ELYSIA’S POV
Nanlalambot ang aking mga tuhod at saka nagpakawala ng malalim na hininga nang tuluyan itong makaalis.
Ang ‘The Solencia’ ay isang 5 Star Hotel na nasa hindi kalayuan mula sa hotel namin, ang ‘Gran Cielo Hotel’ naman na aking pinagtatrabahuan ay isang 3 star hotel lamang na kung saan abot kaya ang presyo.
Alam kong nagtataka ang kanyang secretary kung bakit pinili ni Xavier na doon magpa-book sa isang mumurahing hotel kaysa sa mas luxurious at marangyang hotel na The Solencia.
Sa buong gabi na ako ay naroon ay walang tigil ang pagtunog ng telepono mula sa Presidential Suite kung saan naroroon si Xavier kung kaya halos hindi rin ako nakapagpahinga man lang. Nakaramdam lamang ako ng ginhawa ng mag-out ako pagsapit ng alas- syete ng umaga at mabuti na lang ay hindi iyon alam ni Xavier. Sakto rin na day-off ko kung kaya hindi ko siya makikita ng gabi.
Ramdam ko ang pagod sa aking duty kung kaya napahaba ang aking tulog at sinulit ko talaga ang aking day-off sa pagtulog. Ang akala ko ay aalis na ito sa hotel noong nag-day-off ako pero nagkamali ako. At nang sumunod na mga araw, ang aking normal na pagtatrabaho sa hote ay naging mas stressful nang malaman ng may-ari ng hotel na isang Romanov ang naka-check in sa aming Presidential Suite. Naging aligaga ito at inutusan kaming lahat na pagsilbihan si Xavier na parang isang hari pero kasabay noon ay ang halos araw-araw nitong pagpapadala sa akin ng bulaklak gaya ng ginawa nito sa baryo. Nakakaramdam din ako ng kilig kapag binubuyo ako ng aking mga katrabaho lalo na kapag si Xavier na mismo ang nagbibigay sa akin sa front desk pero hindi ko iyon ipinapahalata sa kanila.
Umabot ng araw hanggang sa isang linggo ang pananatili niya rito sa aming hotel at patuloy ang kanyang panunuyo sa akin.
“Huy, Ely. Sagutin mo na si Sir Xavier. Tingnan mo naman ang effort,” pang-aasar sa akin ng kasama ko sa front desk.
“Naku, kung ako yan si Ely. Baka sa unang araw pa lang ay sinagot ko na, kahit nga alukin ako kaagad ng kasal mag-I I do ako. Hindi ka na lugi, gwapo, yummy at ubod ng yaman. Kahit hindi ka na magtrabaho at magpuyat dito sa pagtatrabaho,” sabi naman ng isa ko pang kasama na kapalitan ko sa pag-duty.
Hindi ako makasagot sa kanilang mga sinasabi dahil gulo pa rin ang aking isip kung ito na ba ang tamang pagkakataon na bigyan ko siya ng chance.
“Ano, Ely? Silent mode, pa-thrill? Ano ba ang status niyo ni Sir?”
“Eh, hindi naman siya nagsabi sa akin na manliligaw siya eh,” hindi ko na napigilang mapasagot dahil sa kanilang pagpipilit.
“Ligaw? Girl, action speaks louder than voice. Hindi niya na kailangan pang sabihin na nanliligaw siya. Enough na ang bouquet of flowers at gifts na natatanggap mo sa kanya para malaman mo na may gusto siya sa iyo at nanliligaw siya,” mulagat na sabi sa akin ng kasama ko.
Natahimik ako sa kanyang sinabi.
Ilang linggo na ba siyang nagpapadala sa aking ng bulaklak at regalo?
Halos isang buwan na rin at mahigit isang buwan na rin buhat ng may mangyari sa amin.
“Huwag ka na magdalawang isip, girl. Once in a blue moon lang bumababa ang prinsipe sa kanyang trono kaya sulitin mo na,” hirit pa nito.
Nang matapos ko ang aking ginagawa sa computer ay nagpunta na ako sa locker para magpalit at nang makauwi na nang makasalubong ko si Xavier sa may main door ng lobby.
“Out mo na ba? Ihatid na kita,” anito sa akin na tila hindi nahihiya dahil ang mga kasama kong nasa loob ay nakatingin na sa amin at halatang kilig na kilig ang mga ito, maging ang mga nasa labas na nakakakilala kay Xavier ay nakatingin na rin. Napatakip ako sa aking mukha nang makitang may isang babae ang kumuha ng camera at itinutok sa akin.
“Let’s go.” Hindi na nito hinintay pa ang aking sasabihin, agad niya akong kinabig at dinala papasok ng kotse nito. Nakasunod na rin sa amin ang kanyang secretary na kumakatok na ngayon sa bintana dahil sinaraduhan ito ni Xavier.
Ibinaba ni Xavier ang salamin ng kanyang bintana nang bahagya upang marinig ang sinasabi ng babaeng secretary nito.
“Where are you going, Sir? We’re having a meeting with Mr. Stollen at around 8:30,” sabi ng babae. Pasimple niya akong tinapunan ng tingin at nang magtama ang aming mata ay bahagya akong napahiya saka napayuko nang mapansin ang makahulugan nitong tingin na para bang nakakapaso kahit pa sandali lamang iyon.
“Let them wait or just cancel it. I'm not interested in them. Besides, they were the ones who insisted on having the meeting at such an early hour.”
“Pero Sir—-”
“Go back to the office and for me there,” pagkasabi nito ay hindi na nito hinintay pang sumagot ang kanyang secretary saka na sinarado ang salamin ng kotse at pinaharurot ang kotse papalayo sa lugar na iyon.
Malakas ang pintig ng aking puso, nanginginig at nanlalamig ang aking mga kamay, hindi dahil sa lamig kung hindi sa labis na kaba. Ito ang unang pagkakataon na makakausap ko ito na sarilinan buhat nang mangyari iyon sa opisina.
“Pakihatid na lang ako sa Carriedo,” sabi ko rito at hindi makatingin dito.
“Can we talk first bago kita ihatid sa inyo?” anito.
“Ha? Ano pa bang dapat natin pag-usapan?” pagkukunwari ko.
“About us. About what happened to us,” anito saka ako sandaling tinapunan ng tingin.
“May tayo ba? It’s just a mistake, sinabi ko naman na sa iyo, hindi ba? Nadala lang ako dahil sa alak.”
“But I am your first. Okay lang sa iyo iyon?”
“Paulit-ulit ko ng sinabi sa iyo. Eh, ano kung ikaw ang nakauna sa akin? Hindi na big deal iyon. Marami ng babae ang ganyan ngayon. Swerte mo lang kasi ikaw nakauna pero baka kung nagkataon—” hindi ko nadugtungan ang aking sasabihin sana nang bigla nitong pinaharurot ang kotse sa skyway.
“Xavier, anong ginagawa mo? Magpapakamatay ka ba? Baka maaksidente tayo!” Sigaw ko at napahawak ng mahigpit sa hawakan.
“So, I’m lucky ‘cause I had you first. However, if someone else arrives first, it is possible that they have you.Is that what you're saying?” halos pabulyaw ang kanyang boses dahil sa malakas na tunog ng makina ng sasakyan.
“Ano bang ginagawa mo? Kung gusto mong magpakamatay huwag mo akong idamay, ikaw na lang,” sigaw ko rito.
“Then tell me, totoo ba ang sinasabi mo kanina?”
“Malamang hindi. Siraulo ka ba? I worked as a call center agent for 2 years at mas prone ako sa tukso but I never did it. Sa tingin mo, ganoong klase akong tao?” bulyaw ko na rin dito dahil kung mas pipiliin ako kung mahal ko siya o ang buhay ko, malamang na pipiliin ko ang buhay ko. Ayaw ko pa kayang makita sina Mama.
Ipinikit ko na lang ang aking mga mata, isiniksik ang aking sarili sa pinakasulok ng pinto at saka nagdasal na sana ay mailigtas ako sa kahit anong aksidenteng kalsada. Parang dininig kaagad ang aking panaginip dahil naramdaman ko ang pagbagal ng kotse at ang sasakyan nito ay paliko na sa isang street.
Nakahinga ako ng maluwag nang makitang dahan dahan na ang kanyang pagpapatakbo.
“Dito na lang ako,” sabi ko habang itinuturo ang seven eleven ngunit hindi ito huminto sa halip ay nagpatuloy pa ito sa pagpapatakbo. Bago pa man ako makapagtanong ay ipinasok niya ang kotse sa isang parking lot at pumwesto sa pinakadulong bahagi saka ipinatay ang makina.
“Uuwi na ako. Gusto ko ng magpahinga,” sabi ko rito at akmang bubuksan ang pinto ngunit hindi ko iyon mabuksan. Napatitig ako sa kanya na nang mga sandaling iyon ay titig na titig din sa akin.
Napalunok ako ng marahan.
Parang maling desisyon ang pagtitig sa kanya dahil para akong nahipnotismo. Tila ba may dalang salamangka ang bawat titig nito na dahilan upang halos mawala ako sa katinuan. Nakalimutan ko ang aking naging desisyon na sundin si Miriam at iwasan na lang si Xavier dahil sa estado namin sa buhay.
Pero paano ko siya iiwasan kung sa mga oras na ito ay kasama ko siya at mukhang ayaw niya akong pakawalan.