Kipkip ang bag sa harap ay maingat akong lumakad sa gilid ng daan mula sa binabaan kong bus stop. Mula roon ay sasakay pa ako ng trisekel na maghahatid sa mismong apartment ni Uncle June. Inabot na ako ng isang oras at kalahati sa daan. Mahirap pala talagang umuwi kapag gabi na dahil hindi ko alam kung saan ako bababa at sasakay. Napaka-traffic pa dahil sumabay ako sa uwian ng nag-o-opisina. Mabuti na lang at mabait ang ginang na katabi ko kanina sa bus. May isang lalaki rin na nagmagandang loob na ihatid ako hanggang sa sakayan ng trisekel dahil marami daw nag-iinuman sa labas. Nakahinga na ako nang maluwag nang makita ko ang karatula ng kalye kung saan kami nakatira ngayon. Matapos magpasalamat sa lalaki ay sumakay na ako sa trisekel at sinabi ang numero ng apartment ni Uncle June.
Pawis ang kamay at habol ko ang hininga nang makababa ako sa trisekel. Hindi ko alam kung anong lakas ng loob ang dala ko kanina para magpaiwan sa university. Sa kagustuhan kong makapag-aral, hindi ko na alam kung tama pa ang suungin ko ang ganoong pagsubok. Paano kung walang tumulong sa akin? Paano kung masamang loob ang natyempuhan kong tanungan? Makakauwi pa kaya ako hawak ang dalawang daang piso?
Gusto kong umiyak sa pinaghalong galak at awa sa kalagayan ko. Ni hindi ko maitaas ang kamay ko para kumatok sa pinto ng apartment. Sumandal ako sandali sa poste roon para palipasin ang mabilis na t***k ng dibdib ko. Kahit ang tuhod ko'y nanghihina pa. Kung babalikan ko ang sinuong kong paglalakbay kanina pauwi, muntik ko na palang ipinahamak ang sarili ko.
"Ate Ziya! Nandito na si Ate Ziya, Mama!" narinig kong wika ni Lala.
Bumukas ang gate ng apartment at agad yumakap sa akin si Lala. Halos umabot lang siya sa dibdib nko dahil nasa elementarya pa lamang. Pero sa kanila ni Riza, mas malambing ito at mas madaldal kaysa sa nakatatandang kapatid.
"Naku, ikaw na bata ka! Pinag-alala mo kami," ani Uncle Emma na nahimasmasan din nang makita ako. Bakas ang pag-aalala nito pati ng dalawang bata. Pero hindi si Marianne.
"Ang lakas ng loob mo kasing magpaiwan eh!" inis pang wika nito na agad nang pumasok sa apartment. "Pinag-alala mo tuloy ang lahat dito sa bahay."
"Sorry ho, Auntie. Sobrang traffic ho kasi," paghingi ko naman ng paumanhin.
"Alam ko naman na gagabihin ka dahil sadyang malayo 'yon," sagot naman ni Emma. "Ang ipinag-aalala ko lang, ni wala kang telepono para matawagan ka namin. Hindi mo kabisado ang Maynila. Ewan ko ba kay June kung bakit pumayag na magpaiwan ka."
"Huwag na ho kayong magalit. Ako ho ang nakiusap. Hindi ko rin inaasahan na gagabihin ako dahil natagalan ho ako sa resulta ng exam."
"Pero sana'y binalikan ka na lang o hinintay ka ni Marianne dahil siya ang may telepono. Naku, mga bata kayo. Pinag-alala niyo kami." Kinuha ni Auntie Emma ang telepono nito at tinawagan ang asawa. Sinabi nitong nasa bahay na ako.
"Nasaan ho ba si Uncle June?" tanong ko.
"E di nagtanong-tanong sa labas kung may nakakita sa 'yo. Kapag hindi ka nakauwi, saan ka namin hahanapin? Napakaganda mo pa namang bata, madali kang mapapahamak."
"Pasensya na ho talaga," walang tigil na paghingi ko ng paumanhin. "Hindi na ho mauulit."
"Masyado kasing mataas ang pangarap eh," sambit pa ni Ate Marianne na hindi pa rin mawala ang inis sa mukha. Hindi na lang ako sumagot dahil nakakahiya kay Auntie Emma.
Makalipas ang limang minuto ay dumating naman si Uncle June.
"Okay ka naman ba? Wala bang nangbastos sa 'yo?" agad nitong tanong dahil marami ngang kalalakihan sa labas kanina.
"Okay naman ho ako," sagot ko na umupo sa sofa. Doon ko muling naramdaman ang panghihina ng tuhod.
"Naku, June, dapat ay may telepono rin 'yang si Ziya. At sa susunod huwag mong iiwan kapag gagabihin na," wika ni Auntie Emma sa asawa nito.
"Naku, huwag na ho. Matututunan din ho namin ang pag-uwi. Nakauwi na nga ho siya, di ba?" sabat naman ni Ate Marianne.
"Sa panahon ngayon, importante na ang telepono. Napakaraming masasamang loob diyan sa labas," pagtatanggol naman ni Auntie Emma sa akin. "Kahit 'yung mumurahing telepono lang. Hindi ko na gustong maulit ang ganoong pag-aalala kanina dahil mamamatay ako sa nerbyos. Pananagutan namin kayo nandito kayo sa poder namin."
Gusto ko man ang suhestyon ni Auntie Emma na magkaroon ako ng telepono, mas gusto kong ilaan ang pera sa pag-aaral ko. Sa ngayon ay singkwenta pesos na lang ang natira sa baon kong pera. Wala na akong pamasahe sa Biyernes para mag-asikaso sa pag-e-enroll ko.
"Eh kumusta naman ang exam mo? Kailan daw makukuha ang resulta?" tanong ni Uncle June habang tumutulong ako sa paghahanda ng pagkain sa mesa.
"Nakuha ko na ho ang resulta. Pinababalik ho ako sa Biyernes para makapag-enroll na. Ilang linggo na lang ho kasi pasukan na," sagot ko.
"Talaga? Mabuti pala dahil pumasa ka," nakangiti nang sagot ni Uncle June. "Dalawa kayong mag-aaral ni Marianne sa eskwelahang iyon. Paano kaya ang pamasahe niyo sa araw-araw. Pakikiusapan ko ang boss ko kung puwede ako maka-cash advance para sa allowance niyo."
"Pasensya na ho kayo. Kapag puwede na ho akong magtrabaho kahit waitress mag-a-apply ho ako para makabawas sa gastusin," wika ko.
"Pasensya na rin kayong dalawa, alam mo naman ang buhay namin ng Uncle niyo dito. May dalawang anak din kaming pinag-aaral."
"Eh kasi naman dapat ako lang ang mag-aaral, Auntie eh!" sabat na naman ni Ate Marianne. Napatingin sa akin sina Uncle June at Auntie Emma na iniyuko ko na lang ang ulo ko at itinuon ang atensyon sa pagkain. Isa pang nagpapabigat sa dibdib ko ay ang iasa ang sarili ko sa ibang tao na hindi ko naman talaga kamag-anak. Hindi ko rin naman gusto ang pakiramdam na nagpapabigat ako sa buhay ng ibang tao. Wala lang talaga akong magawa. Kailangan kong ipaglaban ang pangarap ko.
Bago matulog ay tumulong muna ako sa paglilinis sa kusina at sa pag-aayos ng silid dahil nakisiksik kami sa silid ni Lala at Riza. Mabait naman ang dalawang bata na wala na ring nagawa na ka-share kami ngayon sa silid. Bago matulog ay lumabas ako sa apartment at umupo sa silyang monoblock. Doon ay natanaw ko naman ang mga bituin sa langit. Pero iba pa rin kapag nasa San Pascual ako.
Mas malaya kong nalalanghap roon ang masarap na simoy ng hangin sa gabi. Mas tahimik ang paligid. Mas payapa ang isip ko. Dito ay marami pa ring tao sa kalsada kahit alas nueve na ng gabi. Maingay. Mausok. Doon ay tila musika sa pandinig ko ang tunog ng mga kuliglig sa gabi. At bukas ay guso ko sanang matanaw ang malawak na bukirin kahit hindi naman iyon sa amin.
Naroon pa rin ang puso ko sa San Pascual. Kahit hindi ko tunay na ama si Papa Norman, at hindi naman siya malambing katulad ng paglalambing niya kay Ate Marianne, nasanay na rin akong natatanaw siyang nagkakape sa silong ng puno ng acacia. At ang isa ko pang hinahanap ay ang presensya ni Mama. Kahit dalawang taon na siyang patay ay buhay na buhay pa rin ang alaala niya sa akin. Ramdam ko pa rin kung paano niya ako inaaalagaan noon. At kung gaano niya ako kamahal.
"Marami akong pagkakamali sa buhay ko, Ziya... Kapag nalaman mo iyon ay baka hindi mo 'ko mapatawad..."
Iyon ang huling sinabi niya sa akin habang hawak niya ang kamay ko. Nagkukwentuhan kami noon at parehong nakatanaw sa bintana. Kung si Ate Marianne ay sobrang malambing kay Papa Norman, ako naman ay si Mama Bea ang kakampi. Hindi rin masuyo si Mama kay Ate Marianne, kaya siguro mainit din ang ulo ni ate sa akin.
"Hindi ka pa ba inaantok?" nakangiting tanong ni Auntie Emma. Marahan akong umiling. Gustong pumatak ng luha ko dala ng pag-alala kay Mama Bea. O dahil naaawa ako sa hirap na pinagdadaanan ko ngayon.
"Malungkot ka... Nami-miss mo ba ang San Pascual?"
Nang tumango ako ay sumabay ang paglandas ng luha ko sa mata. Ngumiti ako at agad pinahid ang pisngi.
"Inaalala ko lang ho ang buhay namin dati... Masaya naman ako kahit sa bukid lang kami nakatira."
"Gusto mo bang bumalik?"
"Kung naroon pa ho sana si Mama..." mahina kong sagot. "Pero alam niyo naman ho na hindi ako totoong anak ni Papa Norman. Kailangan ko hong ipagpatuloy ang pag-aaral ko kasi mag-isa na lang ho ako sa buhay."
"Ang Ate Marianne mo? Pamilya mo na rin siya. Ngayon, parte na rin kami ng pamilya mo..."
"Nakita niyo nama ho ang trato sa akin ni ate," matapat kong sagot. "Pero salamat ho dahil pinatira niyo ako dito. Pangako ho na susuklian ko lahat ng kabutihan niyo sa akin."
"Ano ka ba..." Hinaplos ni Auntie Emma ang likod ko. "Huwag mo kaming ituring na iba ng Uncle June mo. Huwag ka ring mahihiya na magsabi ng problema mo. Makakaraos din tayo. Ang isipin mo ngayon ay kung paano mo matutupad ang mga pangarap mo. Dalawang araw pa lang kayo ni Marianne dito, nakita ko na ang determinasyon mong makatapos ng pag-aaral. At nakita ko kung gaano ka kabuting bata. Maswerte ang mga magulang mo sa 'yo."
"Salamat ho..."
"Matulog ka nang maaga. Kapag nagsimula ang klase, mapupuyat ka na naman sa pagbabasa lalo kapag may exam kayo."
"Sige ho..."
Tumayo ako at sumunod sa kanya sa loob ng bahay. Nang pumasok ako sa silid ay tulog na sina Riza at Lala. Si Ate Marianne ay panay pa ang tipa sa cellphone sa kung sino man ang kausap.
Kinabukasan ay maaga akong gumising para magluto ng almusal. Nagkakape na ang mag-asawa.
"Ikaw talagang bata ka, wala pang alas sais ah," sita ni Auntie Emma sa akin. "Kaya ko na ang pagluluto."
"Samantalahin ko lang ho habang wala pang pasok sa university," sagot ko naman. "Kapag busy na kami sa pag-aaral, kayo na rin naman ho ang lahat ng gagawa sa gawaing bahay."
"Napag-usapan nga pala namin ng Uncle niyo na hihiram siya ng pera sa amo niya para makabili kayo ng gamit sa eskwela. Bumili kayo ng matibay na sapatos at mga notebook. Kapag na-aprobahan ang loan ng Uncle niyo, makakabili ka ng telepono."
"Naku, wag na ho. Ilalaan ko na lang ho ang pera sa pamasahe at pambaon namin. Apat ho kaming mag-aaral," agad ko namang tanggi kay Auntie Emma. "Maaga naman ho ang mga kukunin kong schedule para hindi na ako gabihin."
"Huwag mo nang intindihin 'yon. Tulad ng sinabi ko sa 'yo kagabi, ang pag-aaral mo na lang ang isipin mo. Saka mo na isipin kung paano mo susuklian ang mga iniipon mong utang na loob diyan sa dibdib mo."
Habang nagluluto ng ham at itlog ay nagpupunas ako ng luha paminsan-minsan. Darating ang araw na makakaganti din ako sa kabutihan ng mga taong tumutulong sa akin ngayon para maabot ko ang mga pangarap ko.