Alexis' POV
Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili, kung bakit ako umiiyak na lamang ako nang walang dahilan. Epekto ba ito ng paraiso? Napaka-weird ko. Ang mga galaw ko ay parang hindi na si Alexis.
Kinabukasan ay panibagong araw na naman sa pagtatrabaho, bumalik na naman ang mahal na prinsipe sa pagiging siya. Inutusan niya akong magtimpla ng gatas, at gumawa nang kung anu-ano. Ang suplado na naman niya sa akin. Ayos lang, sa ganoong paraan ako nasanay.
Pagkatapos ng aking trabaho sa mahal na prinsipe, sa hardin na ako dumiretso, ang paborito kong lugar. Inayos ko ang hardin, ginupit-gupit ang sobrang sanga at marami pa akong ginawa upang mapaganda ito.
Maya-maya'y napansin ko ang isang anino sa sulok, napalingon ako at napatitig nang maigi. Napagtanto ko na ang aninong iyon ay pagmamay-ari pala ng punong kawal. Pinakawalan na pala siya.
Siya ay nakatitig lamang sa akin kaya nailang ako, "B-Bakit po?" tanong ko.
Walang ekspresyon ang kaniyang mukha kaya medyo natakot ako, nakakatakot pa ang kaniyang aura. "Sa tingin mo hindi ko alam ang sikreto mo?" isang nakakagulat na salita ang kaniyang binigkas.
Nakunot ang aking noo, "Anong sikreto ang sinasabi mo?"
Ngumiti siya nang malademonyo saka umakmang lalapit sa akin, "Diyan ka lang!" sigaw ko saka gumawa ng isang hakbang patalikod.
Huminto naman siya ngunit patuloy pa rin ang kaniyang pagngiti. "Patawad, kamalahan," wika niya sa nakakatukso na tono at saka biglang tinakpan ang aking bibig at ilong. Sobrang bilis at sobrang lakas niya kaya hindi ko na naprotektahan ang aking sarili at kaming dalawa lang din ang tao sa hardin kaya alam ko na sa sarili ko na walang makakatulong sa akin.
Habang tinatakpan niya ang aking ilong at bibig, may kung sino o ano siyang tinawag at agad kami napalibutan ng itim na usok. Tulad no'ng usok sa gubat na aming nasaksihan, hindi rin ito masakit sa mata ngunit nawalan ako ng malay dahil sa usok.
"K-Karma..." wika ko bago ako mawalan ng malay ngunit hindi ko mailabas sa aking bibig.
Nagising akong sumasakit ang aking buong katawan, nasaan ako?
Bumangon ako at napahawak sa aking noo, ang sakit.
"Kamahalan," may kung sino ang agad na umalalay sa akin upang ako ay makaupo sa aking hinihigaan.
"Nasaan ako?" Tanong ko. Hindi ko kilala ang babaeng ito ngunit siya ay mukhang mabait naman.
"Nasa paraiso po," sagot niya.
Nakunot ang aking noo dulot ng pagtataka, paano ako napunta dito? Kanina lang kinidnap ako ng punong kawal, paanong?
"Dahil tinawag mo ang aking pangalan," isang pamilyar na tinig ang umalingawngaw sa buong silid.
Lumingon ako at hinanap kung sino ang nagsalita, napangiti naman ako nang makita si Karma. Lumapit siya sa akin at umupo sa higaan. "Kamahalan, naririnig ko ang mga sinasabi niyo kahit ito ay nasa iyong isip lamang." wika niya.
"P-Paano ako napunta rito? Kanina lang—" hindi niya ako pinatapos sa pagsasalita.
"Dahil tinawag mo ako. Kamahalan, ikaw ay nasa panganib. Alam na ng kadiliman kung sino ang bagong muling pagkatao ni reyna Cotton, mas mabuting dito ka na lang muna sa paraiso magpalipas ng ilang araw." wika niya.
"Paano nila ito nalaman?" curious kong tanong.
"Hindi ko rin alam, sa palagay ko ay may nakakasalamuha ka na alagad ng kadiliman. Sa palagay ko ay ang punong kawal iyon, buti nga't hindi siya kalakasan, nagawa ko labanan siya at kunin ka sa kaniya."
Agad ko namang naalala ang babaeng nakaitim sa gubat, "May nakasalamuha rin kaming babaeng nakaitim, nabuo ang kaniyang sarili mula sa itim na usok," ka ko. Maaaring alagad din siya ng kadiliman.
Nanlaki ang kaniyang mga mata, "Ibig sabihin ay nagkaharap kayo ng kadiliman?" Nagtataka niyang tinanong.
"Hindi ako nakatitiyak. Hindi niya kami sinaktan, Karma. Bagkus ay tinulungan niya pa kaming maibalik ang prinsipe Kira sa dati nitong anyo ngunit hindi iyon nagtagumpay. Sa palagay ko ay sinet-up niya kami pero hindi niya kami sinaktan." wika ko.
Nalungkot naman si Karma at hindi ko maintindihan kung bakit, "Maaaring si Calix ang iyong nakita, kamahalan." wika niya sa mahinang tono.
"Calix?" pag-ulit ko.
Tumango siya at sinabing, "Opo, isa rin sa dating tagabantay, isa sa matalik kong kaibigan at siya ang pumaslang sa reyna."
Calix...
"Hindi ba siya kasali sa kadiliman ngayon?" Tanong ko.
"Hindi. Ewan. Wala na akong balita sa kaniya kamahalan, mas mainam na lang na iwasan mo siya kaoag kayo'y muling nagkita."
Napatagal ang pag-uusap namin ni Karma. Mas nalilinaw na niya sa akin ang mga bagay-bagay. Pero, kung magsstay ako rito ng ilang araw, mag-aalala na naman ang aking mga magulang.
"Karma..." pagtawag ko.
Lumingon siya sa akin, "Hmmm?"
Napakamot na lamang ako sa aking batok, "Pwede bang umatras sa pagiging reyna? 'Yung mawawala na rin ang kapangyarihan ko at magiging isang normal na tao na lamang ako" Tanong ko.
"Nako, hindi maaari kamahalan. Walang atrasan kapag tadhana na ang nagdesisyon," sabat no'ng babaeng umalalay sa akin kanina.
"Bakit? Ayaw mo po ba, kamahalan?" Tanong ni Karma.
"H-Hindi naman sa ayaw, pero kasi Karma, may pamilya ako at ang puso't kaluluwa ko ay para sa mundo ng mga tao." Pagpapaliwanag ko.
"Alam mo po bang mortal na tao rin ako noon? May pamilya rin ako at magkasing-edad lamang tayo nang biglang magpakita sa akin ang reyna at doon niya ipinaliwanag ang lahat. Na-realized ko na ito ang nakatadhana para sa akin, ito ang dahilan kung bakit ako nabuhay."
Nalungkot ako sa sinabi niya, "Nasaan na ang pamilya mo, Karma?" Tanong ko.
"Masaya na sa langit, kamahalan, baka hindi niyo po alam, ako ay higit tatlong libong taong gulang na."
Nalaglag ang aking panga, "A-Ano?!" hindi ako makapaniwala. Mukhang bata pa rin siya, mukhang mas matanda lang sa akin ng limang taon.
"Opo, kamalahan."
At nauwi na naman kami sa kwentuhan. Sabi niya, kapag daw nanirahan na ako sa paraiso, mamumuhay din ako ng ganoon katagal o mas higit pa. Walang sakit o depekto sa katawan.
Ngunit, paano ang aking pamilya? Pinilit kong ipaliwanag sa kaniya kung gaano kahalaga sa akin ang aking pamilya, sila lang ang meron ako, sila ang yaman ko, ang pagkatao ko. Ngunit mas pinapaintindi niya sa akin na ang tadhana at responsibilidad ang mas mahalaga.
Hindi naman ako ganoon, kasama ko ang aking mga magulang simula pa lang no'ng ako ay bata pa. Sila nag-alaga at nagpakain. Hindi pa ako nakakahiganti sa mga kabutihan nila sa akin, tapos ngayon kukunin na ako ng paraiso? parang ang hirap um-oo eh, ang hirap. Napapaluha na lamang ako habang sinasabi ko kay Karma kung gaano ko kamahal ang aking mga magulang.
"Kamahalan, ikaw ay makapangyarihan. Kaya mo sila gawing diwata tulad ko at nang magkaroon din sila ng buhay na walang hanggan. Ikaw lamang ang makakagawa niyan."