Chapter 2 - Ziya

1219 Words
Inihatid kami ni Papa Norman sa bus station kung saan kami sasakay patungong Maynila. Isang bag na katamtaman lang ang laki ang dala ko dahil kaunti lang naman ang gamit ko sa bahay. Si Ate Marianne ay dalawang bag ang dala pero bitbit ko ang isa dahil gusto kong panindigan na ako ang mag-aasikaso sa kanya doon. Hindi ko gustong isumbong niya ako kay Papa Norman na hindi ko siya tinutulungan dahil baka bigla akong pauwiin sa San Pascual. Hindi ko gustong maputol ang pangarap ko na makapag-aral. Tahimik lang si Ate Marianne habang nakatingin sa dinadaanan ng bus. Ang sabi ni Papa Norman, dose oras ang lalakbayin namin para marating 'yon. May limandaang piso akong baon na ibinigay ni Papa, pero nakita kong mas marami siyang binigay kay Ate Marianne. At dahil magkasama naman kami kung saan pupunta, hindi ako nag-aalala kung kakasya ba ang limangdaan na 'yon. "Bumili ka nga ng softdrinks at chicharon," utos ni Ate Marianne nang may umakyat na naglalako. Pero dahil wala siyang ibinigay na pera, dinukot ko ang limangdaan para makabili ng gusto niya. Nakatulugan na naming pareho ang haba ng biyahe. Halos hatinggabi na nang marating namin ang istasyon ng bus sa Maynila. May bagong telepono si Ate Marianne na binili ni Papa bago kami sumakay sa bus kanina. Iyon day ay para matawagan namin si Uncle June kapag nasa Maynila na kami. "Saan kayo, ineng?" tanong ng isang matanda sa amin na kaagad naming inilingan. Mahigpit ang bilin ni Papa na huwag kaming makikipag-usap sa mga estranghero dahil marami daw ang manloloko sa Maynila. "Nagugutom na 'ko. Bilhan mo nga ako ng tinapay doon," utos ulit ni Ate Marianne na inginuso ang isang tindahan sa istasyon ng bus. Tumayo naman ako at sumunod. Ang limangdaan na ibinigay ni Papa bago kami umalis sa San Pascual, ngayon ay nasa tatlong daan na lang dahil sa kakapabili niya nang kung ano-ano. Wala naman akong magawa dahil ako mismo ang nangako kay Papa na aasikasuhin ko si Ate Marianne dito kapalit nang pagpayag ni Papa na makapag-aral din ako. Kalahating oras pa kami naghintay bago dumating si Uncle June na kapatid ni Papa. Mas matanda si Papa dito ng ilang taon lang marahil, pero halata na rin ang puti nitong buhok. Sumakay kami sa taxi at dinala kami sa isang apartment kung saan ito nakatira kasama ang asawa niya. "Pagpasensyahan niyo na ang bahay namin," nakangiting wika ni Uncle June pagkatapos nitong ipakilala si Auntie Emma na asawa nito. May dalawang anak ang dalawa na mas bata sa amin na natutulog na sa isang silid habang silang mag-asawa ay sa isa pang silid. "Wala hong problema, Uncle," sagot ko naman dahil abala si Ate Marianne na inspeksyunin ang bahay. "Nakakahiya nga po dahil nakikisiksik pa kami sa inyo." "Walang problema 'yun, Ziya. Bukas ay baka makabili kami ng isa pang double deck para doon kayo sa silid nila Riza at Lala matulog. Maingay dito sa sala kapag umaga na dahil maaga akong nagluluto ng almusal at nanonood naman ng balita ang Uncle June niyo habang nagkakape," wika naman ni Auntie Emma. "Salamat ho, Uncle at Auntie." Si Ate Marianne naman ang nagsalita. "Pasensya na ho kayo, ito kasing si Ziya mapilit sumama eh. Imbes na isa lang ang makikitira, dalawa pa tuloy pa kami." "Ganoon talaga kapag magkapatid, kung nasaan ang isa, gusto ng isa na naroon din," nakangiting wika ni Auntie Emma. Nakita kong sumimangot si Ate Marianne pero ipinagkibit balikat ko na lang ulit. Pasalamat na lang ako dahil mabuting pamilya ang tinutuluyan namin kahit pa nakikisiksik lang kami. Mas maayos pa rin naman ang bahay nila na gawa na sa semento at mas malaki nang kaunti ang mga silid. Ang silid ko sa bahay namin sa San Pascual ay tinabingan lang ng kurtina para nakahiwalay kay Ate Marianne. "O siya, magpahinga na kayo dahil pagod kayo sa biyahe. Sa ngayon, sa sofa muna matutulog ang isa, at ang isa ay sa sahig. May esktrang banig d'yan para hindi malamigan ang likod niyo sa sahig na semento," wika ni Uncle June. "Matutulog na rin kami dahil maaga pa ang pasok ko sa trabaho bukas." Nang maglabas ng unan si Auntie Emma ay agad na pumwesto si Ate Marianne sa sofa para doon matulog. Ako ay sa sahig humiga para ipahinga ang katawan. Gusto ko sanang magbasa pa ng libro pero sadyang hinihila na rin ang mata ko sa antok dahil na rin sa pagod sa biyahe. Alas singko y media nang marinig kong may maingay na sa kusina. Agad akong napabangon nang makita kong nag-aasikaso na si Auntie Emma doon. "Naku, Ziya, ako na rito. Bumalik ka sa pagtulog dahil hatinggabi na kayo nakapagpahinga," tanggi naman ni Auntie Emma. "Hindi na ho ako makakatulog, Auntie. Namamahay ho siguro ako," pagdadahilan naman niya. "Paano ho ba magsaing dito sa rice cooker?" Sa San Pascual ay kaldero ang gamit nila sa pagsasaing at isinasalang sa dingas ng kahoy. Alam naman niyang may mag ganitong appliances dahil nababasa niya sa libro. At may mga kaibigan naman siyang may sinasabi sa buhay na minsan ay napupuntahan niya ang bahay. "Lagyan mo ng apat na sukat ng bigas tapos hugasan d'yan sa gripo. Ang sukat ng tubig niyan ay katulad din ng sukat sa bigas," sagot naman nito na kinuha na ang initan ng tubig para igawa ng kape ang asawa nito. "Punasan mo ang ilalim bago mo isalang, tapos i-on mo lang. Ganyan lang naman kadali magsaing d'yan." Natuwa naman siya sa pag-aaral kung paano magsalang ng kanin sa rice cooker. Hindi niya na kailangang umigib sa poso dahil may linya ng tubig. At lalong hindi niya na kailangang marumihan ng uling ang kamay bago pa makapagpadingas sa kahoy. "Ano ho ang lulutuing ulam?" "Itlog at hotdog ang paborito ng mga anak namin," sagot ulit ni Auntie Emma. "Pero magkape ka muna at mag pandesal dahil matagal pa naman magigising ang mga 'yon. Manonood pa ng balita ang Uncle June mo." Umupo siya sa pang-apatang mesa at nagtimpla ng sariling kape. "Mas mabilis ho pala ang buhay dito, ano? Sa San Pascual, kalahating oras pa yata ang bubunuin ko para makapagpadingas lang sa kahoy." "Ewan ko ba d'yan kay Norman kung bakit kayo doon dinala at sa liblib na lugar pa. Matagal na naming hinihikayat na magpunta sa Maynila pero ---" "Emma, isama mo ang ang dalawa mamaya kapag bumili ka ng double deck," putol ni Uncle June sa sasabihin ng asawa nito. Hindi nakaligtas sa kanya nang sumenyas ito na tila pinatatahimik. Hindi ko naman pinansin dahil usapang mag-asawa iyon. "Kailan ho ba puwedeng magpa-enroll sa University?" tanong ko kay Uncle June nang humarap siya sa mesa dala ang tasa ng kape nito. "Bukas ay dadalhin ko si Marianne sa eskwelahan. Pero kasi, hindi ko pa nasasabi na dalawa kayong gustong mag-enroll. Hahanap pa ako ng tyempo sa boss ko para isingit naman ang pangalan mo sa mga iskolar ng opisina namin." Sandali akong nanlumo sa narinig. Malabo pa pala na makapag-aral ako. Pero sinikap kong alisin ang pagkadismaya sa dibdib ko dahil may pag-asa pa naman. Siguro naman ay susubukan pa rin ni Uncle June na maisama ako sa mga iskolar sa boss niya. Kailangan ko pang magsipag dito sa bahay nila para hindi sila magsisisi na tulungan akong maituloy ko ang pag-aaral.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD