"Okay ka lang? Kaya mo nang tumayo?* Ilang sandaling hinamig muna ni Aiah ang sarili bago tumango. Nakaapak na ang dalawang paa niya sa lupa nang bigla na lang siyang nakaramdam ng pagkaliyo. Mabuti na lang at naagapan kaagad ni Vince. Pihado sanang sumuray siya o bumagsak sa lupa. Epekto siguro nang hindi gaanong pagkakatulog at mahabang biyahe kahapon patungo ng Tuguegarao at pauwi ng Maynila. Ginugol pa niya ang oras sa ospital. "Okay na ako, Vince. Salamat." Nanatiling nakasuporta pa rin sa likod niya ang palad nito. "Sigurado kang makakatayo ka nang mag-isa?" "Okay na ako." Nginitian pa niya ito bilang assurance, saka inalis ang kamay nito sa baywang niya. Sinalat pa ni Vince ang noo niya. "Wala akong lagnat, ano ka ba?" "Magpatingin ka kaya sa doktor. Namumutla ka yata. Bak

