MATAPOS nga ang semester, umuwi ako ng probinsiya kasama si Kristof. Natatakot ako sa maaaring gawin nina Tatay at ng dalawa kong kuya sa kaniya pero desidido siyang samahan ako para sabihin sa kanila ang kalagayan ko. Dahil doon ay mas lalo ko pa siyang minahal. Kasi iyong iba, nawawala na lang matapos mabuntis ang babae.
Nagulat sila nang ipakilala ko si Kristof. Ang alam kasi nila ay wala pa akong nobyo at pag-aaral lang ang inaatupag ko sa Maynila.
"'Nay, 'Tay, may sasabihin po sana kami sa inyo." Nagkatinginan kami ni Kristof. Ako ang unang nagbawi. Nagyuko ako ng ulo at nilaro ang hawak kong balat ng orange.
Napaigtad ako nang padabog na inilapag ni Tatay sa lamesita ang hawak niyang tasa ng kape. Ubos na ang laman no'n at alam kong ubos na rin ang pasensiya niya sa paghihintay ng sasabihin ko.
Siniko ko sa tagiliran si Kristof, saka siya tiningnan nang matalim. "Sabihin mo na," iritadong usal ko sabay hila pa sa manggas ng t-shirt niya para umayos siya ng upo.
Pero hindi pa man bumubuka ang bibig niya para magsalita ay biglang tumayo si Tatay mula sa kinauupuan niya at nagpamaywang sa aming harap. Ang itak na pinapanday niya ay mariin niyang hawak.
"Huwag mong sabihin na buntis ka at siya ang ama, Sunshine?" tanong ni Tatay na sinulyapan pa ang tiyan ko. Walang bakas ng biro sa mukha niya. Napakaseryoso kaya lalo pa akong nakaramdam ng kaba.
Nakagat ko ang loob ng pang-ibaba kong labi, saka mariing napapikit dahil sa tanong niya. Hindi ako agad nakapagsalita.
"Tinatanong kita, Sunshine! Sumagot ka nang maayos dahil kung hindi, tatamaan kayong dalawa sa akin!"
"Emiteryo, huwag mo ngang daanin sa init ng ulo. Kumalma ka nga at makinig muna sa kanila bago kung ano-ano ang sinasabi mo," awat ni Nanay kay Tatay.
Mariin akong napapikit at nagbilang ng sampu bago muling idinilat ang aking mga mata. Nandito na 'to, eh. Walang mangyayari kung itatago pa. Malalaman at malalaman din naman nila kapag napansin na nila ang paglobo ng tiyan ko.
"S-Sorry po, 'Tay, ’Nay. Hindi naman po namin sinasadya na mabuntis ako—"
"Ay, putang*na!"
Biglang lumapit si Tatay kay Kristof at mabilis siyang kinuwelyuhan. Umawat ako ngunit tinabig lang ni Tatay ang kamay ko.
“’Tay, tama na po—”
"Tumigil ka!” putol sa akin ni Tatay. Bakas na bakas sa mata at mukha niya ang galit dahil sa pamumula ng balat niya. Ang kaniyang boses ay nanginginig din.
“Hindi niyo sinasadya? Paanong nangyaring nabuntis ka kung hindi niyo sinadya?!"
"'Tay, pananagutan ko po si—"
"Huwag mo akong matawag-tawag na tatay, hayup ka! Binuntis mo ang anak ko kaya talagang panagutan mo dahil kung hindi, papatayin kita!" putol ni Tatay sa gustong sabihin ni Kristof. Itinaas niya ang isang kamao at handa na iyong ipatama sa mukha ni Kristof kaya napasigaw ako at muling umawat. Si Nanay rin ay naki-awat na dahil alam kong nag-aalala siya sa pagtaas ng presyon ni Tatay.
“’Tay!”
“Tama na ’yan, Teryo!”
Pero hindi nagpaawat si Tatay. Pinatama niya ang kamao sa mukha ni Kristof dahilan para mabuwal siya ngunit muli rin siyang hinatak sa may kuwelo para muling itayo. Hindi umiwas si Kristof. Hinarap at tinanggap niya ang ilan pang suntok ni Tatay hanggang sa pabagsak siyang binitiwan. Mabilis kong dinaluhan si Kristof at pinunasan ang gilid ng kaniyang labing dumudugo.
Si Tatay naman ay tila nanghihinang sumandal sa pader. Namumula pa rin sa galit ang kaniyang mukha; ang labi at mga kamay niya’y nanginginig.
Umalis si Nanay at maya-maya pa’y bumalik din na may dalang tubig. Ipinainom niya iyon kay Tatay pagkatapos ay hinagod-hagod ang kaniyang likod.
"Ang akala namin ng Nanay mo ay nag-aaral ka nang mabuti pero paggawa na pala ng bata ang inaaral mo sa Maynila. Saan ba kami nagkulang ng paalala sa ’yo? Hindi nga kami tumutol nang sabihin mong gusto mong sa Maynila mag-aral. Nangako kang tatapusin mo muna ang pag-aaral bago ka makipag-nobyo pero ano ngayon ito?! Ang hirap ng buhay, alam mo naman iyan. Saksi ka sa lahat ng hirap namin ng Nanay mo mapag-aral ka lang!”
Nanlabo ang paningin ko dahil sa luha dahil sa sinabi ng Tatay. Tila kinurot nang pinong-pino ang dibdib ko. Napasubsob ako sa sariling mga palad at napahagulgol habang ilang beses na humihingi ng tawad sa kanila.
"Sorry po kung ako ang naging dahilan para mabigo ang pangarap n’yo kay Sunshine. Pero mahal ko po ang anak ninyo at handa ko pong itaguyod ang bubuuin naming pamilya,” lakas loob na wika ni Kristof. Muling binalingan nang matalim na tingin ni Tatay si Kristof.
"Mahalaga sa isang relasyon ang pagmamahal, pero hindi kayo mapapakain niyan! Hindi mapapawi ng pagmamahal na sinasabi mo ang kumakalam niyong sikmura lalo na kapag nag-iyakan ang mga anak niyo sa gutom. Ang akala niyo siguro ay gano'n lang kadali ang pag-aasawa?" Umiling-iling si Tatay saka marahas na nagpakawala ng buntonghininga.
Muli siyang umupo sa upuan niya kanina saka pabagsak na isinandal ang kaniyang likod sa backrest ng upuan. Salitan niya kaming tiningnan at ilang beses pang nagbuga nang malalalim na buntonghininga.
"Pero nariyan na 'yan. Wala na tayong magagawa. Ayokong madehado ang anak ko kaya tawagan mo ang mga magulang mo at papuntahin dito. Pag-usapan na natin ang kasal niyong dalawa habang hindi pa lumalaki ang tiyan ni Sunshine," pinal na wika ni Tatay.
Agad ngang namanhikan ang pamilya nina Kristof kinabukasan. Pero ang akala naming simpleng pamamanhikan lang ay araw na rin pala mismo ng aming kasal.
Mabilis ang mga naging pangyayari. Kumpare kasi ni Tatay ang judge dito sa amin kaya walang naging problema. Wala rin namang tumutol sa pamilya ni Kristof.
"You may now kiss the bride." Mabilis na lumapat ang labi ni Kristof sa aking mga labi. Palakpan ang pumuno sa maliit na silid na aming kinalalagyan mula sa bente kataong naging saksi ng aming simpleng kasal.
*
*
*
ISANG linggo pagkatapos ng kasal namin ay napagpasyahan naming bumukod gamit ang perang nalikom noong kasal. Ibinenta rin ni Kristof ang kotse niya para gawing pandagdag sa aming gagawing kapital sa negosyo. Alam kong mahal na mahal niya ang kotse niya, pero ayon sa kaniya, kami na ang numero unong prayoridad niya. Mawala na raw ang lahat huwag lang kami ng anak niya.
Sa tapat ng inuupahan namin ay nagtayo kami ng isang maliit na tindahan na kahit papaano'y kumikita naman. Sakto para sa pang-araw-araw naming gastusin ni Kristof. Sa gabi naman ay nagpa-part time job siya sa isang fast food restaurant tapos sa umaga ay nag-aaral. Ilang buwan na lang magtatapos na siya sa kursong criminology. Ako naman ay tumigil muna dahil medyo maselan ang pagbubuntis ko.
Naging masaya ang aming pagsasama. Oo, mahirap nga na katulad ng sinabi noon ni Tatay. Minsan nag-aaway kami, pero hindi namin kinatutulugan ang samaan ng loob. Pinag-uusapan namin kaagad para magkaintindihan at hindi na lumaki pa.
*
*
*
LIMANG buwan pa ang matuling lumipas. Dumating na ang araw ng pagtatapos ng aking asawa.
"Susunod na lang kami ni Monina, mamaya. May dadaanan lang kami," nakangiti kong wika habang kausap sa cellphone si Kristof. Nauna na kasi ito kasama ang mga biyenan ko kanina. Nagpahuli ako dahil kailangan pa naming daanan ng bestfriend ko ang mga pagkain na in-order namin para sa celebration mamaya.
Hindi niya alam ang tungkol doon. Gusto ko siyang isurpresa. Dito man lang ay maipadama ko kung gaano ako nagpapasalamat sa lahat ng sakripisyo niya para sa akin at para sa magiging anak namin na anumang oras ay lalabas na.
"Sige, mahal, mag-ingat ka, ha? Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita— kayo ng baby natin."
"Alam ko naman iyon at gano'n din ako. Mahal na mahal din po kita, Mr. Kristof Andrada. Oh, siya, sige na't baka hindi pa ako makaabot sa graduation mo—"
"Basta mahal na mahal kita."
"May kasalanan ka ba?" tanong ko ngunit tumawa lang siya.
"Oh, ano'ng nakakatawa? Bye na nga! Magkita na lang tayo mamaya riyan." Nakangiti kong pinatay ang tawag. Pero hindi pa man ako nakakahakbang patungo kay Monina na nasa labas na ay bigla akong nakadama ng p*******t sa aking tiyan.
Napahawak ako sa dingding nang mas lumala pa ang sakit. "Monina!"
"Bakit? May sunog?" humahangos na wika ni Monina.
“Abnormal! Tawagan mo sina Nanay at Tatay, dali! Manganganak na ako— Aray!”
“s**t! Wait lang, wait! Ano ba, teka!” Hindi siya magkandaugaga sa pagkuha ng cell phone sa bag niya kaya iniabot ko na lang ang cellphone ko sa kaniya.
Taranta niyang tinawagan ang mga magulang ko matapos abutin ang cell phone ko. Nanginginig pa ang mga kamay niya habang paroo’t paritong naglalakad sa harap ko.
*
*
*
MABILIS namang napasugod dito sa bahay sina Nanay at Tatay matapos tumawag ni Monina sa kanila. Isang kanto lang naman kasi ang pagitan ng bahay na nilipatan nila rito sa Maynila.
Nakarating kami sa ospital makalipas ang humigit-kumulang bente minuto.
“Si Kristof! Tawagan niyo ang asawa ko!” hiyaw ko habang pinaglalabanan ang sakit na aking nararamdaman. Halos lahat na yata ng santo ay natawag ko na para lang humingi ng tulong na ibsan ang sakit na nararamdaman ko.
“Oo, natawagan na ng Nanay mo,” mahinahong wika ni Tatay habang hinahaplos ang aking likod.
“Aray!” muli na naman akong napahiyaw nang muli kong maramdaman ang tila umiikot at pumupunit sa aking lamang loob.
”F*ck! Ang sakit. Hindi na po ako uulit, Lord!” pipi kong usal.
Ilang sandali lang ay dumating na ang OB na magpapaanak sa akin. Matapos niya akong i-internal exam ay agad akong pina-assist sa mga nars.
Si Kristof? Bakit ba ang tagal niya?
“Dead on arrival. Sinalpok ng kotse ’yong motor niya. Ang tindi nga ng damage, talagang wasak.” Dinig kong usapan ng dalawang rescue staff na dumaan saktong paglabas namin ng labor room. Ililipat na kasi ako sa kabilang kuwarto kung nasaan ang delivery room.
Pag-andar ng stretcher na kinalululanan ko ay sakto naman ang pagbukas ng isang pinto at inilabas ang isang stretcher na may nakahigang duguan. Nang magkapantay kami ay tila namanhid ang buo kong katawan nang makita ang mukha ng nakahiga. Doon ko lang din napansin ang limang tao na naroon sa malapit niya. Sina Nanay at Tatay, ang mga biyenan ko at si Monina.
“Kristof . . .” bulong ko kasabay ng pagbalong ng masaganang luha sa aking mga mata. Halos hindi ako makahinga.
Pinilit ko pang abutin ang kamay niya pero hindi ko na nagawa. . .