SNOW POINT OF VIEW
Isang malakas na tunog mula sa cellphone ko ang biglang umalingawngaw sa buong kusina habang abala ako sa pagluluto ng tanghalian. Napalingon ako agad, pinunasan ang kamay sa apron, at kinuha ang cellphone na nakapatong sa mesa. Napakunot ang noo ko nang makita kung sino ang tumatawag—si Mozz.
Bakit kaya siya tumatawag? Anong kailangan niya? tanong ko sa sarili ko, habang nararamdaman ko ang bahagyang kaba sa dibdib ko. Sinagot ko ang tawag.
“Hello, Snow?” mabilis na sambit ni Mozz. “Pwede ka bang umuwi dito sa Pilipinas?”
Natigilan ako sa narinig ko. Umuwi? Ngayon? Bakit niya ako tinatanong ng ganito? Hindi ba’t alam na ni Andress kung bakit ayaw ko nang bumalik ng Pilipinas?
“Bakit, Mozz? May problema ba?” tanong ko sa kanya, pilit pinapakalma ang tono ng boses ko kahit may halong kaba na.
Narinig ko ang malalim niyang buntong-hininga mula sa kabilang linya bago siya muling nagsalita. “Pasensya ka na, Snow. Pero… kailangan ko ang tulong mo. Kinidnap si Jean. At kailangan ko siyang iligtas. Gusto kong kasama kita.”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Si Jean? Kinidnap? Hindi ko alam kung anong sasabihin.
“Bakit ako, Mozz?” tanong ko, pilit pinapakinggan ang katinuan sa gitna ng kaguluhan ng isipan ko. “Andiyan naman si Andress, kuya mo. Dapat siya ang kasama mo.”
“Please, Snow,” anas niya, at naramdaman ko ang bigat ng kanyang boses. “Kailangan kita. Oo, tinuruan mo ako kung paano lumaban, pero kapag kaharap ko na ‘yung lalaking kumidnap kay Jean, baka mawalan ako ng kontrol. Baka magpadala ako sa galit. Kailangan kita para paalalahanan ako kung anong tama. Para ipaalala sa’kin kung sino ako.”
Nanahimik ako. Napalunok. Ayaw ko nang bumalik. Hindi pa ako handa. Ang daming alaala roon na hanggang ngayon ay kinatatakutan ko.
“Pag-iisipan ko, Mozz,” mahina kong sagot. “Hindi ko pa kayang bumalik.”
“Snow…” muling sambit ni Mozz, pero ngayon ay mas mababa ang tono, mas malalim, mas puno ng pag-unawa. “Alam kong hindi madali. Pero kailangan mong harapin ‘yang mga alaala at takot na iyan. Alam ko na ang totoo sa nakaraan mo. At naniniwala akong ito na rin ang tamang panahon para alamin mo kung sino ba talaga ang nasa likod ng pagkamatay ng daddy mo… walong taon na ang nakalipas.”
Para akong natulala. Napahawak ako sa dibdib ko habang biglang sumilay ang imahe ng aking ama—masayahin, mapagkalinga, at puno ng pangarap para sa akin. Walong taon na mula nang brutal siyang pinaslang, at hanggang ngayon ay wala pa ring hustisya. Wala pa ring sagot.
“Paano mo… paano mo nalaman, Mozz?” mahina kong tanong.
“Hindi ito ang tamang oras para ipaliwanag lahat,” sagot niya. “Pero isang bagay lang ang sigurado—ang taong may kinalaman sa pagkawala ni Jean… ay posibleng siya ring taong may kinalaman sa pagkamatay ng daddy mo.”
Muli akong natahimik. Sa pagkakataong ito, hindi na lang takot ang nararamdaman ko—may halong galit, pagkasabik, at kagustuhang malaman ang katotohanan. Handa na ba akong bumalik? Handa na ba akong harapin ang multo ng nakaraan para sa hustisya, para sa sarili ko, at para sa daddy ko?
Hindi ako agad nakasagot. Tumigil ako sa paghahalo ng niluluto ko, tuluyang napaupo sa gilid ng upuan sa kusina, hawak pa rin ang cellphone. Sa bawat salitang sinabi ni Mozz, para bang isa-isa niyang binubuksan ang mga pintuang matagal ko nang isinara—mga alaala ng sakit, takot, at kawalan.
“Snow?” muling tawag ni Mozz, halos pabulong. “Nandiyan ka pa ba?”
“Hindi mo alam kung gaano kasakit ang bumalik sa lugar na naging saksi ng lahat ng kabiguan ko, Mozz,” mahinahon ngunit nanginginig kong sagot. “Ang pagkawala ni Daddy… ang mga panakot ng mga taong ‘di ko kilala… ang gabi-gabing hindi ako makatulog dahil sa bangungot…”
Alam kong naririnig niya ang panginginig ng boses ko, pero hindi ko na kinaya pang itago.
“Pero alam mo kung ano ang mas masakit?” bulong ko, habang pinipigil ang pagbagsak ng luha. “Ang hindi malaman kung bakit. Kung sino. Ang mabuhay araw-araw na may tanong, pero walang sagot.”
Saglit siyang natahimik, at ang katahimikang iyon ang nagtulak sa'kin para tumayo at humarap sa bintana. Sa labas ay tila payapa ang mundo, pero sa loob ko'y may unos na muling bumabangon.
“Ilang araw mo ako bigyan,” mahina kong sabi. “Kailangan ko lang ayusin ang lahat dito. Pero Mozz… babalik ako. At kapag bumalik ako, hindi lang ako babalik bilang si Snow na dating mahina. Babalik ako bilang Snow na handang ipaglaban ang hustisya—para kay sayo, at para kay Daddy.”
Narinig ko ang paglabas niya ng hininga—tila may bahid ng pag-asa at pasasalamat.
“Salamat, Snow. Alam kong mahirap para sa’yo. Pero salamat.”
“Alamin mo muna ang lahat ng detalye habang wala pa ako. Ayokong bumalik nang walang alam. Ipaghanda mo ako.”
“Aasahan mo. At Snow…”
“Hmm?”
“Sa pagbabalik mo, hindi lang si ako ang matutulungan mo. Baka pati sarili mo na rin.”
Naputol ang tawag.
Naiwan akong nakatingin sa malayo, hawak pa rin ang cellphone. Sa loob ng bahay ay muli kong naamoy ang halos masunog nang ulam, pero wala na akong gana. Ang mas mahalaga ay ang desisyong ginawa ko—isang desisyong magpapabago sa lahat.
Tumakbo ako papunta sa kwarto, binuksan ang lumang kahon na matagal ko nang tinago sa ilalim ng kama. Doon ko iningatan ang lumang litrato namin ni Daddy—nakangiti siya, buo pa ang mundo ko noon.
Hinaplos ko ang gilid ng litrato, saka ako bumulong, “Daddy, pauwi na ako. At sisiguraduhin kong makakamit mo ang hustisyang matagal mo nang hinihintay.”
Tatlong araw matapos ang tawag ni Mozz, bumaba ako ng eroplano sa NAIA. Pagkaapak ng mga paa ko sa lupa, bumalik sa isip ko ang huling gabing magkasama kami nina Mozz at Andress sa mansyon niya sa Amerika. Tahimik kaming kumain ng hapunan, lahat nag-iisip. Alam naming lahat—pagbalik ko ng Pilipinas, magbabago ang takbo ng lahat.
Sa exit gate ng airport, naroon si Mozz. Nakasandal sa itim na SUV, suot ang parehong jacket na suot niya noong paalis kami sa Amerika. Hawak niya ang cellphone habang paikot-ikot ang tingin. Nang magkatinginan kami, agad siyang lumapit at kinuha ang bag ko.
“Snow,” mahina pero matatag ang boses niya. “Salamat. Alam kong hindi ito madali.”
“Hindi talaga,” sagot ko. “Pero wala tayong choice. Kailangan mo nang tulong ko.”
“Si Andress, nasa safe house na. Sinigurado niyang secured ang lahat,” sabi ni Mozz habang binubuksan ang pinto ng sasakyan. “Gusto ka niya agad makausap.”
Tumango ako. “Oo, dapat lang. Ilang araw pa lang mula nung magkausap kami, pero parang ang dami nang nangyari simula noon.”
Noong nasa Amerika pa kami, si Andress ang unang nagpakita ng suporta nang magdesisyon akong hindi na bumalik sa Pilipinas. Walang drama, walang pilitan—isang simpleng, “Kung kailan ka handa, nandoon ako.” At totoo nga siya sa sinabi niya.
Pagdating namin sa safe house—isang compound sa labas ng lungsod—agad kaming pinapasok ng mga bantay. May CCTV sa paligid, may ilang armadong tauhan sa gilid. Maingat ang lahat, at halatang pinaghahandaan ang anumang pwedeng mangyari.
Pagbukas ng pinto, una kong naamoy ang kape. Doon sa loob, nakaupo si Andress, may hawak na tablet, at nakatutok sa screen. Nang maramdaman niyang dumating kami, agad siyang tumayo.
“Snow,” sabi niya habang lumalapit. “Kamusta ang biyahe?”
“Pagod,” sagot ko. “Pero ayos lang. Anong update?”
Lumapit ako sa mesa at tinignan ang mga nakakalat na mapa, larawan, at mga folder. May mga red mark sa ilang lugar—clearly may sinusundan silang galaw.
“Naka-track kami sa isang van na posibleng ginamit sa pagkuha kay Jean,” sabi ni Andress. “Last spotted sa Tarlac, pero nagpalit ng ruta. We have a window of 48 hours. Kapag nalagpasan natin ’yon, mas mahirap na.”
“Then we move fast,” sabi ko.
Tumango siya. “Mabuti at nandito ka. Pareho nating alam—mas malakas tayo kapag magkasama.”
Ngumiti ako ng bahagya. “Katulad ng dati.”