time when you keep on ignoring my gifts but your cousins told me na wala ka na raw doon,” tanong nito sa akin.
“Hindi naman po kasi ako talaga nakatira roon at kung pwede po sana Sir ay huwag na po kayo magpapadala ng kahit ano roon,” pakiusap ko rito habang nakayuko at takot na tumitig sa kanya dahil baka masabi ko na muntik niya na akong madala sa pagbibigay niya ng regalo.
“They are nothing. In fact, I can give you anything you want. Elysia, I can’t forget about—”
“Sir, kung ano ang nangyari noon ay pagkakamali lang. I was drunk at pati na rin kayo kaya huwag niyo ng isipin,” putol ko kaagad sa kanyang sasabihin.
It’s a bitter-sweet memory pero mas pipiliin ko na lang muna sigurong kalimutan dahil ang bagay na iyon ay hindi dapat mangyari.
Naging mapilit ito at pilit na pinapaalala ang bagay na nangyari sa amin kahit na ilang beses ko na sinabi sa kanya na wala na sa akin iyon kahit pa sinabi nito na siya ang unang lalaking nakakuha ng aking ‘V’.
“Sir, kung hindi po kayo magpapa-book umalis na po kayo dahil nasa oras ako ng trabaho,” magalang pa ring sabi ko kahit na nanlalamig na ang aking mga kamay at nanlalambot na ang aking mga paa sa pakikipagtalo rito. Pakiramdam ko ay kaunting matamis na salita na lang na bitiwan nito ay bibigay na ako.
Mabuti na lang ay dumating na rin ang isang magandang babae na naka-formal attire.
“Sir, nakapag-book na po ako sa The Solencia,” anito habang hawak pa ang kanyang cellphone.
“Cancel it, I want to book here. Miss Ely, I want the presidential suite,”
Para namang bingi si Xavier at hindi pinakinggan ang kanyang secretary at sa halip ay nag-book ng room sa aming hotel.
“But, Sir—-”
“I said, I like it here,” titig na titig sa akin na sagot ni Xavier ngunit ang kanyang boses ay mariin.
“Right away, Sir,” aligagang sagot ng magandang dalaga at lumapit sa akin. Ipinakita nito ang pangalan ng kompanya at ipinakilala si Xavier. Habang inaasikaso ang kanyang kwartong tutuluyan ay titig na titig ito sa akin. Titig na nakakatunaw at para bang lalamunin ka ng buo pero ginamit ko ang aking pagiging propesyonal at sandali ko itong binaliwala kahit pa nanginginig na ang aking katawan at parang kakapusin na ako ng paghinga dahil sa kaba.
Tuluyan akong nakahinga nang maibigay ko ang susi ng kaniyang kwarto sa kanyang secretary.
“I’ll do anything just to make you mine, Ely.” Lumapit ito sa desk at sinserong sinabi ang mga salitang iyon na nagpabilis ng t***k ng aking puso.