Natigil sa ere ang paghinga ni Paul Shin. Napasinghap siya dahil sa sinabi ko. Pasalit-salit pa siyang nagbaba ng tingin sa mukha ko at sa hawak kong paper bag. Muli akong ngumiti, tumitig din sa kaniya. Ilang minuto kong pinagmasdan si Paul Shin, tinatantya ang kaniyang emosyon. Na bukod din sa gulat niyang reaksyon, naroon ang tila hindi mapakali niyang itsura. Malikot ang mga mata at mabigat ang paghinga. "Hindi ka na sana bumaba pa. Hinayaan mo na lang sana na ako ang kumuha," kalaunan ay pahayag niya, bumuntong hininga at saka pa tumitig sa akin. Kumibot ang labi ko. "Nakakahiya naman na maghihintay pa siya, sorry." Nakita ko ang pag-igting ng panga ni Paul Shin. Bawat paggalaw niya ay sinusundan ko. Namaywang siya, tumingin sa malayo, animo'y gustong mag-iwas ng tingin sa akin. S

