CHAPTER 9

1512 Words
“WALANG HIYA talaga ang lalaking iyon!” Mariin kong ipinaglapat ang aking mga labi. Nagtatagis ang aking mga ngipin at panay ang himas ko sa aking dibdib dahil sa gigil ko. “Hayop na ’yon! Hayop din iyong nang-i-scam sa akin! Huli na ’to. Kapag nakita ko pa talaga ulit sa labas ng bahay ko iyong kumag na ’yon, siya ang unang makakatikim ng itak ko,” turan ko habang panay ang pagpapalagutok ko ng daliri sa aking kamay. Nagpakawala ako ng hangin para mabawasan ang nararamdamang inis sa nangyari kanina. Hindi ko nga rin talaga alam kung bakit kay Ulan ako naiinis, samantalang siya lang naman ang nautasang mag-deliver sa akin ng item na iyon. Dapat sa tarantadong seller ako nagagalit dahil sa pagpapadala niya sa akin ng hindi ko naman ino-order, hindi sa kaniya. Pero dahil siya ang nakaharap ko, eh, ’di natural na sa kaniya mababaling lahat ng gigil at inis ko. Para mapakalma ang sarili, binuksan ko ang fridge para kumuha nang malamig na tubig. Binuksan ko ang isang 1.5 liters na plastic bottle na naglalaman ng tubig at diretsong uminom mula rito. Tuloy-tuloy kong nilagok ang tubig na akala mo’y uhaw na uhaw ako dahil sa malayuang pagtakbo. Halos makalahati ko ang laman bago ko tigilan ang pag-inom. Gamit ang likuran ng palad, pinunasan ko ang gilid ng aking labi nang may maiwang patak ng tubig. Muli kong ibinalik sa loob ang plastic bottle, saka isinara ang pinto ng fridge. Nang mahimasmasan, umayos ako ng tayo at binalingan ang nakasarang pinto dahil may bigla akong naisip. Narinig ko na ang pag-alis ng motor ni Rain kanina. Iyong vibrator... Pagkaraan ng ilang segundo ay tinungo ko ang pinto para lumabas. Nasa labas pa iyong item na inihagis ko kanina kasama ang balot. Nakasulat doon ang pangalan ng sender at address. Maski pangalan ko ay naroon din. Kapag may nakakita at nakapulot na kapitbahay doon, siguradong iba na naman ang iisipin patungkol sa akin. Eksaktong paglabas ko naman ay siyang pag-ibis ng tricycle sa tapat ng bahay. Bumaba mula roon si Monina. “Oh, katatapos ng shift mo?” bungad ko sa kaniya nang buksan ko ang tarangkahan. Hindi niya ako pinansin, hindi umimik at nasa ibang direksiyon ang kaniyang mga mata. Nakakunot ang kaniyang noo, kulang nalang ay magdikit ang mga kilay niya. Napalabi ako at sinundan ng aking mga mata kung saan siya nakatingin. Mariin kong nakagat ang pang-ibabang labi at napahilamos ng mukha nang makitang nilalaro ng aso gamit ang kaniyang nguso iyong víbrator na inihagis ko kanina. Nasapo ko ang sariling noo pababa sa aking mata para takpan ang mga ito dahil sa sunod-sunod na kahihiyan. Diyos ko, buti nalang talaga wala rito ang anak ko at si Nanay. Baka pati ang isang iyon ay isiping tigang na rin ako gaya ng sinabi nina Jing-Jing nang dahil lang sa bagay na iyan. “Shoo! Shoo! Alis!” taboy ni Monina sa aso gamit ang kaniyang payong. Dalawang beses niyang ginawa iyon dahil hindi agad umalis ang aso. Mabilis namang tumakbo ang aso palayo matapos ang ikalawang taboy niya. Pagkaalis palang ng aso ay kaagad siyang humakbang patungo sa kinaroroonan ng vibrat0r ngunit mabilis pa sa alas-kuwatro akong tumakbo papunta sa kinalalagyan ng bagay. Pinulot ko ang vibrat0r at box, saka ko ibinalik sa loob nito. Mahigpit kong hinawakan ang makasalanang bagay, saka itinago sa aking likuran. “Hoy, ano ba? Bakit mo ako inunahan? Patingin niyan.” Sumilip siya sa likuran ko at pilit na inaagaw ang bagay. “Ayoko!” Umiwas ako at lumayo sa kaniya. Umiling ako ng ilang beses, pero sa ugali ni Monina, walang bagay na hindi niya nakukuha sa kakulitan. Hindi niya ako tinigilan at napapatingin na rin ang mga kapitbahay kaya wala akong nagawa kung hindi hilahin siya sa kamay papasok ng bahay. “Makahila naman ’to, oh! Bakit ba—Aray ko naman!” reklamo niya nang mauntog sa may pinto. Pagkapasok namin sa loob ay binitiwan ko na ang kamay niya. Masama ang tingin niya sa akin na para bang gusto rin niyang gumanti habang himas-himas ang noo niyang na-untog. “Titingnan lang naman, eh. Ang damot. Sa ’yo ba ’yan?” nakairap niyang tanong na tila ba isang batang paslit na ayaw isama sa laro. Wala akong nagawa kung hindi ipakita ang bagay sa kaniya. Mula sa aking likuran, dahan-dahan kong ipinakita sa kaniya ang hawak ko. Hindi nakabalot sa bubble wrap ang bagay kaya kaninang inalis ko mula sa pouch ng courier ay kitang-kita ang nakasulat sa box nito. Nanlaki naman ang mga mata niya habang nakatingin dito na akala mo ba’y isang malaking ginto ang nakikita niya ngayon. Napa-o ang bibig niya at natutop iyon habang hindi inaalis ang tingin sa vibrat0r. “Gagu, bakit mayroong ganito sa labas ng bahay mo? Don’t tell me. . .” Muli siyang nagtakip ng bibig. Mula sa bagay, nalipat ang tingin niya sa akin na para bang inaakusahan ako dahil sa uri ng tingin niya. “Alam ko iyang nasa isip mo, Monina, kaya tigilan mo ’yan. Hindi sa akin ito. Pumunta rito kanina iyong hitsurang koreano na delivery rider—” “Si Rain?” mabilis niyang putol sa akin. Ang mata niyang tila nang-aakusa kanina, ngayon ay napalitan ng kakaibang kinang. “Oo, siya nga! Simula talaga nang siya na ang nagde-deliver dito, lagi nalang akong nai-scam. Kinuha ko na nga lang ito kanina para pagbigyan, eh. Binuksan ko pa sa harap niya. Tapos ang makikita ko, itong kulay pink na plastik na tit-ing ito?!” Itinaas ko ang box para maipakita sa kaniya. “Ito naman, trabaho lang walang personalan. ‘You ship, we deliver’ nga ang motto nila, hindi ba?” “Ay, basta! Kumukulo ang dugo ko sa kaniya!” Gigil kong inihagis ang box na naglalaman ng vibrat0r sa sofa. Dahil nakabukas iyon, tumalbog palabas ang laman kaya nagkatinginan kami ni Monina. Sabay rin kaming napalunok na tila ba bigla nalang may humarang na kung ano sa lalamunan namin. Ilang sandali pa’y nilapitan ni Monina ang bagay. Yumuko siya para pulitin iyon. Nang mahawakan ay dahan-dahan siyang umayos sa pagkakatayo na para bang biglang bumagal ang galaw niya. Titig na titig siya sa roon. Sinipat-sipat niya ang bawat anggulo ng bagay. Hindi pa siya nakuntento at talagang inilapit pa sa kaniyang mata na para bang malabo na ang mata niya kaya kailangan niyang tingnan nang ganoon kalapit. “Hoy ano ba! Para kang tanga diyan. Akin na nga!” Pilit kong inaagaw ang bagay sa kaniya ngunit iniiwas niya lang iyon habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa bagay. Aba’y tinamaan ng lintik! Nakakahipnotismo ba ang vibrat0r? Napakamot nalang ako sa patilya at hinayaan siyang hawak iyon. Hindi nagtagal ay narinig ko ang paghagikhik ni Monina. Nang tingnan ko siya ay gumagalaw na iyong vibrat0r. Diyos ko po! Mababaliw ako sa babaeng ito. Ginawa nang laruan. Inilapag niyo iyon sa sofa habang gumagalaw. Inilapag na rin niya pati ang bag at jacket bago siya sumalampak ng upo sa sahig. “Cutie, cutie, cute, cute!” Pumalakpak siya kasabay ng panginginig ng vibrat0r. Nawindang ako nang hawakan niya ang dulo ng bagay na iyon. Nagulat yata siya nang maramdaman niya ang pagv-vibrate kaya binawi niya agad ang hawak. Pero ilang segundo lang ay bigla siyang tumawa na parang ewan, saka muling ibinalik ang pagkakahawak niya. “Nakakakiliti,” aniya sabay tawa. “Magkano bili mo rito, friendship? Makabili nga rin, lalaruin ko lang. Ang cute. Ilang inches kaya ito?” Kinuha niya ang karton at sinipat iyon. Mukhang hinahanap kung ilang inches ang haba. Natampal ko ang aking noo dahil sa pinaggagawa niya. Ang tanda-tanda na ng babaeng ito pero parang tanga dahil lang sa bagay na iyan. Diyos ko po, Rudy. “Ayun! Ganito pala kahaba ang eight inches.” “Puro ka kalokohan! Amin na nga iyan at itatapon ko na. Baka biglang dumating iyong inaanak mo at si Nanay, makita pa iyan. Baka kung ano pa ang isipin niya.” “Oy, bakit mo itatapon? Sayang naman ’to. Akin nalang kung ayaw mo.” “Iyong-iyo na—” Natigilan ako nang biglang bumukas ang pinto. “Mama!” “Oh, anak hatid ko na ang apo ko . . . Susmaryosep!” Nag-sign of the cross muna si Nanay bago mabilis na hinila sa kamay ang anak ko pabalik sa kaniya, saka niya tinakpan ito sa mata. Si Monina naman ay mabilis na tumayo mula sa pagkakasalampak sa sahig. Nataranta siya pagdating nila kaya naihagis niya sa paanan ni Nanay ang vibrat0r na patuloy sa panginginig. “Kanino iyan?!” Mahinahon ngunit kababakasan ng gigil ang boses ni Nanay nang itanong iyon. Napapikit pa siya at iyong mata niya ay bahagyang lumaki. Nagkatinginan kami ni Monina, pagkatapos ay sabay ding ibinaling kay Nanay ang tingin. “Kay Monina po, ’Nay!” “Kay Sunshine po!” Nagkaturuan kaming dalawa pero si Nanay, isang makahulugang tingin ang ipinukol sa aming dalawa na parang isang banta iyon para sa mangyayari sa amin mamaya. . . Pahamak kang vibratór ka!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD