Chapter 5 - Ziya

2525 Words
Unang araw ng klase. Inihatid kami ni Uncle June sa university at nagbilin na babalik siya ng alas kwatro para isabay kami sa pag-uwi. Hanggang alas kwatro kasi ang schedule ko habang si Ate Marianne ay hanggang alas singko. Gagabihin daw kami sa pag-uwi at sasamahan niya muna kami sa loob ng isang linggo hanggang masanay na kami sa pasikot-sikot sa university at pauwi sa bahay. Nagbigay si Uncle June ng two-hundred pesos sa akin para sa food allowance at kung may kailanganin ako sa university. Maswerte talaga ako na mabait din ang kapatid ni Papa Norman na pumayag na kupkupin din ako at akuin ang mga gastusin ko sa school. "Ang laki talaga ng school natin, Ate Marianne. Magkalapit kaya ang building natin?" tanong ko habang hinahanap naglalakad kami sa campus kasama ng iba pang estudyante. Puno na ang parking lot kanina ng magagarang sasakyan. Abala ang lahat na puntahan ang building para unang klase. Sobrang saya ko at excited na magsisimula na akong tuparin ang aking pangarap. Sana lang ay mapagtagumpayan ko alang-alang na rin sa pagtulong nila Uncle June at Auntie Emma sa akin. "Bakit ba gustong-gusto mong lagi tayong magkasama?" tanong ni Ate Marianne. "Syempre ibang building sa akin at iba sa 'yo." Hindi ko na pinapansin kapag ganon ang mga sagot ni Ate Marianne. Nangako ako na aasikasuhin ko siya dito sa Maynila kaya pumayag si Papa na sumama ako sa kanya. Dalawang beses na akong naglaba ng damit namin at ako ang tumutulong sa gawaing bahay kay Auntie Emma. Hindi ko na siya pinagtatrabaho pa. "Sabay ba tayong manananghalian mamaya?" tanong ko ulit. "Nahihiya akong kumain mag-isa." "Kasama sa scholarship ko ang libre ako sa lunch. May ticket akong ibibigay sa cafeteria mamaya. Pero sige, magkita na lang tayo doon. Baka wala pa naman akong maging ka-close na kaklase ko," sagot nito na ikinatuwa ko naman. Pero ang isang nakakalungkot, hindi libre ang pagkain ko nang katulad sa kanya. At dahil mamahaling eskwelahan ito, sigurado akong mamahalin din ang mga pagkain. Gusto ko sanang pagkasyahin ang two-hundred sa limang araw para hindi ko muna kailangang manghingi kay Uncle June. Siya pa naman ang gagastos ngayon sa pamasahe namin pag-uwi. Napakalaki ng campus. Halos kalahati na yata ng barangay ng San Pascual ang nalalakad namin. O marahil ay paikot-ikot lang kami dahil hindi namin mahanap ang building kung saan kami pupunta kahit pa may mapang ibinigay ang guard kanina para sa mga freshman students na katulad namin. "I love you, Hunter!" wika ng isang babaeng estudyante bago nagtilian ang mga ito dahil sa kilig. Hindi ko naman nilingon dahil nakita ko na ang building na dapat kong puntahan. Ang Arthur Horwich building. "Dito na ako, ate," wika ko kay Ate Marianne. "Magkita na lang tayo mamaya sa cafeteria." "Sige, doon pa 'yung building na pupuntahan ko. Napapagod na ko maglakad," narinig ko pang wika niya bago ako umakyat sa hagdan. Ikatlong palapag pa ang pupuntahan ko para sa una kong subject. Pagpasok ko sa silid ay kalahati na ng bilang ng upuan ang okupado. May mga nagkukwentuhan, nagbabasa sa cellphone, ang iba naman ay may librong dala at nagbabasa. Pero lahat ay napatingin sa akin nang pumasok ako. Umupo ako sa bakanteng silya na malapit lang sa dingding dahil hindi ko gustong kumuha ng atensyon. "Hi." Isang kaseng-edad kong babae ang lumapit sa 'kin. Ngumiti ako pabalik sa kanya dahil matamis siyang nakangiti nang lumapit. Halata sa kutis na mayaman din ito at hindi katulad ko na scholar kaya nakapasok sa eskwelahang 'yon. "Hi... Ziya," pakilala ko sa sarili ko at nakipagkamay. Nasa likod niya ang isang lalaki na marahil ay kaklase rin namin sa subject na 'yon. "Venus," sagot niya. "Ito naman si Eric." Nakipagkamay din ang lalaki na kasingganda ng kutis ni Venus. Nakaputing t-shirt lang ito at naka-slacks na pantalon. Si Venus ay napakaganda sa suot na sunday dress. "May mga kaibigan ka na dito?" tanong nito. "Wala pa. Bago pa lang ako dito," sagot ko naman. Pilit kong itinatago ang hiya dahil gusto kong magkaroon ng maraming kaibigan. At mukha namang mabait si Venus at Eric. "Ako rin eh. Kanina pa 'ko dito pero si Eric pa lang ang nakausap ko. 'Yung iba kasi busy sa mga cellphones nila." "Dito mo lang din nakilala si Eric? Akala ko magkasama talaga kayo." "Kakikilala lang namin bago ka dumating," sagot ni Venus saka sandaling bumulong. "Tinutukso kasi ng ibang lalaki dito, pa'no kasi Erika daw dapat siya hindi Eric." Hindi nakaligtas sa akin ang napabango niyang amoy. Mamahaling pabango marahil. Hindi ko gustong maging materialistic, pero sa mga oras na 'yon ay kinainggitan ko ang marangyang buhay na mayroon siya. Makintab na relo, mamahaling pabango, kahit ang kwintas niyang manipis ay tiyak kong mahal ang halaga. Lalong sumidhi ang pagnanais kong makatapos para mabili ang lahat ng gusto kong bilhin. Syempre kailangan ko munang tulungan si Uncle June at Auntie Emma na mapag-aral din ang dalawang anak ng mga ito. Napangiti ako kay Venus dahil nakuha ko ang ibig niyang sabihin. Mahinhing kumilos si Eric. At tiyak na maraming kalalakihan nga talaga ang tutukso dito. Nakadama naman ako ng kapanatagan dahil magaan na ang loob naming tatlo sa isa't isa. "Nagagalit ka ba kapag tinutukso ka?" tanong ko kay Eric. Mahina na ang pag-uusap namin dahil tungkol na sa pagkatao ni Eric ang pinag-uusapan namin. "Napipikon siyempre," halos pabulong na wika ni Eric. Nakita ko ang kawalan niya ng tiwala sa sarili dahil hindi siya makatingin nang mata sa mata. "Okay lang 'yon," pagbibigay ko naman ng payo. "Alam mo, huwag mong hayaan na maapektuhan ka ng ibang tao. Kapag iniisip mo lahat ng sasabihin nila, araw-araw ka lang masasaktan." "Oo nga naman!" sang-ayon ni Venus. "The hell you care! You don't owe them anything." Bago pa ako makapagbitaw muli ng salita ay pumasok na ang isang ginang na naka-uniporme. Siya ang professor namin. Lahat ng estudyante roon ay nagsiayos ng upo. First Subject - Understanding the Self. Tungkol ito sa pagtuklas namin sa bawat ugali ng mga taong makakasalamuha namin. Malalim ang paksang iyon dahil magkakaiba ang pinagdadaanan ng bawat isa. Sa unang activity, kailangan naming ipakilala ang mga sarili namin sa harap ng klase. At habang nakikinig ako sa nagsasalita sa harapan, marami akong natutuklasan sa pagkatao ng mga kaklase ko doon. Tulad na lang halimbawa ni Venus. Nasa Biology class siya dahil gusto rin niyang maging doktor na katulad ko. Pero hindi dahil iyon ang pangarap niya, kung hindi dahil napilitan lang siyang sundan ang yapak ng mga magulang at kapatid niya na pare-parehong sa medisana ang linya ng trabaho. Sadyang mayaman na ang pamilya nito at ngayon ay puro doktor din ang mga kapatid. Si Eric naman ay gustong maging isang doktor dahil sakit sa puso ang kalimitang sakit ng miyembro ng pamilya nito. It was in their genes. May negosyo ang pamilya nito sa Divisoria dahil isang Chinese ang ama nito kaya't kaya siyang pag-aralin sa mahal na unibersidad. Bawat isa ay may kanya-kanyang pangarap, at kanya-kanyang ring dahilan. Ang sabi ng Professor namin, dapat ay matuklasan namin ang sagot sa tanong na 'Sino Ako'. At dahil karamihan sa amin ay nasa sixteen at seventeen years old pa lang, marami pa ang naguguluhan; kung ano ang gusto talagang tahakin, at kung ano ang tunay na nilalaman ng puso. Sa isa't kalahating oras ay paunti-unti naming nakikilala ang bawat isa. Nadagdagan din ang kaibigan namin nila Venus at Eric tulad ni Claire at ni Alvin. At dahil magkakasama ulit kami sa mga sumunod na klase, sabay-sabay na rin kaming nagpunta sa cafeteria para mananghalian. Nag-text ako kay Ate Marianne nang hindi ko siya makita sa cafeteria. Malaking bagay nga talaga na may cellphone na akong dala na biniling pilit ni Auntie Emma. Kahit hindi iyon smart phone, malaking tulong iyon para makontak ko si Ate Marianne o si Uncle June. Nag-reply naman si Ate Marianne na kasama na nito ang mga bagong kaibigan at nasa gym ang mga ito ngayon dahil PE ang susunod nitong klase. Totoo ang kinatakutan ko kanina na mahal ang pagkain sa cafeteria. Hulog naman ng langit si Venus sa akin ngayong araw dahil nagpresenta itong manlibre sa amin. "Because this is our first day, we will celebrate our friendship!" wika nito na nagpatili kay Eric at Claire. Kahit ako ay napangiti bagama't nahihiya. "Ako ang sasagot ng lunch nating lahat!" "Sigurado ka?" tanong ko. "Lima tayo ha, baka nakakahiya naman." "Ano ka ba. Wala pa namang projects eh. Dad gave me three thousand. I have enough," pagmamalaki nito. "Ang bait mo naman," dagdag ni Alvin na hindi na tumanggi. Bagama't may kaya din naman ang pamilya nito, malaking bagay din ang malibre paminsan-minsan. "Alam mo bang kanina pa ko nakatingin sa mga presyo dito? Bukas magbabaon na ako ng kanin at ulam para makatipid," pagtatapat ko. Hindi ko naman ikinaila ang katayuan ko sa buhay. Alam din nila na kaya ako nandito ay dahil nakapasa ako sa scholarship program. "Keep your money," ani Venus. "Kakailanganin mo 'yan sa ibang araw." "Basta bukas mababaon na ako. Nakakahiya kasi kay Uncle at Auntie kung one-hundred fifty pesos araw-araw ang pagkain ko. Wala pa doon ang pamasahe. Baka mag-biskwit nalang ako niyan," biro ko. Naging masaya ang kwentuhan namin. Feeling ko tuloy, matagal na kaming magkakakilala dahil sa nabuo naming pagkakaibigan. Masaya ako na hindi ako nahirapan sa pakikisama sa mga kaklase ko kahit pa alam nila na hindi naman ako mayaman. May mga estudyanteng nagtataas ng kilay sa akin, pero marami naman ang mababa ang loob kahit pa may sinasabi sa buhay. Bago matapos ang huling subject namin ay kinuha ni Alvin ang cellphone number ko. Nagbigayan naman kami lahat ng numero ng telepono. Pero nagtanong pa si Alvin kung pwede akong ihatid. Na maayos ko namang tinanggihan. Hindi ko gusto na mahaluan ng ibang bagay ang pagkakaibigan namin. Isa pa, naroon ako para mag-aral. Gusto kong ituon ang atensyon ko sa pagkamit ng aking mga pangarap. "Wala pa ang sundo ko," wika ni Venus nang matapos ang huling klase namin ng alas kwatro. "Maghihintay pa rin ako hanggang alas singko. Sasabay kasi ako kay Ate Marianne," sagot ko naman. "O pa'no, bukas na lang ulit. Uuwi na kami nila Claire," ani Eric. Pareho kasing sa Manila ang uwi nito habang si Alvin ay sa Pasig naman na nasa parking lot na ang sundo. Si Venus ay may sariling driver din pero nasiraan yata sa gitna ng daan kaya't wala pa rin. Umupo kami sa bench habang nagkukwentuhan. Palibhasa sa mga yaya lumaki, sanay itong kumain ng tsitsirya at kung ano-anong streetfood sa gilid university. Nanlibre na naman ito kanina bago mag-uwian sina Claire. "Ano ba'ng pinagkakaguluhan ng mga 'yon?" tanong ko nang makitang may mga estudyanteng nagkukumpulan malapit sa gym. "Halika nga makigulo tayo, nang maalis ang inis ko sa driver namin." Hinila ni Venus ang kamay ko kaya't napasunod na rin ako sa kanya. Nakisiksik kami sa ibang estudyante doon. "Isang halik lang, Hunter, dare lang naman 'to!" tudyo ng isang lalaki na sa palagay ko'y estudyante rin doon. Mas matanda nga lang tingnan sa amin. At maangas. Ang tinawag naman nitong Hunter ay matangkad at malakas ang dating. Kaakit-akit ang malalim nitong mga mata at matipuno na ang katawan. Sa palaga'y ko'y matanda ng dalawang taon sa amin. "You've lost the bet, Hunter. C'mon!" sulsol pa ng isang lalaki na kasama ng unang nagsalita. Umikot ang mata ni Hunter at napako ang tingin sa akin. Agad akong umiwas ng tingin, bago muling ibinalik ang tingin sa kanya. Nakatitig pa rin ito sa akin kaya't hinila ko na ang kamay ni Venus para lumayo roon. May nakita akong babaeng mukhang nerd na katabi ni Hunter na siyang pinapahalikan ng mga kaibigan nito. Hawak ng babae ng libro sa dibdib nito, makapal ang salamin na suot, at may braces sa ngipin. Mukha namang gusto ng babae ang magpahalik dahil hindi naman ito nakatungo. Nakatitig pa nga ito kay Hunter. Pero naiinis akong ginagawang katatawanan ng mga lalaking iyon ang babae. "Five... Four... Three..." bilang ng mga taong naroon na tila isang masayang pagtitipon ang nagaganap. "Who are those men?" tanong ni Venus sa isang estudyanteng nanonood din doon. "Hunter and the Gang," sagot naman ng tinanong ni Venus. Naku, kilala ang grupo na 'yan dito na mahilig mang-trip ng mga babaeng alam nilang may gusto sa kanila. "Estudyante ba ang mga 'yan?" tanong ko naman. "Oo, mga mayayabang nga. Pa'no kasi alam nilang pinagkakaguluhan sila ng mga babae dito sa campus." "In fairnness, mga gwapo naman talaga," wika ni Venus. "Lalo 'yung Hunter na 'yon. No wonder..." Totoong gwapo ang apat na lalaki, at pinakaangat sa kanila ang Hunter na 'yon. Pero dahil nayayabangan ako'y mas inis ang nanaig sa dibdib ko. "Ano ang meron? Bakit sila nagkakagulo?" tanong ko ulit. "Naku, ganyan naman ang mga 'yan, walang magawa sa buhay. Na-dare si Hunter na halikan si Miss Dimayuga ngayong araw. Kapag hinalikan niya, siya naman ang magdi-dare sa susunod. Maghahanap na naman sila ng bibiktimahin. Kaya lumayo-layo kayo sa mga 'yan baka kayo ang mapagdiskitahan," anang babae na tila hindi rin natutuwa sa ginagawa ng grupo ni Hunter. "Kung ako naman ang mapipili, why not?" sabat ng babae na kalapit namin na halata ang kilig. "Sino ba ang ayaw mahalikan ni Hunter? Walang talo kapag ikaw ang napili, either may halik ka, o ikaw ang mananalo ng premyo kapag hindi sinunuod ang dare." "Tara na nga, baka nandyan na ang sundo mo," muli kong yaya kay Venus para bumalik sa bench. Hindi naman ako interesado sa dare-dare nila. "I won't kiss her!" narinig kong wika ni Hunter sa malakas sa tinig. Hindi ko alam kung bakit sa tingin ko'y para sa akin ang mensahe na 'yon. "Then you'll lose. Are you sure?" tanong ng isa nitong kasama. Napalingon ako at nakita kong sa akin siya nakatingin. "Let me lose in this game. But I want to win in something else..." sagot nito na hindi pa rin inaalis ang tingin sa akin. Sumimangot ako para ipakita na hindi ko siya gusto. O 'yong mga kilos niya. Bahala na ito kung ano ang gusto nitong isipin. Pero huwag na huwag nila akong pagti-trip-an. "Okay, I'm sorry, Miss Dimagiba," wika ng lalaki sa babaeng nerd na naghihintay ng halik nito. "Your prince charming refuse to kiss you. Hence, you will receive fifty thousand pesos for winning the game. Congratulations!" Lahat ng estudyante roon ay nagpalakpakan, na kanina lang ay panay ang cheer na halikan ni Hunter ang babae. Napasinghap naman ako sa narinig na premyo. Kung pwede lang akong pumalit sa kinalalagyan niya ay ginawa ko na. Malaking tulong sa akin ang singkwenta mil. Halik ba saan ang tinutukoy ng mga ito? Kaya ko ba 'yon? Hindi ko na nakita kung paano tinanggap ng babae ang pera dahil hinila na ako ni Venus. Nasa parking lot na daw ang driver nito. Pero bukod sa malaking premyo na ipinamigay ni Hunter sa babaeng 'yon, hindi mawala sa isip ko kung paano ako tingnan nang mapang-akit at malagkit nitong mga mata. "Oh, Hunter... Stay out of my way..." wika ko sa sarili ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD