“HOY! Ano pa ang itinatayo-tayo mo riyan? Iyong itak!” muli kong mando kay Monina na hindi man lang kumilos sa kaniyang kinatatayuan.
Pagbaling ko ng tingin sa kaniya ay tila malalaglag na ang laway niya habang nakatingin sa rider na nakahalukipkip sa tabi ng motor niya.
“Monina!” halos pasigaw kong turan pero ang loka-loka, tila nasapian pa rin.
“Ano ba? Huwag ka ngang magulo diyan. Time ko na ’to para magka-lovelife. Ang pogi ni kuya,” tila kinikilig pa niyang turan pagkatapos ay bigla nalang niyang hinubad ang suot niyang blazer para ibigay sa akin.
“Isuot mo iyan. Mukha kang b*ld star. Kumakaway na ’yang dede mo. Huwag mo na akong agawan sa isang ito.”
“Pasmado talaga iyang bibig mo,” masungit na ani ko.
Pakiramdam ko tuloy ay napunta na lahat ang dugo ko sa aking mukha. Wala talagang preno kahit kailan ang bibig ng babaeng ’to, eh.
“Eh, bakit ba kasi sa halip na tuwalyang pantakip diyan ang ipakuha mo sa akin, uunahin mo pa ang itak? Aanhin mo ba ’yon?” tanong niya. Ang tingin ay nasa lalaking scammer na ngayon ay ibinabalik na sa ayos ang ibang parcel na inilabas niya kanina mula sa malaking supot sa likuran ng motor niya.
“Basta makisama ka nalang. Mamaya ko na ipapaliwanag,” bulong ko habang ang tingin ko’y nakapirmi rin sa rider na patapos nang ayusin ang ginagawa.
Hinintay kong ibalik niya rin ang maliit na box na kinaroroonan ng item na “in-order ko” raw pero talagang hindi niya talaga ibinalik sa supot niya.
“Oy, kuyang Ulan. Iyang isa, baka makalimutan mong dalhin paalis, ha?” kuha ko sa atensyon niya. Nakita ko ang pangngisi niya bago tuluyang matapos i-secure sa pagkakatali ’yong pinaglalagyan niya ng parcels bago niya ako dahan-dahan na hinarap.
“Order mo iyan, Ma’am, kaya maiiwan po talaga iyan dito.”
Mariin akong napapikit. Nagtagis ang mga bagang ko sa pagpipigil na huwag siyang habulin ng itak pero mukhang pinipilit niya ako. Alam kong trabaho lang ang ginagawa niya, pero utang na loob, bakit ba hindi niya maintindihan na hindi ko nga in-order iyang item na iyan?! Ni hindi ko alam kung ano ang laman ng lintik na box!
“Ilang beses ko ba dapat sabihin na hindi nga ako ang nag-order niyan! Ano ba ang mahirap intindihin doon, kuya? Ang kulit ng lahi mo ano?”
“Ang sungit mo naman kay pogi, friendship. Wala ka bang pambayad? Meron ako rito. Hindi ko pa naman gagamitin kaya hiramin mo muna,” mahinang alok ni Monina sa akin. Tila nagpa-pacute pa dahil nagniningning ang mga mata niya habang nakatingin sa delivery rider.
At ang lalaking ubod naman ng kulit, may lahi yatang aso, ang talas ng pandinig dahil narinig niya ang ibinulong sa akin ni Monina.
“Oh, iyon naman po pala. Pahihiramin ka daw po ng kaibigan ninyo.”
“Hindi ako manghihiram ng pera para lang ipambayad diyan sa parcel na hindi naman akin!”
Nauubusan na talaga ako ng pasensiya. Halos pumitik na ang ugat sa kilay ko lalo na nang makitang nasa dibdib ko ang tingin niya!
“Monina, ang itak,” kuyom ang palad at magkadikit ang mga ngiping bulong ko kay Monina habang hindi ko hinihiwalay ang tingin sa lalaki.
Hindi gumalaw si Monina sa kaniyang kinatatayuan kaya minabuti kong ako nalang ang pumasok sa loob ng bahay para kunin ’yong itak na regalo sa akin ni tatay. Iyon din ang itak na ginamit panakot ni Tatay noon kay Kristof nang aminin naming buntis ako.
Pagkapasok ko ng bahay ay naabutan ko si Kristofer na nakatutok sa kaniyang pinapanood. Nakasalang kasi iyong paborito niyang cartoon show.
Dali-dali kong tinungo ang pinaglalagyan ko ng itak. Binuksan ko ang cabinet na nakabuilt-in sa ibaba ng lababo. Pagkakuha ay mabilis din akong lumabas ng bahay.
Nadaanan ko pa sa sala ang anak ko na tutok na tutok pa rin sa telebisyon. Sinasabayan na niya yung kanta ng pinapanood niya.
Nang nasa tarangkahan na ako ay napatingin ako sa hawak kong itak. Hindi ko naman ito gagamitin sa dahas. Ipapanakot ko lang doon sa ulupong na delivery rider dahil napakakulit. Sinabi nang hindi ko in-order iyon pero ipinagpipilitan pa rin niyang i-receive ko.
Aba’y sinusuwerte siya! Katulad nga ng sinabi ko, hindi niya ako ma-i-scam.
“Ayaw mong i-cancel, ha? Manyak ka pa, ah. Tingnan natin ngayon ang tapang mo,” bulong ko at muling naglakad palabas ng aming maliit na tarangkahan.
Pagkalabas ay nabungaran ko na masayang nag-uusap sina Monina at ang delivery rider. Ang harot ng tawa ni Monina. Halatang nagpapa-cute. May pahampas-hampas pa siyang nalalaman sa braso nito na gustong-gusto naman ng lalaki.
Panandalian akong natigilan nang makita ang nakatawang mukha niya. He is perfect from head to toe.
Kung hindi ko nga lang alam na delivery rider siya, pagkakamalan ko siyang isang bilyonaryong Koryano na nagpapanggap lang na ordinaryong tao. Napakaganda ng tindig, balat at pangangatawan. Pati ang ngipin ay napakaputi na parang modelo sa commercial ng toothpaste.
Nagbalik lang ako sa huwisyo nang marinig ang pagtawag ni Monina sa pangalan ko.
“Ano, friendship? Bayaran ko muna?” malawak ang pagkakangiting tanong niya sa akin. Muli akong nakaramdam ng inis. Aba’y nais pa yatang gamitin ng lalaking ’to ang kaharutan ng bestfriend ko!
Humanda ka sa akin, manyak ka!
“Tumabi ka riyan, Monina at mag-uusap nga kami nang masinsinan nitong si kuya,” utos ko kay Monina.
Agad naman siyang tumabi. Sinamantala ko ang pagkakataon. Dahan-dahan akong naglakad habang hilaw na nakangiti. Itinaas ko ang itak at bahagyang ipinalo-palo sa palad ko ang dulong bahagi nito habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa kaniya.
Nakita ko ang pahapyaw niyang pagtingin sa itak na hawak ko. Umalon ang adam’s apple niya. Gusto kong tumawa lalo na nang halos ilang hakbang nalang ako mula sa kaniya dahil napaayos siya ng tayo at bahagyang napa-atras. Nakatingin siya sa hawak kong itak.
“Ano, kuya? Ika-cancel mo ba iyan o mag-uusap kayo nang masinsinan ng itak ko?” nakangiti kong turan habang patuloy sa ginagawang pagpalo sa itak sa aking palad.
“M-Ma’am hindi magandang biro iyan. Baka bulungan ka ng demonyo,” utal niyang sabi.
“Talagang dedemonyohin ako kapag hindi ka pa umalis dito!” sikmat ko sa kaniya at ginawang panuro ang itak. Nawala na ang ngiti ko. Humakbang ako nang humakbang patungo sa kaniya. Siya naman ay atras lang nang atras habang ginagawa niyang panangga ang dalawang palad.
“Friendship, naman, eh! Aalisan mo pa ako ng pag-asang magka-lovelife! Akin na nga iyang itak mo,” pigil ni Monina pero sinamaan ko lang siya ng tingin kaya nanahimik siya. Muli kong binalingan ang rider.
“Umalis ka na rito at dalhin mo iyang carton mo!”
Dahil yata sa takot na ma-itak ay mabilis na kumilos ang rider. Kinuha niya ang maliit na carton at mabilis na inilagay sa loob ng supot. Matapos maitali iyon ay mabilis siyang sumampa at binuhay ang makina ng kaniyang motor.
“’I shall return!” sigaw niya habang kumakaway nang mapaandar na niya ang kaniyang motor.
“Anong I shall return, I shall return? Subukan mo lang bumalik, tutuliin kita!”
“Tuli na ako!” Halos mangamatis ang mukha ko dahil sa sinabi niya.
Bago pa siya tuluyang makalayo ay nagtanggal ako ng tsinelas at ipinahabol na ibinato sa kaniya.
“Bastos!”
Bwisit na iyan. Huwag lang talagang magkrus ulit ang mga landas namin!