CHAPTER 3

1177 Words
NAPAHIKAB AKO at nag-unat ng mga kamay. Mag-aalas dose pa lang ng tanghali pero pakiramdam ko ay antok na antok na ako. Hindi naman ako napuyat kagabi pero parang hinihila na ako ng kama. Mabuti sana kung wala na akong klase. Napatingin ako kay Monina na kanina pa parang aburido at kinakalkal ang bag niya. Kumuha ako ng isang papel. Nilamukos ko ito at pinagkorteng bilog bago ibinato sa nakasimangot na mukha niya. “Aray naman! Bakit ka ba nambabato?!” reklamo niya. Pinulot niya iyong papel sa sahig at ibinato pabalik sa akin. Napatawa ako. Parang ang cute-cute ng tingin ko ngayon sa kaniya. Sa paningin ko ay para siyang si Barbie. Gusto kong kurutin iyong mga pisngi niya. “Sungit naman.” Napalabi ako. “Ano ba kasi’ng hinahanap mo riyan sa bag mo?” Tumayo ako’t nilapitan siya habang panay pa rin ang paghikab ko. Mukhang kailangan ko ng kape. “Iyong napkin ko kasi, hindi ko mahanap. Ang alam ko na-idala ko iyon, eh,” aniya habang sige pa rin sa paghalungkat sa kaniyang bag. Kulang na lang ay baliktarin niya iyon at itaob lahat ang laman. Napailing na lang ako at binuksan ang sariling bag para hagilapin ang napkin ko. Nang makapa ang napkin ay kumuha ako ng isa at mabilis na iniabot sa kaniya. “Oh, huwag mo nang hanapin at baka wala naman talaga. Ito na lang, oh.” “Hindi, meron talaga iyon. Pero thanks, friendship!” Mabilis niyang tinanggap iyon at ibinulsa bago patakbong pumunta sa CR. Nailing na lang ako. Pero may napagtanto ako kaya sinilip ko ulit ang loob ng bag ko. Nangunot ang noo ko at sandali akong napaisip. “Bakit, parang hindi pa bawas ito?” bulong kong kausap sa aking sarili habang nakatingin sa napkin na dapat sana ay ilang piraso na lang ang natira kung dinatnan na ako ng regla nitong buwan. Inilabas ko ang cell phone mula sa bulsa ng aking palda. Hinanap ko agad ang kalendaryo para tingnan ang petsa. Nang makita ay napalunok ako nang sobrang diin. Mahigit isang buwan na simula nang huli kaming mag-s*x ni Kristof, at tatlong linggo na rin akong hindi dinadatnan. “Hindi puwede ’to.” Napapikit ako at nagulo ang sariling buhok. “Hindi naman siguro. Stressed lang ako lately kaya siguro ako delayed ngayon. Tama, gano’n nga,” pangungumbinsi ko sa sarili ko kahit pa sobrang kinakabahan na ako. * * * LUMIPAS pa ang tatlong linggo. Hindi pa rin ako dinadatnan kaya nagpasya akong sabihin na kay Monina. “Hayan! Sinasabi na nga ba’t totoo ang kutob kong ibinaba mo na ang bandera kay Kristof! Diyos ko naman, Sunshine! Kung ginawa niyo iyan, sana man lang gumamit kayo ng proteksiyon, ano? Hindi iyong puro putok-putok na lang!” Panay ang talak sa akin ni Monina habang papunta kami sa botika para bumili ng PT. Wala naman akong magawa kasi totoo naman ang mga sinasabi niya. “Friendship, huwag na lang kaya? Nakakahiya kasi—” “Tanga! Hihintayin mo na lang na lumaki ’yan?!” “Baka kasi may makakita—” “Tanga! Pero hindi ka natakot noong bumukaka ka?!” Napakamot na lang ako sa ulo dahil sa katalasan ng dila ni Monina. “Hintayin mo ako rito. Ako na ang bibili.” Inirapan pa niya ako bago siya pumasok sa loob ng botika. Pagkaraan ng dalawang minuto ay bumalik siya hawak ang PT na nakabalot sa lalagyan na yari sa lumang magazine. Apat ang binili niya para daw sigurado. Pagkarating na pagkarating namin sa University ay dumiretso na ako sa banyo. Siya naman ay naghintay sa labas. Matapos makakuha ng sample ng ihi ay agad ko iyong ipinatak sa apat na PT na nakahilera sa itaas ng lavatory. Halos pigilan ko ang paghinga ko nang dumaloy ang likido sa mga iyon. Nagkulay pula ang unang linya. Tumalikod ako at iwinagwag ang dalawang kamay para maalis ang tensiyon na lumulukob sa akin. Nanlalamig na ang mga palad ko. Kapag nag-positive, hindi ko alam kung paano haharap kina Nanay at Tatay. Pagkaalala palang sa mga magulang ko ay tila nanlambot na ang mga tuhod ko. Napaiyak na ako nang tuluyan. Nangako ako sa kanila na hindi ako gagaya sa ibang dalaga sa amin na maagang nagbuntis. Kaya ano na lang ang mukhang ihaharap ko? Lumipas ang isang minuto. Kumakatok na rin si Monina sa labas. Pero parang hindi ko kayang tingnan ang resulta. “Sunshine, okay ka lang ba?” tanong ni Monina. Tumango ako na tila ba makikita niya iyon bago bumuka ang aking bibig para magsalita. “O-Oo! Okay lang ako. Sandali na lang!” Dahan-dahan akong humarap kung nasaan ang mga PT. Nakapikit ang aking mga mata pero unti-unti rin akong nagmulat. Nang makita ang mga resulta ay natutop ko ang aking bibig. Nalaglag ang aking mga luha. Nanginginig ang mga kamay ko nang damputin lahat ang PT. Lahat ng mga ito ay dalawang pulang linya. Kumatok muli si Monina. Sa pagkakataong ito ay lumabas na ako. Ibinigay ko sa kaniya ang mga PT. Pero alam kong nahulaan na niya agad dahil hindi pa man niya nakita iyon ay nangilid na ang luha niya at niyakap ako nang mahigpit. Umiyak ako sa balikat niya habang siya ay inaalo ako. “Tahan na, Friendship. Makakasama sa bata iyan. Kausapin natin mamaya si Kristof, ha? Kailangan ka niyang panagutan.” Tumango-tango lang ako habang patuloy sa pag-iyak. Paano kapag hindi niya ako pinanagutan? Lalo akong naiyak sa naisip ko. Natigil lang kami nang may mga pumasok na estudyante. Kumalas ako sa pagkakayakap kay Monina. Siya naman ay pasimpleng ibinulsa ang mga PT ko, saka niya ako inakay para lumabas ng banyo. * * * KAGAYA ng napag-usapan namin ni Monina kanina, dapat malaman din ni Kristof ang kalagayan ko. Pagkatapos ng klase namin ay sinundo na ako ni Kristof. Makahulugang tingin lang naman ang ipinukol sa akin ni Monina. Dinala ako ni Kristof dito sa bahay nila. Pero hindi gaya ng nakaraang pagkakataon na excitement ang nararamdaman ko. Nang maihiga niya ako sa kama ay nag-iwas ako ng mukha nang tangka niya akong halikan. Bumalikwas ako ng kama at umupo. “Bakit?” Bakas ang pagtataka sa boses ni Kristof. Nagsimulang mangilid ang mga luha ko. Hindi ko alam kung bakit, pero napaka-emosyonal ko. Nataranta naman siya at agad akong niyakap. “May masakit ba? I’m sorry. Dapat sinabi mo sa akin kanina. Hindi naman kita pipilitin kung ayaw mo, Mahal. Sorry na, tahan na,” alo niya sa akin. Umiling ako at lalong napaiyak. Nanatili lang kaming magkayakap hanggang sa huminahon ako. Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya, ganoon din siya. Tinitigan niya ako sa aking mga mata habang pinupunasan ang aking mga luha. “Okay ka na? Hmmm?” “M-May kailangan kang malaman, Kristof,” turan ko pero muling pumiyok ang boses ko. Muling nagsilaglagan ang mga luha ko. “Tell me,” aniya habang nakalapat sa aking pisngi ang kaniyang palad. Humugot ako nang isang malalim na hininga bago magsalita. “Buntis ako, Kristof!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD