Nagpalit ako ng sim para hindi nila ako makontak, maliban kay Spade. Dahil pinaalam ko muna sa kanya bago ako tuloyang nag palit ng sim.
Nagpapasalamat ako dahil hindi niya sinabihan si Maya. Mukhang hindi rin naman nagtanong si Maya sa kanya tungkol sa akin.
May oras na nakokonsensya ako sa tuwing iniisip ko kung ano ang ginagawa ni Landon sa mga oras na ito.
May oras din na gusto kong ibalik ang old sim ko para mabasa ko ang mga mensahe niya, kung sakaling mayroon man.
Nag-aalala ako at baka ano na ang ginawa nito ngayon. Pero, paano kung wala naman talaga siyang pake?
Ewan ko ba, nagugulohan ako.
Basta, final na ang decision ko. Hinding-hindi na muna ako uuwi.
Inaabala ko ang sarili ko sa pagtulong kay Ariel sa mga gawaing bahay. Parang nasa San Felipe lang ako.
Nami-miss ko tuloy ang buhay ko roon. Ang sarap lang kasing bumalik doon. Sa mga susunod na araw, baka babalik na lang talaga ako roon lalo na at anumang araw ay uuwi naman ang boyfriend ni Ariel.
Gusto ko lang magkakaroon ng tahimik na buhay. Ayaw ko rin na hilahin si Ariel sa kaguluhan ng buhay ko, pati ang boyfriend niya.
Lumipas ang isang linggo at inaabala ko ang sarili ko sa pagtatrabaho sa umaga at sa pag-aaral sa gabi.
Hindi pala ganun kadali ang magtrabaho, online. Mabuti na lang at binigyan ako ni Spade ng isang linggo para mag-training. Sa awa ng diyos, natututo naman. Hindi ako ganun kagaling pero at least, may natutunan.
“Hindi ka ba sasama sa akin mamaya?” Tanong ni Ariel.
“Saan?” Tanong ko.
“Uuwi ang boyfriend ko. Tapos may konting salo-salo daw sila ng mga kasamahan niya sa trabaho. Darating din daw ang boss niya.” Sabi nito.
Umiling ako. “Huwag na lang. Baka magtaka pa ang boyfriend mo kung bakit ako naroon. Hindi niya naman ako kaano-ano. Baka mapagalitan din siya ng boss niya.” Sabi ko.
Okay lang naman ako kung mananatili akong mag-isa rito sa bahay nila. Sanay naman ako lalo na at laging umaalis si Ariel tuwing hapon hanggang gabi para pumunta sa eskwelahan.
“Okay lang ‘yun, mabait naman ang amo niya. Nakasama na namin ‘yun dati lalo na tuwing sasapit ang pasko. Namimigay ‘yun ng maraming regalo.”
“Talaga?” Namamangha kong sabi.
Mabuti naman at mapagbigay pala ang amo ng boyfriend niya. Mga taong tulad din ni Spade. Maasahan mo kahit na anumang oras. Gaya ngayon, mga gamit niya ang ginagamit ko sa pagtatrabaho at pag-aaral ko.
Ang swerte ni Maya dahil siya ang naging asawa nito. Kung hindi, baka saan na ako pupulutin ngayon. Baka sa kalye na.
Sana ay magkatagpo pa ako ng lalaking katulad niya. Di bale na kung mahirap, basta madiskarte sa buhay.
Paalala, kasal ka pa kay Landon.
Tama. Hindi pa ako pwedeng maghanap ng ibang lalaki kung kasal pa ako kay Landon. Eh di, ipipikit ko muna ang mga mata ko kung makakakita man ako ng ibang lalaki.
“Oo, basta ang bait niya. Sama ka sa akin mamaya, ah? Baka kasi madaling araw na kaming makakauwi. Hindi naman pwedeng ikaw lang mag-isa rito, wala kang ibang kasama. Baka biglang may magnanakaw na pupunta rito. Mas mabuti nang makakasiguro.”
Naninindig ang balahibo ko sa sinabi niya. Bigla akong nakakaramdam ng takot. Kahit kailan, hindi ko iniisip na mangyayari ang ganun.
Dati sa San Felipe, ako lang mag-isa sa bahay pero kilalang-kilala ko na kasi ang mga tao roon. Tsaka ang bahay namin ay hindi naman ganun kalayo sa isa’t-isa. Kaya kung may magnanakaw at sisigaw ako, maririnig ako ng mga kapitbahay namin.
Pero dito, hindi ko kilala ang mga tao rito, kaya mas mabuti na ang maingat. Wala akong ibang choice kundi ang sumama na lang kay Ariel.
“Huwag naman sana. Grabe ka naman kung manakot. Sige na nga, sasama na ako.” Sabi ko sa kanya.
Dali-dali akong naligo at nagbihis. Isang simpleng damit lang ang sinuot ko. Naglagay rin ako ng konting lip gloss at pulbo.
Sabay kaming umalis ni Ariel mula sa bahay nila.
“Kung uuwi ang nobyo mo mamaya, saan naman ako mananatili?” tanong ko sa kanya.
“Doon ka pa rin sa kwarto na inuupahan mo. Samantalang kami ay magsasama sa kwarto namin. Huwag kang mag-alala, hindi kita papalayasin.” Sabi nito.
Hindi niya ako pinapabayad sa pananatili ko sa bahay niya. Kahit na anong pagpipilit ko na magbigay, hindi niya tinanggap. Pero nagbibigay ako ng pera pambili ng bigas at ulam naming dalawa. Iyon lang ang tinatanggap niya.
Nang may dumaan na traysikel ay agad namin itong pinara. Oo, sumakay kami ng traysikel papunta roon.
Laking gulat ko na lang dahil doon huminto ang traysikel sa harap ng isang mataas na gusali.
Teka, ano’ng ginagawa namin dito? Ang akala ko ay sa bar o club kami pupunta, pero hindi pala.
“Dito ba siya nagtatrabaho?” hindi ko maiwasang itanong.
Tumango si Ariel. “Oo, halika sa loob. Naroon sila ng amo niya.”
“Ano nga pala ang trabaho niya? Ng boyfriend mo?” Tanong ko sa kanya.
“Housekeeper.” Sabi nito.
“Housekeeper?” Ulit ko.
Tumango-tango siya. “Oo. May malaking event kasi rito sa hotel na pinagtatrabahuhan niya kaya hindi siya nakauwi.” Sabi nito.
“Ganun ba?” walang gana kong sagot.
Pero sa kaloob-looban ko ay bigla akong kinabahan nang hindi ko naman alam ang dahilan.
Nang makapasok kami sa loob, abala ang lahat sa kanilang pagdiriwang. Ang akala ko ay mga kaunting kasamahan lang ng boyfriend niya pero nagkamali ako. Kasi mga lalaking naka-uniporme ang mga narito.
Lahat sila ay mga lalaki at nakasuot ng pang-opisina na kasuotan. Napaka-pormal kung titignan.
“Mukhang kakatapos lang ng event.” Sabi ni Ariel.
Kakatapos? Eh andami pang mga tao riyan.
“Lalabas na muna ako, nakakahiya naman sa mga bisita. Mukhang hindi ako nababagay rito.”
“Hoy! Huwag kang ganyan! Tapos na rin naman yan sila. Hayan, naka-off na ang projector at ang ibang mga malalaking tao, mukhang papauwi na.” Sabi nito.
Maya-maya lang ay dumating ang boyfriend ni Ariel. Nakipag-kamay ito sa akin kaya ganun din ang ginawa ko sa kanya.
Pinakain niya muna kami bago niya kami binigyan ng maiinom. Kanina pa pala natapos ang meeting nitong mga naka-suit. Nag-uusap na lang daw ang mga ito roon, pero pauwi na rin.
Maya-maya lang, ang mga staffs ng hotel na lang ang natira. Masaya silang lahat. Gusto ko sanang lumabas pero natatakot ako at baka hindi ko na alam ang daan pabalik.
Inaantok na ako, pero sila, patuloy pa rin sa kasiyahan nila. Hanggang sa napansin ko ang pananahimik nilang lahat nang dumating ang isang lalaki, habang may iilang security staffs sa likuran nito. Makapangyarihan ang tindig at pormahan nito. Ngunit halos malaglag ang aking panga nang masilayan ko ang kanyang mukha.
Dahil ang mukhang ‘yan… halos araw-araw kong nakikita noong nakatira pa ako kina Maya.
Kamukhang-kamukha ito ni Spade.
Ano ang ginagawa niya rito?
“Siya ang may-ari nitong hotel. Si Sir Stone Ruston, mabait ‘yan.” Naririnig kong sabi ni Ariel, halatang pinipigilan ang pagtili dahil sa kilig.
Ang mga babaeng empleyado naman ay halos maging hugis puso ang kanilang mga mata. Kugn makatitig ito kay Stone, kulang na lang idikit nila ang kanilang mga mata sa kanyang katawan.
Mabilis akong tumalikod. Kailangan kong makaalis dito bago pa niya ako makita. Pero kung maglalakad ako paalis ngayon, baka mapansin niya ako.
Pumunta ako sa likod ni Ariel, para matakpan ako ng katawan niya. Mabuti na lang at mas mataas siya ng konti kaysa sa akin.
“Thank you for coming, everyone. Thank you for all of your efforts. That event was one of the biggest events held in this hotel. Thank you very much for your service.” Anunsyo nito.
Hindi ito tumawa, seryoso ang kanyang mukha pero ramdam ko ang sinseridad sa kanyang sinabi. Mukhang maayos ang pakikitungo niya sa kanyang mga empleyado. Kaya ramdam ko rin ang pagmamahal ng mga ito sa kanya.
Isang masigabong palakpakan naman ang naririnig ko, kaya pumalakpak na rin ako.
“I would also like to thank my cousin, who helped me organize everything. Hindi nakapunta ang mga kapatid ko so I asked for his help. He'll be working with us from now on. Please give a big round of applause to my cousin, Landon Maverick, for his efforts.” Sabi nito.
Landon Maverick?
Hindi agad ako makagalaw sa kinatatayuan ko nang marinig ko ang kanyang pangalan.
“Ang gwapo day!” Kinikilig na bulong ni Ariel.
Sumilip ako ng konti.
Parang gusto ko na lang maglaho na parang bula mula sa lugar na ito.
Nagsisisi ako kung bakit pa ako sumama rito. Sana nanatili na lang sa bahay nila Ariel. Tutal, sanay naman akong mag-isa.
Ang lalaking tinakasan ko ay narito sa harapan namin ngayon. Nakakatakot siyang tignan, kahit na ang postura lang nito! Hindi man lang ngumingiti.
Mas lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko. Tinakpan ko ang aking mukha sa buhok ni Ariel.
Si Landon nga, siya ang nasa harapan namin ngayon.
Anak ng tokwa! Bakit nandito ‘yan?