Chapter 1
NGAYON ang isa sa pinakamasayang araw ni Maya… pero bakit pakiramdam ko ay ito ang pinakamalungkot na araw sa buong buhay ko?
Habang nag-uumapaw ang kasiyahan sa paligid—lahat ng tao ay masaya, tumatawa, nagdiriwang—ako lang itong tila naiiba.
‘Nay, ‘tay, sana po narito kayo ngayon. Ang Maya natin, ay ikinasal na sa taong matagal na niyang mahal.
Tahimik akong nakamasid, pilit tinatanggap na ito na ang bagong yugto sa buhay ni Maya. Masaya ako para sa kanya, tunay na masaya dahil sa buhay na pinili at nahanap niya. May sarili na siyang pamilya.
Habang tumitingin-tingin ay nahagip ng mga mata ko ang pigura ng isang pamilyar na lalaki. Ang lalaking naging dahilan kung bakit biglang gumuho ang mundo ko ngayong gabi.
Landon Maverick Ruston.
Ngayon ay kasama niya ang bridesmaid na ang pangalan ay Ingrid. Magkahawak-kamay at magkaakbay sila sa gitna ng dance floor. Punong-puno ng saya habang umiikot sa kasabay ng musika. Para silang magkasintahang walang ibang nakikita kundi ang isa’t isa.
Nakakaramdam ako ng selos dahil sa paraan ng pagtitig niya sa babae.
Hindi ko rin maiwasan ang makaramdam ng kabiguan. Dahil ang nakalagay sa invitation card ay ako ang partner ni Landon, ngunit sa hindi inaasahang dahilan, nakipagpalit siya ng ka-partner at ngayon ay kay Ingrid siya nakatalaga.
Pilit kong iniiwas ang aking paningin mula sa kanya, dahil ramdam ko ang pamimigat sa aking dibdib habang ninakawan sila ng tingin. Ngayon ko lang siya nakikitang masaya.
Ang mga ngiti niya ay hindi pilit… hindi tulad ng mga pilit na ngiti na iginawad niya sa akin. Yung tipong nginitian niya lang ako dahil kailangan.
Naramdaman ko ang pangingilid ng aking luha, kaya lumapit ako kay Melanie at kinuha si Xamara mula sa kanya. Sumama na rin sa amin si Xavion. Tumungo kami sa may fountain area, naghahanap ng kahit konting katahimikan. Gusto kong abalahin ang sarili sa ibang bagay—anumang bagay na makalilimot sa nararamdaman ko ngayong gabi.
“Auntie Vern… pagod ka na?”
Nginitian ko siya, pilit kong ikinubli ang lungkot sa puso ko. “Hindi naman, little boy,” sagot ko, mahina ngunit may lambing.
Napaka-gwapong bata!
“You look sad,” Usal nito.
Parang tinamaan ako ng katotohanan. Ganun na ba ako ka-transparent? Maging ang inosenteng batang kasama ko, napansin ang bigat ng damdaming pilit kong tinatago.
Hinawakan ni Xamara ang mukha ko saka kinurot. “Xam…Xam…” she mumbled.
Napangiti na lang ako, kahit papaano ay naibsan ang hinanakit na nararamdaman ng puso ko.
Pagkatapos ng ilang oras na pakikipaglaro sa kanila ay bumalik na kami kina Maya.
Naaabutan naming naghahalikan sina Xandros at Maya nang naglakad kami palapit sa kanila. Hindi ko maiwasan ang pamulahan ng mukha dahil sa ginawa nila. Naiinggit ako!
‘Tanga! Bakit kasi kung anu-ano na lang ang naiisip mo?’ Saway ko sa aking sarili.
Nang dumako ang mga tingin ni Maya sa amin ay bahagya akong napangiti. Nakasunod lamang ako sa cute na magkapatid na magkahawak-kamay na naglalakad. Hinawakan ni Xavion ang kamay ni Xamara habang naglalakad patungo sa mommy nila.
“Congratulations, Maya.” Sabi ko sa kanya.
Nakatingin siya sa akin, tahimik lang, ngunit nandoon ang damdaming hindi maipaliwanag. Dahan-dahan niyang ginalaw ang kanyang mga labi… "Salamat," ibinulong niya sa hangin gamit lamang ang kanyang bibig.
Isang yakap ang ibinigay ko sa kanya. Namalayan ko na lang ang sarili kong umiyak at suminghot pa ng mahina na pilit kong tinatago pero mukhang narinig pa rin ni Maya.
“What’s wrong, Vern?” Tanong niya, may bahid na pag-aalala ang boses.
“Masaya lang ako.” Sabi ko.
Masaya ako para kay Maya… pero hindi para sa sarili ko.
Isang bahagi ng puso ko ang punong-puno ng pasasalamat dahil nakita ko siyang masaya, nahanap niya ang taong mamahalin at mamahalin siya. Pero may isa ring bahagi na nananatiling walang laman. Isang espasyong hindi kayang punan ng kahit anong ngiti o pagbati.
“Vern,”
“I’m okay… Congratulations, once again.” Sabi ko at tuluyan ng umalis, pilit na pinapatatag ang sarili.
Ngayon, saan naman ako pupunta? Wala akong sasakyan dahil hindi naman ako mayaman tulad ng mga taong nasa loob.
Maghihintay na lang ako ng taxi rito sa labas.
Habang ang gabi’y unti-unting lumalamig, tila ganun din ang nararamdaman ko.
“Wait,”
Napahinto ako nang marining ko ang pamilyar na boses na iyon. Isang tinig na kahit ilang araw ko mang hindi marinig, ay agad na kikilalanin ng puso ko. Malakas ang kabog ng aking dibdib at hindi ko alam ang gagawin.
Sinusundan niya ba ako? Kung oo… bakit?
Tumingala ako nang bahagya sa kalangitan bago ko siya nilingon.
“Ano’ng kailangan mo?” Tanong ko.
Isang ngiti ang kumawala sa kanyang mga labi. Isang pilit na ngiti.
Bakit kailangan niya pa ako bigyan ng ganyan?
“Where have you been, Veronica?”
Napapikit ako. Ang pagtawag niya sa pangalan ko…ay parang isang musika. Isang uri ng melodiya na siya lang ang may kakayahang tugtugin nang ganoon kaingat, ka-init, at ka-sakit.
Tinaasan ko siya ng kilay.
“Ano’ng klaseng tanong iyan, Landon?”
Napatawa ako ng mapait, pilit itinatago ang punit-punit na damdamin sa likod ng malamig kong tingin.
Kanina lang ay masaya siyang sumasayaw kasama si Ingrid, magkaakbay, parang wala nang ibang mundo kundi silang dalawa. Ngayon naman, lalapit siya sa akin para magtanong ng gano'n?
‘Hindi ba’t masaya ka na roon sa kanya.’
Gusto ko siyang sumbatan pero naalala kong wala nga pala akong karapatan sa kanya. Walang kami!
Isang masakit na katotohanan!
“Kanina pa kita hinahanap,” narinig kong sabi niya—mahina pero malinaw.
Hinahanap?
Saglit akong napatigil. Muli kong tinanong ang sarili ko: Bakit? Ano na naman ang ibig niyang sabihin sa mga salitang 'yan?
Sige, Landon. Paasahin mo ulit ako. Saktan mo ulit ako hanggang sa tuluyan na akong bumigay at mabasag—hanggang wala nang matirang buo sa akin. Saktan mo lang ako ng paulit-ulit dahil diyan ka naman magaling.
“Weird ng sinabi mo, nasa loob lang naman ako kanina. Nakikita pa nga kita.” Walang gana kong sabi sa kanya at aalis na sana pero bago ko pa maihakbang ang aking mga paa, agad niyang nahawakan ang kamay ko.
Dahil sa marahas na paghila niya sa akin ay agad naman akong napasubsob sa matipuno niyang dibdib. Na mas lalong nagpapakaba sa akin.
Ramdam ko ang t***k ng puso niya—mabilis, malakas, parang sinasabayan ang kaba sa dibdib ko. Napalunok ako, pinilit kong alisin ang kanyang hawak, pero lalo lamang niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa pulso ko.
“Landon, bitaw!” Seryoso kong sabi sa kanya.
Sa halip na bitawan niya ako ay ang mukha niya ang unti-unting lumapit sa akin.
“Ano’ng gagawin mo?” Singhal ko pero inilagay niya lang ang hintuturo niya sa mga labi ko, parang isang hudyat na pinapatahimik niya ako.
Nararamdaman ko ang mainit niyang hininga habang unti-unting lumapit ang kanyang mukha sa akin. Mas lalo akong napatigil.
Ilang pulgada na lang ang agwat ng aming mga labi.
Ano ang nakain ng lalaking ito?
“Landon…” mahina kong tawag sa kanya pero hindi siya nakikinig. Pilit kong nilalabanan ang panginginig ng tuhod ko pero hindi ko magawa…dahilan para mapahawak ako sa kanyang mga braso.
Sa isang iglap lang ay naramdaman ko ang malambot niyang mga labi sa ibabaw ng aking mga labi. Mabilis, marahan, puno ng pag-alinlangan pero ramdam kong totoo. Totoo nga ba?
Ang mga halik niya ay parang isang lihim na matagal na niyang itinatago pero ngayon ay pinakawalan.
Napapikit ako. Ang puso ko ay halos sumabog dahil sa damdaming pilit kong itinago ng matagal. Ang mga kamay niya ay dahan-dahan akong niyayakap ng mahigpit na tila ba ako ay protektado mula sa kahit na ano’ng panganib.
Alipin ako—hindi lang ng damdamin ko, kundi pati ng sarili kong katawan na tila may sariling isip sa tuwing nandiyan siya. Ang mga kamay ko, imbes na itulak siya palayo, ay nanatiling nakahawak sa kanya. Ang mga mata ko, imbes na umiwas, ay nanatiling nakakulong sa kanya.
Nararamdaman kong mas nilaliman pa niya ang paghalik sa akin. At sa simpleng halik na iyon… doon ko naramdaman ang lahat ng sakit, pag-ibig, at pangungulila.
Masama ba kung maniwala ako kahit sandali lang? Kahit alam kong maaaring masaktan na naman ako? Paulit-ulit na akong napapagod pero kahit na ilang beses kong sinubukan na kalimutan siya at ang nararamdaman ko para sa kanya, hindi ko nagawa.
Sa tuwing naririnig ko ang pagtawag niya sa pangalan ko… sa tuwing nakikita ko na ako ang ninanais ng mga mata niya… sa tuwing naglabas siya ng matatamis na salita sa akin… parang ang lahat ng dahilan kong umalis ay biglang naglaho.
May iba na siyang mahal, yun ang laging pinapaalala sa akin ni Maya… pero hindi ko siya kayang bitawan.
Oo, hindi ako ang kailangan ni Landon… at alam kong wala akong karapatan na makaramdaman ng ganito pero masama ba kung sa isa pang pagkakataon ay hahayaan ko na naman ang sarili kong umasa?