Kabanata 2

3260 Words
Nakarating ako sa bahay nang gabi na. Naabutan ko si Tatay na nag-iinuman sa harap ng bahay kaya binilisan ko ang lakad ko pero napansin pa rin ako ni Tatay at tinawag ako. "Pulutan ba 'yang dala mo?" Tanong niya kahit obvious naman na mansanas ang laman ng plastic. "Mansanas ni Paula ito, Tay." "Mansanas? Pwede ng pamulutan 'yan. Ipanghiwa mo nga kami. Paki-lagyan na rin ng asin," lumagok siya ng kaniyang alak. Wala silang pera kaya siguradong nanguha sila ng pera galing sa inutang ko. "Hindi pwede, Tay. Iilan lang po 'to at para kay Paula para madagdagan ang lakas niya." Pinaningkitan niya ako ng mata. "Napakadamot mo! Ibili mo na lang kami ng pulutan kung gano'n! Dalian mo bago pa mainip itong mga bisita ko. 'Wag mo 'kong ipahiya." Hindi ako sumunod. Nagtiim bagang ako at tinalikuran sila. Sinigaw-sigawan ako ni Tatay sa pagiging bastos ko raw pero wala akong pake. Pagpasok ng bahay nasa kusina si Nanay na naghihiwa ng mga gulay. May mga karne at manok pa sa mesa. Lumingon ako sa paligid para hanapin ang mga gamit na dapat ay naiayos na para sa pagpunta sa hospital pero wala. "Nay, akala ko ba aayusin mo na ang mga dadalhin? Hindi pa ba tayo aalis ngayon?" Hindi siya nag-angat ng tingin at patuloy lang sa paghiwa. "Pinabalik ko 'yong albularyo kanina. Kinulam daw ang kapatid mo kaya nagkakaganyan, ilang ritwal lang daw ang gagawin niya at gagaling na siya. Isang libo lang ang bayad kada session." Bigla akong nakaramdam ng galit sa puso ko sa narinig. Humigpit ang hawak ko sa plastic. "Anong albularyo?" Padabog niyang binagsak ang kutsilyo at tinitigan ako na puno ng pagkairita. "Oh, anong problema mo?" "Hindi ba malinaw na sinabi ng Doctor na may sakit siya at hindi gawa-gawa lang ng kung sino? Bakit ka biglang naniwala sa albularyo! Doctor ang kailangan ni Paula, Nay!" "Huwag mo kong sigawan! Alam ko ang ginagawa ko. Tingin mo pababayaan ko 'yang anak ko? Hoy, mas gugustuhin kong ikaw ang mawala kesa sa kaniya," inis na sagot niya Natawa ako at blanko siyang tinignan. Sino nga ba itong kaharap ko? "Sa ginagawa mo mas malaki ang tyansa niyang mawala. Akin na ang pera. Ako ang magdadala sa kaniya sa Doctor." Mahal niya si Paula pero makitid ang ulo nila. Mas importante ang pera. Iyon ang nakikita ko kung bakit pinagkatiwala niya si Paula sa isang albularyo lang. Ayaw niyang gumastos ng napakalaking halaga para sa therapy na kailangan ni Paula. Ewan ko kung paano nila natitiis na naghihirap ang nasa paligid nila para lang sa sariling kaluhuan. Tinalikuran ko siya. Pinasok ko ang kwarto nila ni Tatay para hanapin ang pera. Hindi ko dapat ipinagkatiwala sa kanila ang perang iyon. Akala ko kasi ay mas magmamalaaakit sila dahil buhay na ang pinag-uusapan pero hindi pala. Binuklat ko ang lahat ng pwedeng pagtaguan ng pera. Narinig ko ang pasunod ni Nanay at isang malakas na hampas sa ulo ang natamo ko mula sa kaniya. "Gaga ka! 'Wag kang nagpapaniwala sa mga Doctor. Mas mainam ang albularyo-" "Mas mainam para sayo dahil hindi magagalaw ang perang inaangkin mo! Hiniram ko 'yon para kay Paula. Handa akong isangla 'yong kaluluwa ko para lang sa pera na 'yon kaya huwag na huwag niyo akong pagbabawalan sa kung anong gusto kong gawin sa pera dahil akin iyon!" Sigaw ko pabalik habang matalim siyang pinasadahan ng tingin. Namilog ang mata niya sa gulat dahil ito ang unang beses na nagtaas ako ng boses sa kaniya. Hindi ko pinansin ang reaksyon niya. Lumipat ako sa isang drawer at natagpuan doon ang case. Nilabas ko ang pera at hinarap si Nanay. "Nahihirapan na si Paula pero nagagawa niyong isawalang bahala ang kalagayan niya. Kunwari ka pa na mahal mo 'yong paborito mong anak pero kung tratuhin mo siya ay parang ganito lang sa akin. Takot ka na mawala siya pero nang maningningan ang mata mo ng pera ay bigla mong naisip na hayaan siya sa taong wala namang pinag-aralan tungkol sa medisina. Gaano ka ba kawalang kwentang ina?" Ngumisi siya at marahas akong hinablot sa buhok bago tinulak ako palabas ng kwarto. "Hala sige! Gawin mo ang gusto mo. Ang lakas ng loob mong pangaralan ako? Anak lang kita!" Sinamaan ko siya ng tingin. "Gagawin ko talaga ang gusto ko! At iyon ay ang bagay na dapat ginawa niyo na kanina pa, hindi iyong may paluto-luto at painom-inom pa kayo na parang may celebration!" Natawa siya. Narinig ko naman ang sigaw sa akin ni Tatay na nakapasok na pala ng bahay. Lasing na ito at dala ang bote ng alak. Umismid ako. Kinuha ko ang pera at ang plastic ng mansanas sa lapag bago tinakbo ang kwarto ni Paula. Idadala ko na siya sa hospital kahit pa gabi na. Pagpasok ko ay tulog siya kaya agad akong lumuhod para gisingin ito. "Paula, halika na pupunta na tayo sa hos-" natigilan ako nang maramdamang malamig ang kamay nito at naninigas. Nanlamig ang buong katawan ko at halos tumigil sa pagtibok ang puso ko. Napadiretso ako ng luhod. "P-paula?" Nilagay ko ang aking kamay sa likod ng tenga niya. Pinakiramdaman ko pa ang pulso niya. Hindi na siya humihinga. Nag-iiba na rin ang kulay ng balat niya. Nalaglag ang panga ko at labis na pagkatakot ang naramdaman. Bigla akong pinanawan ng wisyo. Huminga ako ng malalim at pilit na nirehistro ang nangyayari. Hindi. Hindi! Hindi pa siya patay. Hindi niya ako iiwan. Lumapit ako para iyogyog siya. "Paula, gising ka na. 'Wag mong biruin si Ate. Dala ko na 'yong mansanas mo. Gumising ka na ipangbabalat na kita tapos sawsaw mo sa patis." Walang gumising na Paula kaya hinawakan ko ng mahigpit ang kamay niya at hinalikan. "Bunso, diba sabi mo lalaban ka? 'Wag ganito. G-gising ka na." Nabitawan ko ang hawak kong supot ng mansanas para hawakan niya sa katawan. "Paula, Ito naman saglit lang naman ako nawala. Gising na baby." Ang pabulong kong pagmamakaawa sa kaniya ay paunti-unting nagiging sigaw at hagulgol. Hindi ko matanggap. Hindi man lang niya ako hinintay na makabalik. Binuhat ko siya at niyakap ang matigas na niyang bangkay. Umiyak ako ng malakas at paulit-ulit na tinawag ang pangalan niya. "P-paula." Naging mabilis ang mga pangyayari. Namatay si Paula at ngayon ay nasa harap ako ng kabaong niya. Parang kahapon lang binabasahan ko pa siya ng paborito niyang komiks. Hindi na raw niya kinaya ang sakit. Ang daming naging komplikasyon. Wala na rin daw pag-asa kahit pa naidala ng maaga si Paula sa hospital pero hindi iyon dahilan para maging tama ang inakto nila Nanay. Hindi magbabago na sila ang sisisihin ko sa pagkamatay ni Paula hanggang sa kamatayan ko. Unang araw ng burol ni Paula pero wala si Tatay. Nasa kabilang bahay nakikipag-inuman. Si Nanay naman ay nasa harap, sinasalubong ang mga kamag-anak na makikiramay. Hanggang ngayon ay hindi ko siya matitigan nang hindi nagngingitngit ang galit ko. Maging siya rin naman ay yamot sa akin. Wala ng bago roon. Bigla kong naalala ang pagsigaw ko sa kaniya kanina na naging dahilan kung bakit namamaga ang pisngi ko. Sinampal niya ako at sa akin binuhos ang galit. Hinayaan ko siya dahil wala akong lakas. Para akong nauupos na kandila. Nang makarating kami sa bahay at nabawi ko ang wisyo, halos ayaw ko siyang palapitin kay Paula. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tumitigil sa pag-iyak. Simpleng puting bistida lang ang pinasuot namin sa kapatid ko dahil ayaw kong bawasan ang perang inutang ko. Balak kong ibalik na iyon. Wala naman na ang dahilan kung bakit ko iyon hiniram. Sa mga funeral expenses naman ay nag-ambagan ang mga kamag-anak ni Nanay at Tatay. Ang mga abuloy naman ang gagamitin sa pagbili ng lupang paglilibingan nito. Hinaplos ko ang kabaong ng kapatid. Pinagmasdan ko kung gaano kaganda ang batang ito. Mas maganda siya dahil hindi na ito nahihirapan. Humikbi ako habang yakap siya. May mga kamag-anak na tumatapik sa akin habang pinaparating ang kanilang pakikiramay. Hindi ko rin mapigilang magalit sa kanila. Kung noon sana ay nag-ambag ambag na sila para sa pangpagamot ni Paula ay sana kahit papaano ay naibsan ang paghihirap ng kapatid ko pero wala, mas gusto nilang tumulong sa patay kaysa sa buhay. "Kawawang bata. Nakikiramay ako Andra," saad ng Tita ko. Nasipat ko ang paglaglag niya ng isang libo sa box ng mga abuloy. Kumuyom ang kamay ko. Mula umpisa ay hindi niya naisipang magbigay ng simpatya at tulong. Maganda ang kabuhayan nila sa kanilang palaisdaan. Simpleng pambili ng gamot ay hindi kami naabutan kahit halos tumira na ako sa labas ng bahay nila para magmakaawa. Sobra ang mga tao. Wala pa ata akong nakikilalang tunay na tao. Napakahalaga ng pera para sa mga tao. Sa sobrang halaga ay nagdudulot na 'to ng pagkasakim pagiging gahaman. Hindi ako sumagot sa pamilya ng kamag-anak. Tumingin ako sa b****a ng aming pinto dahil may isang tao akong gustong makita. Hindi ko alam kung nabalitaan na ni Wally ang nangyari pero hinihintay ko siya. Kailangan ko ng taong magpapagaan ng loob ko dahil baka hindi ko na kayanin. "Tinago ko na ang pera. Ibabalik ko 'yon sa pinaghiraman ko." "Andra," tawag ni Tatay na pasuray-suray na naglakad papasok ng bahay. Mag-uumaga na at ngayon lang sila natapos sa pag-inom. Umirap ako at hindi ito pinansin. Inayos ko ang mga kandila sa gilid ko. Wala ng mga tao sa oras na ito kung hindi kami na lang na mag-anak. Si Nanay ay mukang natutulog na. Wala akong balak matulog. "Andromeda," ulit na tawag ni Tatay na nakapagpatigil sa akin. Ang boses niya ay may kakaibang tono. Sunod kong narinig ay ang pagtunog ng lock ng aming pinto kaya agad akong napabaling dito. "T-Tay... Hindi pwedeng isara ang pinto-" "Kamukang-kamuka mo talaga si Leinea." Nagulat ako sa binanggit niyang pangalan. Hindi iyon ang pangalan ng nanay ko pero parang napakapamilyar. Luminga ako kay Tatay pero napapitlag ako dahil sobrang lapit na nito sa akin at parang baliw na nilalanghap ang buhok ko mula sa likod. Matagal na ang ganitong gawain niya at alam kong hindi normal iyon. Hindi ko 'yon gano'n pinagtutuunan ng pansin dahil wala naman siyang ibang ginagawang mas nakakalapastangan. Natakot ako sa pagkakataong ito dahil iba na ang mga titig niya. Inangat niya ang kamay para hawakan ako kaya maagap akong umatras. Nagalit siya sa ginawa at sa pagkakataong ito ay naging maagap at marahas siya. Hinablot niya ang magkabilang braso ko bago ako sinubukang halikan sa leeg. Sumigaw ako ng tulong at hinanap si Nanay. Pumiglas ako pero walang nangyari. Napahiyaw pa ako nang lumapat ang labi nito sa balat ko. Halos masuka ako sa pandidiri. "Nay! Nay! Si Tatay po! Tulong!" Umaasa akong magkakaroon ng malasakit ang mga kapit bahay namin. Umaasa pa rin ako kahit alam ko naman ng hindi sila mag-aaksayang makinig ng palahaw ng kahit na sinong nakatira sa bahay na ito. Ayaw nila sa pamilya ko. Wala sa baryong ito ang may gusto sa pamilya ko dahil tingin nila sa amin ay pamilya ng mga mangkukulam. Ngayong burol nga ay hindi man lang sila sumilip. Nang mapunit ang damit ko sa kakahablot ni Tatay ay nilakasan ko ang loob kong sipain siya palayo sa akin. Namuo ang galit sa mata nya kaya inabot niya ako ng masakit na sampal. "Pinalaki kita, sa akin ka dapat! Ikaw ang regalo ni Leinea sa akin kaya halika dito't pasarapin mo 'ko!" Pinatalikod niya ako at sinubsob sa mesa kaya nagsipaglaglagan ang gamit doon. Ang lakas ni Tatay kaya hindi ako makakawala. Akala ko wala ng pag-asa kaya umiyak na lang ako. Lumingon ako sa kabaong ng kapatid. Napakawalang moral ni Tatay. Gagahasain niya ako sa tapat ng patay na anak niya. Nag-umapaw ang galit ko. Wala na silang tinulong na mabuti ni Nanay sa buhay ko at ni Paula. Mga walang kwentang tao. Hindi ko alam kung anong nangyari pero nakita ko na lang ang sarili ko na nakapiglas sa pagkakagapos ni Tatay. Natulak ko siya palayo ng walang kahirap-hirap. Hindi ko na naisip kung paano ko 'yon nagawa dahil mas inuna kong tumakbo palayo. Sobra ang panginginig ko. Tumakbo ako na nakapaa lang at hindi ininda ang gumuguhit na sakit sa talampakan. Kahit nasa kabilang barangay pa ang bahay ng nobyo narating ko iyon ng walang kapagod-pagod. Hindi man lang ako hiningal. Narating ko ang bahay nila ng mabilis. Alam kong madaling araw na at siguradong nagpapahinga na ang buong pamilya niya pero kinalabog ko pa rin ang pinto nila. Siguradong maiimbyerna ang nanay niya na makita ako. Kinalabog ko pa ng mas malakas ang pinto nang walang sumagot. Umatras ako nang padabog din itong bumukas. Tama nga ang hinala ko. Ang nanay niya ang bumungad. Agad gumuhit ang pagkairita sa mata niya nang ako ang masilayan niya. Pinasadahan niya ng tingin ang katawan ko. Nakaramdam ako ng konting hiya dahil alam kong punit ang pang-itaas kong damit ngayon at ang naging reaksyon niya ay sapat na para malaman na iba ang iniisip niya sa punit kong damit. "Anong kailangan mo?" "Andiyan po ba si Willie? Gusto ko sana siyang makausap." "Burol ng kapatid mo pero nasa labas ka't naglalandi. Tapos isusunod mo ang anak kong kitain. Dyos mio, buhay pa kayo sinusunog na kayo sa impyerno." Kinagat ko ang labi. Alam ng lahat ng taga isla ang pagkamatay ng isa sa miyembro ng pamilya namin at wala man lang ni isa ang nagbigay ng pakikiramay. Siguradong alam na rin ni Willie pero bakit hindi man lang siya bumisita? "Si Willie po?" "Napakabastos pa," bulong niya. "Nasa loob. Kasama ang nobya niya. Natutulog. May tanong ka pa?" Gusto niyang maghiwalay kami kaya Hindi ako naniwala sa sinasabi niya. "Gusto ko pong makausap si Willie," ulit ko pa. Ngumisi siya bago umatras para igaya ako sa loob at ginawa ko namang pumasok. Unang beses ko pa lang na makakapasok sa bahay nila pero tinuro ng babae ang isang pintong nakatabing lang ay kurtina. "Ikaw mismo ang tumingin. Ang kapal naman ng muka mo para isipin na seseryosohin ka talaga ng anak ko," aniya sa likod ko. Hindi ako nakalapit sa kwarto dahil biglang may lumabas na babae mula roon. Iyong katrabaho niya sa botika. Doon pa lang alam ko ng totoo ang chismis. Kumuyom ang kamay ko. Mga hayop. Sa sobrang galit ko tumulo na lang ang luha ko at humahangos na lumabas ng bahay. Rinig ko ang panunuyang tawa ng dalawa. Tumakbo ako nang tumakbo. Narating ko ang malamig na batis sa dulo ng isla. Umiyak ako ng malakas sa labis na sakit na nararamdaman. "Mga hayop!" Sigaw ko. Naglikha pa ito ng alingawngaw. Bakit ko 'to nararanasan? Wala naman akong ginawang kahit anong mali sa buong buhay ko. Gusto ko lang naman na maging maayos ang buhay namin ng kapatid ko pero bakit walang pinto para sa pangarap kong iyon? Wala na ang kaisa-isang taong kakampi ko. Ngayong wala na siya, anong saysay pa na magpatuloy akong mabuhay? Tumingin ako sa banda kung saan may malalim na parte. Hindi ako marunong lumangoy kaya siguradong ikamamatay ko ang pagkalunod kung tatalon ako. Humakbang ako papalapit doon habang iniisip ang mga maling nagawa ng mga tao sa paligid ko. Nababalot man ng sakit ang puso ko, mas nangingibabaw ang galit. Bigla kong binawi ang nais na pagpapatiwakal. Hindi ko sila dapat hayaang maging maayos ang buhay habang ako ay miserable. Kung mawawala ako ngayon, mas magiging masaya sila. Hindi ako papayag. Nilakasan ko ang loob kong bumalik sa bahay para kunin ang pera. Wala akong naabutan sa bahay kung hindi ang kabaong ng kapatid habang katabi si Nanay na nagkakape. Pinasadahan niya lang ako ng tingin. Walang pake kung anong itsura ko. "Umalis na ang tatay mo dala ang mga gamit niya," bungad nito. Hindi ko siya pinansin. Dumiretso ako sa pinagtaguan ng pera. Kumuyom ang kamao ko nang makitang kalat-kalat na ang gamit ko. "Dala niya ang mga pera sa bag. Hindi ko na siya napigilan dahil nakasakay na siya ng trike kanina. Iniwan niya na ako. Lahat kayo ay iiwan na rin ako," walang buhay na saad ni Nanay bago natawa ng mapakla. "Dapat ginawa mo na lang ang gusto niya para hindi na siya umalis!" Bigla naman niyang sigaw. Pumikit ako ng mariin. Mas nadagdagan ang galit ko. "Nangyayari ang mga 'to dahil wala kang kwentang tagapagtaguyod ng pamilya!" Sigaw ko. Ngumisi lng siya bago sumimsim sa mug niya. Natawa ako sa kawalang simpatya niya. "Maging mahaba sana ang buhay mo para mas matagal na mag-isa ka lang sa buhay at habang buhay kang magsisisi na hindi mo pinahalagahan ang pamilya mo! Habang buhay ka sanang masaktan at hihilingin mo na lang ang kamatayan pero lalayo 'yon sa'yo!" Buong puso kong sabi. Umihip ang malakas na hangin mula sa bukas na pinto. Nabitawan ni Nanay ang mug niya at nanlalaki ang kaniyang mata na nakapukaw sa akin. Dumaan ang panandaliang takot pero ilang segundo lang iyon. Umawang din ang bibig nito. Padabog siyang tumayo sa upuan niya at tinuro ang pinto. "Lumayas kang malas ka! Demonyo! Ikaw ang may dala ng kamalasan sa buhay ko!" Umalis ako ng bahay na warak at gustong-gustong mabuo. Gusto kong mamatay pero hindi ang kamatayang lilisanin ang katawan ko. Panandalian akong nawala sa sarili at naglakad-lakad kung saan. Habang naglalakad pinapaalab ng isip ko ang galit ko para sa lahat. Sa nobyo kong niloko ako. Sa Nanay kong kahit kelan ay hindi ako tinurin na tao. Sa Tatay kong halang ang bituka at sa lahat ng tao rito sa baryo. Kinamumuhian ko ang lahat. Bigla kong naisip ang pulang mansyon. Kahit nakakatawa ang idea ay pinili kong maniwala sa sinabi ng lalaki. Kaya niyang tumupad ng mga hiling. Hindi ko na rin naman mababayaran ang pera kaya lulubusin ko na ang kung ano mang hilingin niyang kapalit. Nakakabilib na narating ko ang mansyon na nakayapak lang. Sa totoo lang trenta minuto ang byahe gamit ang trike kung mula sa aming bahay kaya talagang malayo ang lugar na ito pero narating ko. Ganito ata talaga pag nawawala na sa sarili. Mag-uumaga na. Nakikita ko na ang pasilip na sinag ng araw. Gaya no'ng una, diretso akong pumasok sa gate. Kumatok ako sa main door at gaya ulit ng una, bumungad sa akin ang magandang babae. Pareho ang suot niya sa unang beses ko siyang nakita. "Hi! Bumalik ka. You need my Dad again?" Malawak niya akong nginitian. Parang alam niya ang pagdating ko. Ni hindi siya mukang bagong gising sa sitwasyong 'to. "And, oh.. your shirt is ripped. I have spare clothes," sita niya sa damit ko. Inayos ko iyon. Hindi naman gano'n kasira. "Hindi na. Kailangan ko ng makausap ang Daddy mo." "You know your way. And also, sorry for your lost." Tatanungin ko sana kung para saan iyon, pero mukang tungkol iyon sa kapatid ko. Hindi na ako nagtaka kung paano niya nalaman. Hindi sila tao. Iyon ang sigurado. Tumango ako at dumiretso sa office ng Daddy niya. Pagbukas ko ng pinto naroon siya sa mesa niya. "You came empty-handed," aniya at pinaikot ang ballpen sa kamay niya. "Hihiling pa ako at tatanggapin ko ang kapalit," buong loob kong saad. Unti-unting lumawak ang ngiti nito. "Hindi mo ba muna aalamin kung anong kapalit ng una mong hiniram?" "Kahit kaluluwa ko pa 'yan, wala akong pake. Kailangan ko ng panibagong hiling," madiin kong saad. Walang emosyon, puno ng galit at puot akong tumingin sa mata nya. Parang natuwa pa ito sa enerhiyang binibigay ko kaya labis ang ngiti nito. Sawang-sawa na ako sa buhay ko. Hindi ko nga masasabing nabuhay nga talaga ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD