Chapter 3 - Ziya

2021 Words
Sa isang malaking mall kami nagpunta nila Auntie Emma kasama ang dalawa nitong anak na babae kinabukasan. Bibili daw kasi kami ng double deck para sa isang silid kami matutulog na apat. Alas dyes ay nasa mall na kami dahil sa hapon daw ay dadalhin si Ate Marianne ni Uncle June sa unibersidad. Sasama ako pero hindi pa daw ako makakapag-enroll. Tuwang-tuwa naman si Ate Marianne na makapasok sa mall at makakain sa sikat na fastfood na hindi namin nakakainan noong nasa San Pascual kami. Habang siya ay abala sa pagtingin ng kung anong damit ang mabibili, ako ay ang kung paano makakapag-aral ang iniisip. Tila walang interes si Uncle June na ipakiusap sa amo niya na isama ako sa pag-aaralin. Hindi na nga dapat ito papayag na isama ako sa unibersidad mamaya kung hindi lang ako nagpilit. Driver si Uncle June sa isang malaking kumpanya sa Makati. Kahit paano ay nakaluluwag ito sa buhay kumpara kay Papa Norman. Nagagawa nitong mabayaran ang upa sa bahay at naibibigay nito ang pangangailangan ng pamilya kahit walang tulong ni Auntie Emma. Sa public school nga lang nag-aarala ang dalawang anak dahil iyon na rin ang malapit na eskwelahan sa apartment. Pero ang sabi ni Auntie Emma, nangako naman ang amo ni Uncle na pag-aaralin din ang dalawang bata sa mamahaling unibersidad pagdating sa kolehiyo. Hanggang sa makakain kami ng spagheti at fried chicken sa mall, matamlay pa rin ang pakiramdam ko. Si Ate Marianne naman ay walang pagsadlan ang tuwa. Nakabili nga ito kaagad ng damit dahil may pera itong baon. Habang ang limangdaan na ipinabaon sa akin ni Papa Norman ay dalawang daan na lang dahil sa kakapabili niya ng pakain nasa bus pa lang kami. Kailangan ko 'yong matipid baka sakaling kailanganin ko ng pera isang araw. Alas tres nang sinundo kami ng isang magarang sasakyan na minamaneho ni Uncle June. Nangingintab ang kulay abuhing kotse na may BMW na logo sa harapan. Nabighani ako kaagad sa sasakyang iyon. Kung mayroon man akong pangarap sa ngayon na gustong abutin bukod sa matapos ang pag-aaral, iyon ay makabili ng ganito kagandang sasakyan. Pangarap na tila langit pa sa taas at imposibleng maabot. "Ang ganda ng sasakyan mo, Uncle!" bulalas ni Ate Marianne. "Sa amo ko ito," sagot naman ni Uncle na nakangiti. "Mayaman kasi ang mga Daylan. At mababait pa. Kaya nga tumagal ako ng pitong taon sa kanila. At wala akong balak umalis dahil malaki rin silang magpasahod." "Wow! Maganda po palang magtrabaho sa kanila. Pag naka-graduate ako baka puwede akong magtrabaho doon?" "Hmmm... Depende. Mga engineers at architechs ang mga tinatanggap nilang empleyado roon dahil Architectural Firm ang opisina nila. Ano bang kurso ang balak mong kuhanin?" tanong ni Uncle June. "Computer Secretarial, Uncle. Para makapasa kaagad ako maging sekretarya sa mga opisina." "Ikaw, Ziya? Anong kursong balak mong pasukan kung sakali?" tanong ni Uncle June sa akin. Nabuhayan naman ako ng loob dahil sa tanong na iyon. "Biology ho, Uncle June," nakangiti kong sagot. "Gusto ko ho kasing maituloy sa pagdodoktor kung sakali." "Gusto mong maging doktor?" gulat na tanong nito. "Mataas pala ang pangarap mo." "Sa sobrang taas, hindi na makatotohanan," sabat ni Ate Marianne na sumimangot pa. "Yun ngang pag-e-enroll mo ngayon hindi pa sigurado eh." Napatingin ako kay Uncle June sa salamin ng kotse na kaagad umiwas ng tingin sa akin. Nawala kaagad ang tuwa na naramdaman ko na kanina. Kalahating oras ang binaybay namin nago narating ang eskwelahan. Kung dati ay nalalakihan na ako sa eskwelahan namin noong high school sa bayan ng San Pascual, halos malula ako sa pinasok naming unibersidad ngayon. Ni hindi ko matanaw kung saan ang hangganan niyon. Malalaki ang building at maraming pasikot-sikot. Maliligaw yata ako dito kahit pa isang taon akong dito na mag-aral. Maraming estudyante ang nag-e-enroll na rin. May ibang kasama pa ang magulang may ibang solo naman na naglalakad ng kung ano-anong papeles. Dinala kami sa Registrar Office. May dalang sulat si Uncle June na ibinigay sa staff doon bago pinag fill-up si Ate Marianne ng isang form. Pinapasok sila sa loob ng opisina habang ako ay naghintay na lang sa labas. Nagbasa-basa ako sa bulletin board doon ng kung ano-anong nakadikit tungkol sa mga activities ng eskwelahan. Umagaw sa atensyon ko ang isang nakapaskil na papel dahilan para dumagundong ang dibdib ko sa kaba. Applicants for scholarship fill out a Scholarship/Finacial Aid Questionnaire. Examination will be scheduled once an applicant recieves an Application Number. Iniikot ko ang mata sa paligid para maghanap ng matatanungan. Nang may makita akong ginang na nakauniporme ay agad ko siyang nilapitan. "Ma'am, excuse me ho. Puwede ho bang magtanong?" magalang kong tanong. "Ano 'yon, iha?" "Bukas pa ho ba ang aplikasyon para sa mga scholar? Gusto ko ho kasing makapag-aral, pero hindi ako kayang papag-aralin ng Papa ko." Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Hindi ko alam kung para saan ang tingin na iyon. "Kahapon pa natapos ang aplikasyon, iha," sagot nito na ikinanlumo ko ulit. Ang pag-asa kanina sa dibdib ko ay kaagad naglaho. Napalunok ako para pigilan na maiyak. Ilang beses na akong nabigo mula kahapon. Sana'y hindi na lang pala ako nagpilit dahil masasaktan lang ako. "S-salamat ho..." "Ano ang pangalan mo, iha?" tanong ng ginang na nagpalingon sa akin sa kinaroroonan nito. Nakadalawang hakbang na kasi ako pabalik sa Registrar Office. "Ziya ho... Bernadette Ziya Madrigal..." "Ano ang kursong balak mong kunin?" "Biology ho sana..." "May kasama ka ba ngayon? Puwede kitang ihabol sa mga nag-take ng exam kahapon." Tuluyang nalaglag ang luha ko na kanina ko pa pinipigilan. Agad ko din naman iyong pinahid saka ngumiti. Muling bumalik ang pag-asang natanaw ko kanina. Tila ba natabunan lang iyon ng lumalakad na ulap at ngayon ay nasilayan kong muli. "Talaga ho? Maraming marami hong salamat. Tatanawin ko ho itong malaking utang na loob." Ngumiti ang ginang na tila ba nakikisimpatya sa kalagayan niya. "Nasa loob ho ng Registrar Office ang Uncle ko. Sinamahan ho ang kapatid ko na mag-enroll. Puwede ho bang magpaalam sandali baka hanapin nila ako?" magalang kong tanong. "Sige, iha. Sumunod ka na lang sa akin sa Faculty Building Room 304. Hanapin mo si Mrs. Tantoco." Dala ang matamis na ngiti ay tumango ako sa sinabi niya. Patakbo kong binalikan ang Registrar Office. Nasa labas na si Uncle June pero nasa loob pa raw si Ate Marianne para sa interview. "Uncle, puwede ho bang mauna na kayo umuwi? Kukunin ko na lang ho ang address ng apartment. Baka ho matatagalan ako." "Bakit? Saan ka pupunta?" taka nitong tanong. "Nabasa ko ho kasi na may application pa para makapasok sa scholarship program ng university. Pupunta ho ako sa faculty building para mag-take ng exam?" paliwanag ko. "Sigurado ka? Napakahirap ng exam dito, isa sa bawat sampung estudyante ang pumapasa. Hindi mo ba gustong hintayin na lang na matyempuhan ko si boss para maipakausap din kitang maging scholar nila?" Nakita ko na hanggang ngayong linggo na lang ang enrollment para sa freshman students. Paano kung hindi matyempuhan ni Uncle June ang boss nito? O baka tumanggi na dahil pumayag na ito kay Ate Marianne? Kapag nag-exam ako, hawak ko ang sarili kong kapalaran. Hindi ako aasa sa desisyon ng iba. "Susubukan ko na lang ko baka naman makapasa ako," sagot niya. "O sige," sagot ni Uncle bago ako tinuruan kung paano umuwi sa bahay nila. Kumuha ako ng papel at ballpen sa bag para isulat lahat ng instruction na sinabi ni Uncle. Wala naman din akong cellphone para tawagan sila kapag naliligaw ako. Kaya isinulat ko bawat kanto na bababaan ko at kung ano ang dapat na sakyan para hindi ako maligaw. Nakasulat naman doon ang exact address ng apartment at teleponong dapat kong tawagan. Nagmadali akong nagtungo sa faculty building at hinanap si Mrs. Tantoco roon. Ipinasa niya naman ako sa isa pang ginang kung saan ako dinala sa isang silya at binigyan ng Application Form at Examination Paper. Sa loob ng isang oras ay sinagutan ko lahat ng dapat kong sagutan sa abot ng aking makakaya. Panay rin ang dasal ko na hindi ko mabigo si Mrs. Tantoco na nagbigay ng extension para lang makahabol ako sa deadline. "Wala ka bang cellphone para matawagan ka namin kung sakaling nakapasok ka?" tanong ng ginang na nagpa-exam sa akin. Sa tingin ko'y si Mrs. Tantoco ang head doon dahil sa kaniya nagtatanong ang karamihan ng faculty members. "Kay Ate Marianne na lang po at Uncle June. Sila po ang kasama ko sa bahay," sagot ko naman. "Sige, maghintay ka na lang ng kalahating oras. Four o'clock pa lang naman, machi-check na ni Mrs. Tantoco ang result ng examination mo." "Salamat ho ng marami." Naghintay ako ng kalahating oras. At isa pang kalahating oras. Alas singko na ng hapon at kinakabahan na akong gagabihin sa pag-uwi. Marami daw masasamang loob ang naglipana kapag gabi na. Ni hindi ko pa alam kung paano ako uuwi. Napilitan akong lumapit sa ginang na nagpa-exam sa akin dahil wala doon sa mesa nito si Mrs. Tantoco. "Ma'am... Puwede ko ho bang balikan na lang ang resulta bukas? Pasensya na ho, natatakot ho akong gabihin dahil hindi ko kabisado ang pauwi sa apartment ng Uncle ko," pakiusap ko sa ginang na tinatawag nilang Ma'am Melai. "Ah ganoon ba, halika puntahan natin si Mrs. Tantoco baka puwede mo nang makuha ang resulta ngayon." Lumabas kami sa faculty building at nagtungo pa sa isang building kung nasaan ang Admin Office. May isang silid doon na may nakalagay Dean's Office na kinatok ni Ma'am Melai. "Ma'am, ano ho ang gagawin ni Miss Madrigal?" tanong ni Ma'am Melai nang makapasok kami sa opisina ni Mrs. Tantoco. "Kailan ho ba siya babalik?" "Pabalikin mo sa Biyernes dala ang transcript of records niya. Sa 'yo muna siya mag-report para mabigyan mo ng recommendation letter." "P-pumasa ho ako?" hindi ko napigilang sumabat sa usapan nila. Nakahawak ako nang mahigpit sa shoulder bag kong dala at pigil ang paghinga habang hinihintay ang sagot sa tanong ko. "You've got 99/100, Miss Madrigal. You are qualified to admit as one of our university's scholar. Congratulations. Please come back on Friday with all your previous school records. We will do a little interview before you proceed at Registrar Office," mahabang sagot ni Mrs. Tantoco. Sunod sunod akong tumango habang puno ng pasasalamat sa kanila. Nakapasa na ako. Ang porproblemahin ko na lang ay ang pamasahe at baon sa araw-araw. Halos alas singko y media na rin nang makalabas ako sa unibersidad. Kinakabahan akong habang tinatahak ang daan patungo sa sakayan ng bus patungong Makati. Ang sabi ni Uncle June, nasa Paranaque ako ngayon kung nasaan ang isa sa pinakamahal na eskwelahan sa buong Pilipinas. The Golden Achievers University. Lakas loob akong nakipagsiksikan sa kumpol ng mga taong sumasakay sa bus. Sa totoo lang ay naninibago ako sa buhay na mayroon kami ni Ate Marianne ngayon. Kaninang paggising ko ay na-miss kong lumabas ng bahay para pagmasdan ang malawak na bukirin na sinasaka ni Papa Norman at ng ibang trabahador sa barrio namin. Na-miss ko ang sariwang hangin na malayang nilalanghap ng baga ko sa kabila ng hirap ng buhay. Kahit ang pagsikat ng araw sa umaga ay hindi ko rito natanaw. Pero hindi ko gustong magpadala sa lungkot at takot na bumabalot sa dibdib ko. Parte ito ng pagbabago para matupad ko ang mga pangarap ko. Parte ito ng buhay na gusto kong tahakin mula sa araw na nagdesisyon akong babaguhin ko ang takbo ng aking kapalaran. Habang umaandar ang bus ay nakatanaw ako sa maraming taong nadadaanan namin sa gilid ng daan na nagbabakasakaling makasakay rin. Tulad ng agos ng buhay, may naiiwan, may iba namang naghihintay pa rin sa susunod na pagkakataong dumating baka sakaling iyon na ang maging kapalaran nila. Ngayon ay nakasakay na ako at dinadala na sa dapat kong patunguhan. Sana lang ay gabayan ako ng Diyos para mabigyan pa ako ng ibang oportunidad para tuluyan kong makamit ang tagumpay. Sa ngayon, may isa pa akong suliranin na dapat isipin. Kung paano papasok sa eskwelahan gayung kailangan kong mamasahe at kumain sa tanghali araw-araw. "One problem at a time, Ziya..." paalala ko naman sa sarili ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD