Papataas pa lamang ang sikat ng araw isang lagaslas ng tubig sa ilog ang siyang tanging naririnig ng binata. Kasabay nito ay ang pagsulpot ng babaeng kaniyang iniibig na nababakas sa mukha nito ang kasiyahan. Dahil sa suot nitong kulay rosas na bestida kaagad na nabighani ang binata sa magandang ayos ng dalaga na para bang pinaghandaan talaga nito ang pagkikita nilang dalawa. Bukod dito, kapansin-pansin din ang maputing kulay ng dalaga na mas lalo pang bumabagay sa suot nitong bestida. Habang ang itim na itim at mahaba naman nitong buhok ay siyang tinatangay ng hangin.
“Mahal kong Ismael, bakit ang tahimik mo yata? Ayaw mo ba sa lugar na ito?” nakasimangot na tanong ng dalaga sa kasintahan nito.
“Nagkakamali ka mahal ko, gustong-gusto ko ang lugar na ito. Kung maaari nga lang ay dito na tayo hanggang sa ating pagtanda,” nakangiting sambitla naman ng binata sa harap ng dalaga.
Dahil sa sinabi ng binata tila napuno nang kasiyahan ang puso ng dalaga na kulang na lamang ay magtatalon ito sa sayang nararamdam. Tila ba sila lamang dalawa ang tao sa lugar na iyon, kahit alam nilang maraming mata ang nakamasid sa kanila. Nang mga oras na ‘yon para bang ninanais ng dalaga na huwag na sanang matapos pa ang oras na magkasama silang dalawa ni Ismael. Ngunit sa hindi malamang dahilan bigla na lang kinabahan ang dalaga na para bang may hindi magandang mangyayari sa araw ng pagkikita nila ng kasintahang si Ismael.
“Mahal ko, alam kong may bumabagabag sa iyo. Maaari mo bang sabihin sa akin kung ano iyon?”
“Mahal kong Aurora, alam mo namang sobrang mahal na mahal kita. Pero, mahal ko rin ang pamilya ko.” Nahihirapan namang sambitla ng binatang si Ismael sa harap ng dalaga.
Mababakas naman ang pagkalito sa mukha ng dalaga dahil sa sinabi ng kasintahan nitong si Ismael. Ganoon na lamang ang pagkabigla ng dalaga nang bigla na lamang lumuha sa harapan nito ang kasintahang si Ismael. Sa ginawa pa lang na pagluhod ni Ismael tila ba nakaramdam kaagad ng kakaiba ang dalaga. Sapagkat sa paraan pa lamang ng pagluhod ni Ismael mapapansin mo na sa mukha ng binata ang matinding kalungkutan. Bagamat gulong-gulo ang dalaga sa sinasabi ng kasintahang si Ismael, naglakas loob itong magtanong sa binata na kahit ang totoo ay naiintindihan naman nito ang nais ipaliwanag ng binata. Sapagkat hindi lingid sa kaalaman ng binata nakarating sa dalaga ang bali-balita na sa iba ikakasal ang binata na kasintahan nito. Sa halip na maniwala rito ang dalaga buo ang tiwala nito sa binatang kasintahan. Tila ba hinihintay ng dalaga ang kasintahan nito na magpaliwanag ukol sa kumakalat na balita.
“Hindi kita maintindihan Ismael, ano ba ang nais mong ipahiwatig sa iyong sinasabi?” Naguguluhang tanong naman ng dalaga sa harapan ng kasintahan nitong si Ismael.
“Patawad mahal ko pero, ikakasal na ako sa iba,” lumuluha namang usal ni Ismael habang nakaluhod pa rin sa harapan ng dalaga.
Dahil sa narinig ng dalaga hindi ito kaagad makagalaw habang tila isang ulan na bumuhos ang luha ni Aurora. Sa pagkabigla ng dalaga hindi nito namalayan na nakatayo na pala ang binata mula sa pagkakaluhod at walang imik na umalis sa harapan ng dalaga. Walang tanging nagawa ang dalaga kung ‘di ang lumuha habang tinatanaw ang papalayong bulto ng kasintahan na si Ismael. Sa tindi ng sakit na nararamdaman ng dalaga pakiramdam nito ay tila may milyon-milyong karayom ang tumutusok sa puso nito. Doon din napagtanto ng dalaga na totoo nga ang bali-balita na ikakasal na ang kasintahan nito sa ibang babae.
“Mahal na mahal kita Ismael pero, bakit mo ako nagawang saktan?” mahinang saad ng dalaga sa sarili nito habang patuloy pa ring lumuluha dulot ng pagkabigo nito sa pag-ibig.
Bagamat pinagtitinginan ng ibang tao ang dalaga para bang wala itong pakialam sa mga ito at patuloy lamang sa pagluha nito. Mababakas naman sa mukha ng ilang nakasaksi sa nangyari ang pagkaawa para sa dalaga sa halip na pansinin pa ito ng dalaga tahimik na lamang itong umalis sa lugar habang napupuno pa rin ng luha ang magandang mata nito.
Mabilis pa sa kidlat na naimulat ni Xenon ang kaniyang mga mata dahil sa napanaginipan niya. Sa hindi malamang dahilan bigla na lamang pumintig nang sobrang bilis ang puso niya. Para bang pakiramdam niya ay naroon siya mismo sa loob ng panaginip dahil pakiramdam niya ay totoo talagang nangyari ang panaginip niyang ‘yon. Maliban na lamang sa hitsura ng lalake sa panaginip niya sapagkat kahit anong pilit na alalahanin ng binata ang hitsura nito nananatili lamang na malabo ang mukha ng lalake sa panaginip niya.
“What the! Anong ibig sabihin ng panaginip kong iyon?” naguguluhang wika ni Xenon sa kaniyang sarili.
Dahil sa lambing ng pagkakakanta ni Aurora hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya sa awiting kinanta sa kaniya ni Aurora. Tila ba pamilyar na pamilyar sa kaniya ang awitin iyon, kung hindi siya nagkakamali iyon ang madalas awitin sa kaniya ng lola niya.
“Gising ka na pala, ayos na ba ang pakiramdam mo?”
“Yes, thanks for the song. By the way, paano mo nalaman ang awiting iyon?”
Isang kibit na balikat lamang ang itinugon sa kaniya ng dalaga. Sa halip na sagutin siya nito isang marahang haplos ang ginawa nito sa kaniyang mukha. Hindi rin nakaligtas sa mata ni Xenon ang lungkot na namumutawi sa magandang mukha ng dalaga. Hanggang sa muling maalala ni Xenon ang kaniyang panaginip at doon niya napagtanto na kamukhang-kamukha ni Aurora ang babaeng nasa panaginip niya.
“Kawangis na kawangis mo talaga siya, kahit saang anggulo kong tingnan.”
Kaagad na napakunot ang noo niya dahil sa sinabi ng dalaga tungkol sa kaniya. Tila ba naguguluhan siya sa mga sinasabi nito. At ang paraan nito ng pagsasalita para bang nasa nakaraang panahon ka kapag kinakausap mo ang dalaga. Hanggang sa nagulat na lang siya nang makita niyang lumuluha ang dalaga, habang hinahaplos-haplos ang mukha niya.
“Ano bang nangyayari sa ‘yo, Aurora? Pwede bang ipaliwanag mo sa akin dahil gulong-gulo na talaga ang utak ko sa mga sinasabi mong kakaiba.”
“Pasensiya na pero kahit ako ay naguguluhan sa nangyayari, hindi ko nga alam kung bakit tila ba mas maunlad na ngayon ang mga tao. Ang mga istraktura tila ba isa-isa silang nagsusulputan na kung dati naman ay wala ang mga ito.”
Isang halakhak naman ang pinakawalan ni Xenon dahil sa sinabi ni Aurora. Tila ba wala itong alam sa panahon nila ngayon. Akmang aasarin sana ni Xenon ang dalaga ngunit napansin niya ang kakaibang lungkot sa mga mata nito. Kung tutuusin palagi naman niyang nakikitang malungkot ang dalaga pero napansin niya na parang mas lalo pang lumungkot ang dalaga batay na lamang sa nakikita niya sa mata ng dalaga. Kaya naman ang akmang pang-aasar ni Xenon sa dalaga ay hindi na natuloy at kapagkuwa’y sinagot ang katanungang nagpapagulo sa dalaga.
“Malamang Aurora, 2018 na ngayon kaya marami na talagang nagbago hindi kagaya noong unang panahon.” Seryoso namang pahayag ni Xenon sa dalaga.
“A-Anong ibig mong sabihin, Xenon? Nagbibiro ka lamang ‘di ba?” Tila hindi makapaniwalang tanong ni Aurora.
“Tsk! Mukha ba akong nagbibiro kung ayaw mong maniwala bahala ka na! At saka bakit ba parang gulat na gulat ka? Daig mo pa ang nagmula sa unang panahon.”
Nagulat na lang si Xenon ng biglang napalumpasay sa sahig ng opisina niya ang dalaga. Habang nakatakip ang dalawang kamay nito sa labi na tila ba pinipigilan ang paghikbi. Mababakas din sa magandang mukha nito ang matinding pagkalito dahil sa sinabi niya rito. Sa pinakita pa lang na reaksyon ng dalaga kaagad na nakaramdam ng kakaiba si Xenon tungkol sa tunay na pagkatao ng dalagang nasa harapan niya.
“Paanong nangyari iyon? Gayong 1918 pa lang naman ang natatandaan kong taon,” gulong-gulo na saad ni Aurora na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sa nalaman sa binata.
“Ano bang pinagsasabi mo, Aurora? Mukhang nananaginip ka yata nang gising. Anong 1918 ba ang sinasabi mo gayong 2018 na ngayon, iyong totoo naka-drugs ka ba?” naiiyamot na tugon ni Xenon kay Aurora.
“Maniwala ka sa akin totoo ang sinasabi ko. Hindi mo ba talaga ako nakikilala, iyong apelyido ko.” Pagpupumilit pang pahayag ng dalaga sa harapan ni Xenon.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Xenon, habang nakatitig ng matiim sa dalaga na ngayo’y napupuno ng luha ang mga mata. Sa halip na sagutin niya ito pinili na lamang niya na manahimik na lamang. Hindi man niya aminin pero alam na alam niya ang apelyido ng dalaga. Sinong hindi mapapaisip kapag narinig mo ang Asuncion, ang pamilyang kilalang-kilala dahil sa ubod ng yaman ng mga ito. Sapagkat kahit matagal na iyong nangyari sariwa pa rin sa alaala nila ang naganap na sakuna tungkol sa pamilya ng mga Asuncion. Kung kaya’t hindi maiwasan ng binata na mapaisip na marahil malaki nga ang papel ni Aurora sa matagal na niyang iniingatan.
Nakatatawa mang isipin pero sumagi sa isipan ni Xenon na baka nga nanggaling ito sa nakaraan. Ngunit ang pinagtataka lamang niya ay kung paano ito napapunta sa kasalukuyan. Sumagi pa nga sa isip ni Xenon na baka gumamit ito ng time machine para lamang makarating sa taong 2018. Sa halip na pakaisipin pa ito ni Xenon mabilis na lamang niya itong binura sa isipin niya sapagkat alam niyang napakaimposibleng mangyari ang bagay na ‘yon.
Lumipas ang tatlong-araw ng napagpasyahan ni Xenon na samahan ang dalaga sa Batangas, kung saan niya ito unang nakita. Habang lulan sila ng kaniyang sasakyan isang nakabibinging katahimikan ang namalagi sa kanilang dalawa ni Aurora. Hanggang sa marating na nila ang lugar na tinutukoy ng dalaga, nababakas naman sa mukha ng taga-roon ang pagtataka at pagkamangha. Marahil ay nagtataka ang mga ito kung bakit may bumisita sa lugar nila na nagmula pa sa mayamang pamilya. Laking pasasalamat din ni Xenon na naging maganda ang panahon, dahil kung pagmamasdan mo ang kalangitan tila masisilaw ka sa taas ng sikat ng araw sa katanghaliang tapat.
Hindi naman nakaligtas sa mata ng mga taga-baryo ang dalagang si Aurora sapagkat hindi ng mga ito malilimutan ang kakaibang ganda na taglay ng dalaga. Kaagad ding napansin ni Aurora ang tatlong batang nakilala nito na masayang naglalaro ng habulan hindi kalayuan sa pwesto nila. Sa hindi malamang dahilan kaagad na nawala ang lungkot ng dalaga ng makita nito ang matatamis na ngiti na nakapaskil sa labi ng tatlong bata.
“Aba’y teka lamang ‘di ga ikaw iyong babae na nanggaling dito. Aba’y oo nga ikaw iyong galing sa may bundok,” salubong na pahayag ng matandang Ale na nagwawalis sa harapan ng bahay nito.
“O-Oo nga po ako nga iyon, maaari ko bang itanong kung bakit wala na dito ang mansyon ng mga Asuncion?” Magalang na tanong naman ng dalaga sa kaharap nitong matanda.
“Bakit mo ga naitanong ineng? Ano ga ang kailangan mo sa mga iyon?” sabat naman ng matandang lalake na may hinihigop na kape.
Hindi alam ni Xenon kung magagalit ba siya o hindi, sapagkat alam niyang halos lumuwa na ang mata ng ibang kalalakihan na nagmamasid sa dalaga. Para bang sa paraan pa lamang ng tingin ng mga ito sa dalaga kaagad mong mapapansin ang kakaibang kislap sa mata ng mga ito. Masama mang manghusga ng kapwa tao pero alam ni Xenon kung ano ang ibig sabihin ng pagtingin ng mga ito sa dalaga para bang may gagawin ang mga ito na hindi maganda laban sa dalaga. Dahil sa inis na nararamdaman niya marahan niyang kinabig ang beywang ng dalaga para mas mapalapit pa ito sa kaniya. Sapagkat kahit siya hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ayaw niyang may ibang tumitingin sa dalaga lalo na kung lalake pa ang tumitingin kay Aurora.
“Doon po kasi ako nakatira kaya nga po nagtataka ako kung bakit bigla na lang nawala ang mansyon namin dito.”
“Aba’y ineng kami ga ay iyong pinatatawa, hindi mo ga alam na matagal ng wala ang mansyon na iyong tinutukoy. Ikaw ga ay hindi nagbabasa ng dyaryo, ‘di ga ay malinaw na nakasaad doon na pinatay ng walang awa ang pamilya ng mga Asuncion,” muling paliwanag ng matandang Ale na ngayon ay kipkip na ang walis sa may kilikili nito.
“Nagbibiro po ba kayo?” naluluhang saad ni Aurora sa matandang Ale na kausap nito.
Walang nagawa si Xenon kung ‘di ang marahang haplusin ang likod ng dalaga na tila ba nagsasabi na nandito lamang ako sa tabi mo. Dahil alam niya sa sarili na kahit siya ay hindi niya alam kung paano nga ba niya matutulungan ang dalaga. Hindi na rin bago kay Xenon ang balita tungkol sa mga Asuncion sapagkat miminsan na rin itong napag-aralan nila noong siya ay nasa hayskul pa lamang.
“Aba’y ineng bakit naman kami magbibiro ay totoo naman talaga iyong nangyari. Bali-balita pa nga na hindi raw kasama na namatay ang anak nilang babae sapagkat bigla na lang daw itong nawala na parang bula. Kung hindi nga lang kabaliwan ay iisipin kong ikaw iyong anak nilang babae. Pero imposible naman iyon sapagkat kulay abo ang iyong buhok lalo na ang kulay lila mong mata. Marahil nga siguro ay kamukha mo lamang ang anak nilang babae,” mahabang paliwanang ng matandang lalaki kay Aurora na ngayon ay may hawak ng tabako.
Dahil sa gulong-gulo si Aurora nagpasya si Xenon na akayin muna ito papunta sa kaniyang sasakyan. Sapagkat kahit siya ay walang alam kung ano nga ba ang totoong nangyayari sa pamilya ng mga Asuncion. Bagamat napag-aralan nila ang tungkol sa pamilyang Asuncion noong hayskul pa lang siya tanging pahapyaw lamang ang itinuro ng kanilang guro. Sapagkat hindi nabanggit sa pinag-aralan nila kung ano nga ba ang nangyari sa anak ng mga itong babae. Maraming haka-haka ang nabuo na baka raw ang anak ng mga itong babae ang totoong pumatay sa pamilyo nito. Mayroon din namang nagsabi na baka raw nakipagtanan na ito sa nasabing kasintahan nito. Maraming haka-haka pa ang nabuo ngunit kahit isa ay walang tanging makapagsasabi kung ano nga ba ang totoong dahilan ng pagkawala ng anak ng mga itong babae.
“Salamat po sa inyo, pasensiya na at naabala pa namin kayo,” magalang na saad ni Xenon sa mga nakausap ng dalaga.
Nang mahismasmasan na ang dalaga ay marahang iniharap ni Xenon ang mukha nito sa kaniyang gawi. Habang pinupunasan niya ang luhang natuyo sa pisngi nito. Nang makita ni Xenon ang hitsura ng dalaga hindi niya maiwasan na hindi maawa rito dahil sa napupuno ng luha ang magandang mata nito. Bukod dito, pakiramdam ni Xenon na tila ba sinaksak ng punyal ang puso niya dahil sa sakit na nararamdaman niya kapag lumuluha ang dalaga.
“Tell me Aurora, are you okay now?”
“N-No, I’m not okay Xenon. Hindi ko na alam ang gagawin ko basta ang alam ko lang nagising na lang ako sa parang isang laboratoryo,” gulong-gulo na sambitla ni Aurora sa harapan ng binata.
“What do you mean? Pwede mo bang sabihin sa akin kung nasaan iyong laboratoryo na sinasabi mo?” nakakunot ang noo na pagtatanong naman ni Xenon sa dalaga.
Marahan lamang tumango ang dalaga at dahan-dahang inakay ang binata upang puntahan ang lugar na sinasabi nito. Habang naglalakad sila isang malakas na hangin ang umihip, dahilan para magsayawan ang mahahabang damo na kanilang dinadaanan. Hindi naman nakaligtas sa paningin ng dalaga ang tatlong bata na masayang nagpapalipad ng saranggola habang ang ilan naman sa mga ito ay masayang pinagmamasdan ang saranggola na tinatangay ng hangin sa may ere. Bukod dito, napansin din nila ang matandang lalake na may akay-akay na kambing patungo sa ilalim ng isang puno. Ilang minuto pa ang nakalipas ng makarating sila sa isang istraktura na tila matagal ng niluma nang panahon.
“Nandito na tayo,” mahinang sambitla naman ni Aurora sa binata habang seryosong tinatanaw ang lugar kung saan ito nagising.
Bakas sa mukha ni Xenon ang pagkabigla ng makita ang lugar na tinutukoy ng dalaga. Sapagkat ang lugar na iyon ay abandonado na isang daang taon na ang nakalilipas. Kung hindi siya nagkakamali ito iyong napanood niya sa balita noong bata pa siya na pagmamay-ari raw ng mga Mad Scientist. Bukod dito, may iilang haka-haka rin ang mga tao tungkol sa abandonadong lugar na matagal ng nalipasan ng panahon. Mayroong nagsasabi na may kakaiba raw na nilalang ang nakatira rito sapagkat ayon sa nakakita may maputing babae raw ang naninirahan sa nasabing lugar. May ilan ding nagsabi na kapag nagpunta ka raw sa abandonadong laboratoryo ay hindi ka na raw makakaalis sa lugar na ‘yon.
“No! It can’t be, paanong nangyari iyon?” piping tanong ni Xenon sa kaniyang sarili.
Hindi niya alam kung paanong dito nagmula ang dalaga ganoong kung titingnan mabuti hindi nagkakalayo ang kanilang edad. Kaya hindi maiwasan ni Xenon ang mangamba para sa dalaga sapagkat maaaring malagay ang buhay nito sa panganib. Kapag nagkataon na tama nga ang kaniyang nabubuong konklusyon sa isipan niya. Bukod dito, hindi alam ni Xenon kung ano nga ba ang dapat gawain niya kapag nagkataon na tama nga hinala niya sa dalaga. Basta ang alam lang ni Xenon sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat masigurado lamang niya na ligtas ang dalaga.
“Ayos ka lamang ba, Xenon? Bakit tila nangangamba ka yata?” Marahan namang pagtatanong ng dalaga sa binatang si Xenon.
“Sino ka ba talaga, Aurora?”
Litong-lito man ang dalaga sa sinasabi ni Xenon ay nagpatangay na lamang ito sa binata, na ngayon ay kasulukuyang binabagtas papasok ang lugar na tila isang laboratoryo noong una. Bagamat may pangambang nararamdaman si Aurora mas pinili na lamang nitong manahimik, sapagkat tila ba pakiramdam ng dalaga na kahit na anong magyari alam nitong hindi magdadalawang-isip si Xenon na iligtas ito sa anong problemang mangyari sa pagpunta nila sa abandonadong laboratoryo. Sa muling pagbalik ng dalaga sa abandonadong lugar hindi pa rin mawawala rito ang kakaibang takot na baka pati ang binatang si Xenon ay madamay pa sa gulong dala nito. Bukod dito, hindi pa rin maalis sa isipan ng dalaga kung paano ito napunta sa taong 2018.
Sa hindi malamang dahilan kaagad na nakaramdam ng kakaibang takot ang dalaga sapagkat hindi nito alam kung paano sasabihin kay Xenon ang katauhan nito. Bukod dito, natatakot din ang dalaga na baka ipagtabuyan ito ni Xenon kapag nalaman ng binata na hindi naman talaga ito nagmula sa taong 2018. Sa isipin pa lang 'yon kaagad na nakaramdam ng kakaibang lungkot ang dalaga kapag tuluyang lumayo sa piling nito ang binata.
“Ano pa nga ba ang dapat kong malaman?” piping tanong ng dalaga sa sarili habang tahimik na sinusundan ang binatang si Xenon.