Maaga pa ay may narinig na si Alfa na nagdo-doorbell. Pagsilip niya mula sa sala ay may nakita siyang magandang babae at mala-modelo ang itsura. Mestisahin ito at mala-hourglass pa ang hubog ng katawan. Mas nahalata ang kaakit-akit na pangangatawan nito dahil sa suot na pulang tube top at black skinny pants.
"Good morning, Ma'am!" pagbati niya habang papalapit sa may tapat ng gate kung nasaan ang bisita. "Anong kailangan nila?"
Tumaas ang kilay ng tinatanong at umismid nang makita siya. Imbis na sumagot nang maayos ay nagawa pa nitong magsuplada.
"Sino ka?" mataray na pagtatanong nito na ikinagulat ni Alfa. "Inuwi ka lang ba ni Uno kagabi? Is this a one-night stand?"
"H-Ha?" pagtataka niya na may halong pangingilabot habang patuloy sa pagbibintang ang estranghera.
"Siguro, nakikipag-flirt ka! Pinagsisiksikan mo lang ang sarili mo sa kanya!"
Kahit naman na todo ang panliligaw sa honeybunch niya ay hindi naman siya liberated katulad ng sinasabi nito. Seryosong relasyon kasi ang hanap niya at hindi mga pang-good time lamang. Ang ultimate dream pa naman niya ay magpapakasal muna sila ni Uno bago pa man may mangyari sa kanila. Kahit na kung minsan ay natutukso nga siyang sunggaban ito ay hindi naman niya gagawin, lalo na kung labag pa sa kalooban nito.
"Hindi ko kailanman pagsasamantalahan ang p*********i niya!" pangangako pa niya sa sarili. "Ang cheap ko naman kung ipagpipilitan ko ang sarili sa kanya. Eeew kaya kapag ganoon!"
Ganoon pa man ay bahagya pa rin siyang namula nang ma-imagine ang future honeymoon nila.
"Ano kaya ang itsura ni love of my life ko kapag nakahubo't h***d sa dilim?" natatawa pa niyang na-imagine. "Siyempre, wala akong makikita kasi madilim. Haha! Adik ka, girl!"
"Hindi ka makapagsalita kasi totoo, hindi ba?" nagulat pa siya dahil sa paggising ng 'di kilalang babae sa kanya mula sa pagde-daydream.
"E, Miss. Mali ka ng inaakala. Kasam-"
"Anong kailangan mo?" paggambala na ni Uno sa usapan nila. Mabilis na gumalaw ang mga mata niya mula kay Alfa patungo sa babaeng naging parte ng kanyang nakaraan.
"Honey!" pagtawag na nito. Nang makita ang binata ay kaagad na naging malambing ang kanina lamang ay mapaghamon na pamamaraan ng pananalita nito. "Na-miss kita..."
"Sino itong bruha na ito?" tahimik na naitanong ni Alfa, gamit ang isipan. "Girlfriend ba niya? Naku, my loves! Malaking pagkakamali kung papatulan mo 'yan! Sa akin ka na lang, darling ko, hindi ka magsisisi!"
"You did miss me?" pagdududa ni Uno. "Alam ba ng boyfriend mo na narito ka?"
"Wala na kami," mahina nitong tugon. Mas lumapit pa ito sa gate at humawak sa mga barandilya na tila ba nagsusumamo. "Hindi mo ba ako papapasukin? I tried going in pero iniba mo na pala ang lock combination. Why?"
"Iba na ngayon, Zeta."
Sa tono ng pananalita nito ay naramdaman ni Alfa na mukhang may naging malalim na relasyon ang dalawa pero hindi naging maayos ang paghihiwalay. Papasok na sana siya ng bahay upang hindi na makialam sa privacy nila ngunit laking gulat niya nang maingat siyang hinawakan ni Uno sa kamay. Mataimtim siyang tinitigan sa mga mata nito na tila ba nakikiusap na huwag siyang iiwanan.
Hindi rin nakawala sa paningin ng dating nobya ang akto nito na dati-rati ay sa kanya ginagawa. Bumalik sa alaala niya na kapag nakakaramdam ng insecurity o pagkaaligaga ang ex, kumakapit din noon sa braso niya upang pandagdag kumpiyansa na hindi nga nag-iisa.
Nang mga oras na iyon, batid niya na iba ang pagtingin ni Uno sa babaeng kasama. Hindi man nararapat ay nabalot pa rin ang kabuuan niya ng selos dahil para sa kanya, hindi kaparapat-dapat si Alfa na maging bagong magmamay-ari sa puso ni Uno.
"Please naman," pagsusumamo ni Zeta. "Don't turn me away. Pagbigyan mo naman ako na makausap ka..."
"OK lang kaya na pagbigyan ko na?" binulong ni Uno kay Alfa. "Ex-fiancee ko 'yan..."
"Oh my..."
Napaawang ang bibig ng dalaga dahil sa nakumpirma. Nais man niyang ilayo na at itakbo palayo ang kausap dahil sa takot na balikan muli ang ex, pinili pa rin niyang huwag maging maramot.
"Mas maganda, magkalinawagan na nga kayo. Kung may hindi pagkakaunawaan at wala na talagang pag-asa, magka-closure."
Ilang saglit din itong nag-isip at sinulyapan ang babaeng nagpaguho sa mundo niya mga isang taon na ang nakalilipas. Napagtanto niya na tama nga naman na maisara nang maayos ang masalimuot na yugto sa kanilang mga buhay upang walang samaan ng loob at sisihan sa bandang huli.
Tumango siya bilang pagsang-ayon sa panukala ng kausap. Mainam nga na magka-closure silang dalawa ni Zeta. Nag-aalangan man ay lumapit na siya at pinagbuksan ng gate ang ex.
Pagkapasok pa lang ng dating nobya ay niyapos na siya nito. Napaurong mula sa kinatatayuan si Alfa nang biglang siniil ni Zeta ng halik sa labi si Uno. Maging ang binata ay nagulat at hindi kaagad nakaiwas o nakapag-react man lang.
Marahan niyang hinawakan sa mga balikat ang mapusok na babae upang mailayo. Pagtingin sa gawi ni Alfa ay nakunsensya pa siya sapagkat kitang-kita niya ang lungkot sa ekspresyon nito. Akmang hahagkan pa sana siya ulit ng ex-girlfriend pero siya na mismo ang umilag.
"Umayos ka. Hindi na tama ito," pinagsabihan na niya si Zeta na sabik pa rin sana siyang makapiling.
"Bakit? Ayaw mo na ba sa akin?" hindi makapaniwalang nasambit nito. Dati-rati ay isang halik lang mula sa kanya ay napapaamo na niya ang nobyo. Ngayon, aminadong nasaktan ang damdamin niya sapagkat para na lang siyang humalik sa lalaking hindi niya kilala.
Hindi niya matanggap na malamig na ang pakikitungo nito, malayong-malayo sa kasintahan noon na maaruga at napakalambing pa.
"Alfa, pakituloy 'yun pag-vacuum ko sa sala," pakikiusap ni Uno sa katabi upang hindi na nito makita o marinig pa ang pag-uusapan ng nakalipas na relasyon. "Please, saglit lang ito..."
"S-Sige," nauutal na pagpayag naman ng dalaga na kaunti na lang ay tutulo na ang mga luha nang dahil sa hinanakit. Ayaw man niyang aminin ay nagseselos siya at naiinis dahil kailangan pang iparamdam ng babae sa kanya na kahit papaano ay may pinanghahawakan pa siya kay Uno. "Sandali lang, ha. Excuse me..."
Pinagmasdan siya ng binata habang pabalik sa loob ng bahay. Hindi siya mapakali dahil sa napakalungkot na reaksyon nito kanina lamang nang makita na dumampi ang mga labi nito sa ex.
"Sana, hindi niya masamain," pag-aalala niya. "Baka akalain niya, mapaglaro ako sa feelings ng mga babae..."
"So, sa garden ba tayo magpapalipas ng oras?" pag-antala ni Zeta sa mga iniisip niya. Kumapit ito muli sa braso niya at akmang sasandal pa sana sa kanyang dibdib katulad nang nakasanayan noon subalit mabilis naman siyang umiwas.
"Zeta, hindi na 'tayo'. Pakibitiwan na ako," mariin na panuto ni Uno.
Labis siyang napahiya dahil sa pagtataboy sa kanya nito. Nang kumalas na siya ay tila ba walang emosyon na iniwan lamang siya ng ex-fiance at nagtungo sa hardin. Sumunod siya at umupo sa tabi nito upang lambingin sana at subuking makipagbalikan. Subalit, nanatiling walang kibo ang sinusuyo at abala sa kaka-check ng messages sa cellphone na tila ba hindi siya nakikita.
"Wala na ba tayong pag-asa?" mangiyak-ngiyak na pagtatanong na niya sa nanahimik pa rin na si Uno.
"Kung ituring mo ako, parang wala tayong pinagsamahan..."
Ilang sandali lang ay pumatak na ang sunud-sunod na luha sa kanyang mga pisngi dahil sa pagbabalewala ng lalaking dati ay mapag-aruga sa kanya. Hinawakan niya ang kamay nito at pinaalala ang mga panahong masaya pa sila.
"Pinangako mo sa akin noon, na palagi mo akong aalagaan at gagabayan kasi alam mo naman na hindi maganda at mahirap ang naging kabataan ko. Akala ko, naiintindihan mo na magulo talaga akong mag-isip, dahil napaka-insecure ko, dala na rin ng pamilya na nagpabaya sa akin. Aminado naman ako na naging padalos-dalos ang mga desisyon ko pero hindi mo na ba ako mabibigyan ng second chance? Ayusin natin ito. Fix me. Katulad ng dati..."
Nakaramdam din ng awa si Uno dahil sa pagsusumamo ni Zeta. Alam niya kasi ang mga kahinaan nito kaya noong magkasama pa sila, pinagtitiyagaan niya itong maalalayan. Pero dumating ang punto na naisip na niyang pakawalan na ito upang isalba na ang natitirang respeto niya sa sarili.
"I tried so hard to fix you. Hindi lang second chance ang binigay ko sa iyo. I always knew that you were being unfaithful to me," mabigat sa loob na pinagtapat niya sa babaeng minahal. Nanlaki ang mga mata ni Zeta dahil lingid pala sa kaalaman niya, matagal nang bistado ang kanyang sikreto.
Dahil nanggaling sa mahirap at mapang-abusong pamilya, naging ugali na niya ang maghanap ng mga mayayaman at maimpluwensiyang lalaki na masasandalan. Nagkakilala sila ni Uno sa isang car exhibit na siya ang modelo ng mamahaling sports car. Kaagad siyang natuwa rito dahil hindi lang ito gwapo, gentleman at mayaman pa. Hindi nagtagal ay lumabas sila upang mag-date. Pagkatapos ng ilang linggo na panliligaw sa kanya nito ay naging sila na.
Masaya naman ang kanilang pagsasama ngunit malaking pagkakamali ang kanyang nagawa nang lihim niya itong pinagtaksilan. Sa ika-tatlong taon nila, sikreto na siyang nakikipagkita sa baguhang race car driver.
'Yun kasi ang mga panahong medyo nag-alanganin si Uno sa kanyang career at namahinga muna. Naging malakas ang mga balitang malalaos na ito at matatalo na sa mga susunod na laban. Sa pagkawala sa spotlight ng nobyo ay lumitaw sa eksena ang Filipino-American na si Jarvis Shadow Knight.
Dahil sa husay rin nito sa pagmamaneho at charm sa mga babae ay hinahanda na siya upang ipalit kay Uno. Umulan ang baguhang manlalaro ng mga advertisements sa TV at naging sensation pa worldwide dahil sa mga pinauunlakan nito na mga interviews at charity events.
Kumpara sa boyfriend, mas malakas pa ang appeal ni Jarvis sa masa.
May pagka-snob kasi ang nobyo at umiiwas sa publicity. Kahit ganoon, alam naman niyang tunay na mabuting tao ito sa personal at patago na tumutulong sa mga charity na walang camera na nakaharap upang makuhanan. Mabait, maalaga at kwela rin ito sa mga taong malapit rito kaya husband material na sana talaga.
Ideal man ang kasintahang mayroon siya, nanaig pa rin ang ambisyon niya upang iangat ang sarili sa showbiz.
Nababahala na kasi siya na palaos na ang boyfriend at hindi na kakayaning ibigay ang mga luho nito kung magkatuluyan man sila. Nang magpakita ng interes sa kanya si Jarvis, sinunggaban niya ang pagkakataon. Tinapon niya ang mahigit tatlong taon na relasyon nila dahil para sa kanya, nararapat na mas pairalin ang utak kaysa sa puso.
Ngunit, malakas gumanti ang karma.
Naging "great comeback" ng ex-boyfriend ang pagtalo nito sa namamayagpag na si Jarvis. Paulit-ulit nitong inunahan ang baguhan sa mga karera hanggang nalugmok ito sa desperasyon at ginawang libangan ang alak upang makalimot.
Titiisin pa sana niyang pakisamahan si Jarvis ngunit wala pa silang isang buwan ay nahuli niya ito na may kasamang babae sa kwarto. Ilang beses niya rin pinagbigyan ang pagbabalewala at pagtataksil nito sa kanya. Sa mga panahong hindi niya mahagilap ang bagong nobyo, palaging dahilan nito ay busy raw sa pag-eensayo, isang bagay na kailanman ay hindi ginawa ni Uno. Kahit pagod na ay gumagawa pa rin ito ng paraan upang magkasama sila.
Ang kakatwa ay kapag may publicity event, doon lamang siya naaalala ni Jarvis. Isinasama siya nito para makuhanan sila ng litrato na kunwari ay "ideal couple" sila.
Sa kasamaang-palad, lahat ng pinapakita nito sa media na kabutihan at sweetness sa kanya ay pakitang-tao lamang.
Durog na durog ang kanyang puso nang malaman na pinagpalit niya si Uno sa isang walang kwentang lalaki!
"Alam ko na matagal mo na akong pinagtataksilan pero nanahimik ako dahil sa pangako ko at umasa rin na magbabago ka pa," pagpapatuloy ni Uno. "Pinagsasabihan na ako ng mga taong malapit sa akin na layuan ka na at hiwalayan subalit nagbulag-bulagan ako. Palalagpasin ko pa sana ang lahat ng pagkakamali mo, pero nang mahuli na kita sa aktong kasama ang katunggali ko sa karera, natauhan na ako."
"I'm sorry...I'm so sorry..." Napahagulgol na si Zeta ng iyak dahil sa labis na pagsisisi. Niyakap niya si Uno at nagmakaawa na tanggapin siyang muli. Matagal na niyang hinahanap-hanap ang aruga nito sa kanya na hindi niya nakuha mula sa mga lalaking nakarelasyon. "Hindi mo na ba talaga ako mahal?"
"Zeta, hindi mawawala ang pagmamahal ko sa iyo." mula sa pusong pagtatapat ng binata sa dating nobya. Dahan-dahan niyang nilayo ito mula sa kanya at marahan na hinawakan sa mga balikat. Mataimtim niya itong tinitigan sa mga mata bilang pahiwatig na puno ng sinseridad ang susunod niyang mga sasabihin.
"Ngunit pareho na natin tanggapin na hindi na maaaring maging 'tayo'. Unti-unti ko nang nabubuo ang aking sarili simula noong nagkahiwalay tayo. Kahilingan ko rin na ikaw rin ay maka-move-on na at makatagpo ng lalaking magmamahal sa iyo ng totoo."
"Hindi ko matanggap na hindi na tayo pwede...huwag mo akong iwan..." pagsusumamo pa rin ng kausap. "Paano na ako kapag wala ka na?"
"Ganyan din ang pakiramdam ko noong naghiwalay na tayo," pagsusumikap pa rin niyang paliwanagan ang babaeng inibig. "I felt so alone. Honestly, I was so angry. Napakadilim ng isip ko noon. Pero habang lumipas ang panahon ay mas naging accepting at matured akong mag-isip. Siguro, nasa denial stage ka pa kaya ka nagkakaganyan. But believe me, you will feel a lot better if you try to be more accepting sa mga bagay na hindi mo na kontrolado. It may take some days, months or even years but I'm sure you, your heart will heal..."
Tila ba may liwanag na pumasok sa napakagulong mundo ni Zeta. Napagtanto niya na sa pananalita ni Uno ay wala na itong bahid ng galit sa kanya. Sa katunayan ay hinihiling pa nito na maayos din niya ang kanyang sarili.
"Pinapayo ko rin na patawarin mo na rin ang iyong sarili sa mga past mistakes upang makalaya ka na. Hindi na rin healthy para sa iyo to dwell on the past. Sa maniwala ka man o hindi, gusto ko rin na maging maayos na ang buhay mo..."
"Uno, hanggang ngayon, kahit hindi na tayo, tinutupad mo pa rin ang pangako mo na aalagaan at gagabayan ako," pigil sa pagtangis na napagtanto na niya.
Mabigat sa loob na tinanggap na rin niya na hindi na sila magkakabalikan pa. Ganoon pa man, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay parang gumaan pa ang kanyang pakiramdam sapagkat nagkaroon sila ng maayos na closure.
"Maaari pa rin ba tayong maging magkaibigan?" pagtatanong naman niya habang pinapahid ang mga luha.
"Oo naman." Nilahad pa nito ang palad sa kanya bilang pakikipagkasundo. "Friends?"
"Friends...with benefits?" panunudyo ni Zeta kahit na patuloy pa rin ang pag-agos ng luha mula sa kanyang mga mata.
"Hindi pwede," pagsusuplado naman ni Uno kaagad kasabay ng pagbaba ng kamay bago pa man mahawakan ng dalaga. "Magseryoso ka nga. Friends with benefits ka riyan! Nakaka-awkward ka! Never! Over my dead gorgeous body!"
"Ang bango mo kasi, Fafa! Pa-touch naman sa abs!" paghirit pa rin niya kasabay nang paghaplos sa tiyan ng katabi. Napasimangot ang tinutukso at niyakap ang sarili na tila ba diring-diri sa ginawa sa kanya.
"Isa kang 'lalakera'! Layuan mo ako!"
Tuluyan na siyang napatawa dahil sa tinawag sa kanya ng dating nobyo. Isa sa mga nagustuhan niya kasing ugali nito ay ang kakatwang pagsusungit nito kaya imbis na kainisan ay naaaliw pa siya. Pinunasan na niya ang mga luha gamit ang kamay at pinilit na magmukhang maayos na ang pakiramdam.
"Lalakera pala ha!" Pinalo niya ang braso ni Uno ng paulit-ulit na may halong panggigigil. "Feeling desirable ka naman masyado!"
"Aray. Ano na naman ba ang kasalanan ko sa iyo?" pagrereklamo naman ng kausap. "Kung makahampas e parang may galit ka pa rin sa akin!"
"Wala naman. Kinukumbinsi ko lang ang sarili ko na magkabarkada na lamang tayo..."
Biglang sumagi sa isipan niya ang babaeng sumalubong sa kanyang pagdating. Alam niya na may pagtingin si Uno rito pero tila ba natotorpe dahil mukhang prinsesa. Ito na marahil ang isang pabor na magagawa niya upang makabawi sa mga naging kasalanan.
Naisip niya na sa dami ng pinagdaanan na kasawian sa pag-ibig ni Uno, tama lang na mapunta na ito sa karapat-dapat na babae.
"Ano nga bang pangalan ng babaeng sumalubong sa akin kanina?"
"A, si Alfa," nahihiyang sinagot nito sa kanya. Bahagya pa na namula ang nga pinsgi nito kaya nakumpirma niyang may namumuong pag-ibig nga ito sa nabanggit.
"Maganda siya at mabait. Siya na ba ang bagong nagmamay-ari sa puso mo?"
Napangiti si Uno dahil ilang beses na nga silang napagkakamalan ni Alfa na mag-asawa o magnobyo ng mga taong nakikita silang magkasama.
Kahapon lamang ay tinawag ang dalaga na Mrs. Semira ng cashier. Um-order kasi siya ng milktea para sa kanilang dalawa pagkatapos siyang samahan nito na magpa-car wash. Nang tawagin ang kanyang pangalan upang maiabot ang binili, ang dalaga ang nagpresintang kumuha sa mga inumin. Natawa na lamang siya nang mapakamot ito sa ulo sa sa tinuran ng kahera na misis daw siya.
"Hindi pa..."
"Ang bagal mo!" pinagalitan pa siya ng ex. "Ikaw ba talaga 'yan? Ang kilala kong 'Uno' ay malakas ang dating sa mga babae." Tumayo na ito at nagbalak na upang matulungan siyang mag-damoves kay Alfa. "Dahil magkaibigan na tayo, ilalakad kita! Itatakbo pa!"
"Sandali!" pagpigil na niya rito. Hinawakan pa niya ito sa braso upang huminto. "Nakakahiya sa kanya!"
"Torpe ka na pala? Kailan pa?" Kumalas siya mula sa kamay nito at tumakbo nang matulin papasok sa bahay at pinagsarhan ng pintuan ang humahabol sa kanya.
"Zeta, buksan mo na!" aligaga at kabadong instruksyon nito. "Baka anu-ano pa ang sabihin mo sa kanya! Would you just please open the door, right now!"
"Mamaya. Chill ka lang diyan!" pagmamatigas ng pinakikiusapan. "Sasabihin ko lang sa kanya kung gaano ka-firm ang abs mo at kung ilang inches ka! For sure, laglag-panty siya! Hahaha!"
"Huwag!" Natatarantang kumatok muli si Uno. "Zeta! Napakasama mo! Ibubulgar mo pa talaga ako!"
"Hindi ba friends tayo? Ngayon ay mararanasan mo na ang laglagan! Ganyan ang tunay na pagkakaibigan!"
Napahagikgik ang dating nobya dahil ang totoo ay pina-prank lang niya ito. Nagmamadali niyang hinanap ang kinaroroonan ni Alfa upang ma-girl talk at kumbinsihin na kapag nanligaw si Uno ay tanggapin nito kaagad.
"Hi!" pagbati niya upang makuha ang atensyon nito
"Yes po, Ma'am!" tugon naman nito habang nagva-vacuum sa sala. Medyo nayayamot man, lumingon ito at sinikap pa rin na magkunwaring hindi affected sa nakitang paghalik niya kay Uno kanina lamang.
"Pasensya na sa masamang pakikitungo ko sa iyo kanina, ha," paghingi niya ng paumanhin. Nilahad nito ang kamay upang makipag-ayos. "Peace?"
"Wala na 'yun!" masayang nilapat naman ni Alfa ang palad sa kamay ng kausap upang makipag-handshake. "Baka gusto mo munang magkape? Juice? Ipagtitimpla kita!"
"Huwag na. Uuwi na rin ako maya-maya. May sasabihin lang ako saglit."
Inaya niya itong umupo muna sa sofa. Panandalian muna niyang tinitigan at kinilatis ang maamo at inosenteng mukha ng babaeng nakahuli sa mailap na puso ng dating kasintahan.
"Pinauubaya ko na ang ex ko sa iyo," seryoso na niyang ibinilin si Uno sa kausap na sigurado siyang hindi na paaasahin at sasaktan ang damdamin ng binata. "Huwag mo nang pakakawalan 'yan. Alam ko na may pagtingin siya sa iyo kaya kung sakaling manligaw man, masasabi ko sa iyo na hindi ka dehado o lugi. Sa naging karanasan ko sa kanya, sobrang loving at caring niya."
"Ay! Ano po bang sinasabi niyo!" napabulalas ni Alfa bigla dahil Intensity Ten at Signal Number Five ang pagkakayanig niya sa sinabi ng katabi. "Parang wala naman yata siyang balak na ligawan nga ako!"
"Weh? Kung titigan at kausapin ka ni Uno, parang jowa ka niya! Hindi mo ba napapansin?"
"H-Ha?" hindi makapaniwalang nasambit na lang niya. Napalunok pa siya ng ilang beses nang dahil sa kaba na dulot ng pagbubuking ni Zeta sa tunay na nararamdaman ng binata sa kanya.
"Ay, ang manhid mo! O in denial ka lang? Kung alam mo lang, naku! Mapapa-sana all na lang kami!"
"Alam ang alin?"
"Halika..."
Inakbayan na siya ni Zeta at inakay sa may bintana. Paghawi ng kurtina ay tumambad si Uno na nakikinig pala sa usapan nilang dalawa. Npahagod pa ito ng batok nang dahil sa kahihiyan na nabisto ang pagkagusto sa nilalang na magmula pa sa Galaxy 100,000,007. Ganoon pa man, nang magtama ang mga paningin nila ni Alfa, kapansin-pansin ang ningning sa mga mata niya. Isang matamis na ngiti naman ang ginanti ng dalaga sa lalaking masuyo siyang tinititigan.
"Sana makita mo, na destiny niyo ang isa't-isa..."
Author's Note:
Alfa at Zeta- ang kahulugan ng mga pangalang ito ay nagmula sa wikang griyego. Ang "Alfa" ay "beginning" samantalang ang "Zeta" ay "end".