CHAPTER 1—MULTO NANG NAKARAAN

1290 Words
SNOW POINT OF VIEW "Magtago ka, anak!" sigaw ni Daddy habang walang humpay ang malalakas na sipa ng kung sino mang nasa labas ng pinto ng bahay namin. Umuugong ang paligid sa kaba at takot—parang sasabog ang puso ko sa bilis ng t***k nito. Nanlalamig ang buo kong katawan. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nanatili akong nakatayo, nakatitig sa kanya, habang siya naman ay nakatingin din sa akin—mga matang punô ng pagmamakaawa, takot, at pagmamahal. Pawis na pawis na siya, nanginginig ang kamay habang pilit akong itinutulak papasok sa lumang cabinet sa sulok ng kwarto. "Daddy, ayoko! Ano bang nangyayari?" halos pabulong kong tanong, nanginginig ang boses ko habang kumakapit ako sa braso niya. Hindi siya agad sumagot. Sa halip, mabilis niyang isiniksik ang katawan ko sa loob ng cabinet at tinakpan ako ng mga lumang damit—parang gusto niyang itago pati ang hininga ko mula sa panganib. "Wala, anak... wag kang lalabas, ha? Maayos din ni Daddy 'to. Pangako 'yan. Pagkatapos nito, aalis na tayo dito. Lalayas na tayo sa lugar na 'to. Kaya pakiusap... wag kang lilikha ng ingay." Mahina ngunit mariin ang tinig niya habang inilalapat ang isang huling halik sa noo ko—parang huling paalam na hindi niya masabi nang diretso. "Daddy, wag mo akong iwan dito… please…" halos hindi na ako makahinga sa pag-iyak. Kumakapit ako sa laylayan ng kanyang damit, ayaw siyang pakawalan. Gusto kong sumigaw, pero takot ang pumipigil sa lalamunan ko. Ngumiti lang siya—isang pilit na ngiti, bakas ang sakit sa bawat guhit ng mukha niya. "Mahal na mahal kita, anak..." bulong niya, bago siya tuluyang tumalikod. At sa bawat yapak palayo niya, pakiramdam ko unti-unti ring nawawala ang liwanag sa mundo ko. Mula sa loob ng cabinet, halos mapatid ang hininga ko sa kaba. Tumitibok ang puso ko nang napakabilis, para bang sasabog ito anumang saglit. Naramdaman ko ang bahagyang pagyanig ng sahig kasabay ng isang malakas na tunog—BANG! Bumukas ang pinto. Mabibigat na yabag ang pumuno sa buong bahay. Maririnig ang kaluskos ng mga paa, ang pagkabagsak ng ilang gamit, at sa gitna ng lahat ng iyon—ang tinig ni Daddy. "Wag! Huwag n’yo siyang idamay! Anak ko lang ‘yon… bata pa siya! Ako na lang, ako na lang!" sigaw niya, halos punit ang boses sa desperasyon. Napasapo ako sa bibig ko, pilit pinipigilan ang kahit anong tunog na maaaring lumabas. Umiiyak ako, nanginginig, habang patuloy ang pagmamakaawa ng tanging taong minahal at nagprotekta sa akin. "Pakiusap… wag n’yo siyang saktan… wag ang anak ko..." Isang malakas na tunog ang sumunod. THUD. At pagkatapos—katahimikan. Sobrang tahimik, parang huminto ang mundo. Walang yabag. Walang tinig. Walang kahit anong tunog. Hanggang sa unti-unting marinig ko ang sarili kong hikbi. Dahan-dahan akong lumuhod sa loob ng cabinet, niyayakap ang sarili, habang ang mga luha ko’y walang tigil sa pagpatak. "Daddy..." mahina kong sambit, halos hindi ko marinig ang sarili ko. Maya-maya pa, nanginginig ang kamay kong inabot ang seradura ng cabinet. Unti-unti kong binuksan ang pinto, pinipigilang humikbi habang dahan-dahan akong lumabas. Napakabigat ng bawat hakbang, at tila may malamig na hangin na yumakap sa buong katawan ko. Tahimik ang buong bahay. Sobrang tahimik, parang nakikiramay ang lahat sa mga susunod kong matutuklasan. Sumilip ako sa labas ng kwarto, pilit na pinipigil ang kaba, pero nang makita ko siya—parang gumuho ang mundo ko. Si Daddy. Nakahandusay siya sa sahig, hindi na gumagalaw, naliligo sa sarili niyang dugo. Nakadilat ang mga mata niya ngunit wala na itong buhay. Para siyang natutulog... pero alam kong hindi na siya magigising. "Daddy..." bulong ko habang napatakbo ako papalapit sa kanya. Lumuhod ako sa tabi niya at niyakap ko siya ng mahigpit kahit basang-basa na ako ng dugo niya. "Daddy, sabi mo babalikan mo ako… Sabi mo aalis tayo dito…" umiiyak kong sabi habang pilit ko siyang ginigising, tinatapik ang pisngi niya, umaasang magbubukas pa ang mga mata niyang dati’y laging puno ng tapang at pagmamahal. "Bakit, Daddy? Anong kasalanan mo? Bakit nila 'to ginawa sa'yo?!" napasigaw ako, galit at sakit ang humahalo sa tinig ko. Nanginginig ako habang yakap-yakap siya, habang ang luha ko’y patuloy sa pag-agos, kasabay ng mainit na dugo niya sa aking mga kamay. Walang sagot. Ang tanging naririnig ko na lang ay ang hikbi ko… at ang katahimikang mas malakas pa sa kahit anong sigaw. Napadilat ako mula sa pagkakapikit. Malamig ang hangin, at basang-basa ng pawis ang noo ko. Panaginip na naman? bulong ko sa sarili. Walong taon na ang nakalipas, pero ang gabing iyon—ang huling gabing nakita ko si Daddy—ay parang kahapon lang. Paulit-ulit, gabi-gabi, dumadalaw sa panaginip ko na parang ayaw akong lubayan. Dahan-dahan kong pinunasan ang mga luhang hindi ko namalayang tumulo. "I miss you, Daddy…" mahina kong bulong, kasabay ng pagyakap ko sa sarili, parang umaasang kahit sa ganitong paraan maramdaman ko ulit ang init ng mga bisig niya. Habang pinipilit kong bumalik sa kasalukuyan, bigla akong naputol sa pag-iisip nang marinig ko ang marahang pagkatok sa pinto. Tumango ako, pilit na kinakalma ang sarili, at tinungo ito para buksan. Pagbukas ko, bumungad sa akin ang pinsan kong si Andress. Nakangiti siya gaya ng dati, pero nang makita niya ang itsura ko—ang namumugto kong mga mata, ang maputla kong mukha—bigla siyang natigilan. Napalitan ng pag-aalala ang kanyang anyo. "Napanaginipan mo na naman?" tanong niya, mahinahon, puno ng malasakit. Hindi ako nakapagsalita. Tumango lang ako nang bahagya, pilit na nilulunok ang namumuong hikbi sa lalamunan ko. At bago ko pa muling mapigilan ang luha, nagulat ako nang bigla niya akong hilahin palapit at niyakap nang mahigpit—parang sinasalo niya ang lahat ng sakit na bumabalot sa puso ko. "Tama na... hindi mo na kailangang dalhin mag-isa 'yan," bulong niya habang hinahaplos ang likod ko. At sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon, pakiramdam ko… hindi ako nag-iisa. "Babalik na kami ni Mozz sa Pilipinas," sabi ni Andress habang nakaupo kami sa may veranda, tanaw ang malawak na hardin na unti-unting sinisinagan ng araw. "Gusto mo bang sumama? Para makilala mo na rin ang mga magulang niya." Napalingon ako sa kanya, saglit na natahimik. Pilipinas… Ang salitang iyon ay parang sibat na tumusok sa puso ko. Ang bansang iniwan ko. Ang lugar kung saan huling huminga ang Daddy ko—doon siya kinitil ng walang awa, at mula noon, dala-dala ko na ang bigat ng gabing iyon. Nilisan ko ang Pilipinas hindi dahil gusto ko, kundi dahil kailangan kong makalimot… pero kahit sa malayong lugar, sinusundan pa rin ako ng mga multo ng nakaraan. "Pag-iisipan ko pa," mahinang sagot ko, halos bulong, habang pinipigilan kong muli na mapaluha. Tumango si Andress. Wala siyang sinabi, pero ramdam ko ang pag-unawa sa mata niya. Hinaplos niya ang ulo ko—isang simpleng galaw na puno ng malasakit. "Ikaw ang bahala," sabi niya. "Tawagan mo na lang ako kung sakaling magbago ang isip mo. Sa ngayon, mauuna na kami ni Mozz. Ikaw na daw muna ang bahala dito sa mansyon." Inabot niya sa akin ang susi—ang susi ng bahay ni Mozz, ang lalaking tinuruan kong humawak ng baril, ang taong halos araw-araw kong kasamang bumangon mula sa kani-kaniyang bangungot ng nakaraan. "I-lock mo na lang kung aalis ka, ha? Pero sana magpahinga ka muna. Para sa sarili mo naman," dagdag ni Andress bago siya tumalikod at tuluyang lumabas. Nanatili akong nakatayo, hawak-hawak ang malamig na susi sa palad ko. Sa loob ng metal na iyon, dala nito ang tiwala… at paalala ng bagong simula na maaaring naghihintay. Pero handa na ba akong bumalik? Handa na ba akong harapin ang lugar kung saan nagsimula ang lahat… at kung saan natapos ang lahat ng alam kong mundo?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD