Isang malakas na halakhak mula may Ariel ang aking narinig. Nagtataka ko naman siyang tignan.
“Anyare sayo?” Tanong ko.
“Kung makapag-tanong ka kasi, para kang may asawa ka talaga. Bakit ba naman kasi ganun ka seryoso ang tanong mo? Huh?”
Sasabihin ko ba sa kanya o hindi?
Pero kaibigan ko naman siya, at hindi naman ako pinagbawalan ni Landon. Hindi naman niya sinabi na dapat kong itago na kasal na ako.
“Ang totoo niyan, kasal na talaga ako.”
Nabitawan niya bigla ang fries na hawak niya. “Totoo ba?” Sigaw niya kaya tinakpan ko ang kanyang bibig.
“Hindi mo naman kailangan na sumigaw. Oo, kasal na ako.”
“Kanino?” Tanong niya.
“Basta… saka ko na sasabihin sa’yo. Huwag mong ipagkalat sa iba, huh?”
“Sino naman ang pagsasabihan ko? Teka… nagloko ba ang asawa mo?”
“Masyado kasing komplikado ang lahat… hindi ko alam kung paano ko sasabihin.” Sabi ko sa kanya.
“Magsimula ka sa pinakasimula.” Sabi niya.
“Sige.” Sagot ko.
Tumikhim ako bago ko ibinahagi sa kanya ang lahat. Kung paano kami nagkatagpo na dalawa ni Landon, kung paano ko nalaman ang tungkol kay Ingrid… ang lahat-lahat ng mga pangyayari pati na ang mga nalaman ko kagabi. Lalo na ang mga sinabi sa akin ni Selyne at ang rason kung bakit ko pinakasalan si Landon.”
“Hala! Masyado nga na komplikado ang sitwasyon mo. Mahal mo pero hindi ka mahal. Bakit mo ka naman pumayag magpakasal? Hinayaan mo na sanang ibenta niya ang mga ari-arian niya, huwag ka lang magpakasal sa kanya. Habambuhay ka nang nakatali sa kanya n’yan.” Sabi nito.
Alam ko.
Hindi naman ako nagsisisi dahil alam kong pwede ko naman siyang iwan anumang oras kahit na kasal kami. Hindi rin naman ako kawalan, lalo na at may Ingrid siyang mapupuntahan. Hindi ko nga sigurado kung hahanapin ba niya ako. Baka nga hahayaan niya na lang akong mawala.
“Ewan ko rin sa sarili ko kung bakit ako pumayag. Dahil din siguro, mahal ko siya at gusto ko talaga siyang maging akin.”
“Hindi mo man lang ako nagawa na imbitahan!” Nakasimangot na sabi niya.
“Kung alam ko lang din na sa araw na ‘yun pala ako ikakasal, sana sinama na lang kita sa bahay. Sobrang bilis nga ng mga pangyayari. Hindi man lang ako nakapaghanda ng maayos. Ngayon ko lang din naalala na, may pagkakataon pa pala akong humindi sa mga oras na ‘yun.”
“Naku! Nabulag ka sa pagmamahal, pero laban lang. Nasimulan mo na, eh. Ako nga, 8 years na kami ng boyfriend ko pero hindi ako pumayag sa alok niyang kasal. Kasi, paano kung maghiwalay kami, diba?”
Hindi pumasok sa isipan ko ang tungkol doon. Hindi naman kasi kami naging magkasintahan.
“Ang tanga ko talaga!” naiinis kong sabi. Naiinis ako sa sarili ko.
“Ano na ang plano mo ngayon? Susugurin mo ba ang babae?”
“Hindi, ah! Hindi ko ugali ‘yun! Tsaka wala akong plano.” Sabi ko sa kanya.
Bahala na! Buo na ang desisyon ko! Hinding-hindi ako uuwi.
“Huwag ka munang umuwi sa inyo ngayong gabi.”
“Huh? Bakit?”
“Tignan natin kung ano ang magiging reaksyon niya.”
“Ayoko!” Sabi ko.
Baka hihingi ‘yun ng tulong kay Spade. Baka halughugin pa ng isang ‘yun ang buong mundo. Yari si Ariel.
Pero mukhang… nakaka-excite rin. Mukhang gusto kong subukan.
“Isang gabi lang naman.” Sabi nito.
Isang gabi.
“Sige, payag na ako. Hindi ako uuwi sa bahay ngayong gabi.”
“Tamang-tama. Doon ka muna manatili sa amin.” Suhestiyon nito.
“Paano ang boyfriend mo?” Tanong ko sa kanya.
“Isang linggo siyang wala, kaya tayong dalawa lang naroon.”
Hay, mabuti naman kung ganun.
Sa gabing ‘yun, hindi ako umuwi ng bahay. Ini-off ko rin ang cellphone ko para hindi nila ako makontak. Doon ako umuwi sa bahay nila Ariel. Hindi man ganun kalaki ang bahay nila Ariel at ng boyfriend niya, pero sapat na para sa bubuuin na pamilya.
“Wala pa kayong balak na magkaanak?” tanong ko sa kanya.
Isang buntong-hininga lang ang pinakawalan niya.
“Gustong-gusto na naming dalawa ang magkaanak… pero mukhang hindi pa ipinagkaloob sa amin ng diyos. Ilang beses na naming sinubukan pero wala pa rin, eh.” Sabi niya, ang boses ay pumiyok.
Parang mali na tinanong ko siya tungkol sa ganitong bagay
Hinaplos ko ang likuran niya. “Sorry, Ariel. Hindi ko sinasadyang—”
“Okay lang, mas mabuting malaman mo ngayon.” Sabi niya at pilit na tumawa. “Noon ko pa naman talaga pinangarap na magkaroon ng anak, eh. Sabi ko sa kanya, handang-handa na ako pero ayaw niya kasi magkaiba ang relihiyon naming dalawa. Oo, magkaiba kami ng relihiyon at ang gusto niya ay magpalit ako ng relihiyon.” Madamdaming sabi nito.
Ang hirap naman pala ng pinagdadaanan niya.
“Kung hindi mo kayang ipatuloy ang kwento—”
“Hindi ako nagpalit ng relihiyon, ngunit hindi ko rin siya iniwan. Gusto kong iparamdam sa kanya na hindi hadlang ang relihiyon namin sa relasyon naming dalawa. Hanggang sa nakapagdesisyon ako na magpalit na lang ng relihiyon. At nang sinubukan naming magkaanak ngunit hindi dumating sa amin.” Sabi niya.
Ang kanyang mga hikbi ay masyadong nakakaantig ng puso.
“Ano naman ang sabi ng nobyo mo? Ang ibig kong sabihin… hindi ba niya sinabi na mag-adopt na lang kayo?” tanong ko sa kanya.
Umiling siya. “Ang sabi niya ay kuntento na siya na kaming dalawa lang kaya hinayaan ko na. Kung para sa amin, para sa amin talaga. Noong una, sinisisi ko siya talaga. Kung nagawa niya lang tanggapin sa sarili niya na magkakaroon na kami ng anak kahit na magkaiba kami ng relihiyon, baka sakaling binigyan pa kami ng panginoon.” Patuloy lang ang kanyang paghikbi kaya niyakap ko siya ng mahigpit.
Gusto kong maramdaman niya na karamay niya ako sa mga oras na ito.
“Tahan na, Ariel.”
Iyon lang ang tangi kong nasabi.
“Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako… na sana balang araw ay ibibigay rin siya sa akin ng panginoon. Kahit isa lang…” sabi niya.
Parang tinusok ang puso ko dahil sa narinig ko mula sa kanya.
“Ibibigay rin sa’yo ng diyos ‘yun… huwag kang mapagod magdasal.” Sabi ko.
Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at saka ngumit.
“Ang drama ko ba? Pasensya ka na, ah?” Pinupunasan niya ang kanyang mukha.
Nakakalungkot ang pinagdaanan niya, pero masaya ako at isa ako sa mga taong napagsabihan niya tungkol dito. Ewan ko ba, pero gumagaan ang pakiramdam ko na ibinahagi niya sa akin ang kwento niya.
Umiling ako. “Kung kailangan mo ng karamay, sabihan mo lang ako.” Sabi ko sa kanya.
“At dapat ganun ka rin… kung aawayin ka ng asawa mo, sabihan mo lang ako. Ipaglaban kita.” Sabi pa nito.
Isang alanganing ngiti ang binigay ko sa kanya.