Teaser- Blur
------
Sa wakas, matapos ang halos isang oras na walang humpay na pag-iyak, napatulog ko rin ang munting prinsesa ko. Dahan-dahan ko siyang inilapag sa kanyang crib, halos pigil ang bawat galaw, na para bang isa lang maling paghinga ko ay sapat na upang magising siya. Tahimik akong nanalangin sa aking isip—Diyos ko, sana’y manatili siyang mahimbing. Mahal ko ang anak ko nang higit pa sa sarili ko, ngunit aaminin ko rin na nakakapagod ang mahabang oras ng pagbubuhat, ng paghele, ng pag-awit ng mga kundiman na nauubos na ang tinig ko. Nang tuluyan siyang hindi nagising, doon lamang ako nakahinga nang maluwag, para bang isang bundok ang nabunot mula sa aking dibdib.
Napangiti ako habang pinagmamasdan ko ang kanyang maamong mukha. Ngunit ang ngiti ko ay hindi lamang galak—ito’y isang ngiting may kasamang pait at kirot. Ngayon ay eksaktong isang buwan na mula nang siya’y isinilang. Isang buwan na ang lumipas, ngunit hanggang ngayon, ni anino ng kanyang ama ay hindi pa rin siya nakita. Noong araw na nanganak ako, nangako si Hayden na pupunta siya dito sa San Miguel upang kahit saglit ay masilayan ang anak namin. Ngunit nanatili siyang pangako, nanatili siyang salita lamang na binitawan sa hangin, na tila ba walang saysay. Araw-araw akong naghihintay, araw-araw akong umaasa, ngunit sa bawat araw ding lumilipas ay siya ring pagdurog ng puso ko sa kanyang kawalan.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Kinuha ko ang cellphone ko at dinayal ang numero niya. Gusto ko lamang ipaalam na ngayong araw ay mahalaga—isang buwan na ang anak namin. Umaasa akong marahil, kahit sa maliit na balitang iyon, ay madama niyang may obligasyon siya, may koneksyon pa rin siya sa nilalang na dugo’t laman niya.
Pagkaraan ng ilang ring, sa wakas ay sumagot din siya.
“What do you want?” malamig at puno ng pagkainis ang boses niya.
“Hayden… kasi…” halos hindi ko maituloy ang salita, nanginginig ang boses ko, nagmamakaawa ang puso ko.
“Hindi ba sinabi ko na sayo na huwag kang tatawag? Ako ang tatawag sayo kung kailan ko gusto. Gusto mo bang mahuli tayo ng asawa ko? Gusto mo bang masira ang pagsasama namin dahil sa’yo? Gusto mo bang maging dahilan ng pagkawasak ng bubuin naming pamilya?” Ramdam ko ang poot at takot sa bawat kataga, mababa ang kanyang boses, waring nagtatago, takot na baka may makarinig at madiskubre ang kanyang lihim—na may anak siyang itinakwil.
“Hindi ko naman intensyon na sirain ang buhay mo, Hayden. Gusto ko lang ipaalam sayo na ngayong araw ay isang buwan na ang anak natin. Hanggang ngayon, hindi mo pa siya nasilayan man lang. Alam mo ba, kamukhang-kamukha mo siya, at—”
“Wala akong pakialam.” Mabilis niyang pinutol ang mga salita ko. “Hindi ka ba marunong umintindi? Ilang ulit ko bang ipapaliwanag sayo na ayaw kong magkaroon ng anumang ugnayan sa inyong dalawa? Ang tanging dapat niyong asahan ay ang buwanang allowance na ipinapadala ko. Huwag kang mangarap ng higit pa roon.”
“Hayden, kahit sandali lang… kahit isang silip lang, gawin mo man lang para sa anak natin. Hindi mo ba—”
“Bobo ka ba? Hindi mo pa rin ba maintindihan? Ang batang iyan ay isang malaking pagkakamali! Hindi ko siya aangkinin, kailanman. Huwag mo akong pilitin, huwag mo akong guluhin. Ayaw kong makita ka—kayong mag-ina—hindi ngayon, hindi bukas, hindi kailanman!” Mariin ang bawat salita, tila mga patalim na ibinaon niya sa aking dibdib, isa-isa, hanggang sa hindi na ako makahinga. Mabilis din niyang pinutol ang tawag ko.
Doon na tuluyang bumigay ang mga luha ko. Hindi ko na mapigil ang hagulgol na pilit kong tinatago kanina. Para sa isang ina, napakasakit na marinig na ni minsan ay hindi kikilalanin ng ama ang sariling anak, ni ayaw man lang niya itong makita, kahit saglit lang, kahit isang iglap. Lumaki rin akong walang ama— at alam ko kung gaano kabigat ang pakiramdam na lumaking walang gabay ng ama. Noon pa man, ipinangako ko sa sarili ko na hinding-hindi ko ipaparanas iyon sa magiging anak ko. Ngunit heto ako ngayon, nabigo, hawak ang parehong sugat na matagal ko nang gustong takasan.
Si Hayden at ako, kailanman ay hindi naging malalim ang ugnayan. Ngunit, ang hindi niya alam, talagang natutunan ko siyang mahalin. Isa lamang akong simple at inosenteng babae na agad nabighani sa kanyang hitsura at magandang trato niya sa akin. Pero ang magandang trato niya sa akin ay may masamang hangarin pala. Nakikita niya ako bilang gamot sa kuryusidad niya sa isang birhen. Para sa kanya isa akong laruan na siya mismo ang sisira. Isang bulaklak na pipitasin niya pero itatapon din pagkatapos pitasin.
Binayaran niya ako. Binayaran niya ang aking pagk*babae. At pumayag ako, dahil na rin sa akin ina. Ngunit ang isang beses na yon ay nagbunga ng isang batang babae. Isang anak na hindi niya kinilala.
Nakatakda na ang kasal niya nung, at natuloy pa rin ang kasal niya kahit nabuntis niya ako. Hanggang ngayon, ang tanging nag-uugnay sa amin ay ang buwanang halagang ipinapadala niya. Ngunit iyon man ay may kapalit: ang katahimikan ko, ang pangakong hindi kailanman isisiwalat kung sino ang tunay na ama ng aking anak.
At sa dilim ng gabi, habang pinagmamasdan ko ang mahimbing na pagtulog ng aking anak, tanging isang tanong ang paulit-ulit na kumakain sa aking isipan—hanggang kailan ko kayang itago ang anak ko sa tunay niyang mundo? Paano kung dumating ang panahon magsisimula na siyang magtanong sa akin?
Mahirap at masakit ang maglihim….kaya ang tanong "Can I bear to hide forever the truth—that my child is the unwanted, secret daughter of a billionaire?"
---------
Salamat in advance sa mga magiging readers ko nito. Godbless sa inyo.
Sa mga magtatanong dahil nakasubaybay sa Montreal Property ko, si Hayden ay anak nina Safarra at Russell (She's back as a Billionaire's Daughter). Apat ang anak nila na si Messy (ang story niya ay karugtong sa story nina Safarra at Russell), at ang triplets na sina Hayden, Hendrik at Holland. Isa si Hayden sa Montreal- Aragon's Triplets.