"Manong bayad po." Inabot ko ang kinse pesos na barya sa driver ng tricycle na pinagsakyan ko.
Iyon na ang pinakahuling pera ko. Ubos na ubos na ako at hindi na alam kung anong mangyayari kapag wala akong napala sa lugar na ito.
Saglit na nagmasid ang driver sa napakalaking bahay sa harap namin. Sunod niyang inusisa ang paligid bago hilaw na ngumiti sa akin at tinanggap ang bayad ko.
"May nakatira ba riyan ineng? Parang haunted ang lugar na ito. Nakakataas ng balahibo," komento nito at napapangiwi pa.
Ngumiti naman ako bago tumango.
"Opo meron, sa katunayan nga ay Lolo ko ang care taker ng masyon na 'yan."
Napaawang ang bibig nito habang tumatango.
"Gano'n ba? Habang tinitignan ko ang bahay na 'yan bigla kong naalala 'yong kwento-kwento sa baryo natin noon. Ito pala iyong sinasabing pulang mansyon."
Nilingon ko ulit ang mansyon. Tama nga siya na pula ang mansyon. May iilang marka na ng katandaan dahil ang kwento sa akin ng Lolo ko ay nakatayo na iyan bago pa magsimula ang kahit na anong gyera sa mundo.
"Hindi ka naman siguro naparito para mangutang ng pera o mag-alay, ano?" Pabiro niyang tanong. Nanlaki ang mata ko at umiling-iling.
"Nako, hindi po. Bibisitahin ko lang 'yong Lolo ko. May sakit kasi, ayaw naman umuwi dahil wala raw magbabantay sa mansyon."
Hindi siya mapakali sa pagtingin sa masyon kaya napapakamot ako sa pisngi ko dahil mukang marami itong gustong sabihin. Pinagdiin ko ang dalawang labi habang nakangiti.
"Ang sabi puntahan iyan ng mga taong gustong yumaman. May ibang nagsasabi na binebenta ang kaluluwa kapalit ng ginto. May iba na nanghihiram ng pera at kapag hindi nakabayad bigla nalang nawawala. Pero kwentong barbero lang naman ang mga iyon kasi sabi naman ng Tatay ko pagkalipas ng ilang taong pagkawala nahahanap naman ang mga nawala."
Hilaw akong napatawa.
"Baka nasasaktuhan lang po na nagpapasyahan nilang magpakalayo-layo. Nako, ang mga tao talaga kung ano-ano ang mga konklusyon ang ginagawa para lang mabigyan ng paliwanag ang isang bagay."
"Tama. Oh siya sige, aalis na ako. Mag-iingat ka rito ha?" Paalam nito at pinaandar na ang sasakyan.
Nakangiti ako hanggang sa mawala sa paningin ko ang driver. Nang malayo na ito ay nawala ang ngiti ko.
Sikat pala ang kwentong iyon sa baryo namin. Matagal ko lang alam ang kwentong iyon, hindi ko lang binibigyan ng atensyon dahil hindi ako naniniwala. Hanggang ngayon naman ay hindi ako naniniwala kahit naparito talaga ako para mangutang.
Kailangan kasi ng bunsong kapatid ko ng pera pampaopera ng kidney. Malala na ang sakit niya at wala kaming sapat na pera para sa gastusin ng hospital. Idagdag pa na kaaway ng pamilya namin ang may-ari ng pinakamalapit na hospital rito kaya ginigipit kami at hindi man lang mapagbigyan na isusunod nalang ang bayad para sa gamutan.
Wala akong trabaho dahil ayaw ng mga tao sa pamilya ko. Isang kulto raw kasi kami at walang pinaniniwalaang Diyos. Mahirap ang gobyerno namin kaya hindi rin kami makahingi ng tulong doon. Ito nalang ang huli kong pag-asa.
Kahit totoo ang kwento nilang kapalit ng ginto ay ang kaluluwa ko, wala na akong pake.
Totoong dito nagtrabaho ang Lolo ko mula binata ito. Inalay niya ang buhay rito at walang kahit na anong sinabi tungkol sa mansyon. Naging tahimik ito, walang impormasyon tungkol sa amo nito o kung ano mang itsura ng loob ng bahay. Naalala ko noon na sinabi niyang hindi niya maaaring ipagsabi sa kahit na sino ang mga nangyayari sa mansyon. Naging tapat naman siya sa tungkulin niya dahil literal na wala itong sinasabi pagtapos ng trabaho niya araw-araw.
Bago mamatay ang Lolo sinabi nitong kung kailangan ko ng tulong, pumunta lang ako sa mansyon na ito at sabihin na ako ang apo niya. Siguro ay may reward akong makukuha sa nagawa niyang tapat na serbisyo sa mga amo nito. O hindi kaya'y madali akong mapapahiraman ng pera dahil sa Lolo ko.
Humarap ako sa mansyon. Tama ang driver na nakakataas ng balahibo ang lugar na ito pero hindi naman ako natatakot. Mas natatakot akong mawala ang bunso ko.
Kumunot ang noo ko dahil muka namang walang tao. Hindi ko sigurado kung may naninirahan pa rito matapos mawala ni Lolo. Isang buwan na siyang patay dahil sa katandaan at mga komplikasyon. Nakatanggap naman siya ng medyo malaking halaga mula sa may ari ng bahay na ito pero ang sobra sa perang iyon ay pinaghati-hatian ng mga sakim na kapatid ni Lolo. Walang natira sa amin kung hindi ang kakarampot na abuloy.
Ito na ata ang pinakamalaking bahay sa buong probinsya namin. Grabe ang laki ng gate at mukang ilang metro ang layo ng lalakarin bago makarating sa pinaka-main door.
Lumapit ako sa tingin ko'y door bell. Sinubukan ko iyon pindutin pero bigla nalang nakalas at nagkapira-pirasong nalaglag. Ngumiwi ako. Hindi naman ako pwedeng sumigaw ng 'tao po' dahil sa grabeng distansya ng bahay mula sa kinatatayuan ko.
Sinubukan kong tignan kung naka-lock ba ang gate pero wala namang kahit anong kandado ro'n kaya binabuti kong pagbuksan nalang ang sarili ko. Mukang trespassing ang gagawin ko pero patatawarin naman siguro ako ng may ari kung sasabihin kong apo ako ng dati nilang care taker.
Maliwanag naman ang paligid pero nakakatakot ang katahimikan ng buong paligid. Ni huni ng mga ibon ay walang maririnig. Nilakad ko ang gitna pero panaka-naka ang paglingon ko sa paligid. Maganda ang landscape ng lugar. Ang mga bulaklak ay malulusog at matitingkad ang mga kulay. Ang mga bermuda grass ay sakto lang ang haba na parang hindi pinapabayaan.
May fountain pa sa gilid kaya habang papalapit ay naririnig ko ang paglagaslas ng tubig. Mas binilisan ko pa ang lakad kaya nakarating din ako agad sa elegante at lumang main door ng mansyon.
"Tao po?" Tawag ko sabay katok sa matigas na pinto. Napapasilip pa ako sa bintana sa gilid para tignan kung may tao.
"Tao po, may tao ba riyan? Kailangan ko lang po kasi ng tulong. Tao po?"
Ilang beses pa ako kumatok at bawat ulit ay palakas nang palakas ang pwersang ginagawa ko.
Walang nagbukas kahit anong tawag ko kaya bumuntong hininga ako. Isa pang katok ulit ang ginawa ko at napaatras ako dahil biglang nagbukas ang double door.
Niluwa nito ang isang magandang babae na naka-dress. Para itong a-attend ng isang tradisyonal na pagtitipon. Napakasimple ng ayos nito at wala akong makitang kahit na anong kolorete sa muka. Anak kaya ito ng may-ari?
Parang natigilan pa ito nang mabungaran ako. Pumikit siya at kasabay nito ay ang paghinga niya ng malalim. Kalaunan ay tinignan niya ako at ngumiti.
"Kailangan mo ng tulong? Halika," imbita niya sa akin. Pumasok ako sa loob kaya ng gusto niya.
Napaikot ang paningin ko sa paligid ng buong bahay nang makapasok ako. Akala ko ay makaluma ang pagkakaayos ng mga gamit at luma ang mga mwebles pero nakakagulat na napaka moderno ng mga gamit at desenyo.
Kung anong nakikita ko sa mga sikat na magazine na desenyo ng interior ay ganitong-ganito. Mga moderno rin ang gamit. Malayo sa itsura ng labas ng bahay ang loob.
"Alam ko ang iniisip mo. It's surprising right? Iniisip ng mga tao na abandonado ang mansyon na ito pero malaking hindi. Marami ng tao ang napalaki ng bahay na ito. That includes me. Maupo ka muna."
Lumapit ako sa tinuro niyang sofa at naupo roon. Ang lambot ng upuan nila.
"Tama ka," pagsang-ayon ko.
Ngumiti siya ng malawak na parang proud na proud sa bahay nito. Muka siyang masiyahin. Nakakatuwa.
"Ako nga pala si Adeila. Ikaw? Anong pangalan mo?"
"Ako? Andromeda ang pangalan ko pero ang madalas na tawag sa akin Andra."
Hinawi niya ang mahabang buhok. Saglit niya akong sinuri kaya medyo nailang pa ako.
"Sabi mo, kailangan mo ng tulong? What exactly is it? Money? Job? Anything, just name it."
"Ang sabi kasi ng Lolo ko, lumapit ako rito sa mansyon kung may kailangan ako. Kailangan ko kasi ng pera, hihiram sana ako pangpaopera ng bunso kong kapati-"
Pinutol niya agad ako.
"Money! No problem! Halika, hanapin natin ang Daddy ko."
Medyo nanliit ang mata ko. Gano'n kadali? Pahihiramin ako agad?
Hinawakan niya ako sa kamay at nagulat ako sa lamig na naramdaman mula sa balat niya. Hinila niya ako patayo at naglakad sa isang hallway. Nakatingin lang ako sa kamay niyang nakalapat sa balat ko habang naglalakad kami at napansin niya iyon.
"Malamig ako? Galing kasi akong kwarto. Nakabukas ang aircon buong araw."
Ah, kaya pala.
"Sinong Lolo nga pala ang sinasabi mo? Si Manong Simon ba?"
"Oo, wala na kasi akong ibang mapupuntahan kaya sinunod ko nalang ang sinabi niya bago mamatay."
"Gano'n? Tama naman ang desisyon mo. Ito ang ni Daddy. Pasok ka na, hindi na kita masasamahan." Tinuro niya ang itim at mataas na pinto.
"Andyan ang Daddy mo sa loob?"
"Oo, katok ka lang tapos pumasok ka na."
Tumango ako sa kaniya at nagpasalamat bago siya umalis. Kinagat ko ang labi ko bago sinubukang kumatok. Dalawang katok lang ang ginawa ko bago ako nakarinig ng boses mula sa loob.
Binuksan ko ang pinto dahil 'pasok' ang pagkakaintindi ko sa sinabi ng boses.
Pagpasok bumungad sa akin ang malawak na opisina na puno ng mga libro at mga antique na bagay.
"Magandang umaga po," pagbati ko malawak na ngiti ang ginawad sa akin ng medyo may kaedaran na lalaki.
Iyong ngiti niya ay parang puno ng tuwa na narito ako ngayon sa harap niya. Medyo weird.
"Maupo ka, anong mapaglilingkod ko sa'yo?"
Lumapit ako at inupo sa nilahad niyang upuan sa harap ng table kung saan siya nakaupo.
"Lolo ko po si Simon, 'yong katiwala niyo rito sa bahay na kamakailan lang ay pumanaw. Magbabakasakali sana ako kung pwede akong manghiram ng pera para sa operasyon ng kapatid ko. Bago kasi mamatay ang Lolo nabanggit niya na kung kailangan ko tuloy ay lumapit ako sainyo," walang paligoy ligoy kong sabi.
Sinuri niya ako habang may hawak na ballpen sa kaniyang daliri at pinaglalaruan ito.
"Magkano ang kailangan mo at sa paanong paraan mo ito mababayaran?" Agad niyang tanong. Kung gano'n ay totoong nagpapautang sila.
"Kalahating milyon po sana ang hihiramin ko." Abot langit ang kahihiyan na nararamdaman ko pero kailangan ko talaga ng pera. Kahit ibenta ko ang sarili ko ay gagawin ko.
"Masyadong malaki at komplikado." Parang nagdalawang isip ito. Sabi na nga ba, hindi naman kasi talaga biro ang hinihiram ko.
"Ano bang trabaho mo? Paano mo ako mababayaran?"
Kinagat ko ang labi at kinurot ang mga daliri.
"Wala po akong trabaho pero nag-apply na po ako ng passport ko. Mag-a-abroad po ako at babayaran ko kayo buwan-buwan kapag nakaalis ako. Kung maaari ay magbabayad ako ng pakonti-konti."
Umiling siya. "Ayokong lumalayo ang mga pinapautang ko. Anong malay ko,tatakasan lang ako. Marami nang gumawa sa akin niyan."
Kung gano'n, paano ako makakabayad kung hindi ako magtatrabaho sa malayo? Hindi naman ako pwedeng umasa sa kung anong meron sa maliit naming probinsya.
Napalingon ako sa paligid.
"Ako po ang papalit sa Lolo ko na pangalagaan ang mansyon niyo. Hanggang sa pagtanda ko pagsisilbihan ko kayo. Paki-usap, kailangang kailangan ng kapatid ko ang tulong niyo. Mamamatay siya kapag hindi natuloy ang operasyon niya."
Wala itong pinakitang emosyon kaya tumayo ako mula sa kinauupuan at lumuhod.
"Gagawin ko ang lahat ng gusto niyo. Pwede niyong gawing katulong ang kadulu-duluhan ng lahi namin kung nangangamba kayong tatakas ako. Nagmamakaawa ako, pahiramin niyo ako ng pera."
Gagawin ko ang lahat para sa kapatid ko. Lahat ng paraan para mabuhay lang siya.
"That's not enough. How desperate are you to save your sibling?"
"Kahit ialay ko ang buong buhay ko gagawin ko. Please, pagbigyan niyo ako." Yumuko at at pinagkiskis ang dalawang palad sa pagmamakaawa.
"Fine."
Napaangat ako bigla ng tingin. Tumayo ako at lumapit sa mesa nito. Hindi makapaniwala na totoong pahihiramin ako ng napakalaking halaga.
"Gusto kong nagsasabi ka ng totoo. Hindi iyong gagawa ng kung ano-anong kwento para lang makuha ang gusto. Pero gusto kong ipaalala sa'yo malaki ang interest ng mga bagay na pinapahiram ko."
"Kung ayaw niyo po akong umalis para magtrabaho, sa paanong paraan ako magbabayad kung gano'n?"
Nagkibit balikat siya.
"I don't know, sell anything you have. I don't need anyone in my house as of the moment."
Napakurap ako ng ilang beses. Impossible ang gusto niyang mangyari. Wala kaming ari-arian bukod sa lupang kinatitirikan ng bahay namin.
"Kahit po ata ibenta ko ang lupa at bahay namin hindi po ako makakabayad ng buo. Kukulangin," paliwanag ko.
"Ikaw ang manghihiram, hindi ako ang dapat mamroblema ng bagay na iyan." Tumikom ang bibig ko. Hindi ko siya maintindihan. Ayaw naman niyang mag-abroad ako para makabayad. Hindi ko alam kung paano ako makakabayad pero saka ko na iisipin iyon, uunahin ko muna ang buhay ng kapatid ko.
Tumayo siya para pumunta sa isang kwarto. Nagtagal siya ng halos sampung minuto bago ito lumabas ng may dalawang itim na attache case. Nilapag niya iyon sa harap ko at pinakita sa akin ang perang laman nito.
"Pera lang ba ang kailangan mo? Marami pa akong pwedeng ipahiram. Hiram, hindi ako namimigay."
Bakit parang ang liit na bagay lang sa kaniya ang hinihiram ko at nagawa pa nitong tanungin kung may iba pa akong kailangan bukod sa pera.
"Bukod po sa pera ano pang mga pinapahiram niyo?" Kuryoso lang ako. Wala naman akong balak na ilubog pa ang sarili sa mga bagay na hindi ko naman kailangan.
Ano bang klaseng kompanya o organisasyon ang kinabibilangan nila sa ganitong klase ng serbisyo. Imposible kasing pahiramin niya ako nang napakalaking halaga dahil lang sa Lolo ko. Nanggaling na rin sa driver kanina na kilala sila bilang tagapagpangutang.
"I offer positions. Posisyon sa trabaho, sa gobyerno kahit ano. We do different services, name anything. I can do anything you would ask for but everything has a payment of course."
Kahit ano raw?
Inilahad niya ang kamay para magtuon ang atensyon ko sa pera.
"Kalahating milyon, madali akong kausap pero kailangan mo akong mabayaran pagkatapos ng isang taon-"
"Isang taon po?" Gulat kong tanong.
"May problema ba? Sabihin mo lang kung ayaw mo, hindi ko naman kawalan."
Tumingin ako sa pera.
"Anong mangyayari kapag hindi ako nakabayad pagkatapos ng isang taon?"
"Basta bumalik ka sa susunod na taon, parehong araw ng pagpunta mo ngayon rito may pambayad man o wala. Saka natin pag-uusapan kung paano ka makakabayad pero sa pagkakataon na iyon, hindi na pera ang sisingilin ko."
Doon ko naisip ang sinabi ng driver kanina. Totoo kaya na kaluluwa ang kapalit? Muka namang hindi siya galing sa isang kulto. Buhay ko kaya? Papatayin kaya ako? Para akong nakikipag negosasyon sa isang demonyo.
Bigla akong natakot pero mas nakakatakot kung hindi ko maisasalba ang kapatid sa kamatayan.
Gusto ko sanang tanungin kung totoo ba ang usap-usapan sa baryo namin tungkol sa kanila pero pinigilan ko ang sarili ko dahil parang kawalan iyon ng respeto. Kahit pa totoo ang usap-usapan wala na akong pake.
"Ito ang kontrata. Pirmahan mo. Nakalagay riyan kung ano ang nakuha, ilan ang interest at kung kelan ibabalik ang nahiram. Kapag na-violate ang araw na pinag-usapan magkakaroon tayo ng panibagong negosasyon. Kapag tinakbuhan mo ako, mahahanap kita."
Tinignan ko ang papel na inabot niya. Saglit lang siyang nagsulat doon at nagulat ako na makitang nakasulat ang buong pangalan ko.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?"
Sigurado akong hindi ko sinabi sa kaniya ang pangalan ko.
Ngumiti ito ng matamis at pinaikot ulit ang ballpen sa daliri.
"You are dealing with a devil, Andromeda. Of course I'll know your name."
Gusto kong tumayo at lisanin na lang ang lugar na ito dahil sa sinabi niya. Totoo ang mga kuro-kuro. Hindi naman ako naniniwala pero nakakagulat talaga na alam niya ang pangalan ko.
"Baka naman po alam niyo talaga ang pangalan ko dahil nabanggit ng Lolo ko."
Nagkibit balikat ito. "Dalawa lang ang apo niyang babae. Kung nabanggit man niya ang pangalan mo, paano ko malalaman kung sino ang Andromeda, ni hindi ko pa nga kayo nakikita ng personal? Pwede mo namang isipin ang gusto mo. Basta sinabi ko na sa'yo kung ano ako. I'm no human."
Nagulat ako. Akala ko ay ordinaryong taga pahiram lang siya. Halos tayuan ako ng balahibo sa ngiti nito.
"Bakit sa tingin mo kampante akong magbigay ng pera sa isang tao na hindi ko naman kilala at walang kasiguraduhan kung magbabayad?"
Nanahimik ako. Hindi naman ako nagdadalawang isip. Kahit anong lamang lupa siya ay papatulan ko.
"Kung gano'n, ano ka? Anong klaseng lamang lupa ka? Hindi ka tao hindi ba?"
Tumawa ito at pumalakpak.
"Bilib ako sa'yo. Takot ka pero ang tapang mong nakaharap sa akin ngayon. At para sagutin ang tanong mo, oo hindi ako tao pero hindi mo malalaman kung ano ako. Not yet. Espesyal ka dahil sinabi mong apo ka ni Simon, binigyan na kita ng advance information tungkol sa transaksyon na 'to. Ngayon na alam mo na, kapag kinuha mo ang pera at tinakasan ako, hindi ka makakapagtago. May choice ka pa. Do you still need the money?"
Tinignan ko siya at determinadong tumango. Lumawak ang ngisi niya.
"Good girl. Pumirma ka na."
Inabot niya sa akin ang ballpen. Tinignan ko muli ang kontrata at binasa.
"Hindi mo maaaring ipagsabi ang nalaman mo ngayong araw dahil malalaman ko. At kapag nalaman ko, hindi mo magugustuhan ang kapalit no'n."
Pumirma ako na walang ibang iniisip kung hindi ang maitutulong ng pera sa harap ko. Matapos kong pirmahan iyon ay pinakuha na niya sa akin ang case.
"You can go now. Remember my terms. I'll see you next year?"
Tumango ako. Nilahad niya ang kamay at tinanggap ko naman. Natigilan ako sa sobrang lamig na naramdaman mula sa palad niya. Parehong malamig tulad ng sa babae kanina.
"You have my mark now Andra. It's nice doing business with you."
Pagdating ko sa bahay ay naabutan ko si Nanay na umiiyak sa labas ng bahay. Binundol ako ng kaba kaya lumapit ako kaagad.
"Nay, ano pong problema?"
Natigil ito sa pag-iyak at pinukol sa akin ang nanggigigil na tingin bago ako hinablot ng mahigpit sa braso.
"Saan ka nanggaling? Nahihirapan na nga 'yong kapatid mo, paglalandi pa rin ang inaatupag mo?!" Nanlilisik ang mata ni Nanay. Puno ng inis niya akong pinasadahan ng tingin.
"Nay, naghanap po ako ng pera para kay Paula. Nakahanap po ako ng mauutangan."
Agad niya akong binitawan. Tinignan ni Nanay ang hawak kong case na parang gahol na gahol. Kinuha niya sa kamay ko iyon nang walang sabi-sabi. Pagbukas niya ay bumungad ang mga pera.
"Saan nanggaling ito?" Sinara ni Nanay ang case at nagmatyag pa sa paligid kung may iba bang taong nakatingin.
"May nakilala po akong mayaman na pamilya sa bayan. Nagbakasakali akong makahiram at mababait naman dahil ayan nga, nagbigay."
Naningkit ang mga mata ni Nanay. Hindi ito naniniwala. Hindi naman kasi talaga kapani-paniwala na may magpapahiram ng kalahating milyon ng gano'n-gano'n na lang. Kung sabihin kong panalo ko 'yan s lotto ay mas lalong hindi siya maniniwala dahil wala namang tayaan ng lotto rito sa isla.
"Binenta mo ba ang katawan mo? Paano mo mababayaran ito?"
"Magtatrabaho raw po ako bilang katulong sa kanila. Iyon lang daw ang kabayaran."
Umirap pa ang nanay bago sinuklay ang kulay abo nitong buhok.
"Hindi ako naniniwala sa'yo pero s'ya sige, ikaw naman ang mamomroblema hindi ako. Mabuti naman at may naitulong ka rin sa pamilyang ito."
Winagayway ni Nanay ang kamay na parang pinapalayas ako sa harap nito at tumango lang ako. Tinawag ni Nanay ang Tatay na siguradong nagpapastol ng mga kambing sa likod.
Pumasok ako sa maliit naming bahay para dumiretso kwarto ng kapatid ko. Pagdating ko ay nagmulat siya ng mata na parang alam niya agad na may dumating na tao.
"Kamusta ang pakiramdam mo? Mamaya lang din aalis tayo para mapagamot ka na sa kabilang bayan. Nakahanap na ako ng pera pangpa-opera mo."
Ang nanunuyo niyang labi at namamagang mata ay tanda na labis na siyang nahihirapan sa sakit. Hinaplos ko ang noo nito at ngumiti.
"S-saan ka nakakuha, Ate?"
Hinalikan ko siya sa noo. Sa lahat ng tao rito sa bahay, itong bata na ito lang ang nagmamahal sa akin kaya gagawin ko ang lahat para sa kaniya.
"Secret lang natin 'to ha? Galing ako ro'n sa lumang mansyon sa dulo ng bayan. Doon ako nanghiram."
Bumakas ang gulat sa mga mata nito.
"B-balik mo 'yon, Ate. H-hindi rin naman sigurado.. k-kung gagaling b-ba talaga.. ko."
"Ano ka ba, gagaling ka syempre kasi may pera na tayo. Gagawin ng doctor ang lahat kaya 'wag kang magdududa." Inayos ko ang magulo nitong buhok.
"S-sabi ni Lola sumpa ang m-makipag negosasyon sa pamilyang nakatira ro'n."
"Hindi, pinayagan naman ako na makabayad kahit pakonti-konti. Kwento-kwento lang naman ang mga sabi ng matatanda."
Ngumiti ito at kahit nahihirapan ay humingi siya ng pasensya dahil nagdulot pa siya ng problema sa akin. Nagpasalamat din siya ng maulit-ulit habang umiiyak. Nahihirapan na raw ito at ayaw ng magdagdag pa ng mas maraming suliranin kaya ibalik ko nalang daw ang pera.
"H'wag mo naman akong sukuan. Ikaw nalang ang meron ako. Kaya kong bayaran ang nahiram gumaling ka lang, pangako 'yan. Idadala pa kita sa bayan para makasakay ka sa carousel. Hindi ba gusto mo 'yon?"
Ngumiti siya ng matamis at tumango. Ngumiti rin ako bago dumukwang para halikan ang noo niya.
"Kaya mo pa ba? Laban ka lang ha, magagamot ka na."
Labis na siyang nanghihina na kahit ang pagtango ay nahihirapan ito. Tinignan ko ang katawan niya para suriin kung napalitan na ba ito ng diaper. Kailangan niya kasi ng diaper dahil hindi na niya kayang tumayo. Namamaga na ang kalahati ng katawan niya. Nahihirapan akong makita siyang ganito. Kung naagapan sana at naituloy ang gamutan hindi lalala ng ganito.
Basa ang higaan, indikasyon na nakaihi na ito. Tumayo ako para kumuha ng mga pamalit at nang maasikaso na ang paglilinis sa kaniya.
"Gusto mong ibili kita ng prutas sa palengke?" Tanong ko habang inaasikaso siya.
Ngumiti siya at tumango. Kahit hindi makapagsalita, alam kong excited siya na makatikim ng prutas dahil minsan lang naman siya makatikim no'n dahil medyo may kamahalan. Alam ko rin na paborito niya ang mansanas.
"May gusto ka pa ba?" Dagdag ko pero umiling lang 'to. Huminga ako ng malalim at pinilit na ngumiti.
"Birthday mo na rin sa susunod na linggo. Ibibili kita ng lahat ng paborito mo. Gusto mo ng pizza hindi ba? Tsaka cake?"
Sampong taong gulang na siya ngayong taon pero hindi pa niya nasubukan magkaroon ng cake kaya balak kong bilihan siya.
Tinagilid ko siya para matanggal ang sapin na nabasa. Pinunasan ko rin ang likod niya para hindi matuyuan.
"A-aabot.. pa ba k-ko sa.. birthday ko?"
Natigil ako sa pagtutupi ng kumot na pinalitan saka siya nilingon.
"Ano ka ba? Oo naman, nahihirapan ka na ba? Ipapahanda ko na pala kay Nanay ang service para makaalis na tayo."
"Mamaya n-na. A-antok pa ako, A-ate. B-bili mo muna ako ng m-mansanas, pwede?"
Sinunod ko ang gusto ng kapatid. Matapos ko siya ayusin sa higaan lumabas ako para hanapin si Nanay. Kukuha ako ng pera para pangbili ng prutas ni Paula. Paglabas ko ng kwarto nasa kusina sila ni Tatay nagbibilang ng pera.
"Nay, hihingi lang sana ako ng pera para pangbili ng mansanas ni Paula at ilang gamot niya na ubos na. Tsaka kelan po siya ibabyahe? Nahihirapan na kasi siya."
Sabay sila ni Tatay na nilingon ako. Umirap ang nanay. Ang tatay naman ay masama rin ang titig sa akin. Nahagip ko pa ang malagkit niyang tingin sa katawan ko.
"Sus, idahilan mo pa ang mansanas. Baka kung saan mo lang dalhin." Pinagdiin ko ang dalawang labi para magtimpi sa ina.
"Nay, kung gusto ko pong magkapera at dalhin sa kung saan, binawasan ko na sana 'yan bago ko pa ibigay sa inyo. Kung ayaw niyo akong bumili, edi kayo na lang ho. Tawagan na rin natin si Uncle Danny para maidala na natin si Paula sa bayan."
Padabog na binagsak ni Nanay ang hawak na pera. Kumuha siya ng limang daan at tinapon iyon sa akin.
"Ayan! Ang dami pang sinasabi e."
"Eh, si Uncle Danny? Kailangan nang maidala ni Paula sa hospital. Nagagawa niyo pang bilangin iyan kaysa mag-asikaso."
Dalawa silang pinukulan ako ng matalim na tingin.
"Tapos ko nang tawagan si Danny. Aalis na kami maya-maya lang. Inaayos ko lang itong pera. Ito, makapagsalita porket galing sa'yo 'tong pera mayabang ka na umasta."
"Nagsasabi lang ako, Nay dahil nahihirapan na 'yong bata. Wala akong niyayabang. Ang gusto ko lang mapagamot na agad si Paula at gamitin sa maayos ang pera na 'yan dahil hindi biro maghanap ng pera."
Umirap ang si Nanay at tinalikuran ako para balikan ang pagbibilang ng pera. Wala akong nagawa at pinulot na lang ang limang daan na perang tinapon sa akin.
Anak ako ni Nanay sa pagkadalaga dahil ginahasa siya ng kaibigan niya. Gano'n na lang ang poot niya sa akin dahil kamuka ko raw ang tatay ko at kahit anong mabuting gawin ko hindi na magbabago ang tingin niya sa akin. Minsan nga ay naiingit ako kay Paula dahil mahal na mahal ito ni Nanay. Labis ang atensyon na nakukuha niya samantalang ako ay makikita lang kapag may maling nagawa.
Sumakay ako kaagad ng tricycle para makarating agad sa maliit naming palengke. Doon lang din kasi maaaring bumili ng gamot dahil ito lang ang parmasya sa buong bayan. Inuna kong bumili ng mansanas dahil iyon ang mas malayo bago ako bumalik para bumili naman ng mga gamot. Hindi ko na kailangan ng listahan o reseta dahil kilala naman na ako ng nagtitinda.
Ang nagtitinda ay ang ilang taon ko ng boyfriend na si Wally. Ilang araw kaming hindi nagkita dahil nagkaroon kami ng maliit na tampuhan. Gusto niya kasi ay kitain ko siya sa bahay nila dahil wala raw ang mga magulang niya roon pero hindi ko iyon pinaanyayahan dahil babantayan ko pa si Paula. Hindi niya ako naintindihan kaya nagalit ito na hindi ko naman malaman kung bakit yamot na yamot siya sa hindi ko pagpunta.
Pagdating ko sa pharmacy nakita ko kaagad na nagtatawanan sila ng katrabaho niyang babae. Gusto kong mapairap dahil nakaramdam ako ng konting selos pero mas pinilit kong umintindi. Natural lang na makipagtawanan sa ibang tao. Hindi iyon dapat lagyan ng malisya.
"Wally," pagtawag ko ng atensyon niya.
Agad naman itong napalingon sa direksyon ko. Nawala ang ngiting halos ikapunit ng bibig niya. Parang yamot itong makita ako. Umalis ang babaeng katawanan niya pero bago ito tumalikod nakita ko ang pag-irap niya sa akin.
"Ano? Para sa kaalaman mo, hindi mo ako masusuyo sa pagpun-"
"Bibili ako ng gamot," putol ko sa kaniya.
Akala ata niya ay narito ako para makipag-ayos sa kaniya. Wala pa akong panahon sa bagay na iyan. Mas uunahin ko ang kapatid.
Mas nagbago ang ekspresyon ng muka niya.
"Tig-iisa ba ulit?" malamig niyang tanong.
"Tigdadalawa na."
May sasabihin pa sana ako nang bigla niyang akong tinalikuran para pumunta sa estante ng mga gamot. Nagbago na ang isip ko. Gusto ko sanang ipaalam sa kaniya ang tungkol sa pera pero mukang mas makabubuting sarilihin ko na lang.
"Bago a, dati puro tig-isa. Saan kayo nanguha ng pera?" Kuryosong tanong niya.
Malaking bagay na kasi na nadagdagan ang bilang ng gamot na binibili ko dahil noon ay sobrang kapos at halos lumuhod ako sa tindahan para hayaan akong makautang. Mabuti na lang ay nariyan ang boyfriend ko para minsan ay mapahiram ako kaya kahit papaano ay naitawid ko ang gamutan ng kapatid.
Kaya ganiyan din siya magtanong ay dahil alam niyang walang trabaho ang kahit na sino sa pamilya namin bukod sa akin na umaasa lang sa palaba ng mga kapitbahay. Ang sinusweldo ko ay kulang pa sa isang linggo naming gastusin.
"Nagbenta kasi si Tatay ng kambing. Kaya nakabili muna ng dalawa," dahilan ko.
Tumango-tango ito habang naggugupit ng mga gamot na bibilhin ko.
"Hindi pa ba tayo ok?" Biglang tanong ko.
"Alam mo naman ang kondisyon ni Paula. Walang mag-aalaga sa kaniya kung hindi ako lang."
Tumango siya siya na parang hindi inintindi ang sinabi ko.
"Sa Sabado? Libre ka? Birthday ni Mamang. Ayaw niyang imbitahan ka pero gusto kong pumunta ka. Kapag pumunta ka, bati na tayo."
Maagap akong umiling.
"Aalis kami patungo ng hospital. Ipapagamot na namin si Paula, pasensya na-"
"Iyon na nga lang ang tyansa para makagawa ka ng paraan para magustuhan ka ni Mamang papalagpasin mo pa?!" Padabog niyang binagsak sa harap ko ang mga gamot na naibalot na niya. Ayaw kasi sa akin ng nanay niya.
Hindi ko alam kung saang parte ng salitang kailangan ako ni Paula ang hindi niya maintindihan. Nag-aagaw buhay ang kapatid ko tapos gusto niya unahin ko ang birthday ng nanay niya?
Gusto ko siyang sumbatan na isipin naman kahit minsan ang sitwasyon ko. Sarili niya lang ang iniisip niya. Minsan ginusto kong hiwalayan siya dahil iba na ang nararamdaman ko pero mas inisip ko na parte lang ito ng relasyon. Tsaka marami na siyang naitulong sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kaniya.
Hindi na ako nagsalita at inabot ko na ang bayad. Padarag niyang kinuha iyon at mabilis akong sinuklian. Hihingi sana ako ulit ng tawad pero iniwan niya na ako at pumasok sa loob.
Wala akong nagawa kung hindi umalis. May natira akong bente pesos na sapat para sa pamasahe ko kaya nagtawag ako agad ng masasakyan.
Ilang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Sana matapos na ang lahat.